Seminaries and Institutes
Lesson 114: Doktrina at mga Tipan 108


Lesson 114

Doktrina at mga Tipan 108

Pambungad

Noong Disyembre 26, 1835, si Lyman Sherman, isang tapat na miyembro ng Kampo ng Sion at isa sa pitong Pangulo ng Korum ng Pitumpu, ay sinunod ang pahiwatig ng Espiritu na humingi ng payo kay Propetang Joseph Smith hinggil sa kanyang tungkulin. Ang Doktrina at mga Tipan 108 ay naglalaman ng paghahayag na ibinigay kay Lyman sa pamamagitan ng Propeta.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 108:1–3

Pinatawad ng Panginoon si Lyman Sherman sa kanyang mga kasalanan

Simulan ang klase sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Nadama na ba ninyo na hinikayat kayo ng Espiritu na gawin ang isang bagay? Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo nang sundin ninyo ang mga paghihikayat ng Espiritu?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 108, at alamin kung sino ang lumapit sa Propeta para humingi ng paghahayag.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na impormasyon tungkol kay Lyman Sherman:

Si Lyman Sherman ay isang tapat na miyembro ng Simbahan na naglingkod sa Kampo ng Sion at tinawag na maging isa sa pitong Pangulo ng Korum ng Pitumpu. Itinala ni Propetang Joseph Smith sa kanyang journal na noong Disyembre 26, 1835, “Dumating si Brother Lyman Sherman, at hiniling na malaman ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ko; ‘sapagkat,’ sabi niya, ‘ako ay hinikayat ng Espiritu na sabihin sa iyo ang aking nadarama at naisin, at ako ay pinangakuan na makatatanggap ng paghahayag upang malaman ang aking tungkulin’” (sa History of the Church, 2:345; tingnan din sa Journals, Volume 1: 1832–1839, vol. 1 ng Journals series ng The Joseph Smith Papers [2008], 137).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Lyman nang sabihin niya na siya ay “hinikayat ng Espiritu” na kausapin si Joseph Smith?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pagpapalang ibinigay ng Panginoon kay Lyman Sherman dahil sinunod niya ang paghihikayat ng Espiritu na kausapin ang Propeta. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Batay sa inihayag ng Panginoon kay Lyman Sherman, anong pagpapala ang matatamo natin sa ating buhay kapag handa nating sundin ang tinig ng Panginoon? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinunod natin ang tinig ng Panginoon, matatamo natin ang Kanyang pagpapatawad. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagsunod sa mga pahiwatig mula sa Panginoon ay nagdudulot ng kapatawaran?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipaliwanag na ang tinig ng Panginoon ay maririnig sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, ng mga salita ng mga propeta sa panahong ito, at ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang pagsunod sa Diyos ay kinapapalooban ng pagpuno sa ating buhay ng mabubuting gawain na nagdudulot ng espirituwal na lakas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang paliwanag mula sa Tapat sa Pananampalataya: “Ang lubusang pagsunod ay naghahatid ng ganap na kapangyarihan ng ebanghelyo sa inyong buhay, pati na ibayong lakas na madaig ang inyong mga kahinaan. Kabilang sa pagsunod na ito ang mga gawaing maaaring sa simula ay hindi ninyo ituring na bahagi ng pagsisisi, tulad ng pagdalo sa mga miting, pagbabayad ng ikapu, paglilingkod, at pagpapatawad sa iba. Nangako ang Panginoon, ‘Siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin’ (D at T 1:32)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 157).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:2 at alamin ang payo ng Panginoon kay Lyman Sherman pagkatapos sabihing pinatawad na Niya ito sa kanyang mga kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “matahimik ang iyong kaluluwa hinggil sa iyong espirituwal na katayuan”?

  • Sa inyong palagay, paano makatutulong sa isang tao ang payo na “huwag nang labanan pa ang tinig [ng Panginoon]” upang matahimik o mapanatag ang kanyang kaluluwa?

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang alituntunin mula sa Doktrina at mga Tipan 108:1–2 tungkol sa naidudulot ng pagpapatawad ng Panginoon. (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyaking bigyang-diin ang sumusunod: Ang pagpapatawad ng Panginoon ay nagdadala ng katahimikan sa ating kaluluwa.)

Ipaliwanag na kung minsan iniisip ng mga taong nagsisi kung napatawad na sila sa kanilang mga kasalanan kapag nakadarama pa rin sila ng lungkot dahil sa mga ito. Ipabasa sa isang estudyante ang mga sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na pakinggan ang payo para sa mga yaong nahihirapang tulutang mapanatag ang kanilang kaluluwa.

Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Maaaring hindi dumating kaagad ang maningning na umaga ng kapatawaran. Huwag sumuko kung mabigo kayo sa una. Kadalasan, ang pinakamahirap na bahagi ng pagsisisi ay ang pagpapatawad sa inyong sarili. Ang pagdaig sa panghihina ng loob ay bahagi ng pagsubok. Huwag sumuko. Ang maningning na umagang iyon ay darating.

“Pagkatapos ‘ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip’ ay darating muli sa inyong buhay. [Fil. 4:7.] Pagkatapos kayo, tulad Niya, ay hindi na maaalaala pa ang inyong mga kasalanan. Paano ninyo malalaman? Malalaman ninyo! [Tingnan sa Mosias 4:1–3.]” (“The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign, Nob. 1995, 20).

  • Paano ninyo ilalarawan ang nadarama ninyo kapag hinayaan ninyong matahimik o mapanatag ang inyong kaluluwa?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:3 at alamin ang ipinayo pa ng Panginoon kay Lyman Sherman.

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon kay Brother Sherman? (“Bumangon at maging mas maingat mula ngayon sa pagtupad sa [kanyang] mga panata.” Ang panata ay isang pangako o tipan.)

  • Ano ang ilang panata na ginagawa natin?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila magiging “mas maingat mula ngayon” sa pagtupad sa kanilang mga panata. Kung may oras pa, sabihin sa kanila na isulat kung paano sila magiging mas maingat sa pagtupad sa kanilang mga panata.

Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung paano makahihikayat sa kanila o sa isang kapamilya ang mga katotohanang natukoy nila sa Doktrina at mga Tipan 108:1–3 na sundin ang tinig ng Panginoon at magtamo ng kapatawaran.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila ipamumuhay ang mga alituntuning ito at mapanatag hinggil sa kanilang espirituwal na katayuan sa harapan ng Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 108:4–8

Nagbigay ang Panginoon ng karagdagang payo at pangako kay Lyman Sherman

Itanong sa mga estudyante kung narinig na ba nila ang tungkol sa kapita-pitagang kapulungan. Kung mayroon, sabihin sa kanila na ipaliwanag ang pagkaunawa nila kung ano ito. Kung kailangan nila ng tulong, ipaliwanag na ang kapita-pitagang kapulungan ay isang espesyal na pagtitipon para sa “paglalaan ng mga templo, pagbibigay ng mga espesyal na tagubilin sa mga lider ng priesthood, at pagsang-ayon sa isang bagong Pangulo ng Simbahan” (David B. Haight, “Solemn Assemblies,” Ensign, Nob. 1994, 14). Noong Disyembre 1832, ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na kung magtatayo sila ng templo at magdaraos ng isang kapita-pitagang kapulungan, magbibigay Siya ng mga dakilang pagpapala sa mga Banal (tingnan sa D at T 88:70–75, 117–119). Noong Disyembre 1835, nang ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 108 ay ibigay kay Lyman Sherman, tatlong buwan na lamang bago ilaan ang Kirtland Temple. Sa pagitan ng Enero at Mayo 1836, maraming pulong ang ginanap sa Kirtland, ang ilan sa mga ito ay itinuring na mga kapita-pitagang pagpupulong. Noong linggo ng Marso 27, 1836, idinaos ang mga kapita-pitagang kapulungan bilang bahagi ng paglalaan ng Kirtland Temple, kabilang ang isang kapita-pitagang kapulungan para magbigay ng espesyal na tagubilin sa mga lider ng priesthood noong Marso 30, 1836.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang ipinangako ng Panginoon na tatanggapin ni Lyman sa kapita-pitagang pulong.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na tatanggapin ni Lyman Sherman?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Brother Sherman. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng panghihikayat ay mga salitang nagpapayo o nagpapalakas ng loob.

  • Sa paanong paraan nais ng Panginoon na patatagin ni Lyman Sherman ang kanyang mga kapatid?

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 108:7–8. Maaaring iba-ibang katotohanan ang matukoy ng mga estudyante, kabilang ang sumusunod: Dapat nating patatagin ang iba sa lahat ng ating pakikipag-usap at ginagawa. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.

  • Paano ninyo mapatatatag ang nasa paligid ninyo sa inyong mga pakikipag-usap? Paano ninyo mapatatatag ang nasa paligid ninyo sa inyong mga ginagawa?

Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang naranasan nila nang patatagin sila ng isang tao sa paraang gaya ng ipinayo ng Panginoon kay Lyman Sherman sa talata 7.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na mapapatatag nila ngayon at ng gagawin nila para maisagawa ito.

Ipaalam sa mga estudyante na si Lyman Sherman ay nanatiling tapat hanggang sa pagpanaw niya. Si Propetang Joseph Smith, na nasa Liberty Jail, ay tinawag at itinalaga si Lyman bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Enero 16, 1839, ngunit pumanaw na si Lyman bago natanggap ang liham ng Propeta tungkol sa kanyang bagong tungkulin.

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong karanasan tungkol sa isang taong nagpatatag sa iyo o tungkol sa pagpapatatag mo sa isang tao.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 108:1–2. “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na … matahimik ang iyong kaluluwa”

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee:

Pangulong Harold B. Lee

“Kung dumating ang panahon na nagawa na ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mapagsisihan ang kasalanan ninyo, sino man kayo, saanman kayo naroon, at kung nakapagbayad-pinsala at nakapagsauli na kayo sa abot ng inyong makakaya … , nanaisin ninyo ang nagbibigay-katiyakang sagot na iyon kung tinanggap kayo ng Panginoon o hindi. Sa inyong taimtim na pagninilay, kung hahangarin ninyo at matatagpuan ang kapayapaan ng budhi, dahil diyan ay malalaman ninyo na tinanggap na ng Panginoon ang inyong pagsisisi” (Stand Ye in Holy Places [1974], 185).

Doktrina at mga Tipan 108:3. “Maging mas maingat mula ngayon sa pagtupad sa iyong mga panata”

Nagpatotoo si Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga pagpapalang darating sa pagtupad sa mga tipan:

Elder Richard G. Scott

“Kapag nagtiwala kayo [sa Panginoon], hinangad at sinunod ang Kanyang kalooban, tatanggap kayo ng pagpapala na hindi maaarok ng inyong isipan sa mundong ito. Higit na nalalaman ng inyong Ama sa Langit at ng Kanyang Banal na Anak kaysa sa inyo ang makapagdudulot sa inyo ng kaligayahan. Binigyan Nila kayo ng plano ng kaligayahan. Kapag naunawaan at sinunod ninyo ito, ang kaligayahan ang inyong magiging pagpapala. Kapag taos-puso ninyong sinunod, tinanggap, at tinupad ang mga ordenansa at tipan ng banal na plano na iyan, makakamtan ninyo ang pinakamalaking kaligayahan sa buhay na ito. Oo, maging kaligayahang nakapupuspos. Ihahanda ninyo ang inyong sarili para sa kawalang-hanggan ng maluwalhating buhay kasama ang inyong mga mahal sa buhay na karapat-dapat para sa kahariang iyan” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 18).

Doktrina at mga Tipan 108:6. “Ikaw ay magkakaroon ng karapatang ipangaral ang aking ebanghelyo saan man kita isugo”

Si Lyman Sherman ay isa sa pitong Pangulo ng Korum ng Pitumpu. Habang tinatagubilinan ang mga miyembro ng Pitumpu noong Marso 30, 1836, hinggil sa kanilang tungkuling ipangaral ang ebanghelyo, sinabi ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Ang mga Pitumpu ay malayang makapupunta sa Sion kung nanaisin nila o saanman nila naisin at ipangaral ang ebanghelyo. Mithiin nating matubos ang Sion, at dapat nating sikaping maisakatuparan ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng buong lakas ng mga yaong kabilang sa bahay ng Panginoon saanman natin sila matagpuan” (Journals, Volume 1: 1832–1839, vol. 1 ng Journals series ng The Joseph Smith Papers [2008], 215; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay, pagbabantas, at malalaking titik; tingnan din sa History of the Church, 2:432).