Seminaries and Institutes
Lesson 145: Doktrina at mga Tipan 135, Bahagi 2


Lesson 145

Doktrina at mga Tipan 135, Bahagi 2

Pambungad

Ito ang pangalawa sa dalawang lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 135 at sa tala tungkol sa pagkakamartir nina Joseph at Hyrum Smith noong Hunyo 27, 1844. Sa lesson na ito tatalakayin ng mga estudyante ang papel na ginampanan ni Propetang Joseph Smith sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 135

Ang pagkakamartir kina Joseph at Hyrum Smith ay ipinahayag

Bago magklase, magpakita ng larawan ni Joseph Smith sa harapan ng silid (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 87; tingnan din sa LDS.org). Maaari mong ipakanta sa klase ang “Purihin ang Propeta” (Mga Himno, blg. 21) para sa himno sa debosyonal. Bago kantahin ang himno, ipaliwanag na isinulat ni W. W. Phelps ang mga titik ng himno bilang pag-alaala kay Propetang Joseph Smith matapos ang pagkamatay nito bilang martir.

Joseph Smith

Simulan ang lesson sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Napag-usapan na ba ninyo ng isang taong hindi miyembro ng Simbahan ang tungkol kay Propetang Joseph Smith? Kung oo, ano ang pinag-usapan ninyo? (Kung wala pang nakaranas nito, itanong sa mga estudyante kung ano ang gusto nilang sabihin sa iba tungkol kay Joseph Smith.)

Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 135 ay naglalaman ng pahayag tungkol sa pagkakamartir kina Joseph at Hyrum Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 135:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa.

  • Ano ang mensahe ng talatang ito? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na si Joseph Smith ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na nabuhay rito.)

  • Ano ang ginawa ni Propetang Joseph Smith para sa ating kaligtasan at kadakilaan? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 135:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng mga ginawa ni Joseph Smith para sa ating kaligtasan. Sabihin sa mga estudyante na maghanap pa ng mga bagay na nagawa ni Joseph Smith para maidagdag sa mga aytem na nakalista sa pisara.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang naimpluwensyahan ng ginawa ni Propetang Joseph Smith.

Pangulong Joseph F. Smith

“Ang gawaing ginampanan ni Joseph Smith ay hindi lamang para sa buhay na ito, subalit ito rin ay nauugnay sa buhay na darating pa lamang, at sa buhay na natapos na. Sa madaling salita, ito ay nauugnay sa mga taong nabuhay noon, sa mga taong nabubuhay sa kasalukuyan at sa mga taong mabubuhay pa sa paglisan natin sa mundong ito. Hindi ito isang bagay na nauugnay lamang sa tao habang siya ay nasa laman, kundi sa buong pamilya ng sangkatauhan mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan” (Gospel Doctrine, Ika-5 ed. [1939], 481).

Patingnan ang paglalarawan tungkol kay Joseph Smith sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan sa talata 3. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang kahalagahan ng gawaing ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit inilabas ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan.

  • Ayon sa talata 6, bakit inilabas ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ay inilabas para sa kaligtasan ng sanlibutan.)

  • Sa anong mga paraan nakatutulong ang mga aklat na ito sa pagdadala ng kaligtasan sa daigdig?

  • Ayon sa talata 6, bakit ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ang pinakamahahalagang aklat na maaaring magkaroon kayo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang ginawa nila sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan sa kanilang buhay.

  • Ano ang magagawa natin para maipakita ang ating pasasalamat para sa sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum Smith upang mailabas ang mga aklat na ito?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang partikular na paraan na maipapakita nila ang kanilang pasasalamat para sa mga sakripisyong ginawa upang mailabas ang mga aklat na ito.

Patingnan ang listahang isinulat sa pisara kanina sa lesson. Magpatotoo na sa pamamagitan ng pagtulong na ipanumbalik ang banal na kasulatan, totoong doktrina, mga awtoridad at mga susi ng priesthood, mga ordenansa para sa mga buhay at sa mga patay, at ang organisasyon ng Simbahan ni Jesucristo, natulungan ni Joseph Smith ang lahat ng anak ng Diyos na magkaroon ng pagkakataong mapagpala ng Pagbabayad-sala.

Ipaliwanag na maaaring mamali ang pagkaunawa ng ilang tao sa nadarama o paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol kay Propetang Joseph Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano itinuturing ng mga miyembro ng Simbahan si Joseph Smith kaugnay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Kung maaari, bigyan mo ang bawat isang estudyante ng kopya ng pahayag na ito.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Hindi namin sinasamba ang Propeta. Sinasamba namin ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang nabuhay na muli na Panginoong Jesucristo. Ngunit kinikilala namin ang Propeta; ipinapahayag namin siya; iginagalang namin siya; pinagpipitaganan namin siya bilang kasangkapan sa mga kamay ng Maykapal sa pagpapanumbalik sa lupa ng mga sinaunang katotohanan ng banal na ebanghelyo, pati na ang priesthood na sa pamamagitan nito ang awtoridad ng Diyos ay nagagamit sa mga gawain ng Kanyang Simbahan at para sa pagpapala ng Kanyang mga tao” (“Joseph Smith Jr.—Prophet of God, Mighty Servant,” Ensign, Dis. 2005, 4).

  • Sa inyong sariling mga salita, paano ninyo ipapaliwanag ang mga nadarama ng mga miyembro ng Simbahan tungkol kay Propetang Joseph Smith?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang epekto ng paglilingkod ni Propetang Joseph Smith sa kanilang buhay at sa buhay ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

Sa anong mga partikular na paraan maiiba ang inyong buhay kung wala ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith?

Paano naimpluwensyahan ni Propetang Joseph Smith ang inyong kaalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa pakikipag-ugnayan ninyo sa Kanila?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson. Sabihin sa klase na pakinggan ang isang paraan na matutulungan natin ang iba na maramdaman ang kagalakang dulot ng ebanghelyo.

Pangulong Thomas S. Monson

“[Si Propetang Joseph Smith] ay nag-iwan ng pamana na nagbigay ng kakayahan sa [milyun-milyong] tagasunod ngayon sa bawat lupalop na masabing siya ay propeta ng Diyos. Nawa, ang bawat isa sa atin, ay magsikap na maipagpatuloy ang pangitain ni Propetang Joseph sa gawaing ito at palawakin ang kanyang pamana sa pamamagitan ng ating mga gawa at pagpapatotoo sa iba, upang siya ay makilala nila tulad natin at madama ang kapayapaan at kagalakang dulot ng ebanghelyo na kanyang ipinanumbalik” (“Brother Joseph,” Church News, Dis. 31, 2005, 4).

  • Paano natin matutulungan ang iba na madama ang kagalakan na dulot ng ebanghelyo na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?

Ipaliwanag na sa natitirang oras sa klase ay maaaring magbahagi ng kanilang mga patotoo ang mga estudyante tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Sabihin sa kanila na maaari nilang gamitin ang isinagot nila sa mga ipinasulat sa kanila kanina kapag nagbahagi sila ng patotoo.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik. Anyayahan ang mga estudyante na humanap ng mga oportunidad sa susunod na ilang araw na ibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa kanyang tungkulin sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Si Propetang Joseph Smith ay saksi ni Jesucristo

Nagbibigay-pitagan tayo kay Propetang Joseph Smith dahil sa mga naipaunawa niya sa atin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang misyon. Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Sa kanyang personal na pakikipag-ugnayan sa Panginoon, sa kanyang pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon, at sa pagtatak ng kanyang dugong martir sa kanyang patotoo, si Joseph ay naging dakilang tagapaghayag ni Jesucristo sa Kanyang tunay na pagkatao bilang banal na Manunubos. Wala nang mas dakilang saksi o mas tapat na kaibigan si Jesus bukod kay Joseph Smith” (“Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 79; idinagdag ang italics).

Ang impluwensya ni Joseph Smith

Noong tagsibol ng 1844, si Josiah Quincy, dating mayor ng Boston, Massachusetts, at naging pangulo ng Harvard University, kasama ang kanyang pinsang si Charles Francis Adams, anak ng dating Pangulo ng Estados Unidos na si John Quincy Adams, ay bumisita sa Nauvoo. Nakasama nila nang isang araw si Propetang Joseph Smith. Ilang taon kalaunan, nagsulat si Josiah Quincy tungkol sa kanyang naranasan:

“Walang alinlangan na ang isang aklat na isusulat para gamitin ng mga darating na henerasyon, ay maglalaman ng katanungan na kahalintulad nito: Sinong Amerikano ng ika-labingsiyam na siglo ang nagbigay ng pinakamalakas na impluwensya sa tadhana ng kanyang kababayan? At hindi rin imposible na ang sagot sa tanong na iyan ay maisusulat nang ganito: Si Joseph Smith, ang propetang Mormon” (Figures of the Past: From the Leaves of Old Journals [1888], 376).