Lesson 101
Doktrina at mga Tipan 98:1–22
Pambungad
Noong Hulyo 20, 1833, mahigpit na hiniling ng isang grupo ng 400–500 taga Missouri na wala nang mga Banal ang dapat lumipat sa Jackson County at dapat umalis ang mga Banal na naninirahan na roon. Bago makatugon ang mga Banal sa Missouri, sinimulang wasakin ng mga mandurumog ang kanilang ari-arian at pinagbantaan ang kanilang buhay. Noong Agosto 6, 1833, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 98, kung saan tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal kung ano ang gagawin sa pag-uusig. Bagama’t ang ilang balita tungkol sa mga suliranin sa Missouri ay nakarating na marahil sa Propeta sa Kirtland, Ohio, mga 900 milya (1,450 kilometro) ang layo, nalaman niya ang kalubhaan ng sitwasyon sa pamamagitan lamang ng paghahayag. Sa paghahayag na ito, kinilala ng Panginoon ang mga pagdurusa ng mga Banal sa Missouri at Ohio. Pinayuhan Niya sila na sundin ang batas ng lupain at tuparin ang kanilang mga tipan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 98:1–3
Muling binigyan ng katiyakan ng Panginoon ang mga Banal sa kanilang mga pagdurusa
Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang madarama ninyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na isipin ang madarama nila kung nasa ganito silang sitwasyon.
Noong Sabado, Hulyo 20, 1833, 400 hanggang 500 galit na mamamayan ng Missouri ang nagtipun-tipon sa courthouse sa Independence, Missouri. Pumili sila ng isang komite na gagawa ng dokumento na nagsasaad ng mahigpit na kahilingan nila sa mga Mormon. Hiniling nila na wala nang Banal sa mga Huling Araw ang dapat pahintulutang lumipat sa Jackson County at sinabing ang mga naninirahan na roon ay dapat mangakong umalis sa lalong madaling panahon. Bukod pa rito, hiniling nila na itigil na ang paglalathala ng pahayagan ng Simbahan. Nang ipresenta ang mga kahilingang ito sa mga lider ng Simbahan sa Missouri, nabigla ang mga lider ng Simbahan at humingi ng tatlong buwang palugit para pag-isipan ang kahilingan at para sumangguni sa mga lider ng Simbahan sa Ohio. Hindi tinanggap ng grupong iyon ng mga mamamayan ng Missouri ang kahilingan ng mga lider ng Simbahan. Dahil dito, humiling ng 10 araw ang mga Banal, ngunit 15 minuto lamang ang ibinigay sa kanila para tumugon. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 132–33.)
Patingnan sa mga estudyante ang tanong na nasa pisara, at itanong ang sumusunod:
-
Ano ang madarama ninyo kung isa kayo sa mga Banal na naninirahan sa Independence, Missouri, sa panahong iyon?
Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Ang mga taga-Missouri sa pulong sa courthouse sa Independence ay kaagad naging mararahas at nagpasiyang wasakin ang palimbagan. Pinasok nila ang palimbagan, inihagis ang mga kasangkapan sa kalsada at sa hardin, sinira ang makina sa pag-imprenta, ikinalat ang type, at sinira ang halos lahat ng nakalimbag, kabilang ang karamihan sa hiwa-hiwalay pang papel ng Aklat ng mga Kautusan. Ang kasunod na pinuntahan ng mga mandurumog ay ang Gilbert and Whitney Store. Gayunman, nakausap ni Sidney Gilbert ang mga mandurumog bago nila magawa ang kanilang balak at nangako siya na hahakutin ang mga paninda at aalis sa loob ng tatlong araw. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 133.)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong na nasa pisara kaugnay ng pangyayaring ito. Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa pangatlong estudyante ang sumusunod na talata:
Makalipas ang tatlong araw, noong Hulyo 23, dumating muli ang mga mandurumog sa Jackson County, Missouri, at sa pagkakataong ito sila ay armado ng mga riple, pistola, latigo, at pambambo. Sinunog nila ang mga bangan at bukirin at winasak ang ilang tahanan, kamalig, at negosyo. Sa huli, hinarap nila ang anim na lider ng Simbahan na, dahil nakitang nanganganib ang mga ari-arian at buhay ng mga Banal, ay nag-alok na buhay na lang nila ang kabayaran. Hindi tinanggap ng mga lider ng mga mandurumog ang alok na ito, sa halip ay nagbanta na lahat ng mga lalaki, babae, at bata ay lalatiguhin maliban kung sumang-ayon sila na lisanin ang bayan. Sa panggigipit na ito, pinirmahan ng mga kapatid ang isang kasunduang lisanin ang Jackson County. Kalahati ng mga miyembro ng Simbahan at karamihan sa mga lider ay aalis ng Enero 1, 1834, at ang iba ay aalis ng Abril 1, 1834. Tinulutan ng mga mandurumog sina John Corrill at Sidney Gilbert na manatili para ibenta ang mga ari-arian ng mga Banal na pinaalis sa lupain. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 134.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 98. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit ibinigay ang paghahayag na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.
-
Ayon sa pambungad, ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa tiyempo ng pagkakabigay ng paghahayag na ito?
Ipaliwanag na ang mga Banal sa Ohio ay nakararanas din ng pag-uusig sa panahong iyon. Ang mga alituntunin sa paghahayag na ito ay angkop sa kanila, at maaari ding itong angkop sa atin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:1–2. Sabihin sa klase na alamin ang mga payo na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal. (Makatutulong na ipaliwanag na ang Sabaoth, sa talata 2, ay salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “mga hukbo.” Ang paggamit nito dito ay nagpapahiwatig na pinamumunuan ng Panginoon ang mga hukbo ng anghel, at mga hukbo ng Israel, o ng mga Banal. [Tingnan sa Bible Dictionary, “Sabaoth.”])
-
Ano ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
-
Bakit mahalagang magpasalamat ang mga Banal sa mahihirap na panahon?
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng matiyagang maghintay sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang kahulugan ng matiyagang maghintay sa Panginoon.
“Ano nga ba ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon? Sa mga banal na kasulatan, ang ibig sabihin ng salitang maghintay ay umasa, umasam, at magtiwala. Ang umasa at magtiwala sa Panginoon ay nangangailangan ng pananampalataya, tiyaga, pagpapakumbaba, kaamuan, mahabang pagtitiis, pagsunod sa mga utos, at pagtitiis hanggang wakas” (“Paghihintay sa Panginoon: Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 72).
-
Bakit ang payo na matiyagang maghintay sa Panginoon ay mahalaga para sa mga Banal sa Missouri?
-
Anong mga salita ng kapanatagan ang nakita ninyo sa talata 2?
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung tayo ay magpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang maghihintay sa Panginoon, …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung susundin nila ang Kanyang payo.
-
Paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na nasa pisara batay sa talata 3? (Ang sumusunod ay isang paraan na makukumpleto ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kung tayo ay magpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang maghihintay sa Panginoon, papangyarihin ng Panginoon na ang mga paghihirap natin ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.)
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na kilala nila na matiyagang naghintay sa Panginoon sa mahihirap na panahon at nakahanap ng mga kadahilanan upang magpasalamat.
-
Sa paanong paraan nakabuti sa buhay ng taong iyan ang mga paghihirap?
Doktrina at mga Tipan 98:4–10
Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na makipagkaibigan sa batas ng lupain
Ipaliwanag na bukod pa sa pagpapayo sa mga Banal na matiyagang maghintay, iniutos sa kanila ng Panginoon na sundin ang lahat ng Kanyang kautusan (tingnan sa D at T 98:4) at sinabing sila ay nabigyang-katwiran “sa pakikipagkaibigan [o pagsunod] sa batas na yaon na siyang saligang-batas ng lupain” (D at T 98:6). Ipaliwanag Niya na itinataguyod ng saligang-batas ng lupain “ang alituntunin ng kalayaan sa pagpapanatili ng mga karapatan at pribilehiyo” at para “sa buong sangkatauhan” (D at T 98:5).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga lider ng pamahalaan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano makatutulong sa atin ngayon ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 98:4–10 sa bansa kung saan tayo nakatira?
Doktrina at mga Tipan 98:11–18
Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na tuparin ang kanilang mga tipan, maging sa mahihirap na panahon
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Anong gantimpala ang darating sa mga nag-alay ng kanilang buhay para sa layunin ni Jesucristo at para sa Kanyang pangalan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot sa tanong na iyon at ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa pagsubok.
-
Anong kautusan ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal? (Tingnan sa D at T 98:11–12.)
-
Ayon sa mga talata 13–15, ano ang isang dahilan kung bakit tayo sinusubukan ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sinusubukan tayo ng Panginoon upang makita kung tutuparin natin ang ating mga tipan kahit mahirap itong gawin.)
-
Bakit kaya mahalaga para sa mga Banal na naninirahan sa Missouri noong 1833 na malaman ang katotohanang ito? Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maalaala natin ang katotohanang ito ngayon?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong kilala nila na mabuting halimbawa ng pagtupad sa mga tipan sa mahihirap na panahon. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot sa klase.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila para manatiling matatag at matupad nila ang kanilang mga tipan kahit mahirap itong gawin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon na gawin ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman.
Doktrina at mga Tipan 98:19–22
Sinabihan ng Panginoon ang mga Banal sa Kirtland na magsisi
Ipaliwanag na sa panahong ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito, ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, ay dumaranas din ng mga paghihirap. Sa Doktrina at mga Tipan 98:19–22, nabasa natin ang mensahe ng Panginoon para sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:19–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Kirtland. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano nauugnay ang mga salita ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Kirtland sa sinabi Niya sa mga Banal sa Missouri? (Tingnan sa D at T 98:11.)
-
Paano naaangkop sa atin ang mensahe ng Panginoon sa talata 11? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ibig sabihin ng “mangunyapit sa” mabuti ay hindi natitinag sa paggawa nito.)
Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning tinalakay ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na talikuran ang kanilang mga kasalanan at mangunyapit sa mabuti.