Lesson 125
Doktrina at mga Tipan 119–120
Pambungad
Noong tag-init ng 1838, ang mga Banal ay may malaking problema sa pinansiyal sa panahong sinisikap nilang itayo ang Simbahan sa hilagang Missouri. Humingi si Propetang Joseph Smith ng gabay sa Panginoon, at noong Hulyo 8, 1838, natanggap niya ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 119 at 120. Sa mga paghahayag na ito, itinuro ng Panginoon ang batas ng ikapu at binigyan ng awtoridad ang ilang lider ng Simbahan na pagpasiyahan kung paano gamitin ang mga pondo ng ikapu.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 119:1–4
Inihayag ng Panginoon ang batas ng ikapu
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Isang babaeng taga Sāo Paulo, Brazil … [ang nagtatrabaho] habang nag-aaral para matustusan ang pamilya. Mga salita niya ang gagamitin ko sa pagkukuwento. Sabi niya:
“‘Sa unibersidad na pinapasukan ko ay bawal kumuha ng eksamen ang mga estudyanteng may utang.’ …
“‘Naaalala ko noong … nagkaproblema ako nang husto sa pera. … Nang kuwentahin ko ang buwanang badyet ko, napansin kong kukulangin ako sa pambayad ng ikapu at ng matrikula. Kailangan kong pumili sa dalawa. Sa susunod na linggo na ang simula ng eksamen at kung di ako makakakuha nito, masasayang ang buong taon ko. Nabalisa ako. … Hirap na hirap akong magpasiya, at di ko alam kung ano ang gagawin’” (“Tayo ay Nagsisilakad nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2002, 73).
-
Ano kaya ang sasabihin ninyo sa isang tao na nasa gayunding sitwasyon?
Ipabasa sa isang estudyante ang natitirang bahagi ng kuwento:
“‘Di mawaglit sa isipan ko ang problemang ito [nang ilang araw]. Noon ko naalala na nang magpabinyag ako sa Simbahan, sumang-ayon akong sundin ang batas ng ikapu. Tinanggap ko ang isang obligasyon, hindi sa mga misyonero, kundi sa aking Ama sa Langit. Sa sandaling iyon, nagsimulang maglaho ang pag-aalala ko at napalitan ito ng nakasisiyang kapanatagan at determinasyon. …
“‘Nang magdasal ako nang gabing iyon, humingi ako ng tawad sa Panginoon sa pag-aatubili kong magpasiya. Kinalingguhan, … tuwang-tuwa akong nagbayad ng ikapu at mga handog. Espesyal ang araw na iyon. Naging masaya ako at napanatag sa aking sarili at sa Ama sa Langit’” (“Tayo ay Nagsisilakad nang may Pananampalataya,” 73).
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila tutugon sa sitwasyong ito. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ngayon na makatutulong sa kanila kapag naranasan nila ang gayunding mga sitwasyon.
Ipaliwanag na simula noong 1837, nakaranas ang Simbahan ng malaking problema sa pinansyal, gayundin ang karamihan sa mga miyembro ng Simbahan. Ang sanhi ng mga problemang ito sa pinansiyal ay ang naghihirap na ekonomiya ng bansa, karahasan ng mga mandurumog sa Missouri at sa Ohio na nagtaboy sa mga Banal mula sa kanilang mga tahanan, at ang pagtutol ng ilang Banal na sundin ang batas ng paglalaan. Noong 1838, nang dumarami na ang mga Banal na nagtitipon sa Caldwell County, Missouri, kinailangan ng Simbahan ng pera para maisagawa ang inutos ng Panginoon, tulad ng pagtatayo ng templo sa Far West. Matagal nang hinihikayat ng mga bishop sa Ohio at Missouri na dalhin ng mga Banal ang kanilang mga ikapu at mga handog sa kamalig.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 119. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinanong ni Joseph Smith nang panahong iyon.
-
Ano ang itinanong ni Joseph Smith sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 119:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot ng Panginoon sa kahilingan ni Joseph Smith.
-
Ayon sa talata 4, ano ang ikapu? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na kautusan: Iniutos sa atin ng Panginoon na magbayad ng ikasampung bahagi ng ating tinubo o kinita bilang ikapu. Maaari mong isulat sa pisara ang kautusang ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang salitang tinubo sa talata 4, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Ang batas [ng ikapu] sa madaling salita ay ‘ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo.’ Ang ibig sabihin ng tinubo ay kinita, suweldo, dagdag na kita. Ito ang sahod ng isang taong may trabaho, ang kinita mula sa pagpapalakad ng isang negosyo, ang dagdag na kita ng isang taong nagtatanim o gumagawa ng mga produkto, o ang kinita ng isang tao mula sa iba pang pinagmulan. Sinabi ng Panginoon na mananatili itong batas ‘magpakailanman’ katulad noon” (sa Conference Report, Abr. 1964, 35).
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa utos ng Panginoon sa mga Banal na magbayad ng ikapu sa panahon kung kailan mahirap para sa kanila na gawin ito?
-
Sa anong mga paraan maituturing na pagpapakita ng pananampalataya ang pagbabayad ng ikapu?
Upang matulungan ang mga estudyante na maintindihan kung paano magbayad ng ikapu, ipakita ang Tithing and Other Offerings form. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kinita sila. Sabihin sa isang estudyante na magmungkahi ng halagang kinikita nila.
-
Magkanong ikapu ang dapat mong bayaran mula sa perang iyon?
Isulat ang halaga ng ikapu sa tamang lugar sa form at itanong ang sumusunod:
-
Kung hahatiin natin ang 10 porsiyento ng ating kita sa iba’t ibang donasyon na nasa form, nagbayad ba tayo ng buong ikapu? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang 10 porsiyento ng kanilang kita ay dapat ilista bilang ikapu. Ang anumang donasyong ibigay nila sa iba pang mga pondo ay karagdagan sa 10 porsiyentong iyon.)
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na ipaliwanag sa isa’t isa ang kanilang pagkaunawa kung paano ginagamit ang mga pondong ikapu. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang paliwanag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 119:2.
-
Ayon sa talata 2, saan ginagamit ang ikapu? (Ang ikapu ay ginagamit “para sa pagtatayo ng bahay [ng Panginoon]” [pagtatayo ng mga templo] at “para sa pagtatatag ng saligan ng Sion at para sa pagkasaserdote” [panggastos para sa iba pang aspeto ng gawain ng Panginoon, tulad ng pagtatayo at pagmementena ng mga meetinghouse, pagsasalin at paglalathala ng mga banal na kasulatan, at pagsuporta ng gawaing misyonero at gawain sa family history sa iba’t ibang dako ng mundo]. Maaari mong bigyang-diin na ang Simbahan ngayon ay walang pagkakautang. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga ikapu ay ginagamit sa pagtatayo ng mga templo at sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon.)
Doktrina at mga Tipan 119:5–7
Ipinaliwanag ng Panginoon ang batas ng ikapu
Anyayahan ang dalawang estudyante na sumali sa isang dula-dulaan. Mag-assign ng isang estudyante na gaganap na matapat na miyembro ng Simbahan, habang gagampanan naman ng pangalawang estudyante ang papel ng isang hindi miyembro ng Simbahan. Bigyan ang pangalawang estudyante ng isang papel na nakasulat ang sumusunod: Nabalitaan ko na nagbibigay ka ng 10 porsiyento ng iyong kita sa inyong simbahan. Bakit gusto mong gawin ito?
Ipabasa nang malakas sa pangalawang estudyante ang tanong, at sabihin sa unang estudyante na sagutin ito. Pagkatapos magdula-dulaan, itanong sa klase kung ano kaya ang isasagot nila sa tanong na iyon. Sabihin na maraming magagandang sagot sa tanong na ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 119:6–7. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang nagagawa ng pagsunod sa batas ng ikapu.
-
Ayon sa talata 6, ano ang nagagawa sa pagsunod sa batas ng ikapu? (Nagagawang banal ang lupain ng Sion sa Panginoon.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talatang ito, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagiging banal ay tumutukoy sa pagiging malaya mula sa kasalanan—dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bukod pa rito, ipaalala sa mga estudyante na ang Sion ay higit pa sa pisikal na lokasyon; ito ay mga tao na “may dalisay na puso” (D at T 97:21).
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga epekto ng pagsunod sa batas ng ikapu sa sarili nilang salita. Bagama’t maaaring ibang mga salita ang gamitin ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang pagbabayad ng ikapu ay nagpapabanal sa atin bilang indibiduwal at bilang miyembro ng Simbahan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng alituntuning ito, sabihin sa kanila na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal:
-
Paano nakatulong ang pagbabayad ng ikapu sa pagpapabanal sa inyo?
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong ang pagbabayad ng ikapu sa isang tao upang siya ay mapabanal?
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag ang kanilang isinulat. Maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan at magpatotoo tungkol sa batas ng ikapu.
Doktrina at mga Tipan 120
Nag-organisa ang Panginoon ng konseho para sa pamamahagi ng mga ikapu
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 120. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang layunin ng paghahayag na ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 120:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang pinili ng Panginoon na maging bahagi ng kapulungan na nagpapasiya kung paano dapat gamitin ang mga pondo ng ikapu.
-
Sino ang nagpapasiya kung paano dapat gamitin ang mga pondo ng ikapu?
Maaari mong ipaliwanag na ang kapulungang tinutukoy sa Doktrina at mga Tipan 120 ang responsable sa pangangasiwa ng lahat ng mga bayarin at gastusin ng buong Simbahan. Ang kapulungang ito na kilala bilang Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu ay binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at ng Presiding Bishopric.
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 120:1, paano pinagpapasiyahan ng mga miyembro ng kapulungan o konsehong ito ang paggamit ng mga pondo ng ikapu? (Sa “[sariling tinig] sa kanila,” ng Tagapagligtas. Sa madaling salita, sa pamamagitan ng paghahayag.)
Sabihin sa mga estudyante na ibuod sa sarili nilang mga salita ang itinuturo ng paghahayag na ito tungkol sa kung sino ang namamahala sa paggamit ng mga pondo ng ikapu. (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang Panginoon ang namamahala sa paggamit ng mga pondo ng ikapu sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling tagapaglingkod.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano isinasagawa ang alituntuning ito sa Simbahan ngayon, ipaliwanag na bawat ward o branch ay nagsusumite ng kanilang natipong pondo ng ikapu sa headquarters ng Simbahan. Hindi ang mga lokal na lider ang nagpapasiya kung paano gagamitin ang mga sagradong pondong ito. Ang Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu ang gumagawa ng mga pagpapasiyang iyon ayon sa patnubay ng Panginoon.
Nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa malaking paggalang ng Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu sa mga pondo ng ikapu:
“May itinatabi ako sa kabinet sa likod ng aking mesa na lepta ng balo na ibinigay sa akin sa Jerusalem maraming taon na ang nakararaan bilang paalala, palaging paalala, ng kasagraduhan ng mga pondong pinamamahalaan namin. Galing ito sa isang balo, ito ay kanyang handog na tulad ng ikapu ng mayamang lalaki, at dapat gamitin nang buong ingat at may tamang pagpapasiya para sa mga layunin ng Panginoon. Pinag-iingatan namin ang mga ito at pinangangalagaan sa bawat paraan na matitiyak namin na nagagamit ang mga ito ayon sa nais ng Panginoon na paggamit dito para sa pagpapatatag ng Kanyang gawain at para sa mas ikabubuti ng Kanyang mga tao” (“This Thing Was Not Done in a Corner,” Ensign, Nob. 1996, 50).
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karagadagang ideya o ng kanilang mga patotoo tungkol sa batas ng ikapu.