Seminaries and Institutes
Lesson 146: Paghalili sa Panguluhan


Lesson 146

Paghalili sa Panguluhan

Pambungad

Matapos ang pagkamatay bilang martir nina Propetang Joseph Smith at ng kanyang kapatid na si Hyrum Smith noong Hunyo 27, 1844, naguluhan ang ilang tao sa kung sino ang dapat mamuno sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit bago siya namatay, inihanda na ng Propeta ang paglilipat na ito ng pamumuno sa pamamagitan ng paggawad ng lahat ng susi at kapangyarihan ng priesthood sa Korum ng Labindalawang Apostol. Noong si Brigham Young, na siyang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagsalita sa mga Banal noong Agosto 8, 1844, maraming miyembro ng Simbahan ang tumanggap ng espirituwal na patotoo na siya ay tinawag at inihanda ng Diyos na mamuno sa Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Matapos ang pagkakamartir kina Joseph at Hyrum Smith, may ilang tao na nagsasabing sila ang may karapatang mamuno sa Simbahan

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Kapag namatay ang kasalukuyang Pangulo ng Simbahan, sino ang susunod na Pangulo ng Simbahan? Paano siya pipiliin?

Paano natatanggap ng Pangulo ng Simbahan ang awtoridad ng priesthood na kailangan sa pamumuno ng Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang mga tanong sa pisara. Hikayatin silang makinig sa mga sagot sa mga tanong na ito ngayon habang pinag-aaralan nila ang pagbabago sa pamumuno ng Simbahan na naganap pagkamatay ni Propetang Joseph Smith at ng kanyang kapatid na si Hyrum.

Ipaliwanag na matapos ang pagkakamartir nina Joseph at Hyrum Smith, ikinalungkot ito nang labis ng mga Banal. Naguguluhan din ang ilan sa kung sino ang mamumuno sa Simbahan. Nang mawala ang Pangulo ng Simbahan, naunawaan ng ilang tao na dapat lang na ang mamuno ay ang Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, mayroon ding maling nagsabi na sila ang dapat mamuno sa Simbahan. Ilan sa kanila ay sina Sidney Rigdon at James Strang.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tatlong talata. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit inisip ni Sidney Rigdon, na kilalang lider sa Simbahan nang maraming taon, na siya ang dapat mamuno sa Simbahan.

“Dumating si Sidney Rigdon, ang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, [sa Nauvoo] mula sa Pittsburgh, Pennsylvania, noong ika-3 ng Agosto 1844. Sa nakalipas na taon, nag-umpisa siyang tumahak ng landas na [salungat] sa payo ni Propetang Joseph Smith at napalayo sa Simbahan. Tumanggi siyang makipagpulong sa tatlong kasapi ng Labindalawa na nasa Nauvoo na at sa halip ay nagsalita sa isang malaking kongregasyon ng mga Banal na nagtipon sa kanilang serbisyo sa pagsamba sa araw ng linggo” (Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1996], 80).

Nagpatawag noon si Sidney Rigdon ng espesyal na pulong na gaganapin ng Martes, Agosto 6, upang makapili ang mga miyembro ng Simbahan ng tagapangalaga ng Simbahan. Parang lumalabas na plinano ni Sidney Rigdon ang pulong na ito para mapagtibay ng mga miyembro ng Simbahan ang kanyang posisyon bilang tagapangalaga ng Simbahan bago dumating ang lahat ng Labindalawang Apostol mula sa kanilang misyon sa silangang Estados Unidos. Nadama ng ilang lider ng Simbahan na balak ni Brother Rigdon na “samantalahin ang sitwasyon ng mga banal” (History of the Church, 7:225). Mabuti na lang dahil sa pagsisikap nina Elder Willard Richards at Elder Parley P. Pratt, nalipat ang petsa ng pulong ng Huwebes, Agosto 8, 1844, sa panahon na nakabalik na sa Nauvoo ang karamihan sa mga Apostol.

Sinabi ni Sidney Rigdon na dahil dati na siyang natawag at naorden bilang tagapagsalita ni Joseph Smith (tingnan sa D at T 100:9), responsibilidad niya na “tiyakin na ang simbahan ay pinamamahalaan sa wastong paraan” (History of the Church, 7:229). Sinabi rin niya na siya ang dapat na maging “tagapangalaga sa mga tao” at sa pagtupad sa responsibilidad na ito, ginagawa niya ang iniutos ng Diyos sa kanya (tingnan sa History of the Church, 7:230).

  • Kung nasa Nauvoo kayo sa panahong iyon, ano kaya ang naisip ninyo tungkol sa mga sinabi ni Sidney Rigdon? Ano kaya ang ikababahala ninyo tungkol kay Brother Rigdon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase kung bakit sinabi ni James Strang na siya ang dapat mamuno sa Simbahan.

Si James Strang, na nabinyagan noong Pebrero 1844, ay naghahanap ng posibleng matitirahan ng mga Banal sa Wisconsin noong tagsibol ng 1844. Matapos ang pagkakamartir [nina Joseph at Hyrum Smith], ipinahayag ni James Strang na nakatanggap siya ng liham mula kay Joseph Smith, na nagsasabi na siya ay itinalaga na maging kahalili ni Joseph. Ang liham ni James Strang, na ipinakita niya sa mga miyembro ng Simbahan, ay may lagda na kamukha ng lagda ni Joseph Smith. Itinuring ni James Strang na siya na ang susunod na propeta at ibinalita ang kanyang posisyon sa isang kumperensya ng Simbahan sa Michigan noong Agosto 5, 1844.

  • Kung kasama kayo ng mga Banal sa Michigan, ano sa palagay ninyo ang nakakakumbinsi sa mga sinabi ni James Strang? Ano kaya ang ikakabahala ninyo sa mga sinabi niya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na limang talata. Sabihin sa klase na pakinggan ang sinabi ni Brigham Young sa ibang mga lider ng priesthood, kabilang na ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na nasa Nauvoo, tungkol sa kung sino ang dapat mamuno sa Simbahan:

Sina Elder John Taylor, Elder Willard Richards, at Elder Parley P. Pratt ay nasa Nauvoo na nang dumating si Sidney Rigdon. Karamihan sa iba pang mga Apostol, tulad ni Brigham Young, ay nagbalik sa Nauvoo noong gabi ng Agosto 6, 1844. Nang sumunod na araw, Agosto 7, nagpulong ang mga Apostol sa tahanan ni John Taylor. Kalaunan nang hapong iyon, ang Labindalawang Apostol, ang high council, at ang mga high priest ay sama-samang nagpulong. Hiniling ni Pangulong Young kay Sidney Rigdon na ipahayag ang kanyang mensahe sa mga Banal. Tahasang sinabi ni Sidney Rigdon na nakakita siya ng pangitain, at walang sinumang dapat humalili kay Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan. Pagkatapos ay iminungkahi niya na italaga siya na maging tagapangalaga ng mga tao.

Matapos makapagsalita si Sidney Rigdon, sinabi ni Brigham Young:

Pangulong Brigham Young

“Hindi mahalaga sa akin kung sino ang mamumuno sa simbahan, … ngunit ang isang bagay na nais ko lang malaman ay kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito. Nasa akin ang mga susi at pamamaraan sa pagtamo ng isipan ng Diyos sa bagay na ito. …

“Iginawad ni Joseph sa aming mga ulunan [tinutukoy ang Korum ng Labindalawa] ang lahat ng susi at kapangyarihang nakapaloob sa pagiging Apostol na tinaglay niya mismo bago siya pumanaw. …

“Gaano ba kadalas sinabi ni Joseph sa Labindalawa, ‘nailatag ko na ang pundasyon at doon kayo dapat magtayo, sapagkat nakasalalay sa inyong mga balikat ang kaharian’” (sa History of the Church, 7:230).

  • Bakit mahalaga ang patotoo ni Brigham Young hinggil sa mga susi ng priesthood? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Hawak ng mga Apostol ang lahat ng susi ng priesthood na kailangan upang pamunuan ang Simbahan.)

Ipaliwanag na kapag inordenan ang isang Apostol, ibinibigay sa kanya ang lahat ng kailangang mga susi ng priesthood sa lupa (tingnan sa D at T 112:30–32), ngunit ang awtoridad na gamitin ang mga susi ay limitado sa senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan.

Basahin nang malakas ang sumusunod na tagubilin na ibinigay ni Propetang Joseph Smith sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Enero 1836, mahigit walong taon bago siya namatay:

Propetang Joseph Smith

“Ang Labindalawa ay hindi sasailalim sa sinuman maliban sa unang Panguluhan … ‘at kung wala ako, walang Unang Panguluhan na may awtoridad sa Labindalawa’” (sa History of the Church, 2:374).

  • Batay sa pahayag na ito, ano ang nangyayari sa Unang Panguluhan kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan? Sino ang mamumuno sa Simbahan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan, nalalansag ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ang magiging namumunong korum.)

Ipaliwanag na kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan, ang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan ay muling babalik sa kanilang katungkulan bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, batay sa kanilang senyoridad sa Korum. Nang unang buuin ang Korum noong 1835, ang senyoridad ay ibinabatay sa edad. Ngayon ang senyoridad ay ibinabatay sa petsa na naging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang tao.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:127–128, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang senior na Apostol at Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol noong mamatay si Joseph Smith. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.

  • Batay sa natutuhan ninyo ngayon, bakit ninyo nanaising sundin si Brigham Young matapos ang pagkamatay ni Propetang Joseph Smith?

Kumpletuhin ang doktrina sa pisara sa pamamagitan ng pagsalungguhit sa bahaging: Kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan, nalalansag ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ang magiging namumunong korum sa ilalim ng pamamahala ng senior na Apostol.

Maraming Banal ang nakatanggap ng patunay na si Brigham Young ang dapat mamuno sa Simbahan

Ipaliwanag na noong Agosto 8, 1844, nagtipon ang mga Banal sa Nauvoo nang alas-10:00 n.u. upang pakinggan ang pagpapahayag ni Sidney Rigdon na siya ang dapat na maging tagapangalaga ng Simbahan. Dahil papunta ang ihip ng hangin sa pulpito, pumuwesto si Sidney Rigdon sa bagon sa likod ng nakatipong kongregasyon para mas marinig ng mga tao ang boses niya. Humarap ang kongregasyon para makita nila si Sidney Rigdon habang nangangaral siya. Nagsalita siya sa libu-libong nakatipong mga Banal sa loob ng isang oras at kalahati na ipinapaliwanag kung bakit siya ang dapat maging tagapangalaga ng Simbahan. May mga nagsabi na hindi kahika-hikayat ang talumpati niya.

Dumating si Pangulong Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan at umupo sa pulpito katapat ng lugar na pinagsalitaan ni Sidney Rigdon. Humupa na ang hangin sa pagkakataong ito. Matapos makapagsalita si Sidney Rigdon, nagsalita si Brigham Young. Humarap sa pulpito ang mga tao para mapakinggan ang pagsasalita ni Brigham Young at tumalikod sa bagon na kinapupwestuhan ni Sidney Rigdon. (Tingnan sa George Q. Cannon, “Discourse,” Deseret News, Peb. 21, 1883, 67.) Maikli lamang ang mensahe ni Brigham Young at sinabi na mas nais niyang bumalik sa Nauvoo para magdalamhati para sa Propeta kaysa magtalaga ng bagong lider. Sinabi niya na magkakaroon ng pagtitipon ng mga lider at miyembro na gaganapin kalaunan sa araw iyon sa ganap na alas-2:00 n.h. Ilang miyembro ng Simbahan ay nagpatotoo na kalaunan, habang nagsasalita si Brigham Young, nakita nilang nagbago ang kanyang hitsura at narinig na nagbago ang kanyang tinig, at naging magkapareho sila ng hitsura at boses ng Propetang Joseph Smith. Ang mahimalang pangyayaring ito ay nakatulong sa marami sa mga Banal na malaman na nais ng Panginoon na si Brigham Young ang mamuno sa Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na halimbawa tungkol sa nakita at narinig ng maraming Banal:

Benjamin F. Johnson

Naalala ni Benjamin F. Johnson, “Habang nagsasalita siya [Brigham Young] napatayo ako sa aking kinauupuan, dahil narinig ko na parang boses ni Joseph iyon, at ang kanyang personalidad, anyo, gawi, pananamit ay parang si Joseph mismo; at alam ko na kaagad nang sandaling iyon na ang balabal [mantle] ni Joseph ay nasa kanya” (My Life’s Review, 104, sinipi sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 291).

Inilarawan ni William C. Staines si Brigham Young na “may tinig na katulad ng kay Propetang Joseph. Akala ko ay siya iyon,” wika ni Staines, “at ganoon din ang akala ng libu-libong nakarinig niyon” (sa History of the Church, 7:236).

Pangulong Wilford Woodruff

Isinulat ni Wilford Woodruff, “Kung hindi ko siya nakita nang sarili kong mga mata, walang makakakumbinsi sa akin na hindi iyon si Joseph Smith, at ang sinumang nakakikilala sa dalawang lalaking ito ay makapagpapatunay dito” (sa History of the Church, 7:236).

Ipaliwanag na sa pulong na idinaos nang bandang alas 2:00 n.h., nagsalita si Brigham Young at ang iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Marami pang iba ang nagsabi na kamukha at kaboses ni Brigham Young si Joseph Smith nang magsalita siya nang hapong iyon. Naalala ni George Q. Cannon, na 17 lamang noon na, “Iyon ay tinig mismo ni Joseph. … Sa paningin ng mga tao ay parang mismong si Joseph ang nakatayo sa harapan nila” (sa History of the Church, 7:236; tingnan din sa Edward William Tullidge, Life of Brigham Young [1877], 115). Bukod pa sa himalang ito, nadama rin ng marami sa mga Banal ang pagpapatunay sa kanila ng Espiritu Santo na si Brigham Young at ang Korum ng Labindalawa ay tinawag ng Diyos na mamuno sa Simbahan. Sa pagtatapos ng pulong na ito, ang mga Banal sa Nauvoo ay nagkaisa sa pagboto na sang-ayunan ang Korum ng Labindalawang Apostol, na pinangungunahan ni Brigham Young, upang mamuno sa Simbahan. Gayunman, hindi lahat ng miyembro ng Simbahan ay gustong sundin ang mga Apostol. Mas pinili ng ilan na sundin sina Sidney Rigdon at James Strang, na nagtatag ng sarili nilang simbahan.

  • Paano tinulungan ng Panginoon ang mga Banal upang malaman nila kung sino ang Kanyang itinalagang mamuno sa Simbahan?

  • Paano natin malalaman na tinawag ng Diyos ang mga lider natin ngayon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, matatanggap natin ang patunay na ang mga namumuno sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na makatanggap tayo ng patotoo na ang mga lider natin sa Simbahan ay tinawag ng Diyos?

  • Kailan kayo nakatanggap ng patunay na ang isang lider sa Simbahan ay tinawag ng Diyos? Ano ang ginawa ninyo para matanggap ang patotoong iyan?

Ipaliwanag na noong namatay si Joseph Smith, kaagad na nagamit ng senior na Apostol (si Brigham Young) ang lahat ng susi ng priesthood. Siya ang may karapatang tumanggap ng paghahayag hinggil sa kung kailan mag-oorganisa ng bagong Unang Panguluhan. Noong 1847—mahigit dalawang taon mula ng pagkakamartir [nina Joseph at Hyrum Smith]—nainspirasyunan si Brigham Young na iorganisa ang Unang Panguluhan sa halip na patuloy na pamunuan ang Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Magdispley ng mga larawan ng kasalukuyang Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila, sabihin sa kanila na ipaliwanag ang mangyayari sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan. Sabihin din sa kanila na tukuyin kung sino ang magiging Pangulo ng Simbahan o senior na Apostol kung mamatay ngayon ang kasalukuyang Pangulo ng Simbahan.

Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo na ang mga susi at mga kapangyarihan ng priesthood na iginawad ni Joseph Smith kina Brigham Young at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay ang hawak din ngayon ng Pangulo ng Simbahan, ng kanyang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mo ring ibahagi kung paano ka nagkaroon ng patotoo na tinawag ng Diyos ang mga lider ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na pagsikapan nang may panalangin na magkaroon ng patotoo o mapalakas ang kanilang patotoo sa mga katotohanang tinalakay ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Timeline ng paghalili sa Panguluhan matapos ang pagkamatay bilang martir ni Joseph Smith

Petsa

Hunyo 27, 1844

Pinatay bilang martir sina Joseph at Hyrum Smith.

Hunyo 29, 1844

Ipinakita sa publiko ang mga bangkay nina Joseph at Hyrum Smith.

Hunyo 27–Hulyo 7, 1844

Si Willard Richards at ang sugatang si John Taylor ang tanging mga Apostol na nasa Nauvoo.

Hulyo 8, 1844

Bumalik si Parley P. Pratt sa Nauvoo at tinulungan sina Willard Richards at John Taylor na mapanatili ang kaayusan sa Simbahan.

Agosto 3, 1844

Dumating si Sidney Rigdon sa Nauvoo mula sa Pittsburgh, Pennsylvania.

Agosto 4, 1844

Sinabi ni Sidney Rigdon sa isang grupo ng mga Banal na siya ang dapat maging tagapangalaga ng Simbahan at nais niyang magdaos ng espesyal na pulong ng Agosto 6 upang pagtibayin ang kanyang pagkatalaga. Naganap lamang ang pulong ng Huwebes, Agosto 8.

Agosto 6, 1844

Karamihan sa iba pang mga Apostol, tulad ni Brigham Young, ay nagbalik sa Nauvoo mula sa kanilang mga misyon.

Agosto 7, 1844

Noong umaga, nagpulong ang mga Apostol sa tahanan ng nasugatang si John Taylor.

Sa pulong kinahapunan ng mga Apostol, high council, at high priest, muling sinabi ni Sidney Rigdon na siya ang dapat maging tagapangalaga ng Simbahan. Sinabi ni Brigham Young na hawak niya [Brigham Young] ang mga susi at nais niyang gawin ang kalooban ng Panginoon sa bagay na ito.

Agosto 8, 1844

Sa pulong ng alas-10:00 n.u., nagsalita si Sidney Rigdon nang isang oras at kalahati sa libu-libong nakatipong mga Banal na ipinaliliwanag kung bakit siya ang dapat na maging tagapangalaga. Nagsalita rin si Brigham Young at nanawagan sa mga Banal na magtipon muli para sa isang miting sa ganap na alas-2:00 n.h. Sa dalawang miting na ito, maraming Banal ang nakasaksi na naging kamukha at kapareho ng tinig ni Joseph Smith si Brigham Young.

Sa pulong ng alas-2:00 n.h., sinang-ayunan ng mga Banal si Brigham Young at ang Labindalawang Apostol bilang mga lider ng Simbahan. Maraming miyembro ng Simbahan ang nakasaksi na napunta ang balabal [mantle] ni Propetang Joseph Smith kay Brigham Young, na pansamantalang naging kamukha at kaboses ni Joseph Smith.

Ang paghalili sa Panguluhan ng Simbahan ay itinatag ng Panginoon

Ang paghalili sa Panguluhan ng Simbahan ay itinatag ng Panginoon. Ang Simbahan ay hindi kailanman nawalan ng inspiradong pamumuno, at walang dahilan para magkaroon ng mga haka-haka o kontrobersiya sa kung sino ang susunod na Pangulo ng Simbahan.

Pangulong Ezra Taft Benson

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Alam ng Diyos ang lahat ng bagay, ang wakas mula sa simula, at walang sinuman ang naging pangulo ng simbahan ni Jesucristo nang hindi sinasadya, o nananatili roon, o nagkataon lamang na pumanaw” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” New Era, Mayo 1975, 16–17).

Paggawad ni Joseph Smith ng mga susi ng kaharian sa Korum ng Labindalawang Apostol

Itinala ni Wilford Woodruff, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang nangyari noong Marso 1844 bago paslangin si Joseph Smith:

Pangulong Wilford Woodruff

“Mga tatlong oras siyang tumayo sa silid at ibinigay sa amin ang kanyang huling lektyur. Napuspos ang silid ng tila nag-aalab na apoy. Ang kanyang mukha ay kasing-linaw ng baga; ang kanyang mga salita ay tila matalim na kidlat sa amin. Tumimo ito sa bawat bahagi ng aming katawan mula sa tuktok ng aming uluhan hanggang sa aming mga talampakan. Sabi niya, ‘Mga Kapatid, ibinuklod ng Panginoong Makapangyarihan sa aking uluhan ang bawat Priesthood, ang bawat susi, bawat kapangyarihan, bawat alituntunin ng huling dispensasyon ng kaganapan ng panahon, at sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Naibuklod ko sa inyong uluhan ang lahat ng mga alituntuning iyon, ang Priesthood, pagka-apostol, at mga susi ng kaharian ng Diyos, at ngayon kailangan ninyong pasanin at isulong ang kahariang ito dahil kung hindi ay susumpain kayo’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], xxxiv-v).