Seminaries and Institutes
Lesson 107: Doktrina at mga Tipan 102


Lesson 107

Doktrina at mga Tipan 102

Pambungad

Noong Enero 1834 mahigit 3,000 na ang miyembro ng Simbahan. Ang pagdami ng mga miyembro ay nangailangan ng karagdagang lider na mamamahala sa mga gawain ng Simbahan. Noong Pebrero 17, 1834, dalawampu’t apat na mataas na saserdote ang nagtipon sa tahanan ni Joseph Smith para magpulong kung saan inorganisa ang unang mataas na kapulungan o high council ng Simbahan. Napansin ni Orson Hyde, ang clerk sa pulong, na maaaring may ilang pagkakamali ang mataas na kapulungan sa mga katitikan o itinalang kaganapan sa pulong. Kaya, bumoto ng pagsang-ayon ang kapulungan na iwasto ng Propeta ang anumang kinakailangan. Ginugol ni Joseph Smith ang sumunod na araw, Pebrero 18, sa pagwawasto sa mga katitikang iyon. Nabago ang mga katitikan at tinanggap sa kasunod na araw, Pebrero 19. Makikita ngayon sa Doktrina at mga Tipan 102, nakatala sa mga katitikang ito ang pagkakatatag ng mga mataas na kapulungan at nagbibigay ng tagubilin para sa mga stake presidency at high council kapag nagsasagawa sila ng pagdidisiplina para sa mga tao na nakagawa ng mabibigat na kasalanan. (Tandaan na ang mga district presidency at district council ay awtorisado ring sundin ang mga paraang ito.)

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 102:1–5

Ang unang mataas na kapulungan o high council ng Simbahan ay inorganisa

Basahin nang malakas ang sumusunod na kuwento na inilahad ni Pangulong Harold B. Lee:

Pangulong Harold B. Lee

“Maraming taon na ang nakalipas … naglingkod ako bilang stake president. Mayroon kaming isang napakabigat na kaso o kasalanan na pinag-usapan sa high council at stake presidency na nagbunga ng pagkatiwalag sa Simbahan ng isang lalaki na gumawa ng kalapastanganan sa isang magandang batang babae. Pagkatapos ng disciplinary council na tumagal nang halos buong gabi, nagpunta ako kinabukasan sa opisina na medyo pagod pa at kinausap ako ng kapatid ng lalaking ito na [kinausap namin kasama ang council] kagabi. Sinabi ng lalaking ito, ‘Gusto kong sabihin sa iyo na walang kasalanan ang kapatid ko sa ipinararatang ninyo sa kanya.’

“‘Paano mo nalaman na wala siyang kasalanan?’ tanong ko.

“‘Dahil nagdasal ako, at sinabi ng Panginoon na wala siyang kasalanan,’ ang sagot ng lalaki” (Teachings of Harold B. Lee, ed. Clyde J. Williams [1996], 420–21).

  • Sa inyong opinyon, paano nakatanggap ang lalaki ng sagot na salungat sa pasiyang ginawa ng stake presidency at high council?

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 102 ay naglalaman ng mga alituntunin na tutulong sa atin na maunawaan kung paano hinahangad ng mga stake presidency at high council na malaman ang kalooban ng Panginoon tungkol sa paraan kung paano tutulungan ang mga miyembro ng Simbahan na nakagagawa ng mabibigat na kasalanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang mataas na kapulungan o high council.

  • Ano ang mataas na kapulungan o high council? (Isang pangkat ng 12 mataas na saserdote o high priest na pinamumunuan ng “isa o tatlong pangulo.” Sa Simbahan ngayon, isang stake president at kanyang mga tagapayo ang namumuno sa mataas na kapulungan o high council.)

Ipaliwanag na ang mataas na kapulungan o high council na inilarawan sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 102 ay naiiba sa ilang paraan mula sa mga high council sa mga stake ngayon. Ito ay may awtoridad sa buong Kirtland, Ohio, at sa mga lugar sa palibot nito at pinamumunuan ng Unang Panguluhan. Gayunman, dahil dumami na ang mga miyembro ng Simbahan, ang mga stake ay inorganisa at tumawag ng mga stake presidency at high council para pamahalaan ang Simbahan sa kani-kanyang stake na nasasakupan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang layunin ng mataas na kapulungan o high council at kung paano ito itinalaga.

  • Paano itinatalaga ang mataas na kapulungan o high council? Ano ang layunin nito?

Matapos sagutin ng mga estudyante ang mga tanong sa itaas, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mataas na kapulungan o high council ay itinatalaga sa pamamagitan ng paghahayag upang isaayos ang mahahalagang suliranin sa Simbahan. Ipaliwanag na ang “mahahalagang suliranin” ay karaniwang tumutukoy sa mabibigat na kasalanan na nagawa ng mga miyembro.

Ipaliwanag na ang ikinuwento ni Pangulong Lee na binasa sa simula ng lesson ay nagbibigay ng halimbawa ng isang responsibilidad ng mataas na kapulungan o high council: kumilos bilang disciplinary council ng Simbahan, sa pamumuno ng stake presidency. Upang matulungan ang klase na maunawaan ang layunin ng mga disciplinary council o konseho sa pagdidisiplina, sabihin sa isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na pakinggan ang tatlong layunin ng disciplinary council ng Simbahan.

“Ang pinakamabibigat na kasalanan, tulad ng mabibigat na paglabag sa batas ng tao, pang-aabuso sa asawa, pang-aabuso sa anak, pakikiapid, pagtatalik ng hindi mag-asawa, panggagahasa, at pagtatalik ng malapit na magkamag-anak, ay madalas mangailangan ng pormal na pagdidisiplina ng Simbahan. Maaaring makabilang sa pormal na pagdidisiplina ng Simbahan ang pagkakait sa mga pribilehiyo ng pagiging miyembro ng Simbahan o pagkatiwalag sa Simbahan. …

“… Layunin ng mga konseho sa pagdidisiplina na [1] iligtas ang kaluluwa ng mga nagkasala, [2] protektahan ang walang kasalanan, at [3] pangalagaan ang kadalisayan, integridad, at magandang pangalan ng Simbahan.

“Ang pagdidisiplina ng Simbahan ay isang inspiradong prosesong nagaganap sa loob ng ilang panahon. Sa prosesong ito at sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang isang miyembro ay maaaring mapatawad sa mga kasalanan, maibalik ang kapayapaan ng isipan, at magtamo ng lakas na maiwasang magkasala sa hinaharap” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 89).

  • Ano ang tatlong layunin ng mga disciplinary council o konseho sa pagdidisiplina ng Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga pariralang naglalarawan kung paano gagampanan ng mga miyembro ng high council ang kanilang tungkulin. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 102:6–34

Ang mga pamamaraan para sa disciplinary council o konseho sa pagdidisiplina ay ipinaliwanag

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 102:6–11 sa pagsasabi sa mga estudyante na ang mga talatang ito ay nagpapaliwanag kung paano pangangasiwaan ang mataas na kapulungan o high council kapag hindi kumpleto ang mga miyembro nito. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:12–14 upang malaman kung paano pinipili ang mga miyembro ng mataas na kapulungan o high council para magsalita sa isang disciplinary council. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ibig sabihin ng magpalabunutan? (Sa ganitong sitwasyon, ibig sabihin ay bubunot ng numero ang mga miyembro ng council mula 1 hanggang 12.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:15–18 at sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit bumubunot ng mga numero ang mataas na kapulungan o high council.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talata 15–16 tungkol sa paraan kung paano isasagawa ang mga council o kapulungan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Sa Simbahan ni Jesucristo, ang mga disciplinary council ay dapat isagawa nang may pagkakapantay-pantay at katarungan.)

  • Kapag ang isang high councilor ay nakabunot ng even number sa disciplinary council, ano ang kanyang responsibilidad? Paano ipinapakita rito ang pagmamalasakit ng Panginoon para sa mga miyembro ng Simbahan na nakagawa ng mabigat na kasalanan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang dapat gawin ng pangulo ng kapulungan o council pagkatapos marinig ang magkabilang panig ng kaso o nagawang kasalanan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano makatutulong sa paggawa ng desisiyon ng stake president ang pagdinig muna sa mga sasabihin ng mga miyembro ng council para sa kapakanan ng pinaratangan gayon din para sa kapakanan ng Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, at sabihin sa klase na tukuyin kung ano ang ginagawa ng pangulo ng council bukod pa sa pakikinig sa pahayag ng magkabilang panig tungkol sa kaso o nagawang kasalanan:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Gusto kong tiyakin sa inyo … na walang kahatulang ibinigay nang walang panalanging ginawa. Ang paghatol sa isang miyembro ay napakabigat para ipaubaya sa mga tao, at lalo na sa isang tao lamang. Dapat naroon ang patnubay ng Espiritu, na masigasig na hinangad at sinunod, kung nais na magkaroon ng katarungan” (“In … Counsellors There Is Safety,” Ensign, Nob. 1990, 50).

  • Ano ang ginagawa ng stake president bukod sa pakikinig sa pahayag ng magkabilang panig tungkol sa kaso o nagawang kasalanan?

  • Ayon sa talata 19, ano ang ipagagawa ng pangulo sa council pagkatapos niyang gumawa ng desisyon?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 102:20–22 na ipinapaliwanag na ang mga talatang ito ay nagbigay ng mga tagubilin tungkol sa dapat gawin kung hindi nakatitiyak sa ginawang pasiya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dapat gawin sa mga sitwasyon na hindi malinaw na tinukoy sa doktrina. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

  • Anong katotohanan ang itinuro sa talata 23? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang isipan sa mga namamahala sa mga disciplinary council.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 102:27–34 na ipinapaliwanag na ang mga pasiya ng stake disciplinary council ay maaaring iapela sa Unang Panguluhan.

Ipaalala sa mga estudyante ang ikinuwento ni Pangulong Harold B. Lee sa simula ng lesson na ito.

  • Sino ang mas pagkakatiwalaan natin—ang stake presidency at high council o ang taong sumalungat sa pasiya nila?

  • Batay sa mga katotohanang natutuhan ninyo sa inyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 102, bakit mapagkakatiwalaan natin ang mga pasiyang ginawa ng mga disciplinary council ng Simbahan?

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitirang bahagi ng kuwento ni Pangulong Lee:

Pangulong Harold B. Lee

“Hiniling kong pumasok siya sa opisina at naupo kami, at itinanong ko, ‘Pwede bang magtanong ako sa iyo ng ilang personal na bagay?’

“At sinabi niya, ‘Oo, sige.’ …

“‘Ilang taon ka na?’

“‘Apatnapu’t pito.’

“‘Anong priesthood ang taglay mo?’

“Sinabi niya na sa palagay niya ay teacher siya.

“‘Sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?’

“‘Hindi.’ …

“‘Nagbabayad ka ba ng iyong ikapu?’

“Sinabi niyang, ‘Hindi’—at hindi niya balak magbayad hangga’t … ang lalaking iyon ang bishop ng Thirty-Second Ward.

“Sinabi ko, ‘Dumadalo ka ba sa inyong mga priesthood meeting?’

“Sagot niya, ‘Hindi, sir!’ …

“‘Hindi ka rin dumadalo sa inyong mga sacrament meeting?’

“‘Hindi, sir.’

“‘Nagdarasal ba kayo ng iyong pamilya?’ at sinabi niyang hindi.

“‘Pinag-aaralan mo ba ang mga banal na kasulatan?’ Sinabi niya na malabo na ang kanyang mga mata, at hindi siya gaanong makabasa. …

“‘Ngayon,’ sabi ko, ‘labinglimang pinakamatwid na kalalakihan sa Pioneer Stake ang nanalangin kagabi … na nagkakaisa. … Ngayon ikaw, na hindi ginawa ang alinman sa mga bagay na ito, ay nagsabing nanalangin at tumanggap ka ng ibang sagot. Paano mo ipapaliwanag iyan?’

“Pagkatapos ang lalaking ito ay sumagot na sa palagay ko ay talagang angkop na angkop. Sinabi niya, ‘President Lee, siguro nakuha ko ang sagot na iyon sa maling source’” (Teachings of Harold B. Lee, 421–22).

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung bakit mapagkakatiwalaan natin ang mga pasiya ng mga stake presidency at high council sa Simbahan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 102. Mga disciplinary council ng Simbahan

Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa mga disciplinary council ng Simbahan:

Elder M. Russell Ballard

“Itinatanong kung minsan ng mga miyembro kung bakit nagsasagawa ng disciplinary council ang Simbahan. Tatlo ang layunin nito: iligtas ang kaluluwa ng nagkasala, protektahan ang walang kasalanan, at pangalagaan ang kadalisayan, integridad, at magandang pangalan ng Simbahan.

“Iniutos ng Unang Panguluhan na dapat magkaroon ng disciplinary council sa mga kaso ng pagpatay, incest, [pang-aabuso ng bata (seksuwal o pisikal)] o pag-aapostasiya. Dapat ding isagawa ang disciplinary council kapag ang isang kilalang lider ng Simbahan ay nakagawa ng mabigat na kasalanan, kapag ang nagkasala ay may bantang panganib sa ibang tao, kapag paulit-ulit na ginagawa ang mabibigat na kasalanan, [at] kapag ang mabigat na kasalanan ay alam ng lahat. …

“Ginagawa rin ang disciplinary council para pag-usapan ang katayuan ng miyembro sa Simbahan pagkatapos ng mabibigat na kasalanan tulad ng aborsyon, transsexual operation, tangkang pagpatay, panggagahasa, pang-aabusong seksuwal, sinadyang pananakit sa ibang tao na nagdulot ng matinding pinsala sa katawan, pakikiapid o adultery, pakikipagtalik nang hindi kasal, pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o kapwa babae, … pang-aabuso sa asawa, sadyang pag-iwan sa pamilya at pag-abandona sa mga responsibilidad sa pamilya, pagnanakaw, panloloob, paggastos ng perang ipinagkatiwala, pang-uumit, pagbebenta ng mga ilegal na droga, pandaraya, pagsisinungaling, o panunumpa nang walang katotohanan. [Maaari ding isagawa ang disciplinary council kapag ang tao ay nagkasala ng panlilinlang, panloloko, o iba pang uri ng pandaraya o kasinungalingan sa mga transaksyon sa negosyo.]

“Ang disciplinary council ay hindi isinasagawa upang litisin ang mga kasong sibil o kriminal. Ang pasiya ng korte o civil court ay maaaring makatulong kung magsasagawa o hindi ng disciplinary council ang Simbahan. Gayunman, ang pasiya ng civil court ay hindi nagdidikta sa ipapasiya ng disciplinary council.

“Ang disciplinary council ay hindi isinasagawa para sa mga bagay na tulad ng hindi pagbabayad ng ikapu, hindi pagsunod sa Word of Wisdom, hindi pagsisimba, o hindi pagtanggap sa mga home teacher. Hindi ito isinasagawa para sa pagkalugi sa negosyo o hindi pagbabayad ng mga utang. Hindi ito isinasagawa para sa paglutas ng hindi pagkakaunawaan ng mga miyembro. Ni para sa mga miyembro na humihiling na alisin na ang kanilang mga pangalan mula sa rekord ng Simbahan o [sa mga miyembro na hindi na aktibo]. …

“Ang disciplinary council ay sinisimulan sa pambungad na panalangin, na susundan ng isang pahayag na nagsasaad ng kadahilanan kung bakit tumawag ng council. Ang miyembro ay hihilingang sabihin sa simple at karaniwang salita ang tungkol sa nagawang kasalanan at ipaliwanag ang kanyang nadarama at kung anong hakbang na ang ginawa niya sa proseso ng pagsisisi. Maaaring sumagot ang miyembro sa mga tanong ng mga lider. Pagkatapos ay palalabasin siya, at ang mga lider ay magsasanggunian, mananalangin, at gagawa ng pasiya.

“Isasaalang-alang ng council ang maraming bagay, tulad ng kung nalabag ba o hindi ang mga tipan sa templo o kasal; kung naabuso ba o hindi ang tiwalang ibinigay o ang awtoridad; ang paulit-ulit na paggawa ng kasalanang ito, ang bigat, at lawak ng epekto ng kasalanan; ang edad, maturidad, at karanasan ng nagkasala; ang kapakanan ng mga inosenteng biktima at kapamilya; ang panahon sa pagitan ng pagkakasala at pagtatapat; kung kusa o hindi ang pagtatapat; at katibayan ng pagsisisi.

“Dapat panatilihing kumpidensyal ng mga miyembro ng council ang lahat ng bagay at magpasiya nang may pagmamahal. Ang layunin nila ay hindi magparusa; sa halip, ay tulungan ang miyembro na gumawa ng mga kinakailangang pagbabago upang makatayo nang malinis sa harapan ng Diyos.

“Ang mga pasiya ng council ay dapat gawin nang may patnubay ng Diyos. Maaaring magawa ng council ang isa sa apat na pasiya: (1) walang aksyon, (2) formal probation, (3) pag-disfellowship, o (4) pagtiwalag [excommunication].

“Bagama’t nagawa ang kasalanan, maaaring magpasiya ang council na walang gawing aksyon sa panahong iyon. (Ang miyembro ay hihikayating humingi pa ng payo sa kanyang bishop.)

“Ang formal probation ay pansamatalang pagdidisiplina, ibinigay para tulungan ang mga miyembro na lubos na magsisi. Ipapaliwanag ng namumunong opisyal ng council ang mga kundisyon at kapag nasunod ang mga kundisyong ito matatapos ang probation. Sa panahon ng probation, palaging kakausapin ng bishop o stake president ang nagkasala para matulungan siyang sumulong sa espirituwal.

“Ang pangatlong pasiya na maaaring gawin ng council ay i-disfellowship ang miyembro. Ang pag-disfellowship ay [nilayong] pansamantala lamang, bagama’t hindi naman ibig sabihin ay maikli lang ito. Ang mga taong na-disfellowship ay napanatili ang pagging miyembro sa Simbahan. Sila ay hinihikayat na dumalo ng mga pulong ng Simbahan, ngunit walang karapatang magbigay ng panalangin sa publiko o magbigay ng mensahe. Hindi sila manunungkulan sa Simbahan, hindi tatanggap ng sakramento, hindi boboto ng pagsang-ayon sa mga pinuno ng Simbahan, hindi magkakaroon ng temple recommend, o magsasagawa ng gawain ng priesthood. Gayunman, sila ay magbabayad ng ikapu at mga handog at patuloy na magsusuot ng temple garment kung na-endow sila.

“Ang excommunication ang pinakamabigat na hatol sa disciplinary council ng Simbahan. Ang mga taong natiwalag o na-excommunicate ay hindi na mga miyembro ng Simbahan. Dahil diyan, sila ay pagkakaitan ng mga pribilehiyo ng pagiging miyembro ng Simbahan, pati na ang pagsusuot ng temple garment at pagbabayad ng ikapu at mga handog. Maaari silang dumalo ng mga pulong ng Simbahan, ngunit, tulad ng mga taong na-disfellowship, may limitasyon ang pakikibahagi nila sa mga pulong na iyon. Ang mga taong natiwalag ay hinihikayat na magsisi at mamuhay nang marapat para mabinyagan muli kalaunan” (“A Chance to Start Over: Church Disciplinary Councils and the Restoration of Blessings,” Ensign, Set. 1990, 15–16).

Doktrina at mga Tipan 102:18. Mga karapatan ng nagparatang at ng pinaratangan

Noong 1840, nagbigay ng tagubilin si Propetang Joseph Smith para sa mga mataas na kapulungan o high council hinggil sa mga karapatan ng mga pinaratangang nagkasala. Ang mga alituntuning itinuro niya ay patuloy na ginagamit sa disciplinary council ng Simbahan ngayon. Itinuro niya:

Propetang Joseph Smith

“Hindi dapat pag-usapan ng Council ang kaso nang wala ang magkabilang panig na sangkot dito, o walang pagkakataong dumalo; ni huwag nilang didinggin ang reklamo ng isang tao bago masuri ang kasong ito; ni huwag nilang tulutan na malantad ang pagkatao ng sinuman sa harap ng High Council nang wala ang taong iyon upang maipagtanggol niya ang kanyang sarili; upang ang isipan ng mga miyembro ng council ay hindi magkaroon ng hindi matwid na palagay laban sa sinuman na pagpapasiyahan nila” (sa History of the Church, 4:154). Kung ang isang panig o mahalagang saksi ay hindi makadadalo sa disciplinary council, hihilingan siya ng namumunong opisyal na magsumite ng nakasulat na pahayag.