Seminaries and Institutes
Lesson 2: Pambungad sa Doktrina at mga Tipan


Lesson 2

Pambungad sa Doktrina at mga Tipan

Pambungad

Ang Doktrina at mga Tipan ay katipunan ng “mga banal na paghahayag at makapukaw na pagpapahayag na ibinigay ukol sa pagtatatag at pamamalakad ng kaharian ng Diyos dito sa mundo sa mga huling araw” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan). Sa mapanalanging pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan, mapalalakas ng mga estudyante ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo at makatatanggap ng personal na paghahayag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith at ng mga humalili sa kanya

Simulan ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante ng mga sumusunod:

  • Anong mga aklat ang sa palagay ninyo ay kapaki-pakinabang sa mundo na basahin? Bakit? (Maaari kang magdispley ng ilang aklat na gusto mong imungkahi.)

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith. Sabihin sa klase na pakinggan ang itinuro ng Propeta tungkol sa Doktrina at mga Tipan.

Propetang Joseph Smith

“[Ang Doktrina at mga Tipan ay] ang pundasyon ng Simbahan sa mga huling araw na ito, at kapaki-pakinabang sa mundo, na ipinakikita na ang mga susi ng hiwaga ng kaharian ng ating Tagapagligtas ay muling ipinagkatiwala sa tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 225).

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan ay lubos na kapaki-pakinabang sa mundo kaya ipinahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na “ito ay higit na mahalaga sa atin kaysa sa kayamanan ng mundo” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:199). Hikayatin ang mga estudyante na alamin sa lesson ngayon ang mga paraan kung paano magiging kapaki-pakinabang sa buhay nila ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina ng pamagat ng Doktrina at mga Tipan. Ipaliwanag na upang maging kapaki-pakinabang ang Doktrina at mga Tipan, kailangan muna nating maunawaan kung ano ang mga doktrina at mga tipan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahina ng pamagat at ang unang pangungusap sa pambungad.

  • Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang salitang doktrina? Ano ang tipan? Ano ang paghahayag? (Maaari mong ipaliwanag na ang doktrina ay isang pangunahin at walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo; ang tipan ay isang sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at Kanyang mga anak; at ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Maaari mong isulat sa pisara ang mga kahulugang ito at imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa pahina ng pamagat sa kanilang banal na kasulatan.)

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang pangwalong talata sa pambungad ng Doktrina at mga Tipan (simula sa “Sa mga paghahayag …”). Ipaliwanag na nakalista sa talatang ito ang ilang halimbawa ng mga doktrinang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang unang pangungusap at tukuyin ang isa o mahigit pang mga doktrina na interesado silang malaman.

  • Aling mga doktrina ang pinakainteresado kayo na mas malaman pa? Sa palagay ninyo, paano kayo makikinabang kapag mas alam at nauunawaan ninyo ang mga katotohanang iyon?

Ipaliwanag na bagama’t napakaimportante na alam ninyo ang mga doktrinang ito, ang pinakamalaking kahalagahan ng Doktrina at mga Tipan ay matatagpuan sa mga pinakamahalagang katotohanan na nakapaloob dito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangwalong talata, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit napakalahalaga ng Doktrina at mga Tipan.

  • Bakit nagkaroon ng “dakilang kahalagahan” ang Doktrina at mga Tipan? Bakit napakahalaga ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Paano napalakas ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo?

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pag-aaral ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan, mapalalakas natin ang ating mga patotoo kay Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano makatutulong sa buhay nila ang mas malakas na patotoo sa Tagapagligtas. Maaari mong ibahagi kung paano napalakas ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan ang patotoo mo kay Jesucristo.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano mapalalakas ng pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan ang kanilang mga patotoo kay Jesucristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangalawang pangungusap sa unang talata sa pambungad. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung kaninong tinig ang maririnig nila sa pamamagitan ng Doktrina at mga Tipan. Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pag-aaral natin ng Doktrina at mga Tipan, maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:34–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natin maririnig ang tinig ng Panginoon sa pag-aaral natin ng Doktrina at mga Tipan.

  • Ano ang mapapatotohanan natin kung pag-aaralan natin ang Doktrina at mga Tipan?

Maaari mong ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan, ang mga salitang tulad ng “ang Panginoon” o “Diyos” ay tumutukoy kay Jesucristo. Siya ang nagsasalita sa buong Doktrina at mga Tipan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangatlong talata sa pambungad. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga salita na naglalarawan sa tinig ng Tagapagligtas. (Maaari mong imungkahi na markahan nila ang nalaman nila.)

  • Anong mga salita ang ginamit para ilarawan ang tinig ng Tagapagligtas?

  • Anong mga pagpapala ang darating sa inyong buhay kapag narinig at nakilala ninyo ang tinig ng Panginoon? (Ipaliwanag na sa mga darating na linggo, matututuhan ng mga estudyante ang tungkol sa iba pang paraan na maririnig ang tinig ng Panginoon at malalaman kung Siya ay nagsasalita sa kanila.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano makatutulong sa kanilang buhay ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan, isiping idispley ang larawan ng ilan sa mga tao na may kaugnayan sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan: Brother Joseph (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 87; tingnan din sa LDS.org), Emma Smith (blg. 88), Iginagawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood (blg. 93), Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood (blg. 94), Nagpakita si Elijah sa Kirtland Temple (blg. 95). Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan, matututuhan nila ang mahahalagang bagay hinggil sa mga taong ito. Ipabasa sa isang estudyante ang unang dalawang pangungusap ng pang-anim na talata ng pambungad (simula sa “Ang mga banal na paghahayag na ito …”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga sitwasyon kung bakit natanggap ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan.

Propetang Joseph Smith
Emma Smith
Iginawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood
Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood
Nagpakita si Elijah sa Kirtland Temple
  • Anong mga parirala sa talatang ito ang naglalarawan sa mga sitwasyon kung bakit natanggap ang mga paghahayag na ito? (“Bilang kasagutan sa panalangin,” “sa panahon ng pangangailangan,” at “mula sa mga pangyayari sa tunay na buhay”).

Magdispley ng isang kapirasong papel na may nakasulat na salitang Ikaw. Ipaliwanag na tulad sa mga tao sa kasaysayan ng Simbahan, nakararanas din tayo ng mga sitwasyon kung saan kailangan natin ng banal na patnubay. Sabihin sa mga estudyante na maglarawan ng mga sitwasyon na maaaring maranasan nila sa buong taon ng pag-aaral kung saan makatutulong sa kanila ang patnubay ng Panginoon. Ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara.

Ipaliwanag na bawat paghahayag na pag-aaralan ng mga estudyante sa taong ito ay karagdagang patotoo na tunay na buhay ang Diyos, na nakikipag-usap Siya sa Kanyang mga anak, at ginagabayan Niya ang Kanyang Simbahan.

  • Paano makatutulong ang mga karagdagang patotoong ito kapag kayo ay nasa mahihirap na sitwasyon?

  • Batay sa nabasa ninyo sa pang-anim na talata sa pambungad, ano ang dapat nating gawin para makatanggap ng banal na patnubay sa oras ng ating pangangailangan?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntunin mula sa pang-anim na talata sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung tayo , ang Panginoon ay .

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila sa pagkumpleto sa pahayag na ito. Maaaring iba-iba ang gamiting mga salita ng mga estudyante, ngunit kailangang makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mananalangin na tulungan tayo sa oras ng pangangailangan, ang Panginoon ay magbibigay ng patnubay sa atin.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pang-apat at panglimang talata ng pambungad. Ibuod ang mga talatang ito na ipinapaliwanag na ibinubuod nito ang mahahalagang pangyayari sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa mundo, kabilang na ang Unang Pangitain at iba pang mga banal na paghahayag, pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ang panunumbalik ng awtoridad at mga susi ng priesthood, at ang pag-organisa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabihin sa mga estudyante na mas marami pa silang malalaman tungkol sa mga sagradong pangyayaring ito sa pag-aaral nila ng kursong ito. Ipaliwanag na nangyari ang mga banal na karanasang ito nang hingin ni Propetang Joseph Smith at ng iba pa ang tulong at patnubay ng Panginoon.

  • Kailan kayo naharap sa sitwasyon na kinailangan ninyo ang tulong o patnubay ng Panginoon at natanggap ninyo ito?

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang “Patotoo ng Labindalawang Apostol sa Katotohanan ng Aklat ng Doktrina at mga Tipan,” na nasa pambungad. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang dalawang talata (simula sa “Kami, samakatwid, ay nakahandang …”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang pariralang tumatak sa kanila.

  • Alin sa mga talata mula sa patotoo ng Labindalawang Apostol sa Doktrina at mga Tipan ang tumimo sa inyo? Bakit?

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaalala sa kanila na sa simula ng lesson hinikayat sila na alamin ang mga paraan kung paano magiging kapaki-pakinabang sa buhay nila ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung ano ang inaasam nila na kapakinabangan ng Doktrina at mga Tipan sa kanilang buhay at kung ano ang magagawa nila para mangyari ito.

Kapag tapos na sa pagsulat ang mga estudyante, sabihin sa kanila na pag-aralan nang may panalangin ang Doktrina at mga Tipan araw-araw sa school year na ito bilang paraan na makatutulong sa kanila na marinig ang tinig ng Tagapagligtas at makatanggap ng patnubay mula sa Kanya. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo kung paano nakatulong ang pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan para maranasan mo ang mga pagpapalang ito sa iyong buhay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ano ang pagkakaugnay ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan?

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson ang pagkakaugnay ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ay magkakasamang tinipon bilang mga paghahayag mula sa Diyos ng Israel upang tipunin at ihanda ang Kanyang mga tao para sa ikalawang pagparito ng Panginoon. …

“Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan ang isa’t isa. Hindi maaaring paniwalaan ninyo ang isa nang hindi ninyo pinaniniwalaan din ang isa pa. …

“Ang Doktrina at mga Tipan ang nag-uugnay sa Aklat ni Mormon at sa patuloy na gawain ng Panunumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng mga humalili sa kanya. …

“Inilalapit ng Aklat ni Mormon ang mga tao kay Cristo. Inilalapit ng Doktrina at mga Tipan ang mga tao sa kaharian ni Cristo, maging sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ‘ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo’ [D at T 1:30]. Alam ko iyan.

“Ang Aklat ni Mormon ang ‘saligang bato’ ng ating relihiyon, at ang Doktrina at mga Tipan ang batong pang-ibabaw (capstone), na may patuloy na paghahayag sa mga huling araw. Ibinigay ng Panginoon ang Kanyang pagsang-ayon sa saligang bato at sa batong pang-ibabaw” (“The Book of Mormon and the Doctrine and Covenants,” Ensign, Mayo 1987, 83).

Paghahayag na inilathala: Iba’t ibang edisyon ng Doktrina at mga Tipan

Noong Nobyembre 1831 nakipag-usap si Propetang Joseph Smith sa mga elder sa Hiram, Ohio. Ipinasiya ng grupo na tipunin at ilathala ang ilan sa mga paghahayag na natanggap ng Propeta. Pumili sila ng 65 paghahayag at pinamagatan ang mga natipon na Book of Commandments (Aklat ng mga Kautusan). Pagsapit ng tag-init ng 1833 karamihan sa mga natipon ay nailimbag, ngunit winasak ng mandurumog ang halos lahat ng mga kopya. Bunga nito, kaunti na lang ang mga kopyang mayroon ngayon. Isa pang edisyon ang sinang-ayunan at inilathala noong 1835. Ang edisyon na ito ay naglalaman ng Lectures on Faith (tingnan ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan) at ang 103 paghahayag. Ang edisyon na ito, samakatwid, ang unang may pamagat na Doktrina (mga lecture) at mga Tipan (mga paghahayag). (Tingnan sa History of the Church, 2:243–251.)

Ilan pang karagdagang edisyon (bawat isa ay may idinagdag na mga bagong paghahayag o may ginawang kaunting pagbabago sa pagkakaayos) ang ilang ulit na inilimbag hanggang noong 1981, nang ilathala ng Simbahan ang bagong edisyon ng triple combination, sa Ingles, na may pinalawak na mga footnote at mga cross-reference at bagong indeks. Noong panahong iyon, ang pangitain ni Propetang Joseph Smith noong 1836 tungkol sa kahariang selestiyal at ang pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith noong 1918 tungkol sa pagtubos sa mga patay, na kapwa itinuring ng Simbahan na mga banal na kasulatan noong 1976 at orihinal na idinagdag sa Mahalagang Perlas, ay idinagdag sa Doktrina at mga Tipan bilang mga bahagi 137 at 138. Ang edisyon ng 1981 ay may 138 bahagi at dalawang opisyal na pahayag: ang Pahayag, na inilabas noong 1890 ni Pangulong Wilford Woodruff, at ang pagpapahayag tungkol sa priesthood, na inilabas ni Pangulong Spencer W. Kimball noong 1978. Noong Marso 1, 2013 ibinalita ng Unang Panguluhan ang bagong edisyon ng mga banal na kasulatan sa Ingles. Karamihan sa mga pagbabagong ginawa sa edisyong ito ay nasa tulong sa pag-aaral o mga heading ng Doktrina at mga Tipan o may kaunting pagtatama lang sa pagbaybay sa teksto. (Para sa mas detalyadong impormasyon tungkol sa iba’t ibang edisyon, tingnan ang Revelations Correspondence Chart sa “Corresponding Section Numbers in Editions of the Doctrine and Covenants,” JosephSmithPapers.org/reference/library.)