Seminaries and Institutes
Lesson 23: Doktrina at mga Tipan 18:17–47


Lesson 23

Doktrina at mga Tipan 18:17–47

Pambungad

Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito para sa kanyang sarili at para kina Oliver Cowdery at David Whitmer noong Hunyo 1829. Matapos tawagin ang dalawang ito upang mangaral ng pagsisisi, itinuro sa kanila ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng pagtataglay sa kanilang sarili ng Kanyang pangalan. Binanggit Niya ang nalalapit na pagtawag sa Labindalawang Apostol at ang pagnanais nila na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo “nang may buong layunin ng puso” (D at T 18:27). Pagkatapos ay binigyan ng Panginoon si Oliver Cowdery at David Whitmer ng responsibilidad na hanapin ang mga taong maaaring maglingkod bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 18:17–25

Itinuro ni Jesucristo na ang Kanyang pangalan ang tanging pangalan kung saan tayo ay maliligtas

Sabihin sa isa o dalawang estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga apelyido. Itanong sa kanila ang mga sumusunod:

  • Ano ang ibig sabihin sa iyo ng apelyidong iyan?

  • Anong mga pribilehiyo at responsibilidad ang kaakibat ng pangalan iyan? (Kabilang sa mga pribilehiyo ang lugar na matitirhan, pagmamahal ng pamilya, seguridad, at ang mapalaki sa Simbahan. Kabilang sa mga responsibilidad ang pagtulong na mapanatiling ligtas ang tahanan, pakitunguhan ang mga miyembro ng pamilya nang may respeto, at pagdadala ng karangalan sa apelyido ng pamilya.)

Ipaalala sa mga estudyante na tinawag ng Panginoon sina Oliver Cowdery at David Whitmer para ipangaral ang pagsisisi (tingnan sa D at T 18:6, 9, 14). Ipaliwanag na matapos ibigay sa kanila ng Panginoon ang tagubiling ito, kinausap Niya sila tungkol sa mga pribilehiyo at responsibilidad ng pagtataglay sa kanilang sarili ng Kanyang pangalan.

Kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara, pero huwag isama ang mga sagot sa ibabang hanay. Sabihin sa klase na kopyahin ang sumusunod na chart sa kanilang notebook o scripture study journal. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 18:17–25 at tukuyin ang mga pribilehiyo at responsibilidad na kaakibat ng pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo. Sabihin sa kanila na isulat ang nalaman nila sa ibabang hanay ng chart.

Mga pribilehiyo

Mga responsibilidad

Tumanggap at maturuan ng Espiritu Santo

Anyayahan ang iba na magpabinyag at magtiis hanggang wakas

Tumanggap ng kaligtasan sa kaharian ng Ama

Magkaroon ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao

Iwasang makipagtalo sa ibang mga simbahan

Sabihin ang katotohanan nang may kahinahunan

Magsisi at magtiis hanggang wakas

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 18:23, bakit mahalaga sa atin na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang pangalan ni Jesucristo ang tanging pangalan kung saan tayo maliligtas. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang payo ni Elder Ballard tungkol sa kung paano natin tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo:

Elder M. Russell Ballard

“Tinataglay natin ang pangalan ni Cristo kapag tayo ay bininyagan. Pinaninibago natin ang tipang ginawa sa binyag na iyon bawat linggo kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, na nagpapakita ng kahandaan nating taglayin ang Kanyang pangalan at nangangako tayo na lagi Siyang aalalahanin (tingnan sa D at T 20:77, 79) …

“Tayo ay inatasang tumayo bilang saksi Niya. … Ibig sabihin nito, dapat ay handa tayong ipaalam sa iba kung sino ang sinusunod natin at kaninong Simbahan tayo kabilang: sa Simbahan ni Jesucristo. Walang pasubaling nais nating gawin ito nang may pagmamahal at patotoo. Nais nating sundin ang Tagapagligtas sa pagsasabi nang simple at malinaw, ngunit mapagpakumbaba, na tayo ay mga miyembro ng Kanyang Simbahan” (“Ang Kahalagahan ng Pangalan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 79–80).

  • Ano ang iminungkahi ni Elder Ballard na paraan na maipapaalam natin sa iba na sumusunod tayo kay Jesucristo?

  • Sa Doktrina at mga Tipan 18:19–20, iniutos ng Panginoon kina Oliver Cowdery at David Whitmer na magkaroon ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa at iwasang makipagtalo sa ibang mga simbahan at sa kanilang mga miyembro. Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa atin na gawin ang mga bagay na ito bilang mga tagasunod ni Jesucristo?

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa Doktrina at mga Tipan 18:20, ang pariralang “simbahan ng diyablo” ay hindi tumutukoy sa isang partikular na simbahan. Ito ay tumutukoy sa sinumang tao, grupo, organisasyon, o mga pilosopiya na kumakalaban sa Simbahan ni Jesucristo at sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang paraan na maipapaalam nila sa iba na sumusunod sila kay Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 18:26–47

Inihayag ng Panginoon ang tungkulin at misyon ng Labindalawang Apostol

Ipaliwanag na bukod pa kina Oliver Cowdery at David Whitmer, binanggit ng Panginoon ang iba pang mga kalalakihan na tataglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo at ipapahayag ang Kanyang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 18:27–32 at isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Isulat ang mga tanong na ito sa pisara bago magklase, o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante.)

  1. Ano ang nanaisin ng labindalawang disipulong ito?

  2. Ano ang ipagagawa sa kalalakihang ito? (Hanapin ang 3–5 na magkakahiwalay na ideya.)

  3. Sinong mga miyembro ng kasalukuyang Korum ng Labindalawang Apostol ang natatandaan ninyo? (Isulat ang kanilang mga pangalan.)

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa unang tanong na nakasulat sa pisara. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng taglayin sa ating mga sarili ang pangalan ni Jesucristo nang may buong layunin ng puso?

Tawagin ang ilang estudyante para maibahagi ang kanilang mga sagot sa pangalawang tanong na nakasulat sa pisara. Ang isang alituntunin na dapat matukoy ng mga estudyante ay ang Labindalawang Apostol ng Panginoon ay tinawag upang ipangaral at pangasiwaan ang ebanghelyo sa buong mundo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:37–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang responsibilidad na ibinigay ng Diyos kina Oliver Cowdery at David Whitmer.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kina Oliver at David? (Alamin kung sino ang tatawagin ng Panginoon bilang mga unang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga huling araw.)

  • Paano nila malalaman kung sino ang dapat tawagin bilang mga Apostol? (Ipapakita ng mga magiging Apostol ang hangarin at gawaing binanggit ng Panginoon.)

Ipaliwanag na tumanggap din si Martin Harris ng responsibilidad na alamin kung sino ang magiging Labindalawang Apostol. Ang mga unang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga huling araw ay tinawag noong Pebrero 14, 1835, halos limang taon matapos ang opisyal na pagkakatatag ng Simbahan. Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 18 ay makatutulong sa atin na malaman ang kahalagahan ng korum na ito sa pamamagitan ng paglalahad ng tungkulin ng mga Apostol sa Simbahan ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa pangatlong tanong na nakasulat sa pisara sa pagpapabanggit sa kanila ng pangalan ng mga kasalukuyang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kung posible, magdispley ng mga larawan ng mga kalalakihang ito. Ang mga retrato ay makukuha sa mga isyu ng Ensign at Liahona para sa mga buwan ng Mayo at Nobyembre at sa lds.org/church/leaders.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na sinabi ni Elder Holland ang mga salitang ito sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang bagong tawag na Apostol.

Elder Jeffrey R. Holland

“Walang alinlangan na ang pinakadakila at pinakamasayang bagay para sa akin ay ang matanto na may pagkakataon ako, tulad ng sinabi ni Nephi, na ‘[mangusap] tungkol kay Cristo, [magalak] kay Cristo, [mangaral] tungkol kay Cristo, [at magpropesiya] tungkol kay Cristo’ (2 Ne. 25:26) saanman ako naroon at sinuman ang kasama ko hanggang sa huling sandali ng aking buhay. Tunay ngang wala nang hihigit pang layunin o pribilehiyo kaysa sa ang maging ‘natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig’ (D at T 107:23).

“… Higit pa sa aking mga salita at mga turo, at nasambit na patotoo, ang buhay ko ay dapat maging bahagi ng patotoong iyon tungkol kay Jesus. Ang aking buong pagkatao ay dapat kakitaan ng kabanalan ng gawaing ito. Hindi ko ito maibabahagi kung ang anumang sasabihin o gagawin ko ay makababawas ng inyong pananampalataya kay Cristo, ng pagmamahal ninyo sa simbahang ito, o ng pagpapahalaga ninyo sa banal na pagka-apostol.

“Ipinapangako sa inyo—tulad ng ipinangako ko sa Panginoon at sa mga kapatid na ito—na pagsisikapan kong mamuhay nang karapat-dapat sa tiwalang ito at maglilingkod sa abot ng aking makakaya” (“Miracles of the Restoration,” Ensign, Nob. 1994, 31).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:27.

  • Paano makatutulong sa inyo na malaman na ang mga naglilingkod bilang Apostol ay tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo nang may buong layunin ng puso? Paano natin matutularan ang kanilang halimbawa?

Magpatulong sa isa o dalawang estudyante sa sumusunod na aktibidad. Piringan ang mga estudyanteng ito o sabihin sa kanila na pumikit. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagsasalita sa normal na boses. Sabihin sa nakapiring na mga estudyante na pangalanan ang mga nagsasalita. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Bakit mas madaling makilala ang ilang boses kaysa sa iba? (Maaaring isagot ng mga estudyante na kapag mas madalas nating marinig ang isang boses, mas lalo itong nagiging pamilyar sa atin at mas nakikilala natin ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:34–36, 47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na isang paraan para marinig natin ang Kanyang tinig. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa talata 34, ang pariralang “ang mga salitang ito” ay tumutukoy sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan.)

  • Ayon sa mga talatang ito, paano natin maririnig ang salita ng Panginoon? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw ang sumusunod na alituntunin: Maririnig natin ang tinig ni Jesucristo kapag binasa natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Sa anong mga paraan nakatutulong sa atin ang pag-aaral ng banal na kasulatan na marinig ang tinig ni Jesucristo?

Ipaunawa sa mga estudyante na ang tinig ng Panginoon ay hindi maririnig sa pamamagitan ng ating mga tainga. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, madarama at matatanggap natin ang mga mensahe sa ating puso at isipan (tingnan sa D at T 8:2–3).

Patingnan ang katotohanang isinulat mo sa pisara.

  • Paano kaya maiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang pananaw ninyo tungkol sa mga banal na kasulatan? Paano kayo magagabayan nito sa pagpili ng oras at lugar para sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan?

  • Kailan ninyo nadama na binigyan kayo ng inspirasyon ng Panginoon nang basahin o pagnilayan ninyo ang mga banal na kasulatan?

Hikayatin ang mga estudyante na saliksikin ang mga banal na kasulatan araw-araw at pagsikapang marinig at maunawaan ang tinig ng Panginoon. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 18:40–47 na ipinapaliwanag na tiniyak ng Panginoon na sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at ang mga magiging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay makatatanggap ng malalaking pagpapala kung sila ay matapat sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay mo sa mga estudyante.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 18:20. “Makipagtalo laban … sa simbahan ng diyablo”

Tinutukoy ang Doktrina at mga Tipan 18:20, itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Kailangan nating maunawaan na ito ay tagubilin sa atin na makipagtalo laban sa lahat ng kasamaan, sa yaong mga lumalaban sa kabutihan at katotohanan” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:83). Hindi ito panawagan na makipagtalo sa ibang mga simbahan o sa kanilang mga miyembro.

Doktrina at mga Tipan 18:44. “Sa pamamagitan ng inyong mga kamay ako ay gagawa ng isang kagila-gilalas na gawain sa mga anak ng tao”

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Kapag tinularan natin ang [perpektong halimbawa ng Tagapagligtas], ang ating mga kamay ay maaaring maging Kanyang mga kamay; ang ating mga mata ay Kanyang mga mata; ang ating puso ay Kanyang puso. …

“Habang iniisip natin ito, mahabag tayo sa iba at iunat natin ang ating mga kamay sa kanila, dahil lahat ay tumatahak sa kani-kanyang mahirap na landas. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, na ating Panginoon, tinawag tayo para tumulong at magpagaling sa halip na manghusga” (“Kayo ang Aking mga Kamay,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 68–69).