Seminaries and Institutes
Lesson 124: Doktrina at mga Tipan 117–118


Lesson 124

Doktrina at mga Tipan 117–118

Pambungad

Noong Hulyo 8, 1838, sa Far West Missouri, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang apat na paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 117–120. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 117, iniutos ng Panginoon kina Newel K. Whitney at William Marks na mabilis na isaayos ang kanilang negosyo sa Kirtland at sumama sa matatapat na Banal na nagtitipon sa Far West. Sinabi rin ng Panginoon na si Oliver Granger ay maglilingkod bilang kinatawan ng Unang Panguluhan sa pagbebenta ng mga ari-arian ng Simbahan at siyang mag-aayos ng mga gawain sa negosyo ni Joseph Smith. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 118, tumawag ang Panginoon ng mga bagong Apostol upang punan ang posisyon ng mga tumiwalag at Kanyang tinawag ang lahat ng miyembro ng Korum ng Labindalawa na magmisyon sa Great Britain.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 117:1–11

Iniutos ng Panginoon kina William Marks at Newel K. Whitney na mabilis na ayusin ang kanilang negosyo at lisanin ang Kirtland

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mga dahilan kung bakit maaaring mag-alangang sumunod ang isang tao sa utos mula sa Panginoon. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang Doktrina at mga Tipan 117:1 at tukuyin kung para kanino ang paghahayag na ito. Ipaliwanag na si Newel K. Whitney ay bishop sa Kirtland. Siya ay may maunlad na negosyo, at marami siyang iniambag na ari-arian sa Simbahan. Si William Marks ay tinawag na maglingkod bilang kinatawan ni Bishop Whitney noong Setyembre 17, 1837. Pagtitinda ng libro ang kanyang negosyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 117:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinagawa ng Panginoon sa mga kalalakihang ito. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang mamalagi ay manatili kung saan.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon kina Newel K. Whitney at William Marks? (Iniutos Niya sa kanila na mabilis na ayusin ang kanilang negosyo at lisanin ang Kirtland. Kailangan nilang gawin ang paglalakbay na ito bago magpaulan ng niyebe ang Panginoon sa lugar. Sa madaling salita, kailangan nilang umalis sa loob ng mga apat na buwan.)

Ipaalala sa mga estudyante na noong Abril 26, 1838, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Far West, Missouri, at iba pang mga lugar (tingnan sa D at T 115:17–18). Noong Hulyo 6, 1838, isang grupo na kilala bilang Kirtland Camp, na binubuo ng mahigit 500 Banal mula sa Kirtland, ang lumisan patungong Missouri (tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 178–79).

Ipaliwanag na sa pagbabasa natin ng mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 117:4–5, malalaman natin na labis na ikinabahala nina Bishop Whitney at William Marks ang tungkol sa mga ari-arian ng Simbahan sa Kirtland. Dahil sa kanilang mga calling o tungkulin bilang bishop at kinatawan ng bishop, sila ang mga tagapangasiwa sa mga ari-ariang ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata 4 at sabihin sa klase na pakinggan ang itinanong ng Panginoon sa talatang ito.

Isulat sa pisara ang sumusunod: Ano ba ang ari-arian para sa akin?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng itinanong ng Panginoon sa talata 4, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 117:5–8. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon ang “Ano ba ang ari-arian para sa akin?” (Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “mga kapatagan ng Olaha Shinehah,” ay tumutukoy sa lugar sa paligid ng Adan-ondi-Ahman sa Missouri.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magnasa ng … patak …, at pabayaan ang mas mabibigat na bagay”? (D at T 117:8). Paano maituturing na “patak” ang mga ari-arian sa Kirtland kung ikukumpara sa mga pagpapalang maibibigay ng Panginoon kina Bishop Whitney at Pangulong Marks? (Matapos talakayin ng mga estudyante ang mga tanong na ito, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang pagnanasa sa mga temporal na bagay ay maaaring maging dahilan ng pagbalewala natin sa mas mahahalagang bagay.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila mas mapag-uukulan ng pansin ang pinakamahahalagang bagay sa kanilang buhay.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 117:10 na ipinapaliwanag na tinawag ng Panginoon si William Marks na patuloy na maglingkod bilang lider ng Simbahan nang dumating siya sa Far West. Sinabi rin ng Panginoon na kung si Pangulong Marks ay magiging “matapat sa maliliit na bagay,” siya ay magiging “tagapamahala sa marami[ng]” bagay (tingnan din sa Mateo 25: 23).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 117:11 at sabihin sa klase na alamin ang pananalitang ibinigay ng Panginoon kay Newel K. Whitney. Matapos mabasa ng estudyante ang talatang ito, ipaliwanag na ang mga Nicolaitane ay isang sinaunang sekta ng relihiyon. Sinabi nila na sila ay mga Kristiyano, ngunit sila ay lumihis mula sa mga alituntunin ng ebanghelyo upang masunod ang mga makamundong kaugalian (tingnan sa Doctrine and Covenants Student Manual [Church Educational System manual, 2001], 290).

  • Kung nagpasiya si Newel K. Whitney na magtuon sa mga ari-arian sa Kirtland sa halip na makitipon kasama ng mga Banal, paano natutulad ang kanyang mga ginawa sa mga ginawa ng mga Nicolaitane?

Ipaliwanag na dahil sa kanilang naantalang paglisan mula sa Kirtland at ang mga pag-uusig sa Missouri, hindi nakapagtipong kasama ng mga Banal sa Far West sina William Marks at Newel K. Whitney. Gayunman, sinunod nila ang payo ng Panginoon at nanatiling tapat, at kalaunan ay natipong kasama ng mga Banal sa Nauvoo, Illinois, kung saan naglingkod si William Marks bilang stake president at naglingkod naman si Newel K. Whitney bilang bishop.

Doktrina at mga Tipan 117:12–16

Inatasan ng Panginoon si Oliver Granger na katawanin ang Unang Panguluhan sa mga bagay na may kinalaman sa negosyo sa Kirtland

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang iba’t ibang calling o assignment sa Simbahan na maaaring matanggap nila.

Ipaliwanag na inutusan ng Panginoon ang isang lalaking nagngangalang Oliver Granger na lisanin ang Far West at bumalik sa Kirtland para “masigasig siyang makipaglaban sa pagtubos ng Unang Panguluhan ng aking Simbahan” (D at T 117:13). Kabilang sa tungkuling ito ang pagbebenta ng ari-arian ng Simbahan at pagsasaayos sa mga gawain sa negosyo ni Joseph Smith. Kakailanganin dito ni Oliver Granger, na halos bulag na, na magsakripisyo. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 117:12–15 at alamin ang sinabi ng Panginoon na matatanggap na mga pagpapala ni Oliver Granger sa paggawa niya ng utos na ito.

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap ni Oliver Granger?

  • Ano ang nadama ng Panginoon tungkol sa mga sakripisyong gagawin ni Oliver Granger? (Maaari mong ipaliwanag na ang pahayag na “ang kanyang hain ay mas banal sa akin kaysa sa kanyang yaman” ay nagpapahiwatig na mas mahalaga sa Panginoon ang sakripisyo ni Oliver kaysa sa perang makukuha ni Oliver sa paggawa ng inutos sa kanya. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang mga sakripisyong ginagawa natin bilang paglilingkod sa Panginoon ay banal sa Kanya.)

Patingnan ang mga calling at assignment na isinulat mo sa pisara. Itanong sa mga estudyante kung ano ang maaaring kailanganing sakripisyo para magawa ang mga calling at assignment na iyon.

  • Bakit napakahalaga na gawin natin ang lahat para magawa ang isang assignment o calling?

Ipaliwanag na namatay si Oliver Granger noong Agosto 25, 1841. Sa panahong iyan, gumaganap pa rin siya bilang kinatawan ng Unang Panguluhan sa kanilang mga gawain sa negosyo. Bagama’t hindi niya lubusang naayos ang mga gawain sa negosyo ng Simbahan, sinikap niyang mapangalagaan ang integridad at magandang reputasyon ng Simbahan. Siya ay tapat sa Panginoon at kay Propetang Joseph Smith.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ano ang ginawa ni Oliver Granger para alalahanin siya nang may kabanalan? Wala namang gaano talaga. Hindi iyon dahil sa ginawa niya kundi dahil sa pagkatao niya. …

“Hindi inasahan ng Panginoon na maging perpekto si Oliver, marahil ni magtagumpay. …

“Hindi natin laging maaasahang magtagumpay, ngunit dapat nating sikaping gawin ang pinakamainam na magagawa natin” (“Sa Pinakamaliit na Ito,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 86).

  • Sa palagay ninyo, bakit banal sa Panginoon ang mga sakripisyo natin, kahit sa palagay natin ay hindi natin ganap na napapagtagumpayan ang ipinagagawa sa atin?

Doktrina at mga Tipan 118

Nagtalaga ang Panginoon ng mga bagong Apostol at tinawag na magmisyon ang lahat ng Apostol

Ipaliwanag na noong Hulyo 8, 1838, ang Panginoon ay tumawag ng apat na bagong Apostol para palitan sina Luke Johnson, Lyman E. Johnson, William E. McLellin, at John F. Boynton, na nag-apostasiya. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 118:3 at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ng mga Apostol.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Apostol?

  • Anong mga salita at parirala sa talata 3 ang naglalahad kung paano nais ng Panginoon na ipangaral ng mga Apostol ang ebanghelyo?

Isulat sa pisara ang sumusunod: Kung ipapangaral natin ang ebanghelyo sa pamamaraan ng Panginoon, …

  • Batay sa talata 3, ano ang dalawang paraan na makukumpleto natin ang pahayag na ito? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang mga sumusunod na alituntunin: Kung ipapangaral natin ang ebanghelyo sa pamamaraan ng Panginoon, Siya ang magtutustos para sa ating mga pamilya. Kung ipapangaral natin ang ebanghelyo ayon sa pamamaraan ng Panginoon, ihahanda Niya ang iba para matanggap ang Kanyang mensahe.)

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano sila pinagpala dahil sa pagmimisyon ng kanilang kapatid o iba pang miyembro ng pamilya.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 118:4–5 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na “humayo sila patungo sa ibayo ng malalaking tubig” (ang Atlantic Ocean) upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo, simula sa kanilang misyon sa pagtatayuan ng templo sa Far West. Maglilingkod sila sa Great Britain.

  • Ayon sa talata 5, kailan aalis ang mga Apostol para sa kanilang misyon? Saan sila aalis?

Ipaliwanag na sa mga sumunod na buwan matapos ang paghahayag na ito, tumindi ang pag-uusig sa Missouri. Kalaunan pinaalis ang mga Banal sa estadong iyon. Dahil sa mga kalagayang ito naging mapanganib sa Labindalawa na gawin ang iniutos ng Panginoon na magpulong sa Far West. Maraming taga Missouri ang hayagang ipinagyabang na hahadlangan nila ang katuparan ng paghahayag. Ngunit determinado ang Labindalawa na sundin ang utos ng Panginoon. Noong umaga ng Abril 26, 1839, sina Elder Brigham Young, Elder Heber C. Kimball, at Elder Orson Pratt, kasama sina Elder John E. Page at Elder John Taylor, na naordenan kamakailan bilang mga Apostol (tingnan sa D at T 118:6), ay nagtungo sa pagtatayuan ng templo sa Far West. (Hindi lahat ng matatapat na miyembro ng korum ay nakarating doon. Halimbawa, si Elder Parley P. Pratt ay dinakip at ikinulong dahil sa mga maling paratang.) Muli nilang sinimulan ang paglalatag ng pundasyon ng templo (tingnan sa D at T 115:11) sa pamamagitan ng paglalagay ng isang malaking bato malapit sa timog-silangang sulok ng lote. Sila ay nag-ordena rin ng mga bagong Apostol, sina Elder Wilford Woodruff (tingnan sa D at T 118:6) at Elder George A. Smith, para punan ang mga nabakanteng katungkulan sa Korum ng Labindalawa. Matapos magawa ang mga tagubilin ng Panginoon, umalis na sila, nang hindi namamalayan ng mga taong nagplanong pigilan sila. Si Willard Richards, na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 118:6, ay inordena bilang Apostol isang taon kalaunan, noong Abril 14, 1840. (Para sa mas kumpletong tala ng pangyayaring ito, tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 152–55.)

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntunin na tinalakay sa klase ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 117:11. pangkat ng mga Nicolaitane

Ang salitang mga Nicolaita ay matatagpuan sa Apocalipsis 2:6, 15. Naniniwala ang ilang mananaliksik na nagpursigi ang mga Nicolaitane o Nicolaita na ilakip ang pagsamba sa diyus-diyosan sa sinaunang simbahang Kristiyano. Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga Nicolaitane ay “mga miyembro ng Simbahan na sinisikap na panatilihin ang kanilang katayuan sa kanilang simbahan habang patuloy na namumuhay sa pamamaraan ng mundo. … Anuman ang kanilang naging partikular na mga gawa at doktrina, nagkaroon ng ganitong katawagan para matukoy ang mga taong nais na ilagay ang kanilang mga pangalan sa mga rekord ng Simbahan, ngunit ayaw ilaan ang kanilang mga sarili sa layunin ng ebanghelyo nang buong puso” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 3:446; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual [Church Educational System manual, 2001], 290).

Doktrina at mga Tipan 117:16. Mga mamamalit ng salapi

Bago umalis si Joseph Smith ng Kirtland, isang grupo ng mga nag-apostasiya ang kumontrol at namahala sa templo. Tinukoy ng Panginoon ang mga taong ito bilang “mga mamamalit ng salapi”, na katulad ng mga taong naglapastangan sa bakuran ng templo sa Jerusalem (tingnan sa Mateo 21:12–13). Sa kabila ng pangyayaring ito, gusto ng Panginoon na alalahanin ng Kanyang mga tagapaglingkod “sa lupain ng Kirtland” ang kabanalan ng templo.

Doktrina at mga Tipan 118. Katuparan ng utos na lisanin ng mga missionary ang Far West

“Nong umaga [ng Abril 26, 1839, pagkatapos magpulong ang Korum ng Labindalawang Apostol sa pagtatayuan ng templo sa Far West,] si Theodore Turley, isa sa mga Banal na kasa-kasama ng Labindalawa sa Far West, ay nagtungo sa tahanan ng nag-apostasiyang si Isaac Russell para magpaalam. Nagulat si Russell na nasa Far West ang kanyang kaibigan kasama ang mga miyembro ng Labindalawa. Hindi siya nakaimik nang malamang natupad ang propesiya” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 226).