Seminaries and Institutes
Lesson 21: Doktrina at mga Tipan 17


Lesson 21

Doktrina at mga Tipan 17

Pambungad

Habang isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, nalaman niya na tatlong saksi ang pahihintulutang makita ang mga lamina (tingnan sa 2 Nephi 27:12–14; Eter 5:2–4; D at T 5:11–15, 18). Nang malaman ito nina Oliver Cowdery at David Whitmer, ninais nila na tumayong mga saksi. Bago ito, sinabi ng Panginoon na kung sapat na mapagkumbaba at masunurin si Martin Harris, pahihintulutan din siyang makita ang mga lamina (tingnan sa D at T 5:23–28). Sinabi nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris sa Propeta na itanong sa Panginoon kung mabibigyan ba sila ng ganitong pagkakataon. Tiniyak ng Panginoon na pahihintulutan ang tatlong kalalakihang ito na makita ang mga lamina at ang iba pang mga bagay kung sapat ang kanilang pananampalataya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 17:1–2

Sinabi ng Panginoon kina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris na kung sapat ang kanilang pananampalataya sila ay pahihintulutang makita ang mga lamina at ang iba pang mga sagradong bagay

Sa pisara, gumawa ng vertical list ng mga numero 1 hanggang 5. Isulat ang mga laminang ginto sa tabi ng numero 1. Sabihin sa klase na kopyahin ang listahan sa kanilang notebook o scripture study journal. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang listahan sa pamamagitan ng pagsulat ng anumang iba pang mga bagay na nakita ng Tatlong Saksi nang ipakita sa kanila ni Moroni ang mga lamina. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang kanilang mga listahan sa mga bagay na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 17:1.

  • Anong bagay ang binanggit sa Doktrina at mga Tipan 17:1 na pinakagusto ninyong makita? Bakit?

  • Paano napalakas ang mga patotoo ng Tatlong Saksi nang makita nila ang mga bagay na ito? Bakit?

  • Paano lalong nagpatunay sa katotohanan ng Aklat ni Mormon ang pagkakita sa espada ni Laban at sa Liahona?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pangyayari kung bakit ibinigay ang paghahayag na pag-aaralan nila ngayon, ibuod ang pambungad sa lesson na ito. Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na pahihintulutan sina Martin Harris, Oliver Cowdery, at David Whitmer na makita ang mga lamina. Gayunman, may ipinagawa muna sa kanila ang Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 17:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kailangan munang gawin ng Tatlong Saksi bago makita ang mga lamina. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magtiwala sa salita ng Diyos “nang may buong layunin ng puso”? (Isa sa maaaring ibig sabihin nito ay sumunod sa Diyos o sundin ang Kanyang mga salita nang buong puso.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangang magpakita ng pananampalataya ang mga kalalakihang ito tulad ng mga propeta noong unang panahon bago sila pahintulutan ng Panginoon na makita ang mga lamina?

Bagama’t maaaring hindi tayo magkaroon ng pagkakataong makita ang mga bagay na nakita ng Tatlong Saksi, maaari pa rin tayong makatanggap ng pagpapatunay ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung tayo ay susunod at , makatatanggap tayo ng pagpapatunay sa mga katotohanan ng ebanghelyo.

Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng mga salitang kukumpleto sa pahayag na ito. (Maaaring isagot ng mga estudyante ang tulad nito: Kung tayo ay susunod at mananampalataya sa Diyos, makatatanggap tayo ng pagpapatunay sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Isulat sa pisara ang kumpletong alituntunin gamit ang mga salita ng mga estudyante.)

  • Paano kayo nagpakita ng pananampalataya sa Diyos upang makatanggap ng pagpapatunay sa Aklat ni Mormon?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tinulungan ni Joseph Smith si Martin Harris na maipamuhay ang alituntuning ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay mula sa ina ni Joseph Smith na si Lucy Mack Smith:

Lucy Mack Smith

“Kinabukasan, matapos gawin ang kanyang mga karaniwang ginagawa, gaya ng pagbabasa, pagkanta at pagdarasal, tumayo si Joseph mula sa pagkakaluhod, at nilapitan si Martin Harris nang buong kataimtiman na hanggang sa ngayon ay labis na nagpapasaya sa akin sa tuwing naaalala ko, at nagsabi, ‘Martin Harris, kailangan mong magpakumbaba sa harapan ng Diyos sa araw na ito, upang magtamo ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan. Kung gagawin mo ito, itutulot ng Diyos na makita mo ang mga lamina, kasama nina Oliver Cowdery at David Whitmer’” (History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 151–52).

  • Bakit kailangang magbago si Martin upang makita ang mga laminang ginto?

Doktrina at mga Tipan 17:3–9

Inihayag ng Panginoon ang responsibilidad ng Tatlong Saksi na magpatotoo tungkol sa mga lamina

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 17:3–5 nang kani-kanya at alamin ang magiging responsibilidad ng Tatlong Saksi matapos makita ang mga lamina. (Magkakaroon sila ng responsibilidad na patotohanan ang nasaksihan nila.)

  • Ano ang responsibilidad natin kapag pinatunayan sa atin ng Panginoon ang mga banal na katotohanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Matapos na ipakita sa atin ang katotohanan, responsibilidad nating patotohanan ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa kanilang banal na kasulatan na nagtuturo ng alituntuning ito.)

  • Paano natin naipapakita ang ating pananampalataya kapag handa tayong patunayan ang katotohanan?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang salaysay tungkol sa Tatlong Saksi, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Sina Martin Harris, David Whitmer, Oliver Cowdery, at [ako] … ay nagtungo [sa kakahuyan malapit sa bahay ng pamilya Whitmer], at lumuhod upang manalangin sa Pinakamakapangyarihang Diyos. …

“Alinsunod sa napagplanuhan, sinimulan ko ito sa pagdarasal nang malakas sa ating Ama sa Langit, at sinundan nila ito nang magkasunod. Gayunman, hindi kami nakatanggap ng anumang sagot o pagpapamalas ng aming hinihiling mula sa Diyos. Muli kaming nanalangin sa paraang tulad ng nauna … ngunit wala pa ring sagot tulad ng dati.

“Sa pangalawang beses na pagkabigong ito, iminungkahi ni Martin Harris na hindi na siya sasama sa amin sa pagdarasal, dahil sa palagay niya siya ang dahilan kaya hindi namin matanggap ang aming hinihiling. Lumayo siya sa amin, at kami naman ay lumuhod na muli, at hindi pa kami natatagalan sa pagdarasal, maya-maya ay nakita namin ang isang liwanag sa aming ulunan, na napakatindi; at masdan, nakatayo sa aming harapan ang isang anghel. Hawak niya ang mga laminang pinagdarasal naming makita. Isa-isa niyang binuklat ang mga pahina para makita namin ang mga ito, at malinaw na maunawaan ang mga nakaukit doon. … Nakarinig kami ng tinig mula sa matinding liwanag na nasa ulunan namin, nagsasabing, ‘Ang mga laminang ito ay inihayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang pagsasalin ng mga ito na nakita ninyo ay tama, at iniuutos ko sa inyo na itala ang inyong nakita at narinig.’

“Ngayon iniwan ko na sina David at Oliver, at hinanap si Martin Harris, na nakita ko sa di-kalayuan, taimtim na abala sa panalangin. Di nagtagal sinabi niya sa akin, gayunman, na hindi pa niya napahinuhod ang Panginoon, at taos sa pusong hiniling sa akin na samahan ko siya na manalangin, upang siya man ay magtamo ng mga pagpapalang katatanggap lang namin. Magkasama nga kaming nanalangin, at sa huli ay nakamit ang mga ninanais namin, dahil hindi pa man kami natatapos, nakita namin ang gayunding pangitain, sa pangalawang pagkakataon para sa akin, at narinig at namasdan kong muli ang gayunding mga bagay; samantalang sa sandali ring iyon ay nagsumamo si Martin, marahil sa lubos na kaligayahan, ‘Sapat na; sapat na ito; namasdan na ng aking mga mata; namasdan na ng aking mga mata’” (sa History of the Church, 1:54–55).

  • Sa palagay ninyo, bakit napakahalaga sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ang batas ng mga saksi o pagkakaroon ng maraming saksi?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, na detalyadong inilahad ang nadama ni Joseph Smith sa karanasang iyon:

Lucy Mack Smith

“Nang bumalik sila sa bahay, sa pagitan ng ikatlo at ikaapat ng hapon, kami nina Ginang Whitmer, at Ginoong Smith ay nakaupo sa kwarto noong oras na iyon. Sa kanyang pagpasok, mabilis na umupo si Joseph sa tabi ko, at sa malakas na tinig ay nagsabing, ‘Itay, Inay, alam po ba ninyo kung gaano ako kasaya: pinahintulutan na ngayon ng Panginoon na ipakita ang laminang ginto sa tatlo pang tao bukod sa akin. Nakakita sila ng isang anghel, na nagpatotoo sa kanila, at magpapatotoo sila sa katotohanan ng sinabi ko, sa ngayon ay alam na nila sa kanilang mga sarili, na hindi ako nanlilinlang ng mga tao, at pakiramdam ko ay naalis sa akin ang isang pasanin na halos hindi ko na makaya, at pinasasaya nito ang aking kaluluwa, na hindi na ako lubusang nag-iisa sa mundo.’ Sa sandaling ito, pumasok si Martin Harris: halos napuspos ng kagalakan, at pinatotohanan nang buong tapang ang kanyang mga nakita at narinig. At gayon din sina David at Oliver, at idinagdag na walang dilang maaaring masambit ang kagalakan sa kanilang mga puso, at ang kadakilaan ng mga bagay na kapwa nila nakita at narinig” (History of Joseph Smith by His Mother, 152).

  • Ano ang nararamdaman ninyo kapag kasama ninyo ang ibang tao na alam din na totoo ang ebanghelyo? Paano nakatutulong sa inyo ang kanilang mga patotoo?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner na basahin nang malakas ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” (na matatagpuan matapos ang pambungad sa Aklat ni Mormon). Habang nagbabasa ang mga estudyante, sabihin sa kanila na maghanap ng mga salita o parirala na nagpapalakas ng kanilang mga patotoo.

Ipaliwanag sa mga estudyante na bagama’t bawat isa sa Tatlong Saksi ay lumayo sa Simbahan (sina Oliver Cowdery at Martin Harris ay muling nabinyagan kalaunan), wala ni isa sa kanila ang ipinagkaila na nakita nila ang Aklat ni Mormon.

Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay idinagdag sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon ang kanilang personal na patotoo. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gusto nilang isama sa kanilang patotoo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 17:6 at alamin ang pagpapatotoo ni Jesucristo sa Aklat ni Mormon. Pinatotohanan ni Jesucristo na totoo ang Aklat ni Mormon.

  • Paano napalakas ng patotoo ng Panginoon sa Aklat ni Mormon ang inyong patotoo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 17:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pangakong ibinigay sa Tatlong Saksi. Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pariralang “mabubuting layunin” sa talata 9.

  • Ano ang maaaring ilan sa mga layunin ng Panginoon kung bakit kailangan ang Tatlong Saksi? (Maaari mo ring iparebyu sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 17:4 upang masagot ang tanong na ito.)

  • Ano ang maaaring “mabuting layunin” ng pagpapatotoo sa inyo ng tungkol sa katotohanang nais ninyong malaman?

Ipaalala sa mga estudyante na maaari tayong magtamo ng patotoo o magpalakas ng isang patotoo kung ibabahagi natin ito. Sabihin sa klase na pag-isipan kung sino ang mababahagian nila ng kanilang patotoo na maaaring makinabang kapag narinig ito. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang patotoo sa taong iyon sa linggong ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 17:1. Ang mga lamina, ang Urim at Tummim, at ang baluti sa dibdib

Ibinigay ni Joseph Smith ang mga lamina, ang Urim at Tummim, at ang baluti sa dibdib kay anghel Moroni nang matapos na niya ang ipinagawa sa kanya ng Diyos (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:52, 59–60).

Doktrina at mga Tipan 17:3, 5. Ang mga patotoo nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris

Bagama’t hindi natin alam ang eksaktong mga dahilan kung bakit matagal na lumayo sa Simbahan ang Tatlong Saksi, ang Doktrina at mga Tipan 3:4 ay maaaring makatulong sa pagpapaliwanag kung bakit nagagawa pang lumayo sa Simbahan ng isang tao matapos makakita ng isang anghel at mapakitaan ng mga lamina:

“Sapagkat bagaman ang tao ay makatanggap ng maraming paghahayag, at magkaroon ng kapangyarihang makagawa ng maraming makapangyarihang gawa, ngunit kung siya ay magyayabang sa kanyang sariling lakas, at ipagwawalang-kabuluhan ang mga payo ng Diyos, at sumusunod alinsunod sa mga atas ng kanyang sariling kagustuhan at mga makamundong nasain, siya ay tiyak na babagsak at matatamo niya ang paghihiganti ng isang makatarungang Diyos.”

Sa kabila ng paglayo sa Simbahan, wala ni isa sa Tatlong Saksi ang nagkaila na nakita nila ang Aklat ni Mormon, tulad ng isinasaad ng mga sumusunod na salaysay:

Ibinahagi ni Oliver Cowdery ang sumusunod na patotoo sa isang kumperensyang idinaos sa Kanesville, Iowa, noong Oktubre 21, 1848:

Oliver Cowdery

“Isinulat ko, gamit ang sarili kong panulat, ang buong Aklat ni Mormon (maliban lang sa iilang pahina) habang idinidikta ito sa akin ni Propetang Joseph Smith, nang ito ay kanyang isalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. … Totoo ang aklat na iyon. Hindi ito isinulat ni Sidney Rigdon; hindi ito isinulat ni Ginoong Spaulding; isinulat ko ito mismo habang idinidikta ito sa akin ng Propeta (“The Three Witnesses,” The Historical Record, ed. Andrew Jenson, tomo 6, blg. 3–5 [Mayo 1887], 201; tingnan din sa George Reynolds, “History of the Book of Mormon,” The Contributor, tomo 5, blg. 12 [Set. 1884], 446).

Isang pahayagan na may pangalang Richmond Democrat ang nag-ulat ng sumusunod na salaysay ng patotoo ni David Whitmer sa Aklat ni Mormon:

David Whitmer

“Isang Linggo ng gabi, ganap na alas–5:30 (Ene. 22, 1888), tinawag ni Ginoong Whitmer ang kanyang pamilya at ilang kaibigan sa tabi ng kanyang kama. … Pagkatapos ay sinabi niya sa lahat ng nakapalibot sa kanya ang mga salitang ito: ‘Ngayon, lahat kayo ay dapat na maging matapat kay Cristo. Gusto kong sabihin sa inyong lahat na ang Biblia at ang talaan ng mga Nephita (ang Aklat ni Mormon) ay totoo, upang masabi ninyo na narinig ninyo akong magbahagi ng aking patotoo habang ako nakaratay sa higaan at malapit nang mamatay. Maging matapat kayong lahat kay Cristo, at kayo ay gagantimpalaan ayon sa inyong mga gawa. Pagpalain nawa kayong lahat ng Diyos. Ako ay nananalig kay Cristo magpakailanman, sa mga daigdig na di mabilang. Amen.’ Richmond Democrat, Peb. 2, 1888, binanggit sa Andrew Jenson, Latter-day Saint Biographical Encyclopedia, 4 na tomo (1901), 1:270]” (sa Doctrine and Covenants Student Manual [Church Educational System manual, 2001], 33).

Ilang sandali bago siya mamatay, nagpatotoo si Martin Harris:

Martin Harris

“Oo, talagang nakita ko ang mga lamina na pinagsulatan ng Aklat ni Mormon; nakita ko ang anghel; narinig ko ang tinig ng Diyos; at alam ko na si Joseph Smith ay Propeta ng Diyos, na mayhawak ng mga susi ng Banal na Priesthood. [“The Last Testimony of Martin Harris,” itinala ni William H. Homer sa isang pahayag na sinumpaan sa harapan ni J. W. Robinson, Abr. 9, 1927, binanggit sa Francis W. Kirkham, A New Witness for Christ in America, 2 tomo (1960), 1:254.]” (Sa Doctrine and Covenants Student Manual, 33.)

Doktrina at mga Tipan 17. Ang Patotoo ng Walong Saksi

Ilang araw matapos makita ng Tatlong Saksi ang mga laminang ginto, “walong karagdagang saksi—matatapat na kalalakihang malapit sa Propeta noong panahon ng pagsasalin—ay pinili rin na mapakitaan ng mga lamina. … Pinahintulutan si Joseph na ipakita sa kanila ang mga lamina malapit sa tahanan ng pamilya Smith sa Manchester noong inaasikaso niya ang pagpapalimbag sa aklat. [Tingnan sa History of the Church, 1:58.] Pinatotohanan ng Walong Saksi na nahawakan at nabuhat nila ang mga lamina at nakita ang mga nakaukit sa mga pahina. Ang kanilang patotoo ay nakapaloob sa lahat ng nailathalang edisyon ng Aklat ni Mormon” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 60–61).

Doktrina at mga Tipan 17:6. Ang patotoo ng Diyos tungkol sa Aklat ni Mormon

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Isa sa mga pinakabanal na sumpa’t pangako na ibinigay sa tao ay ang mga salitang ito ng Panginoon na may kaugnayan kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. ‘At naisalin niya [ni Joseph Smith] ang aklat, maging yaong bahagi na aking iniutos sa kanya,’ sabi ng Panginoon, ‘at yayamang ang inyong Panginoon at inyong Diyos ay buhay ito ay totoo.’ (D at T 17:6.)

“Ito ang patotoo ng Diyos sa Aklat ni Mormon. Sa patotoong ito itinaya ng Diyos ang Kanyang pagkadiyos. Dahil kung hindi totoo ang aklat hindi rin totoo ang Diyos. Walang pahayag ngayon at kahit kailan na mas pormal o mas makapangyarihan kaysa rito na batid ng mga tao o ng mga diyos” (“The Doctrine of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1982, 33).