Lesson 121: Ang Simbahan ay Lumipat sa Hilagang Missouri
Lesson 121
Ang Simbahan ay Lumipat sa Hilagang Missouri
Pambungad
Noong 1837 at 1838, pinamunuan ni Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ang Simbahan sa mahirap na panahon. Dahil sa mahirap na kabuhayan, kasakiman, pamimintas, at pag-uusig, nag-apostasiya ang 10 hanggang 15 porsiyento ng mga Banal sa Kirtland, Ohio, at sa hilagang Missouri, kabilang na ang ilang kilalang lider ng Simbahan. Ang matatapat na Banal sa Ohio ay nagsimulang lumipat para sumama sa mga Banal na nasa hilagang Missouri. Makatutulong ang lesson na ito sa mga estudyante na maunawaan at matuto mula sa mga pangyayari sa kasaysayan at bigyan sila ng kaalaman tungkol sa mga paghahayag na natanggap sa panahong ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Apostasiya at ang lunsod ng Far West
Noong panahon ng apostasiya at pang-uusig, ang matatapat na Banal ay lumipat sa hilagang Missouri
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ang mga paghihirap at pagsubok ay nakapagpapalakas ba ng ating pananampalataya o nagpapawawala ng ating pananampalataya? Maaari mo ring idrowing ang isang mapa sa pisara na nagpapakita ng lokasyon ng Kirtland, Ohio, at iba pang mga pamayanan sa hilagang Missouri.
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang tanong sa pisara. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, ipaliwanag na noong 1837 at 1838, isang panahon na puno ng pagsubok ang naging dahilan para maranasan ng mga Banal ang sitwasyon na nakasaad sa tanong na ito. Ipaliwanag na sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante ang mahihirap na pangyayari at kung paano tinugon ng mga Banal ang mga ito. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nagpapalakas o nagpapahina ng pananampalataya natin kay Jesucristo ang paraan ng pagtugon natin sa mga pagsubok.
Maaari mo ring ipaliwanag sa mga estudyante na makatutulong ang lesson na ito na maunawaan nila kung kailan at saan at ano ang mga pangyayari nang ibigay ang mga paghahayag na pag-aaralan nila sa Doktrina at mga Tipan 113–123.
Ituro ang Missouri sa mapa. Ipaliwanag na noong palayasin ang mga Banal mula sa Jackson County, Missouri, noong 1833, tinanggap ng marami sa mga mamamayan ng kalapit na Clay County ang marami sa kanila at tinulungan sila, sa pag-aakalang pansamantala lamang silang mamalagi roon. Gayunman, nang halos tatlong taon nang nakatira roon ang mga Banal, nagsimula na silang sapilitang paalisin ng mga mamamayan sa bayan.
Ituro ang Kirtland, Ohio sa mapa. Ipaliwanag na noong 1837, isang taon mula nang ilaan ang Kirtland Temple, naranasan ng mga Banal ang mga paghihirap na sumubok sa kanilang pananampalataya. Nag-apostasiya ang ilang Banal at umalis sa Simbahan, kabilang na ang ilang kilalang lider ng Simbahan.
Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Magbigay ng kopya ng isa sa mga sumusunod na buod ng kasaysayan para sa bawat grupo. (Kung malaki ang iyong klase, maaari mo itong hatiin sa apat o anim na grupo at bigyan ang bawat grupo ng tig-iisang kopya ng mga buod. Sa gayon mas maraming estudyante ang makapagbabahagi sa talakayan.) Sabihin sa bawat grupo na basahin nang sama-sama ang buod at talakayin ang mga tanong na nasa katapusan ng buod. Atasan ang isang tao sa bawat grupo na pangunahan ang talakayan at tulungan ang grupo na sumulat ng isang alituntuning ibabahagi sa klase maya-maya.
Matapos na mabasa at mapag-aralan ng mga grupo ang mga buod ng kasaysayan, sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang kasaysayang nalaman nila at ang mga alituntuning natukoy nila. Habang nagtuturo ang mga estudyante, sabihin sa kanila na isulat ang mga alituntunin sa pisara. Ang mga alituntuning ito ay maaaring kabilangan ng sumusunod: Kapag pinili nating tumugon sa mga pagsubok nang may pananampalataya sa halip na pag-aalinlangan, mapalalakas ang ating patotoo; kapag sinuportahan natin ang propeta at sinunod ang kanyang payo, tumatanggap tayo ng espirituwal na seguridad na nagbibigkis sa atin sa Diyos (tingnan sa buod ng kasaysayan 1). Kapag pinatawad natin ang iba, maibabalik ng Panginoon ang ating mga dating ugnayan (tingnan sa buod ng kasaysayan 2).
Habang tinutukoy ng mga estudyante ang mga alituntunin, magtanong pa ng mga bagay na may kaugnayan dito para tulungan silang maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga katotohanang ito. Maaaring kasama sa mga tanong na ito ang mga sumusunod:
Bakit mahalagang maalaala natin ang alituntuning ito?
Paano ninyo ipapaliwanag ang katotohanang ito sa isang kaibigan?
Kailan kayo nakaranas o nakakita ng halimbawa ng alituntuning ito?
Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga katotohanang nalaman nila, papiliin sila ng isa o dalawa sa mga alituntuning natukoy ng mga grupo. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
Ano ang babaguhin ko dahil sa alituntunin o mga alituntunin na natutuhan ko ngayon?
Mga pangyayaring humantong sa pagpapaalis sa mga Banal mula sa hilagang Missouri
Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung nakakita sila ng miyembro ng Simbahan na gumawa ng isang bagay na nagbigay ng maling impresyon tungkol sa Simbahan. (Huwag ipabahagi sa kanila ang kanilang mga karanasan.) Maaari mo ring itanong sa mga estudyante na isipin kung paano naimpluwensyahan ng kanilang mga ginawa ang impresyon ng ibang tao sa Simbahan.
Bakit mahalaga na pag-isipan natin kung paano nakakaapekto ang ating mga ginagawa o sinasabi sa opinyon ng mga tao sa Simbahan?
Ipaliwanag na noong 1838 ang mga ginagawa at sinasabi ng ilang miyembro ng Simbahan ay nakadagdag sa hindi magandang pakiramdam ng ilang mamamayan ng Missouri sa mga Banal sa mga Huling Araw. Magbigay sa mga estudyante ng mga kopya ng sumusunod na buod ng kasaysayan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga sinabi o ginawa ng ilang mga Banal na nakasakit sa Simbahan at sa mga miyembro nito. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na huminto sandali pagkatapos ng bawat talata. Sa bawat paghinto, itanong sa mga estudyante ang sumusunod:
Ano ang sinabi o ginawa ng ilan sa mga Banal na nagdulot ng mga negatibong reaksyon sa Simbahan?
Bakit mahalagang maunawaan natin na ang ilan sa mga pag-uusig na dinanas ng mga Banal ay resulta ng mga ginawa ng mga miyembro ng Simbahan?
Ano ang matututuhan natin mula sa mga pangyayaring ito tungkol sa kung paano naiimpluwensyahan ng mga ginagawa at sinasabi natin ang ibang tao? (Sa pagsagot ng mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Ang ating mga ginagawa at sinasabi ay makaiimpluwensya sa pananaw ng iba sa Simbahan ni Jesucristo. Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Alma 39:11.)
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila nang makita nila na nakaimpluwensya ang mga sinasabi o ginagawa ng isang tao para magkaroon ng magandang pananaw ang isang tao sa Simbahan.
Tapusin ang lesson sa pagpapatingin muli sa tanong na isinulat mo sa pisara bago magklase. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila ngayon tungkol sa kung paano pinalalakas o pinahihina ng ating pagtugon sa mga hamon at pagsubok ang ating pananampalataya. Ibahagi ang iyong patotoo sa lakas na dulot ng pananatiling nananampalataya sa mga oras ng pagsubok.