Lesson 155
Doktrina at mga Tipan 138:7–60
Pambungad
Ang lesson na ito ay pangalawa sa dalawang lesson tungkol sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138. Habang pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang ilang talata sa Bagong Tipan, nakita niya sa pangitain ang daigdig ng mga espiritu at ang mabubuting espiritu na naghihintay ng kaligtasan mula sa mga gapos ng kamatayan. Nakita rin ni Pangulong Smith si Jesucristo, sa panahon sa pagitan ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, na inorganisa at binigyan ng karapatan ang mabubuting tagapaglingkod na ituro ang ebanghelyo sa mga espiritu sa bilangguan ng mga espiritu.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 138:7–37
Nalaman ni Pangulong Joseph F. Smith kung paano ipinangaral ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu
Sabihin sa mga estudyante na may iba’t ibang paniniwala ang mga tao sa iba’t ibang dako ng daigdig tungkol sa mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay. Itanong sa mga estudyante kung may nakilala na ba sila na isang tao na may ibang mga paniniwala hinggil sa mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan. (Huwag magsalita nang masama o insultuhin ang mga paniniwala ng ibang relihiyon.)
-
Paano natin malalaman kung aling mga paniniwala tungkol sa kabilang buhay ang tama? (Maaari mong sabihin na may mga Banal sa mga Huling Araw na hindi rin tama ang mga paniniwala sa kabilang buhay.)
Upang maragdagan ang mga sagot ng mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang mga banal na kasulatan ay batong urian [pamantayan] sa pagsukat ng katumpakan at katotohanan” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo, 2010, 34).
Sabihin na malalaman natin kung tama ang iba-ibang paniniwala tungkol sa kabilang buhay sa pamamagitan ng pagkukumpara ng mga paniniwalang iyon sa mga katotohanang inihayag ng Panginoon sa mga banal kasulatan, tulad ng Doktrina at mga Tipan 138.
Idrowing ang kalakip na diagram sa pisara. Maaari mong ipaliwanag nang maikli na sa ilang kaparaanan, maituturing ang buong daigdig ng mga espiritu na bilangguan ng mga espiritu dahil maging ang mabubuti ay itinuturing ang pagkahiwalay ng kanilang katawan bilang pagkagapos (tingnan sa D at T 138:49–50).
Upang matulungan ang mga estudyante na marebyu nang mabilis ang nakaraang lesson tungkol sa bahagi 138, sabihin sa kalahati ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:12–15, 22 para sa mga detalye tungkol sa kung sino ang mapupunta sa paraiso ng mga espiritu matapos ang kamatayan at ang mga kalagayang mararanasan nila roon. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 138:20–22 ang mga detalye hinggil sa mga yaong mapupunta sa bilangguan ng mga espiritu sa pagpanaw nila at ang mga kalagayang mararanasan nila roon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na hindi lamang ang masasama at mapanghimagsik ang mapupunta sa bilangguan ng mga espiritu sa oras ng kanilang kamatayan, kundi pati ang mga nangamatay sa kanilang mga kasalanan nang walang kaalaman sa ebanghelyo (tingnan sa D at T 138:32). Ipaalala sa mga estudyante na habang pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga talata sa I Ni Pedro, inihayag ng Panginoon sa kanya kung paano magkakaroon ang mga tao sa bilangguan ng mga espiritu ng pagkakataong matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang sinabi ni Pedro na ginawa ng Tagapagligtas matapos Siyang “pinatay sa laman.”
-
Ano ang sinabi ni Pedro na ginawa ng Tagapagligtas nang pumunta Siya sa daigdig ng mga espiritu?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:25–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang ikinamangha ni Pangulong Smith nang pagnilayan niya ang gawain ng Panginoon sa daigdig ng mga espiritu.
-
Ano ang katanungan ni Pangulong Smith? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Paano nangyari na ipinangaral ng Panginoon ang ebanghelyo sa lahat ng mga tao sa bilangguan ng mga espiritu sa loob lamang ng tatlong araw?)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:29–32 at sabihin sa klase na alamin ang sagot na natanggap ni Pangulong Smith habang nagninilay-nilay siya.
-
Paano ipinangaral ng Tagapagligtas ang ebanghelyo sa mga naroon sa bilangguan ng mga espiritu sa gayong kaikling panahon?
Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila sa mga talata 29–32 upang maipahayag ang katotohanan tungkol sa kung paano itinuturo ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu. Dapat nilang matukoy ang isang bagay na katulad ng sumusunod na katotohanan: Sa ilalim ng pamamahala ni Jesucristo, itinuturo ng mabubuting sugo ang ebanghelyo sa mga naroon sa bilangguan ng mga espiritu. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa talata 30 na nagtuturo ng katotohanang ito.
Sa diagram sa pisara, magdrowing ng isang arrow mula sa paraiso ng mga espiritu papuntang bilangguan ng mga espiritu para ilarawan ang mabubuting sugo ng Panginoon na ipinangangaral ang ebanghelyo sa bilangguan ng mga espiritu.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:33–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng mabubuting sugo ng Panginoon sa mga espiritung nasa bilangguan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano maitutulad ang mga turong ito sa mga itinuturo sa mga tao bilang paghahanda para sa binyag sa mortalidad?
-
Ano ang “pagbibinyag alang-alang sa iba”?
-
Ayon sa talata 34, bakit kailangang ipangaral ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo sa mga espiritung nasa bilangguan? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “alinsunod sa mga tao sa laman ay mahatulan” ay lahat ng mga anak ng Diyos, buhay o patay, ay kailangang magkaroon ng pagkakataon na matutuhan at tanggapin ang ebanghelyo upang sila ay mahatulan sa gayunding pamantayan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:35–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung gaano karaming espiritu ang magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na lahat ng anak ng Ama sa Langit ay magkakaroon ng pagkakataon na marinig at matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano maririnig ng lahat ang ebanghelyo, ipaliwanag na bagama’t sandali lang binisita ng Tagapagligtas ang daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng Kanyang kamatayan, inihanda Niya ang mabubuting espiritu upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga yaong nasa bilangguan ng mga espiritu. Patuloy pa rin ang gawaing ito ngayon. Kapag namatay ang mga tao na hindi narinig o tinanggap ang ebanghelyo sa ating panahon, magkakaroon din sila ng pagkakataon na marinig at tanggapin ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu.
Doktrina at mga Tipan 138:38–60
Nakita ni Pangulong Smith ang mararangal at dakilang espiritu na magtuturo ng ebanghelyo sa bilangguan ng mga espiritu
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mabubuting miyembro ng pamilya nila o ang mga ninuno nila na namatay na.
-
Naitanong na ba ninyo kung ano kaya ang ginagawa nila sa daigdig ng mga espiritu?
Ipaalala sa mga estudyante na sa Doktrina at mga Tipan 138:38–49, binanggit ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga pangalan ng marami sa mga “dakila at makapangyarihan[g]” espiritu na nakita niya sa daigdig ng mga espiritu na naghihintay sa pagdalaw sa kanila ng Tagapagligtas pagkatapos ng Kanyang kamatayan sa krus. Ang ilan sa mga espiritu na dinalaw ng Tagapagligtas ay ang mga propeta sa Lumang Tipan at sa Aklat ni Mormon. Simula sa talata 53, mababasa natin na nakita rin ni Pangulong Smith ang mga piling espiritu na babangon sa kaganapan ng panahon, kabilang na si Propetang Joseph Smith (tiyo niya) at si Hyrum Smith (ama niya).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:53–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nakatulong ang mga indibiduwal na ito habang narito sila sa lupa para sa kaligtasan ng mga yaong nasa bilangguan ng mga espiritu.
-
Paano tinulungan ng mga lider ng Simbahan sa mga huling araw ang mga espiritu na nasa bilangguan?
Kapag nalaman na ng mga estudyante na tumutulong ang mga propeta sa mga huling araw sa pagtubos ng mga patay sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga templo at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay, maglagay o magdrowing ng larawan ng templo sa tabi ang diagram sa pisara.
-
Ayon sa talata 55–56, kailan nagsimulang maghanda ang mga lider na ito para sa gawaing gagawin nila rito sa mundo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:57. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang patuloy na gagawin ng matatapat na elder matapos nilang mamatay.
-
Ano ang patuloy na gagawin ng matatapat na elder matapos nilang mamatay?
Upang bigyang-linaw na ang gawain sa daigdig ng mga espiritu ay hindi limitado sa mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ginagawa ng matatapat na kababaihan sa daigdig ng mga espiritu:
“Ang mabubuting kababaihang ito na itinalaga, na inordenan sa gawain, … ay lubos at awtorisadong bibigyan ng karapatang ipangaral ang ebanghelyo at maglingkod sa mga kababaihan habang ipinapangaral ito ng mga elder at propeta sa mga kalalakihan” (Gospel Doctrine, Ika-5 ed. [1939], 461).
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa talata 57 na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Matapos pumanaw sa buhay na ito, ang matatapat na Banal ay magpapatuloy sa pangangaral ng ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:58–59. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dapat gawin ng mga patay upang matubos. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang mangyayari sa mga yaong nagsisi sa daigdig ng mga espiritu? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang mga espiritung nagsisi ay matutubos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng templo, malilinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, at tatanggap ng kanilang gantimpala.)
-
Paano tayo makatutulong sa gawain ng kaligtasan para sa mga patay habang narito tayo sa lupa? (Sa pamamagitan ng pagkumpleto ng gawain sa family history at pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo para sa mga patay.)
Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Anumang gawain na ginagawa ninyo sa loob ng templo ay hindi pagsasayang ng panahon, bagkus ang pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa mga yumao ninyong ninuno ay lalong magpapabanal sa oras na ginugol sa templo at mas malalaking pagpapala ang matatanggap” (“Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 93–94).
Ituro ang larawan ng templo sa pisara. Magpatotoo na kapag pumupunta tayo sa templo para magsagawa ng mga ordenansa para sa mga yaong namatay na, tinutulungan natin sila—kung pipiliin nilang tanggapin ang mga ordenansa—na matubos mula sa bilangguan ng mga espiritu at makasama ang mabubuting espiritu sa paraiso.
Sa diagram sa pisara, magdrowing ng isang arrow mula sa bilangguan ng mga espiritu patungo sa paraiso ng mga espiritu upang sumagisag sa pagtubos ng mga nagsising espiritu mula bilangguan ng mga espiritu.
-
Paano naapektuhan ng kaalamang ito ang paggawa ninyo sa templo at family history?
-
Paano kayo napagpala sa pakikibahagi sa gawain sa family history at sa templo? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:60. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang patotoo ni Pangulong Joseph F. Smith sa mga katotohanang itinala niya.
Hikayatin ang mga estudyante na mag-iskedyul ng oras para makatulong sa gawain sa family history o sa templo sa susunod na ilang linggo.
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa Panginoong Jesucrito at sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala na nakalaan para sa mga buhay at sa mga patay.