Seminary
Lesson 41: Doktrina at mga Tipan 36–37


Lesson 41

Doktrina at mga Tipan 36–37

Pambungad

Noong Disyembre 9, 1830, dalawang araw bago mabinyagan si Edward Partridge, binigyan siya ng Paginoon ng paghahayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sa paghahayag na ito, na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 36, pinatawad ng Panginoon si Edward Partridge at inutos sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo. Iniutos din ng Panginoon sa lahat ng maytaglay ng priesthood na ipangaral ang ebanghelyo. Hindi nagtagal matapos matanggap ang paghahayag na ito, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 37, kung saan iniutos ng Panginoon sa mga Banal na umalis sa New York at magtipon sa Ohio.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 36:1–3

Pinatawad ng Panginoon si Edward Partridge at inutos sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo

Magdala sa klase ng isang maleta (o backpack) na naglalaman ng mga bagay na maaaring kailangan ng missionary sa pagmimisyon. Halimbawa, maaari mong isama roon ang mga banal na kasulatan, puting polo, kurbata, sapatos na pangsimba, at isang kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipakita sa mga estudyante ang nakasarang maleta at sabihin sa kanila na isipin na nakaimpake roon ang mga gamit ng isang taong papunta na sa full-time mission. Itanong kung ano ang inaasahan nilang laman ng maleta. Pagkatapos ay buksan ang maleta at ipakita ang laman nito. (O, maaari mong sabihin sa mga estudyante na magkakapartner na gumawa ng listahan o idrowing ang mga bagay na kakailanganin ng mga missionary sa pagmimisyon.)

Ipaliwanag na may iba pang bagay na kailangan ang mga missionary na hindi kailangang ilagay sa maleta (o backpack). Binanggit ng Panginoon ang ilan sa mga bagay na ito sa paghahayag na ukol kay Edward Partridge. Ang paghahayag na iyan ay matatagpuan na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 36. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang kailangan ng missionary bago siya maging handa na magmisyon sa kanilang pag-aaral ng paghahayag na ito. (Habang tinutukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan sa lesson na ito, maaari mong isulat ang mga katotohanang ito sa mga pira-pirasong papel. Pagkatapos ay iteyp o idikit ang mga pira-pirasong papel sa labas ng mga maleta o backpack para makita ng mga estudyante. Maaari mo ring isulat ang mga ito sa pisara.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pinagmulang impormasyon para sa Doktrina at mga Tipan 36. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nakatulong kay Edward Partridge na magpasiyang magpabinyag.

Sa sumunod na ilang linggo ng pagdating ni Elder Oliver Cowdery at ng kanyang mga kasama sa northeastern Ohio, maraming tao ang nabinyagan na sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Bagama’t ang asawa ni Edward Partridge na si Lydia ay isa sa mga nagbalik-loob at nabinyagan ng mga missionary, hindi pa rin lubos na kumbinsido si Edward. Gusto niyang bisitahin si Propetang Joseph Smith bago siya magpasiya. Dumating sila ni Sidney Rigdon sa Waterloo, New York, habang nasa kalagitnaan ng kanyang pagsasalita si Joseph Smith. Nang matapos na sa pagsasalita ang Propeta, tumayo si Edward para magsalita. Ikinuwento niya na noong papunta sila sa Waterloo, kinausap niya ang mga kapitbahay na malapit sa bukid ng pamilya Smith sa Manchester tungkol sa pagkatao ng pamilya Smith. Dahil nasiyahan sa nalaman niya, itinanong ni Edward kung maaari ba siyang binyagan ni Joseph. Nabinyagan siya dalawang araw kalaunan noong Disyembre 11, 1830 (tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, tomo 1 ng Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 197, 199, 224.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 36:1 at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon si Edward Partridge matapos siyang mabinyagan.

  • Anong pagpapala ang natanggap ni Edward Partridge? (Pinatawad ng Panginoon ang kanyang mga kasalanan.)

  • Ano ang naging responsibilidad ni Edward matapos siyang binyagan?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo na magsisisi at mapatawad sa kanilang mga kasalanan?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit mahalaga sa mga magmimisyon na magsisi sa kanilang mga kasalanan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Maaari mong ipaliwanag na kapag ginagamit ni Elder Holland ang mga pariralang “maglaro para sa kaaway” at “maglaro para sa Tagapagligtas” inihahalintulad niya ang labanan ng mabuti at ng masama sa isang paligsahan sa palakasan.) Maaari kang maghanda ng kopya ng pahayag na ito para sa bawat estudyante.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Sa labanang ito sa pagitan ng mabuti at masama, hindi kayo maaaring maglaro para sa kaaway sa tuwing may tukso, at pagkatapos ay maglaro para sa Tagapagligtas pagsapit ng panahon para pumunta sa templo at magmisyon na parang walang nangyari. … Hindi maaaring hamakin ang Diyos. …

“… Ang Panginoon ay nagbigay ng mga patakaran ng pagiging karapat-dapat para sa mga tinawag na tumulong sa Kanya sa gawaing ito. Walang misyonero ang kayang hamunin ang ibang tao na magsisi sa kasalanang seksuwal o lapastangang pananalita o panonood ng pornograpiya kung siya mismo ay hindi pa napagsisisihan ang mga kasalanang iyon! … Ang Espiritu ay hindi mapapasainyo at mabubulunan kayo sa pagsasabi ng mga ito. Hindi kayo maaaring dumaan sa tinawag ni Lehi na ‘ipinagbabawal na landas’ [1 Nephi 8:28] at umasang magagabayan ang iba sa ‘makipot at makitid’ [2 Nephi 31:18] na landas—hindi magagawa iyan” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 45).

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman kung ano ang maaari nilang gawin ngayon para maging karapat-dapat na magmisyon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang paanyayang magsisi, mula pa rin kay Elder Holland:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Sinuman kayo at anuman ang nagawa ninyo, mapapatawad kayo. Bawat isa sa inyo … ay maaaring talikuran ang anumang kasalanan na nagpapahirap sa inyo. Ito ang himala ng kapatawaran; ang himala ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Ngunit hindi ninyo ito magagawa kung hindi kayo tapat sa ebanghelyo, at hindi ninyo pinagsisihan ang kailangang pagsisihan. Hinihiling ko sa inyo … na maging aktibo at malinis. Kung kailangan, hiling kong maging aktibo at maging malinis kayo” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” 45).

Ipaliwanag na bagama’t nabinyagan na si Edward Partridge bago natanggap ang paghahayag na ito, hindi pa niya natatanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 36:2–3 at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Edward tungkol sa kaloob na Espiritu Santo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Batay sa sinabi ng Panginoon kay Edward Partridge, bakit kailangan ng mga missionary ang Espiritu Santo bilang kanilang kompanyon?

  • Ayon sa talata 2, ano ang ituturo ng Espiritu Santo kay Edward Partridge? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mga mapayapang bagay ng kaharian”? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 42:61.)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga naranasan nila nang ituro sa kanila ng Espiritu Santo ang mga mapayapang bagay ng kaharian. (Paalalahanan ang mga estudyante na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.)

Doktrina at mga Tipan 36:4–8

Nagbigay ng kautusan ang Panginoon hinggil sa lahat ng mga tinawag na ipangaral ang ebanghelyo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 36:4–5, 7. Bago magbasa ang isang esudyante, bigyang-diin na sa mga talatang ito, kinakausap ng Panginoon ang “mga elder ng [Kanyang] simbahan” (D at T 36:7). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood.

  • Anong responsibilidad ang ibinigay ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga maytaglay ng priesthood ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng katotohanang ito at paano ito naaangkop sa ating panahon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson.

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Inuulit ko ang matagal nang itinuro ng mga propeta—lahat ng karapat-dapat, may-kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay maghanda na magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 5–6).

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 36:5, ano ang kailangang gawin ng mga maytaglay ng priesthood bago sila maorden at isugo para ipangaral ang ebanghelyo?

  • Paano maipapakita sa Panginoon ng isang binatilyo na niyayakap o tinatanggap niya ang utos na ipangaral ang ebanghelyo?

  • Sino sa mga kakilala ninyo ang tumanggap ng utos na ipangaral ang ebanghelyo? Paano nakaimpluwensya sa inyo ang halimbawa ng taong ito?

Maaari mong ipaliwanag na bagama’t ang pagmimisyon ay tungkulin sa priesthood, maaari ding maglingkod ang mga kabataang babae. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Para sa inyong mga kabataang babae: samantalang wala kayong gayong responsibilidad ng priesthood tulad ng mga kabataang lalaki, na maglingkod ng full-time na misyon, maaari din kayong magbigay ng mahalagang kontribusyon bilang misyonero; at ikagagalak namin ang inyong paglilingkod” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” 6).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 36:6 at alamin ang pangunahing mensahe na iniutos ng Panginoon na ituro ng mga missionary. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang “mga kasuotan na nabahiran ng laman,” ipaliwanag na sa sinaunang Israel, ang damit na nakontamina ng sakit ay sinusunog para maiwasan ang pagkalat ng sakit. Sa talatang ito, inihambing ng Panginoon ang sakit sa kasalanan kaya iniutos Niya sa atin na iwasan ang anumang may kinalaman sa kasalanan. (Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:428.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 36:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dapat na pagtanggap ng mga maytaglay ng priesthood sa kanilang tungkulin.

  • Paano magagawa ng isang maytaglay ng priesthood ang “[mayakap ang kanyang tungkulin] nang may katapatan ng puso”? (Maaaring kasama sa mga sagot ang maging tapat sa kanyang tungkulin at maglingkod nang may katapatan at integridad.)

Kung naging full-time missionary ka, maaari mong ibahagi ang naranasan mo nang tanggapin mo ang tawag na ipangaral ang ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 37

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang Simbahan na magtipon sa Ohio

Ipaliwanag na noong panahong sinisiyasat pa lang nina Sidney Rigdon at Edward Partridge ang Simbahan sa Ohio, papatindi na ang pag-uusig sa mga Banal sa New York. Sa ilang pagkakataon, pinagbantaan ang buhay ng mga lider ng Simbahan, at ang kanilang mga kaaway ay nagpupulong nang lihim upang pagplanuhan ang paglipol sa kanila (tingnan sa D at T 38:13, 28–29). Nang malapit nang matapos ang Disyembre 1830, ilang linggo matapos makarating si Sidney Rigdon at Edward Partridge sa New York, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag kung saan iniutos ng Panginoon sa mga Banal na tumakas sa kanilang mga kaaway at lumipat sa Ohio.

Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 37:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ni Joseph bago pumunta sa Ohio. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Bakit iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na pumunta sa mga Banal sa Colesville?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa panalangin? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang mga sumusunod na alituntunin: Kung mananalangin tayo nang may pananampalataya, sasagutin ng Panginoon ang ating mga panalangin. Madalas na ginagamit ng Panginoon ang ibang tao sa pagsagot sa ating mga panalangin.)

  • Kailan naging sagot sa inyong mga panalangin ang isang tao?

Kapag hinikayat ng Espiritu, ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning tinalakay sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang nadama nila habang pinag-aaralan nila ang mga paghahayag na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 36. Edward Partridge

Unang narinig ni Edward Partridge ang ipinanumbalik na ebanghelyo noong mga Oktubre 1830, nang ang mga missionary na ipinadala sa mga Lamanita ay tumigil sa Kirtland, Ohio, sa kanilang paglalakbay patungong Missouri (tingnan sa D at T 28:8; 32:2–3). Gayunman, dalawang buwan muna ang lumipas bago siya nabinyagan. Isinulat ni Lucy Mack Smith, ina ng Propeta, ang sumusunod tungkol sa desisyon ni Edward Partridge na magpabinyag: “Noong Disyembre nang taon ding iyon [1830], nagdaos ng pulong si Joseph sa bahay namin. Habang nangangaral siya, pumasok sina Sidney Rigdon at Edward Partridge at umupo kasama ng kongregasyon. Nang matapos na si Joseph sa kanyang mensahe, binigyan niya ang sinuman ng pribilehiyong magsalita. Sa pagkakataong ito, tumayo si Ginoong Partridge, at sinabing nagpunta siya sa Manchester dahil nais niyang makakuha pa ng impormasyon tungkol sa doktrina na ipinangaral namin; ngunit nang hindi nila kami makita roon, nagtanung-tanong siya sa aming mga kapitbahay tungkol sa aming pagkatao, na ayon sa kanila ay napakabuti, hanggang sa malinlang [sila] ni Joseph tungkol sa Aklat ni Mormon. Sinabi rin niya na nadaanan niya ang aming bukirin, at nakita niya ang kaayusan at kasipagang ginawa para rito; at, nang makita niya ang isinakripisyo namin dahil sa aming pananampalataya, at dahil nalaman niya na pawang totoo ang mga sinabi tungkol sa amin maliban lamang sa mga sinabi tungkol sa aming relihiyon, naniwala siya sa aming patotoo, at handa nang magpabinyag, ‘kung,’ sabi niya, ‘bibinyagan ako ni Brother Joseph’” (History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 191–92). Si Edward Partridge ay bininyagan ni Joseph Smith noong Disyembre 11, 1830.

Kalaunan si Edward Partridge ang naging unang bishop ng Simbahan at nagdanas ng maraming pag-uusig sa Missouri. Siya ay namatay na matapat na miyembro ng Simbahan noong 1840 sa Nauvoo, Illinois, sa edad na 47. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay Edward Partridge, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 36:1–7; 41:9–11; 42:10; 50:39; 51:1–4, 18; 52:24; 57:7; 58:14–16, 24–25, 61–62; 60:10; 64:17; 124:19; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 82; Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 72.)

Doktrina at mga Tipan 36:4–8. Bawat kabataang lalaki ay dapat magmisyon

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Madalas na itinatanong, Dapat bang magmisyon ang bawat kabataang lalaki? Ang sagot sa tanong na ito ay ibinigay na ng Panginoon. Ang sagot ay oo. Bawat kabataang lalaki ay dapat magmisyon.

“Bagama’t bawat kabataang lalaki ay dapat magmisyon, alam natin na hindi lahat sa kanila ay pisikal, emosyonal, o espirituwal na handa. Bunga nito, mapagkakaitan ang ilan sa kanila ng mga pagkakataong magmisyon. Ngunit lahat ay dapat maghandang pumunta—na maging karapat-dapat na maglingkod sa Panginoon” (“Our Commission to Take the Gospel to All the World,” Ensign, Mayo 1984, 45).

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Larawan
President Spencer W. Kimball

“Madalas na itinatanong, Sapilitan ba ang pagmimisyon? At ang sagot, mangyari pa, ay hindi. Lahat ay binigyan ng kanyang kalayaan sa pagpili. Itinatanong ito: Dapat bang magmisyon ang bawat kabataang lalaki? At ang sagot ng Simbahan ay oo, at ang sagot ng Panginoon ay oo. Kapag idinetalye pa namin ang sagot na ito, ito ang sasabihin namin: Walang alinlangan na bawat lalaking miyembro ng Simbahan ay dapat magmisyon, tulad din na dapat siyang magbayad ng kanyang ikapu, tulad din na dapat siyang dumalo sa kanyang mga miting, tulad din na dapat niyang panatilihing malinis at mabuti ang kanyang buhay at magplano na makasal sa loob ng templo ng Panginoon” (“Planning for a Full and Abundant Life,” Ensign, Mayo 1974, 87).

Doktrina at mga Tipan 36:4–8. Mga Sister missionary

Iniutos ng Panginoon sa lahat ng miyembro ng Kanyang Simbahan na ibahagi ang ebanghelyo. Maraming kabataang babae ang tumatanggap at sumusunod sa utos na maglingkod bilang full-time missionary, kahit hindi sila obligadong gawin ito di tulad ng mga kabataang lalaki.

Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Tandaan, mga kabataang babae, maaari din kayong magkaroon ng oportunidad na magmisyon nang full-time. … Ilan sa ating pinakamahuhusay na missionary ay mga kabataang babae” (“To the Young Women of the Church,” Ensign, Nob. 1986, 83).

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Kailangan natin ng ilang kabataang babae. Kamangha-mangha ang nagagawa nila. Napapasok nila ang mga tahanang hindi mapasok ng mga elder.

“… Nagkakaisa ang Unang Panguluhan at ang Konseho ng Labindawa sa pagsasabi sa ating mga kabataang babae na wala silang obligasyong magmisyon. Nawa ay masabi ko ang dapat sabihin sa paraang hindi ko masasaktan ang damdamin ninuman. Hindi dapat madama ng mga kabataang babae na may tungkulin sila na katulad ng sa mga kabataang lalaki. Subalit nanaising magmisyon ng ilan. Kung gayon, kailangan nilang humingi ng payo sa bishop at sa kanilang mga magulang” (“Some Thoughts on Temples, Retention of Converts, and Missionary Service,” Ensign, Nob. 1997, 52).

Doktrina at mga Tipan 36:6. Ano ang “suwail na salinlahi”?

Ang ibig sabihin ng salitang suwail ay walang disiplina at mahirap pasunurin. Kung gayon, ang suwail na salinlahi ay walang disiplina, rebelde, at namumuhay nang lihis sa Panginoon. Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith patungkol sa mga huling araw na iyon, “Ito ay isang suwail na salinlahi, lumalakad sa espirituwal na kadiliman” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:163). Ang paghahayag na ito ay matatagpuan din sa Mga Gawa 2:40. (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 73.)

Doktrina at mga Tipan 36:6. Ano ang ibig sabihin ng “mangaglabasan mula sa apoy, na kinapopootan maging ang mga kasuotan na nabahiran ng laman”?

Tinutukoy ang Judas 1:23, na naglalaman ng wika na katulad ng mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 36:6, isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Upang mapigil ang paglaganap ng sakit sa sinaunang Israel, ang kasuotan na nabahiran ng sakit ay sinusunog. (Lev. 13:47–59; 15:4–17.) At gayon din ang kasalanan sa Simbahan, dapat iwasan ng mga banal ang kahit kaunting pagkakaugnay dito; ang mismong mga kasuotan ng masasama ay sinusunog, ibig sabihin anumang bagay na may kaugnayan sa karumihan ng masasama ay dapat iwasan. At gayundin ang mga narito pa sa daigdig na inaanyayahang maging bahagi ng kaharian na gayon din ang gawin” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:428). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 73.)

Doktrina at mga Tipan 37:1. “Hindi kinakailangan … na kayo ay magsalin pa”

Ang Doktrina at mga Tipan 37:1 ay tumutukoy sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Natapos ni Propetang Joseph ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Bagama’t napakahalagang maisalin niya ang Biblia, kinailangang unahin ang pagpunta sa Ohio “dahil sa kaaway.” (D at T 37:1). Ipinagpatuloy niya ang paggawa ng rebisyon sa Biblia kalaunan sa Ohio. (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 74.)

Doktrina at mga Tipan 37:3. Nagtipon sa Ohio hanggang sa pagbalik ni Oliver Cowdery

Si Oliver Cowdery ay nasa misyon mula pa noong kalagitnaan ng Oktubre 1830 (tingnan sa D at T 30:5–6; 32:2). Sa misyong ito naglakbay sila ng kanyang mga kasama nang 1,400 milya mula New York, Indiana, Illinois, at Ohio hanggang Missouri, kung saan sila nangaral sa mga Katutubong Amerikano na nakatira sa kanlurang hangganan ng Missouri, at itinalaga ang lugar na pagtatayuan ng templo at ng Bagong Jerusalem (tingnan sa “Covenant of Oliver Cowdery and Others, 17 October 1830,” sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, tomo 1 ng Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 202–5). Iniutos sa mga Banal na lumipat sa Ohio at hintayin ang pagbalik ni Oliver Cowdery. Ang pagpuntang ito sa Ohio ay paghahanda sa pagtanggap ng mga karagdagang tagubilin hinggil sa pagtatatag ng Sion (tingnan sa D at T 38:31–33). Sa huli, hindi na bumalik si Oliver Cowdery, ngunit ipinadala niya si Parley P. Pratt bilang kahalili niya. (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 74.)

Print