Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 41


Bahagi 41

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Simbahan, sa Kirtland, Ohio, Pebrero 4, 1831. Tinatagubilinan ng paghahayag na ito ang Propeta at ang mga elder ng Simbahan na manalangin upang matanggap ang “batas” ng Diyos (tingnan sa bahagi 42). Kararating lang ni Joseph Smith sa Kirtland mula sa New York, at si Leman Copley, isang kasapi ng Simbahan sa kalapit na Thompson, Ohio, “ay hiniling kay Kapatid na Joseph at Sidney [Rigdon] … na manirahan kasama niya at bibigyan niya sila ng mga bahay at panustos.” Nililinaw ng sumusunod na paghahayag kung saan nararapat manirahan sina Joseph at Sidney at tinatawag din si Edward Partridge na maging unang obispo ng Simbahan.

1–3, Pamamahalaan ng mga elder ang Simbahan sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag; 4–6, Tatanggapin at tutuparin ng mga tunay na disipulo ang batas ng Panginoon; 7–12, Hinirang si Edward Partridge na obispo ng Simbahan.

1 Makinig at pakinggan, O kayong aking mga tao, wika ng Panginoon at inyong Diyos, kayo na aking kinalulugdang basbasan ng pinakadakila sa lahat ng pagpapala, kayong mga nakikinig sa akin; at kayong hindi nakikinig sa akin ay susumpain ko, na inangkin ang aking pangalan, ng pinakamabibigat sa lahat ng sumpa.

2 Makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan na aking tinawag, dinggin, ako ay nagbibigay sa inyo ng isang kautusan, na kayo ay magkakasamang magtipun-tipon ng inyong sarili upang magkaisa sa aking salita;

3 At sa pamamagitan ng panalangin ng inyong pananampalataya, matatanggap ninyo ang aking batas, upang inyong malaman kung paano pamamahalaan ang aking simbahan at gawin nang tama ang lahat ng bagay sa harapan ko.

4 At ako ang inyong magiging tagapamahala kapag ako ay pumarito; at dinggin, ako ay madaling paparito, at inyong tiyakin na ang aking mga batas ay tinutupad.

5 Siya na tumatanggap ng aking batas at ginagawa ito, siya rin ay aking disipulo; at siya na nagsasabing tinatanggap niya ito at hindi ito ginagawa, siya rin ay hindi ko disipulo, at itataboy mula sa inyo;

6 Sapagkat hindi nararapat na ang mga bagay na pag-aari ng mga anak ng kaharian ay ibigay sa kanila na hindi karapat-dapat, o sa mga aso, o ihagis ang mga perlas sa harapan ng mga baboy.

7 At muli, nararapat na ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ay kinakailangang magpagawa ng isang bahay, kung saan makapaninirahan at makapagsasalin.

8 At muli, nararapat na ang aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ay kinakailangang mamuhay alinsunod sa palagay niyang makabubuti, yamang kanyang sinusunod ang aking mga kautusan.

9 At muli, aking tinawag ang tagapaglingkod ko na si Edward Partridge; at ako ay nagbibigay ng isang kautusan, na siya ay nararapat na italaga sa pamamagitan ng tinig ng simbahan, at ordenan bilang obispo sa simbahan, na iwanan ang kanyang mga kalakal at iukol ang lahat ng kanyang panahon sa mga gawain sa simbahan;

10 Na pangalagaan ang lahat ng bagay kapag itinakda sa kanya sa aking mga batas sa araw na ibibigay ko ang mga yaon.

11 At ito ay dahil dalisay ang kanyang puso sa harapan ko, sapagkat siya ay katulad ni Natanael noong sinauna, siya na walang panlilinlang.

12 Ang mga salitang ito ay ibinigay sa inyo, at ang mga ito ay dalisay sa harapan ko; kaya nga, mag-ingat kung paano ninyo ito ituturing, sapagkat ang mga yaon ay pananagutan ng inyong kaluluwa sa araw ng paghuhukom. Maging gayon nga. Amen.