Seminaries and Institutes
Lesson 77: Doktrina at mga Tipan 75


Lesson 77

Doktrina at mga Tipan 75

Pambungad

Sa isang pagpupulong ng Simbahan na ginanap noong Enero 25, 1832, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng dalawang paghahayag, na kapwa matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 75. Ang unang paghahayag na nakatala sa mga talata 1–22, ay ibinigay sa isang pangkat ng mga elder na nagbigay ng kanilang mga pangalan para maglingkod bilang missionary. Tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder na ito hinggil sa kanilang mga tungkulin bilang missionary at nagtalaga ng makakasama nila sa misyon. Ang pangalawang paghahayag na nakatala sa mga talata 23–36, ay ibinigay sa pangalawang pangkat ng mga elder na nagnais malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanila. Tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder na ito na tiyakin na naitataguyod nila ang kanilang pamilya at tanggapin ang tawag na mangaral ng ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 75:1–5

Pinayuhan ng Tagapagligtas ang mga nagnanais na mangaral ng ebanghelyo

handout iconIlang araw bago mo ituro ang lesson na ito, anyayahan ang isang estudyante na nakatanggap ng mission call, isang estudyante na malapit nang magsumite ng kanyang application sa pagmimisyon, o isang returned missionary na kauuwi lang na tulungan kang magturo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Bigyan ang tao ng kopya ng sumusunod na outline sa pagtuturo, at sabihin sa kanya na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 75:1–4 at maghanda na ituro ang bahaging iyan ng lesson.

Pagkatapos ng class devotional, ibigay ang oras sa estudyante o returned missionary na magtuturo ng inihanda niya.

Mungkahing Outline sa Pagtuturo para sa Doktrina at mga Tipan 75:1–4

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 75:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbabasa at alamin kung sino ang kinakausap ng Panginoon sa mga talatang ito.

Itanong: Sino ang kinakausap ng Panginoon sa mga talatang ito? (Mga elder na nagbigay ng kanilang mga pangalan para sa gawaing misyonero.)

Sabihin sa klase na may dalawang paghahayag na pinagsama sa Doktrina at mga Tipan 75 at ibinigay ang mga ito sa isang pagpupulong sa Simbahan. Ang unang paghahayag ay ibinigay sa isang pangkat ng mga missionary at ipinaliwanag kung paano sila magiging mas epektibo sa pagtulong sa iba na maunawaan ang kanilang mensahe.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 75:3–4. Sabihin sa klase na alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga elder hinggil sa kanilang tungkulin na ipangaral ang ebanghelyo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila sa kanilang banal na kasulatan.

Itanong: Ayon sa mga talata 3–4, ano ang nais ng Panginoon na gawin ng mga elder habang nangangaral ng ebanghelyo?

Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng mga pariralang “humayo at huwag magpaiwan,” “[huwag] maging tamad,” “gumawa nang inyong buong lakas.”

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag kung bakit sa iyong palagay ay dapat malaman at ituro ng mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo ang mga paghahayag at kautusan na ibinigay ng Panginoon sa atin (tingnan sa talata 4).

Itanong: Sa inyong palagay, bakit mahalagang paglingkuran ang Panginoon ng Kanyang mga missionary sa ganitong paraan?

Ibahagi sa klase kung ano ang ginagawa mo (o ginawa mo, kung nakapagmisyon ka) para makapaghanda kang ipangaral ang ebanghelyo sa paraan na inilarawan ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 75:3–4. Magtapos sa pagbabahagi ng iyong mga ideya kung ano ang magagawa ng mga estudyante para maibahagi ang ebanghelyo sa paraang ito sa panahong ito ng kanilang buhay.

Matapos magturo ang estudyante o returned missionary, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung matapat tayo sa paghahayag ng ebanghelyo, ang Panginoon ay …

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 75:5 at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga missionary na iyon.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong matapat na maghahayag ng Kanyang ebanghelyo?

Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang bigkis ay tumutukoy sa mga pinutol na tangkay ng mga butil at itinali ito sa mga bungkos, o bigkis o tungkos. Ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng “maraming bigkis” o tungkos ay pagkakaroon ng masaganang ani.

  • Ano ang ilan sa mga “bigkis” o tungkos na matatanggap ng mga missionary na matapat sa pagbabahagi ng ebanghelyo? (Ang mga bigkis o tungkos ay maaaring tumukoy sa mga tao na tumanggap sa kanilang mensahe [mga convert] at gayon din ang walang hanggang pagpapala na nakalista sa talata 5.)

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga pagpapalang nakatala sa Doktrina at mga Tipan 75:5 sa pagkumpleto ng nakapahayag na alituntunin na nasa pisara. Ang sumusunod ay isang paraan na maipapahayag ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kung matapat tayo sa paghahayag ng ebanghelyo, ang Panginoon ay pagpapalain tayo ng karangalan, kaluwalhatian, at buhay na walang hanggan.

  • Sa inyong palagay, bakit tatanggap ang mga taong matapat sa paghahayag ng ebanghelyo ng gayong dakila at walang hanggang mga pagpapala?

Doktrina at mga Tipan 75:6–22

Ang Panginoon ay tumawag ng mga missionary at nagbigay ng mga tagubilin sa mga magkompanyon na missionary

Ipaliwanag na matapos magbigay ang Panginoon ng mga tagubilin at pangako sa mga elder na magmimisyon, igrinupu-grupo Niya ang mga ito nang dala-dalawa at binigyan ng mga partikular na tagubilin ang bawat magkompanyon.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa isang estudyante sa bawat magkapartner ang Doktrina at mga Tipan 75:6–12 at sa kanilang mga kapartner ang mga talata 13–14. Sabihin sa kanila na alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong habang nagbabasa sila:

  1. Kanino nagsasalita ang Panginoon?

  2. Anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa kanila kung matapat sila sa paghahayag ng ebanghelyo?

Matapos basahin ng mga estudyante ang naka-assign na mga talata sa kanila, sabihin sa kanila na ibahagi sa kanilang kapartner ang mga sagot nila sa mga tanong sa itaas.

  • Anong karagdagang payo ang ibinigay ng Panginoon kina William E. McLellin at Luke Johnson sa mga talata 8–11 na makatutulong sa atin na epektibong maipahayag ang ebanghelyo? (Manalangin na matanggap ang Mang-aaliw—ang Espiritu Santo—na magtuturo sa atin at para sa lakas na manatiling tapat.)

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa bawat isa sa mga magkompanyon na iyon sa mga talata 11, 13, at 14? (Siya ay makakasama nila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang inulit-ulit na pangakong ito.)

Sabihin sa mga estudyante na maglahad ng isang alituntunin na natutuhan nila mula sa mga talatang ito. Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung matapat tayo sa paghahayag ng ebanghelyo, ang Panginoon ay makakasama natin.

  • Ano ang mga karanasan ninyo o ng isang taong kilala ninyo na nagbigay ng katiyakan sa inyo na ang Panginoon ay sasama sa mga yaong matapat magbahagi ng Kanyang ebanghelyo sa ibang tao?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sasabihin nila sa isang kaibigan o kapamilya na nahihirapan habang naglilingkod sa mission. Sabihin sa kanila na gamitin ang mga alituntuning natutuhan nila sa lesson ngayon at sumulat ng maikling liham sa kanilang notebook o scripture study journal na naghihikayat sa missionary na iyon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa liham ang magagawa ng mga missionary para lalo pang matapat na maipahayag ang ebanghelyo at ano ang ilan sa mga pagpapala na darating sa mga gumagawa nito.

Pagkatapos ng sapat na oras na maisulat ng mga estudyante ang kanilang liham, tawagin ang ilan sa kanila na ibahagi ang isinulat nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 75:15–22 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon ang mga missionary na basbasan ang mga tahanan ng mga taong tatanggap sa kanila. Itinuro rin Niya sa kanila kung ano ang dapat gawin kapag hindi sila tinanggap ng mga taong binahaginan nila ng ebanghelyo. (Maaari mong ipaliwanag na ang pagpapagpag ng alikabok sa mga paa bilang patotoo laban sa mga hindi tumatanggap sa mga missionary at sa kanilang mensahe ay ginagawa lamang sa mga bihirang sitwasyon kapag malinaw itong iniutos ng Panginoon.)

Doktrina at mga Tipan 75:23–29

Ipinaliwanag ng Panginoon kung paano dapat suportahan ang mga pamilya ng mga tinawag Niya na magmisyon

Ipaliwanag na ang pangalawang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 75 ay ibinigay sa magkakaibang pangkat ng mga elder. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 75:23 at sabihin sa klase na alamin ang nais malaman ng mga elder na ito.

Ipaliwanag na sa mga unang taon ng Simbahan maraming kalalakihang tinawag na magmisyon ang may asawa at mga anak na umaasa sa kanilang suporta. Ang pagtanggap sa tawag na maglingkod ay malaking sakripisyo para sa buong pamilya. Ang talagang inaalala ng maraming elder ay kung ano ang mangyayari sa kanilang pamilya kung tatatanggapin nila ang tawag na maglingkod ng ebanghelyo na malayo sa kanilang tahanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 75:24–28. Sabihin sa klase na alamin ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga elder na kailangan para ipangaral ang ebanghelyo ngunit may pamilyang itinataguyod.

  • Ayon sa talata 24, kapag ang asawa at ama ay nagmisyon, sino ang dapat tumulong sa pagsuporta sa kanyang pamilya?

  • Sa talata 26, ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga elder kung may mahahanap silang lugar kung saan maitataguyod ang kanilang pamilya?

  • Sa talata 28, ano ang sinabi ng Panginoon sa mga taong hindi maiiwanan ang kanilang pamilya para maipahayag ang ebanghelyo dahil sa sitwasyon nila?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 75:29. Sabihin sa klase na alamin ang ipinayo ng Panginoon sa lahat ng kalalakihang ito. Makatutulong na maunawaan na ang isang tamad ay isang taong ayaw magtrabaho o gumawa.

  • Anong parirala sa talata 29 ang magagamit ninyo para maibuod ang ipinayo ng Panginoon sa mga elder na makakapagmisyon at sa mga kailangang manatili sa kanilang tahanan para pangalagaan ang kanilang pamilya? (“Maging masigasig ang bawat tao sa lahat ng bagay.” Tiyakin na naunawaan ng mga estudyante na ang pariralang ito ay naaangkop sa ating lahat at iniutos ng Panginoon sa atin na maging masigasig sa lahat ng bagay.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “maging masigasig sa lahat ng bagay”? (Maging matatag, masikap, nakapokus, at masipag.)

Doktrina at mga Tipan 75:30–36

Iniutos ng Panginoon na maglingkod ang mga elder kasama ang kanilang kompanyon na missionary

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 75:30–36 na ipinapaliwanag na sa katapusan ng paghahayag na ito, nag-aasign pa ang Panginoon ng mga missionary na magkompanyon.

Tapusin ang lesson sa pagpapasulat sa mga estudyante ng maaari nilang gawin ngayon para maging mas masigasig sa kanilang paglilingkod sa Panginoon. Tawagin ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang naisip at patotoo nila sa mga alituntuning natalakay sa klase ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 75:6–12. Ang tugon ni William E. McLellin sa tawag na mangaral ng ebanghelyo

Noong Oktubre 29, 1831, si William McLellin ay tumanggap ng tawag na magmisyon sa silangang Estados Unidos, at si Samuel H. Smith ang tinawag na kompanyon niya (tingnan sa D at T 66:5–8). Tinanggap ni William McLellin ang tawag na ito; gayunman, tinapos niya nang maaga ang kanyang misyon at bumalik sa Kirtland, Ohio, sa katapusan ng Disyembre 1831.

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 75:6–13, pinagsabihan ng Panginoon si William E. McLellin dahil sa pagbubulung-bulong nito, binawi ang pagtatalaga sa kanya na maglingkod sa mga estado sa silangan, at tinawag si Orson Hyde para ihalili sa kanya bilang kompanyon ni Samuel Smith. Gayunman, maawaing binigyan ng Panginoon ng isa pang gawain si Brother McLellin na ipahayag ang ebanghelyo sa katimugan ng Estados Unidos at si Luke Johnson ang kanyang kompanyon. Tinanggap ni Brother McLellin ang tawag na maglingkod, ngunit hindi siya nanatiling matapat. Hindi nagtagal ay sinabi niyang matindi ang sakit niya at hindi na maipagpapatuloy pa ang kanyang misyon. Matapos iwan ang kanyang misyon, naglakbay siya patungo sa Hiram Ohio, at pinakasalan si Emiline Miller.

Matapos maglingkod sa mga karagdagang misyon at maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol nang ilang panahon, si William E. McLellin ay itiniwalag sa Simbahan noong Mayo 11, 1838, matapos magtapat na hindi na siya nagdarasal at sumusunod sa mga kautusan.

Doktrina at mga Tipan 75:20–22. “Ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa”

Ang pagpapagpag o paglilinis ng isang tao sa alikabok ng kanyang mga paa ay isang patotoo laban sa mga taong hindi tumanggap ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 24:15; 60:15; 84:92; 99:4). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Nang suguin ng Panginoon ang kanyang mga disipulo upang ipahayag ang mensahe ng Ebanghelyo, iniutos niya sa kanila na ipagpag ang alikabok sa kanilang mga paa bilang patotoo laban sa mga taong kakalaban sa kanila. Gayon din … tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder na mayroon din silang ganoong pribilehiyo. … Ang paglilinis ng kanilang mga paa, paghuhugas o pagpapagpag man ito ng alikabok, ay itatala sa langit bilang patotoo laban sa masasama. Gayunman, ang paggawa nito ay hindi gagawin sa harapan ng mga hindi tumanggap sa inyo, ‘at baka inyo silang pagalitin, kundi nang palihim; at hugasan ang inyong mga paa, bilang isang patotoo laban sa kanila sa araw ng paghuhukom’ [D at T 60:15]. Ang mga missionary ng Simbahan na matapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin ay may obligasyon na mag-iwan ng kanilang patotoo sa lahat ng nakilala nila sa kanilang gawain. Ang patotoong ito ay tatayo bilang patunay laban sa mga tumanggi sa mensahe, sa araw ng paghuhukom” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:223; tingnan din sa Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon para sa D at T 24:15 sa lesson 31).

Ang pagpapagpag ng isang tao ng alikabok ng kanyang mga paa ay magsisilbing patotoo laban sa mga taong hindi talaga tinanggap ang mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon. Ginagawa lamang ito sa mga bihirang sitwasyon kapag malinaw itong iniutos ng Panginoon. Ang paggawa nito ay magsisilbi ring patotoo ng hindi nila pagtanggap at ang mga nangaral ng ebanghelyo sa kanila ay hindi na mananagot para sa kanila sa harapan ng Panginoon.