Lesson 11
Doktrina at mga Tipan 3
Pambungad
Tinanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3 matapos mawala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito na isinalin ni Joseph mula sa mga laminang ginto. Sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay mananaig sa kabila ng kasamaan ng mga tao. Pinagsabihan din ng Panginoon si Joseph at nagbabala tungkol sa mangyayari kung hindi siya nagsisi. Sa huli, ipinaliwanag ng Panginoon ang Kanyang mga layunin sa pagpapalabas sa Aklat ni Mormon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 3:1–3
Nalaman ni Joseph Smith na ang gawain ng Diyos ay hindi mabibigo
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga sitwasyon kung saan sila maaaring matuksong pakinggan ang isang kaibigan sa halip na sundin ang mga utos o payo ng kanilang mga magulang o lider.
-
Bakit mahirap kung minsan na tanggihan ang ating mga kaibigan kapag tinatangka nilang impluwensyahan tayo na gumawa nang mali?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang alam nila tungkol sa mga pangyayaring humantong sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon.
Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong dagdagan ang kanilang sagot ng ilan sa mga sumusunod na detalye:
Mula sa kalagitnaan ng Abril 1828 hanggang sa kalagitnaan ng Hunyo 1828, isinalin ni Propetang Joseph Smith ang mga lamina habang nakatira sa Harmony, Pennsylvania. Isang mayamang magsasaka at negosyante na nagngangalang Martin Harris ang naging tagasulat ni Joseph habang siya ay nagsasalin. Si Martin ay matanda kay Joseph nang 22 taon at binigyan niya sina Joseph at Emma ng $50 (na malaking halaga noong panahong iyon) upang tulungan silang makalipat sa Harmony, Pennsylvania (kung saan nakatira ang pamilya ni Emma), na nakatulong kay Joseph habang isinasalin niya ang mga lamina. Noong Pebrero 1828, hinikayat ni Joseph si Martin na dalhin ang mga kopya ng mga titik mula sa mga lamina sa mga propesor sa New York (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65). Si Lucy Harris, na asawa ni Martin, ay lalo pang nag-alala sa pagmamalasakit at perang ibinibigay ni Martin sa pagsasalin ng mga lamina. Pinilit niya at ng iba pa na patunayan ni Martin na talagang may mga lamina. Para mawala na ang kanilang pag-aalala, sa kalagitnaan ng Hunyo hiniling ni Martin kay Joseph na tulutan siyang dalhin ang 116 na pahina ng manuskrito na natapos nila para ipakita ang mga ito bilang ebidensya.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mahirap na sitwasyon na hinarap ng Propeta nang hilingin ni Martin Harris na ipadala sa kanya ang mga pahina ng manuskrito. Upang maipaunawa ang konteksto, maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na tala mula sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith:
“Hiniling sa akin [ni Martin] na magtanong sa Panginoon, sa pamamagitan ng Urim at Tummim, kung hindi ba niya maaaring [iuwi ang manuskrito at ipakita ito]. Nagtanong nga ako, at ang sagot ay hindi niya dapat dalhin ang mga ito. Gayunpaman, hindi siya nakuntento sa sagot na ito, at sinabing magtanong akong muli. Muli akong nagtanong, at ang sagot ay tulad pa rin ng dati. Hindi pa rin siya nakuntento, at ipinilit na dapat akong magtanong muli” (sa History of the Church, 1:21).
-
Sa palagay ninyo, bakit inulit-ulit pa rin ni Joseph ang pagtatanong sa Diyos kahit na nakatanggap na siya ng malinaw na sagot?
Ipaliwanag na matapos na pakiusapan ni Martin nang maraming beses, tinanong ni Joseph ang Panginoon sa ikatlong pagkakataon, at pinahintulutan ng Panginoon si Martin na dalhin ang manuskrito “sa ilang kundisyon” (History of the Church, 1:21). Nangako si Martin na ipapakita lamang niya ang manuskrito sa kanyang asawa at ilang iba pang mga miyembro ng pamilya. Bumalik si Martin sa New York dala ang manuskrito. Hindi nagtagal pagkaalis ni Martin, nagsilang si Emma ng isang anak na lalaki, si Alvin, na namatay kaagad matapos isilang. Muntik na ring mamatay si Emma, at sa loob ng dalawang linggo hindi umalis sa kanyang tabi si Joseph. Sa panahong ito, tatlong linggo nang wala si Martin at wala silang anumang balita mula sa kanya. Si Emma, na unti-unti nang gumagaling, ay kinumbinsi si Joseph na magtungo sa New York at alamin kung bakit walang anumang pasabi si Martin. Nagtungo si Joseph sa tahanan ng kanyang mga magulang, at pagdating niya roon, pinapunta niya si Martin. Tanghali na nang dumating si Martin. Pagdating niya, umupo siya upang saluhan sa pagkain ang pamilya Smith ngunit kaagad na binitawan ang kanyang kutsilyo at tinidor. Nang tanungin kung may dinaramdam ba siya, umiyak siya at inamin na naiwala niya ang 116 na pahina ng manuskrito. (Tingnan sa History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 124–29 para sa iba pang detalye tungkol sa salaysay na ito.)
-
Isipin ang mahihirap na sitwasyong ito na naranasan ni Propetang Joseph Smith. Ano kaya ang mararamdaman ninyo sa ganitong sitwasyon?
Sabihin sa mga estudyante na matapos bumalik sa Harmony na hindi dala ang 116 na pahina ng manuskrito, nanalangin si Joseph Smith para sa kapatawaran. Dahil “ipinilit [ni Joseph] sa Panginoon ang paghingi ng pribilehiyong payagan si Martin Harris na dalhin ang mga manuskrito” (History of the Church, 1:21), kinuha ni Moroni ang Urim at Tummim at nawalan si Joseph ng kaloob na makapagsalin. Gayunman, nangako si Moroni na matatanggap muli ni Joseph ang mga ito kung siya ay “magpapakumbaba at magsisisi” (History of Joseph Smith by His Mother, 134). Kalaunan, natanggap ni Joseph ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 3.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nais ng Panginoon na maunawaan ni Propetang Joseph Smith.
-
Paano ninyo ibubuod ang mensahe ng Panginoon kay Joseph Smith sa mga talatang ito? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga ideya, bigyang-diin ang sumusunod na doktrina: Ang mga layunin ng Diyos ay hindi mabibigo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa talata 1. Maaaring makatulong na ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 3:1, ang ibig sabihin ng salitang mabibigo ay mahahadlangan na maisagawa.)
-
Paano nakatulong ang katotohanang ito kay Joseph Smith sa mahirap na panahong ito? Bakit mahalagang maunawaan nating lahat ang katotohanang ito?
Doktrina at mga Tipan 3:4–15
Pinagsabihan ng Panginoon si Joseph Smith at hinikayat siya na magsisi
Ipaliwanag na bagama’t sinabi ng Diyos na hindi mabibigo ang Kanyang gawain, gusto rin Niyang ipaunawa sa Propeta ang mga kamaliang nagawa niya at ang mga bunga ng mga pagkakamaling iyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga salita at mga parirala na maaaring mahirap kay Joseph na marinig. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga salita at mga parirala na pinili nila at kung bakit nila napili ito.
-
Sa anong paraan “nagpadala sa mga panghihikayat ng mga tao” si Joseph? (D at T 3:6).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na nagbibigay-diin kung bakit mabigat ang nagawang pagkakamali ni Joseph. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nahanap nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:7. Sabihin sa klase na tukuyin ang sinabi ng Panginoon na dapat na ginawa ni Joseph Smith nang pinipilit siya ni Martin Harris. (Bago magbasa ang estudyante, maaari mong ipaliwanag na sa talatang ito ang salitang tao ay tumutukoy sa lahat ng tao.) Matapos matukoy ng mga estudyante ang payo ng Panginoon, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Dapat nating katakutan ang Diyos nang higit sa tao. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala sa talata 7 na nagtuturo ng alituntuning ito.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng katakutan ang Diyos nang higit sa tao?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng katakutan ang Diyos, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Maraming talata sa mga banal na kasulatan ang nagpapayo sa mga tao na katakutan ang Diyos. Sa ating panahon karaniwang binibigyang-kahulugan natin ang salitang katakutan bilang “paggalang” o “pagpipitagan” o “pagmamahal”; na ibig sabihin, ang takot sa Diyos ay pag-ibig sa Diyos o paggalang sa Kanya at sa Kanyang batas. Maaaring ituring na tama ang kahulugang iyan, ngunit iniisip ko kung minsan na hindi ba talaga ang ibig sabihin ng katakutan, ay matakot, kapag sinasabi ng mga propeta na matakot na magalit ang Diyos kapag nilabag ang Kanyang mga kautusan. …
“… Dapat nating mahalin at igalang Siya nang lubos sa puntong natatakot tayong gumawa ng pagkakamali sa Kanyang paningin, anuman ang opinyon o pamimilit ng ibang tao” (“A Sense of the Sacred” [CES fireside for young adults, Nob. 7, 2004], 6–7, LDS.org; tingnan din sa speeches.byu.edu).
-
Ayon kay Elder Christofferson, ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos?
-
Ayon sa paliwanag ni Elder Christofferson, paano nakatutulong sa atin ang takot sa Diyos sa paggawa ng tamang desisyon sa kabila ng pamimilit ng iba?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 3:8 at alamin ang gagawin sana ng Diyos kung nakinig lamang si Joseph Smith sa unang sagot sa pakiusap ni Martin. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang matututuhan natin mula sa talatang ito. Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw nilang nauunawaan na kung matapat tayo sa mga kautusan ng Panginoon, tutulungan Niya tayo sa panahon ng kaguluhan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang panahon na sinunod nila ang mga kautusan ng Panginoon sa halip na ang pamimilit o impluwensya ng ibang tao. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano sila nakatanggap ng tulong mula sa Panginoon dahil sa kanilang pagsunod.
Ipaalala sa mga estudyante na sa simula ng lesson, sinabi mo sa kanila na umisip ng mga sitwasyon na maaaari silang matuksong pakinggan ang isang kaibigan sa halip na maging masunurin. Pagkatapos ay ituon ang kanilang atensyon sa katotohanang isinulat mo sa pisara.
-
Paano makatutulong sa inyo ang katotohanang ito kapag inuudyukan kayo ng isang kaibigan na gawin ang isang bagay na alam ninyong mali?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila maipapamuhay ang katotohanang ito sa kanilang mga kaibigan at pamilya.
Pagkatapos ng sapat na oras, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith sa kabila ng bigat ng pagkakamaling nagawa ni Joseph. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.)
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith? Paano naaangkop sa atin ang pangakong ito? (Maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyakin na mabigyang-diin na kung magsisisi tayo sa ating mga kasalanan, matatanggap natin ang awa ng Panginoon.)
-
Isinasaisip kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Joseph sa Doktrina at mga Tipan 3:4–6, ano kaya ang madarama ninyo matapos marinig ang pangakong ito mula sa Panginoon kung kayo ang nasa sitwasyon ni Joseph?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:9, 11 at alamin ang mga babala na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith.
-
Bakit mahalagang matandaan ang mga babalang ito kapag nagsisisi tayo sa ating mga kasalanan at hinihingi ang awa ng Panginoon?
Doktrina at mga Tipan 3:16–20
Ipinaliwanag ng Panginoon ang Kanyang mga layunin para sa Aklat ni Mormon
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 3:16–20 at alamin ang mga layuning ibinigay ng Panginoon para sa Aklat ni Mormon.
-
Bakit napakahalaga sa Panginoon at sa Kanyang mga tao ang gawaing ginagawa nina Joseph Smith at Martin Harris?
Tapusin ang lesson na ito sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang natutuhan at nadama ngayon at kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang natutuhan nila. Ibahagi ang iyong patotoo sa awang ibinibigay ng Panginoon kapag nagsisisi tayo sa ating mga kasalanan. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na sa susunod na lesson, malalaman nila kung paano nilutas ng Panginoon ang pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito.