Seminaries and Institutes
Lesson 97: Doktrina at mga Tipan 93:1–20


Lesson 97

Doktrina at mga Tipan 93:1–20

Pambungad

Noong Mayo 6, 1833, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 93. Ang paghahayag na ito ay ituturo sa dalawang bahagi. Ang lesson na ito ay nakatuon sa mga talata 1–20, kung saan ipinaliwanag ni Jesucristo ang layunin ng paghahayag: “Ibinibigay ko sa inyo ang mga salitang ito upang maunawaan ninyo at malaman kung paano sumamba, at malaman kung ano ang sasambahin, upang kayo ay makarating sa Ama sa aking pangalan, [at] sa takdang panahon ay tumanggap ng kanyang kaganapan” (D at T 93:19).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 93:1–5

Itinuro ni Jesucristo kung paano makikita ng mga tao ang Kanyang mukha at malalaman na Siya ay buhay

Magpakita ng larawan ng isang bantog na tao na makikilala ng iyong mga estudyante at tanungin sila kung alam nila ang pangalan ng taong ito. (Kung wala kang maipapakitang larawan, isulat sa pisara ang pangalan ng tao at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung sino ang taong ito at kung saan siya kilala.)

  • Bakit kilala ng napakaraming tao ang taong ito?

  • Sa palagay ba ninyo ay mahalagang makilala kung sino ang taong ito? Bakit?

Magpakita ng larawan ni Jesucristo (maaari mong gamitin ang Jesucristo [Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (2009), blg. 1]; tingnan din sa LDS.org), at ipaliwanag na maraming tao ngayon ang hindi kilala kung sino Siya.

Jesucristo
  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang makilala kung sino si Jesucristo?

Magpatotoo na hindi natin matatamo ang ating lubos na potensyal bilang mga anak ng Diyos maliban kung nalalaman natin ang tungkol kay Jesucristo. Ipaliwanag na itinuro ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 93 kung paano natin madaragdagan ang ating kaalaman tungkol sa Kanya at tungkol sa Kanyang kapangyarihan na pagpalain tayo ngayon at sa buong kawalang-hanggan. Isulat sa pisara ang sumusunod na dalawang tanong, at mag-iwan ng puwang para maisulat ng mga estudyante ang kanilang sagot sa ilalim ng mga tanong.

Ano ang dapat nating gawin upang magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo?

Ano ang malalaman natin tungkol sa Kanya kung gagawin natin ang mga bagay na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:1–5. Bago magsimula sa pagbabasa ang estudyante, sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang mga sagot sa unang tanong at sa natitirang kalahati na alamin ang mga sagot sa pangalawang tanong. Matapos basahin ang mga talata, palapitin ang ilang estudyante sa pisara at ipasulat ang kanilang mga sagot sa mga tanong. Pagkatapos ay itanong sa klase ang sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo ipahahayag ang pangako sa talata 1 bilang isang alituntunin na naghahayag ng “sanhi at epekto”? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tatalikuran natin ang ating mga kasalanan, lalapit kay Cristo, tatawag sa Kanyang pangalan, susundin ang Kanyang tinig, at susundin ang Kanyang mga kautusan, makikita natin ang Kanyang mukha at malalamang Siya na nga.)

Maaari mong bigyang-diin na ang pagpapalang ito ay darating sa sariling panahon ng Panginoon, at sa Kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa Kanyang sariling kalooban (tingnan din sa D at T 88:68; tingnan din sa Enos 1:27).

  • Paano makatutulong ang bawat isa sa mga gagawin sa Doktrina at mga Tipan 93:1 para makilala natin si Jesucristo?

  • Mula sa natutuhan ninyo sa talata 3, ano ang isang mahalagang doktrina na dapat nating maunawaan tungkol sa Ama at sa Anak? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang Ama at ang Anak ay isa.)

  • Ano ang ibig sabihin ng ang Ama at ang Anak ay isa?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Ama at ang Anak ay dalawang magkahiwalay at magkaibang nilalang, bawat isa ay may niluwalhating pisikal na katawan (tingnan sa D at T 130:22). Gayunman, ang Ama at ang Anak ay isa sa layunin at doktrina. Sila ay ganap na nagkakaisa sa pagsasakatuparan ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.

Ituro ang sumusunod na parirala sa Doktrina at mga Tipan 93:4: “Ang Ama dahil sa ibinigay niya sa akin ang kanyang kaganapan.” Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:17, 26. Itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ibig sabihin ng natanggap ni Jesucristo ang kaganapan ng Ama? (Tingnan sa D at T 93:16–17, 26.)

  • Paano nakatulong ang mga katotohanan sa mga talata 4–5 na lalo pa nating maunawaan ang ibig sabihin ng ang Ama at ang Anak ay isa?

Ipaliwanag na dahil ang Ama at ang Anak ay isa, makikilala natin kapwa ang Ama sa Langit at si Jesucristo kapag ginawa natin ang sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 93:1.

Doktrina at mga Tipan 93:6–20

Ginamit ang tala ni Juan upang matulungan tayo na maunawaan kung paano natanggap ni Jesucristo ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama sa Langit

Ipaliwanag na marami pa tayong malalaman tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng impormasyon na ibinigay ng Panginoon mula sa talaan ni Juan sa Doktrina at mga Tipan 93. Maaaring makatulong din na ipaliwanag na si Apostol Juan ay disipulo ni Juan Bautista nang magsimula ng Kanyang mortal na ministeryo si Jesucristo. Sa kanyang mga isinulat, si Apostol Juan ay nagbigay ng bahagyang ulat tungkol sa pagpapatotoo ni Juan Bautista sa Tagapagligtas.

Hatiin ang klase sa grupo na may tig-aapat na estudyante. Ipabasa sa bawat grupo ang Doktrina at mga Tipan 93:6–11 nang magkakasama at ipatukoy ang mga titulo na ginamit upang ilarawan ang Tagapagligtas. Dapat kabilang sa mga titulo na matutukoy ng mga estudyante ang “ang Salita, maging ang sugo ng kaligtasan” (talata 8), “ang ilaw at ang Manunubos ng sanlibutan” (talata 9), “ang Espiritu ng katotohanan” (talata 9), at “Bugtong na Anak ng Ama” (talata 11).

handout iconKapag natapos na nilang basahin ang mga talata, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na impormasyon tungkol sa mga titulong nabanggit sa itaas. Sabihin sa isang miyembro ng bawat grupo na pumili ng isa sa mga titulo at pag-aralan nang tahimik ang kaugnay na impormasyon. Tagubilinan ang mga estudyante na maghanda para maipaliwanag sa iba pang kasama nila sa grupo ang ibig sabihin ng titulo at ibahagi ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong. Maaari mong isulat sa pisara ang tanong o isama ito sa handout para makita ito ng mga estudyante kung kinakailangan.

  • Paano makatutulong sa inyo ang katotohanang ito para mas makilala, mapahalagahan, at masunod si Jesucristo?

“Ang Salita, maging ang sugo ng kaligtasan”

Si Jesucristo ay tinukoy bilang “ang Verbo” sa Juan 1:1. Ipinaliwanag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“Sa wikang Griyego ng Bagong Tipan, ang Verbo/Salita ay Logos, o ‘ekspresyon.’ … Ang katawagang iyan ay tila kakaiba, ngunit angkop ito. Gumagamit tayo ng mga salita upang maipakita ang ekspresyon natin sa iba. Kaya si Jesus ay ang Verbo/Salita, o ekspresyon, ng Kanyang Ama sa sanlibutan” (“Jesus the Christ: Our Master and More,” Ensign, Abr. 2000, 4). Si Jesucristo ay tinawag na sugo ng kaligtasan dahil ipinahayag Niya sa atin ang mga salita ng Ama, at yaong makikinig at susunod sa Kanyang mensahe ay tatanggap ng kaligtasan (tingnan sa Juan 12:49–50).

“Ang ilaw at ang Manunubos ng sanlibutan”

Sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo, si Jesucristo ay nagbibigay-buhay at liwanag sa lahat ng bagay. Siya ay tinawag ding Ilaw ng Sanlibutan dahil nagpakita Siya ng perpektong halimbawa kung paano dapat mamuhay ang mga tao. Si Jesucristo ay Manunubos ng sanlibutan dahil sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nagbayad Siya para sa kasalanan ng buong sangkatauhan at ginawang posible ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng tao.

“Ang Espiritu ng katotohanan”

Ang titulong “ang Espiritu ng katotohanan” ay tumutulong sa atin na maunawaan na hindi nagsisinungaling Si Jesucristo at taglay Niya ang kabuuan ng katotohanan (tingnan sa Enos 1:6; D at T 93:26). Ipinahahayag Niya ang katotohanan sa sangkatauhan (tingnan sa D at T 76:7–8). Ang titulong ito ay ginamit din sa pagtukoy sa Espiritu Santo, na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Juan 15:26).

Ang “Bugtong na Anak ng Ama”

Si Jesucristo ang pinakadakilang nilalang na isinilang sa mundong ito. Ang Diyos ay Ama ng mga espiritu ng buong sangkatauhan, ngunit si Jesucristo ang tanging tao na isinilang sa mundo bilang literal na Anak ng Diyos sa laman. Dahil si Jesucristo ay anak ng isang imortal na Ama, Siya ay may kapangyarihan sa kamatayan (tingnan sa Juan 5:26). Dahil sa kapangyarihang ito naisagawa Niya ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng buong sangkatauhan.

Pagkatapos ng sapat na oras na ibinigay sa mga grupo para matapos nila ang kanilang talakayan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:12–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung paano naging katulad ni Jesucristo ang Kanyang Ama.

  • Paano naging katulad ni Jesucristo ang Kanyang Ama? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Si Jesucristo ay nagpatuloy nang biyaya sa biyaya hanggang sa Kanyang matanggap ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nagpatuloy si Jesucristo nang biyaya sa biyaya, hanggang sa Kanyang tanggapin ang kaganapan?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang biyaya ay lakas at kapangyarihan mula sa Diyos na nagtutulot sa atin na matamo ang buhay na walang hanggan at kadakilaan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilang ibinigay ng Tagapagligtas sa paghahayag kung paano Niya natanggap ang kaganapan ng Ama.

  • Ayon sa talata 19, bakit inihayag ng Tagapagligtas kung paano Niya natanggap ang kaganapan ng Ama?

Tulungan ang mga estudyante na makita na inihayag ng Tagapagligtas kung paano Niya natanggap ang kaganapan upang “maunawaan [natin] at malaman” ang tungkol sa Kanya at sa Ama sa Langit at malaman kung paano sambahin ang Ama at tanggapin ang Kanyang kaganapan. Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 568.)

“Ang perpektong pagsamba ay pagtulad. Iginagalang natin yaong tinutularan natin” (Elder Bruce R. McConkie).

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pagsamba?

  • Paano natin dapat sambahin ang Ama sa Langit? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kailangan nating sambahin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo.)

  • Paano nahahalintulad ang pag-unlad ng Tagapagligtas nang biyaya sa biyaya sa proseso ng pag-aaral at pag-unlad na maaaring maranasan natin?

  • Ano ang pangakong ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 93:20 sa mga yaong tutularan ang halimbawa ni Jesucristo at susundin ang Kanyang mga kautusan? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan, matatanggap natin ang kaganapan ng Ama, katulad ni Jesucristo.)

Hawakan ang larawan ng Tagapagligtas na ipinakita mo sa simula ng klase.

  • Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo tungkol sa halimbawa, mga turo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Ano ang maaari mong gawin para magpatuloy “nang biyaya sa biyaya” (D at T 93:13) at maging higit na katulad Niya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Lorenzo Snow, at sabihin sa klase na pag-isipan ang gusto nilang gawin upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas:

Pangulong Lorenzo Snow

“Huwag [umasang] maging perpekto kaagad. Kung ganito ang iisipin ninyo, panghihinaan kayo ng loob. Maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti bukas kaysa ngayon. Huwag nating hayaang daigin pa tayo bukas ng mga tuksong marahil ay dumaraig sa atin ngayon. Kaya’t patuloy na bumuti nang unti-unti bawat araw; at huwag hayaang lumipas ang buhay nang wala tayong nagagawang kabutihan sa iba gayundin sa ating sarili” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow [2012], 116).

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang isang bagay na pagsisikapan nilang mas paunlarin at mas pagbutihin sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 93:5. Ipinakita ni Jesucristo ang mga gawa ng Ama

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang isang mahalagang layunin ng mortal na ministeryo ni Jesucristo ay tulungan tayo na makilala ang ating Ama sa Langit:

Elder Jeffrey R. Holland

“Sa lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinakikita Niya sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa sinikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.

“Inihayag Niya ito kahit paano dahil noon at ngayon kailangan nating lahat na ganap na makilala ang Diyos para lalo natin Siyang mahalin at lalo pa Siyang sundin. …

“Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na ‘maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan’ [Lectures on Faith (1985), 42.]” (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70, 72).

Doktrina at mga Tipan 93:12–16. Nais ng Ama na matanggap natin ang Kanyang kaganapan

Ipinaliwang ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo magiging nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin at matanggap ang Kanyang kaganapan:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.

“Isinasalarawan ng isang parabula ang kaalamang ito. Alam ng isang mayamang ama na kung ipagkakaloob niya ang kanyang kayamanan sa isang batang hindi pa nagkakaroon ng kailangang karunungan at istado sa buhay, ang pamana ay malamang na masasayang lamang. Sinabi ng ama sa kanyang anak:

“Lahat ng mayroon ako ay nais kong ibigay sa iyo—hindi lamang ang yaman ko, pero gayon din ang aking kalagayan at katayuan sa mga tao. Yaong mayroon ako ay madali kong maibibigay sa iyo, pero yaong kung sino ako ay dapat makamtan mo sa iyong sarili. Ikaw ay magiging karapat-dapat sa iyong mana sa pamamagitan ng pagkatuto ng natutuhan ko at sa pamumuhay katulad ng ginawa ko. Bibigyan kita ng mga batas at alituntunin kung saan nakuha ko ang aking karunungan at istado sa buhay. Tularan ang halimbawa ko, nagpapakadalubhasa gaya ng pagpapakadalubhasa ko, at ikaw ay magiging katulad ko, at lahat ng mayroon ako ay mapapasaiyo.’

“Nakahahalintulad ng parabulang ito ang kaayusan sa langit. Ipinangangako ng ebanghelyo ni Jesucristo ang di mapapantayang pamana na buhay na walang hanggan, ang kaganapan ng Ama, at nagpapahayag ng mga batas at alituntunin kung saan ito matatamo.” (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32).

Doktrina at mga Tipan 93:13–14. “Hindi tinanggap [ni Jesucristo] ang kaganapan sa simula”

Kabilang sa pagpapakababa ni Jesucristo na maging Siya, isang miyembro ng Panguluhang Diyos, ay dumaan sa tabing patungo sa mortalidad, naging tulad ng bawat isa sa atin, at sa una ay hindi alam ang Kanyang banal na pagkatao bilang Bugtong na Anak ng Diyos Ama. Ipinaliwanag ni Pangulong Lorenzo Snow: “Habang nakahiga si Jesus sa sabsaban, isang walang-malay na sanggol, hindi Niya alam na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang lumikha ng daigdig. Nang ipalabas ang utos ni Herodes, wala Siyang alam tungkol dito; wala Siyang kapangyarihang iligtas ang Kanyang sarili; at kinailangan Siyang dalhin [nina Jose at Maria] at [itakas] patungo sa Egipto upang protektahan Siya mula sa mga epekto ng utos na iyon. … Nagbinata Siya, at habang lumalaki ay inihayag sa Kanya kung sino Siya, at kung ano ang Kanyang layunin sa mundo. Ang kaluwalhatian at kapangyarihang taglay Niya bago Siya naparito sa mundo ay ipinaalam sa Kanya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow [2012], 313).

Doktrina at mga Tipan 93:12, 19–20. Nagpatuloy nang biyaya sa biyaya at tumanggap ng kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama

Ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith ay naglilinaw sa isang aspeto ng pag-unlad nang biyaya sa biyaya hanggang sa matanggap natin ang kaganapan:

Propetang Joseph Smith

“Hindi karunungan na dapat nating matamo nang minsanan ang lahat ng kaalamang iniharap sa atin; kundi magtamo tayo nito nang paunti-unti; sa gayon ay mauunawaan natin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 312).

Ipinahayag pa niya:

Propetang Joseph Smith

“Kapag kayo ay aakyat ng hagdan, kailangan kayong magsimula sa ibaba, at umakyat nang paisa-isang baitang, hanggang sa kayo ay makarating sa itaas; gayundin sa mga alituntunin ng ebanghelyo—kailangan kayong magsimula sa una, at magpatuloy hanggang sa matutuhan ninyo ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan. Subalit matagal pang panahon matapos na kayo ay magdaan sa tabing bago ninyo matutuhan ang mga ito. Hindi lahat ay mauunawaan sa daigdig na ito; magiging malaking gawain ang matutuhan ang ating kaligtasan at kadakilaan maging sa kabilang buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 312).