Seminaries and Institutes
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 98–101:42 (Unit 21)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 98–101:42 (Unit 21)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 98–101:42 (unit 21) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 98)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa ilan sa mga karahasan ng mga mandurumog na naranasan ng mga Banal sa Jackson County, Missouri, nalaman nila na pinatutunayan natin ang ating sarili sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan, kapag mahirap itong gawin. Nalaman din ng mga estudyante na kung pagtitiisan natin ang masamang pagtrato sa atin at hindi maghihiganti, gagantimpalaan tayo ng Panginoon. Sa huli, nalaman nila na ang pakikidigma ay mabibigyang-katwiran ayon sa mga kalagayang inilarawan ng Panginoon.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 99–100)

Sa lesson na ito, nalaman ng mga estudyante na kinakatawan natin ang Panginoon kapag nagmimisyon tayo at ang mga tumatanggap ng ebanghelyo “gaya ng isang maliit na bata” (D at T 99:3) ay makatatamo ng awa. Nalaman din nila na kung itataas natin ang ating mga tinig upang maibahagi ang ebanghelyo sa iba nang may kataimtiman ng puso at sa diwa ng kaamuan, tutulungan tayo ng Panginoon na malaman ang sasabihin natin at patototohanan ng Espiritu Santo ang ating mensahe. Natuklasan din ng mga estudyante na ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti kung lalakad tayo nang matwid sa harapan ng Panginoon.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 101:1–16)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa pagpapaalis sa mga Banal sa Jackson County, Missouri, nalaman nila na kapag nilabag natin ang mga kautusan, hahayaan tayong magdusa ng Diyos; ito ay naiiba sa mga pagsubok at mahihirap na karanasan ng yaong mabubuti. Nalaman din nila na kung hindi natin matitiis ang pagpaparusa, hindi tayo mapapabanal. Natuklasan ng mga estudyante na bagama’t nagkasala tayo, ang Panginoon ay mahahabag sa atin. Kapag namuhay tayo nang matwid, mapapanatag tayo sa kaalamang ang lahat ng tao ay nasa mga kamay ng Panginoon.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 101:17–42)

Bilang bahagi ng lesson na ito, nalaman ng mga estudyante ang mga paraan para makapaghanda tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Natukoy din nila ang alituntunin na yaong nagdanas ng pag-uusig dahil sa pangalan ng Tagapagligtas at nagtitiis nang may pananampalataya ay makababahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. Dagdag pa rito, natuklasan nila na upang matulungan ang mga tao sa mundo na matanggap ang mga pagpapala ng Diyos, dapat tayong magsisi ng ating mga kasalanan at maging mapagkumbaba.

Pambungad

Ang lesson na ito ay nakatuon sa ilan sa mga tagubilin sa Doktrina at mga Tipan 98 na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal na inuusig ng mga mandurumog. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano tayo dapat tumugon sa mahihirap na sitwasyon, at makatutulong ito para mapalakas ang ating patotoo sa kapangyarihan at kabaitan ng Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 98

Muling binigyan ng katiyakan ng Panginoon ang mga Banal sa kanilang mga pagdurusa

Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong: Ano ang madarama ninyo? Ano ang gagawin ninyo?

Ipaliwanag sa mga estudyante na pag-aaralan nila sa lesson ngayon ang tungkol sa ilang pagsubok at pag-uusig na naranasan ng mga Banal na naninirahan sa Jackson County, Missouri, noong Hulyo 1833. Ipaliwanag na ang ilan sa mga taga Missouri ay nagalit sa mga Banal dahil sa mga pagkakaiba sa pulitika, pamumuhay, ekonomiya, at relihiyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Noong Sabado, Hulyo 20, 1833, 400 hanggang 500 galit na mamamayan ng Missouri ang nagtipun-tipon sa courthouse sa Independence, Missouri. Pumili sila ng isang komite na gagawa ng dokumento na nagsasaad ng mahigpit na kahilingan nila sa mga Mormon. Hiniling nila na wala nang Banal sa mga Huling Araw ang dapat pahintulutang lumipat sa Jackson County at sinabing ang mga naninirahan na roon ay dapat mangakong umalis sa lalong madaling panahon. Bukod pa rito, hiniling nila na itigil na ang paglalathala ng pahayagan ng Simbahan. Nang ipresenta ang mga kahilingang ito sa mga lider ng Simbahan sa Missouri, nabigla ang mga lider ng Simbahan at humingi ng tatlong buwang palugit para pag-isipan ang kahilingan at para sumangguni sa mga lider ng Simbahan sa Ohio. Hindi tinanggap ng grupong iyon ng mga mamamayan ng Missouri ang kahilingan ng mga lider ng Simbahan. Dahil dito, humiling ng 10 araw ang mga Banal, ngunit 15 minuto lamang ang ibinigay sa kanila para tumugon. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 132–33.)

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong sa pisara.

Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang sumusunod na talata:

Ang mga taga-Missouri sa pulong sa courthouse sa Independence ay kaagad naging mararahas at nagpasiyang wasakin ang palimbagan. Pinasok nila ang palimbagan, inihagis ang kasangkapan sa kalsada at sa hardin, sinira ang makina sa pag-imprenta, ikinalat ang type, at sinira ang halos lahat ng nakalimbag, kabilang ang karamihan sa hiwa-hiwalay pang papel ng Aklat ng mga Kautusan. Ang kasunod na gustong wasakin ng mga mandurumog ay ang Gilbert and Whitney Store. Gayunman, nakausap ni Sidney Gilbert ang mga mandurumog bago nila magawa ang kanilang balak at nangako siya na hahakutin ang mga paninda at aalis sa loob ng tatlong araw. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 133.)

Sabihin sa mga estudyante na sagutin muli ang mga tanong sa pisara.

Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang sumusunod na talata:

Makalipas ang tatlong araw, noong Hulyo 23, dumating muli ang mga mandurumog sa Jackson County, Missouri, at sa pagkakataong ito sila ay armado ng mga riple, pistola, latigo, at pambambo. Sinunog ng mga mandurumog ang mga bangan at bukirin at winasak ang ilang tahanan, kamalig, at negosyo. Sa huli, hinarap ang mga mandurumog ng anim na lider ng Simbahan, na, dahil nakitang nanganganib ang mga ari-arian at buhay ng mga Banal, ay nagsabing buhay na lang nila ang ibibigay na kabayaran. Hindi tinanggap ng mga lider ng mga mandurumog ang alok na ito, sa halip ay nagbanta na lahat ng mga lalaki, babae, at bata ay lalatiguhin maliban kung sumang-ayon sila na lisanin ang bayan. Dahil nagipit, pumirma ang mga Kapatid sa isang kasunduan na lilisanin ang Jackson County—kalahati ng mga miyembro ng Simbahan at karamihan sa mga lider ay aalis nang Enero 1, 1834, at ang natitira ay aalis nang Abril 1, 1834. Tinulutan ng mga mandurumog sina John Corrill at Sidney Gilbert na manatili para ibenta ang mga ari-arian ng mga Banal na pinaalis sa lupain. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 134.)

Sabihin sa mga estudyante na sagutin muli ang mga tanong sa pisara.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 98. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit ibinigay ang paghahayag na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa pambungad, ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa tiyempo ng pagkakabigay ng paghahayag na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal. (Makatutulong na ipaliwanag na ang Sabaoth, sa talata 2, ay salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay mga hukbo. Ang paggamit nito dito ay nagpapahiwatig na pinamumunuan ng Panginoon ang mga hukbo ng mga anghel, at mga hukbo ng Israel, o ng mga Banal. [Tingnan sa Bible Dictionary, “Sabaoth.”])

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Bakit mahalagang magpasalamat ang mga Banal sa mahihirap na panahon?

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng matiyagang maghintay sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang kahulugan ng matiyagang maghintay sa Panginoon.

Elder Robert D. Hales

“Ano nga ba ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon? Sa mga banal na kasulatan, ang ibig sabihin ng salitang maghintay ay umasa, umasam, at magtiwala. Ang umasa at magtiwala sa Panginoon ay nangangailangan ng pananampalataya, tiyaga, pagpapakumbaba, kaamuan, mahabang pagtitiis, pagsunod sa mga utos, at pagtitiis hanggang wakas” (“Paghihintay sa Panginoon: Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 72).

  • Paano nakatulong ang pahayag ni Elder Hales para maunawaan ninyo ang ibig sabihin ng matiyagang maghintay sa Panginoon?

  • Bakit ang payo na matiyagang maghintay sa Panginoon ay mahalaga para sa mga Banal sa Missouri?

  • Anong mga salita na nagbibigay ng kapanatagan ang ibinigay Panginoon sa mga Banal sa talata 2?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong alituntunin: Kung tayo ay magpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang maghihintay sa Panginoon, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung susundin nila ang Kanyang payo.

  • Paano ninyo kukumpletuhin ang alituntunin na nasa pisara, batay sa talata 3? (Ang sumusunod ay isang paraan para makumpleto ang alituntunin: Kung tayo ay magpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang maghihintay sa Panginoon, papangyarihin ng Panginoon na ang mga paghihirap natin ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na kilala nila na matiyagang naghintay sa Panginoon sa mahihirap na panahon at nakasumpong ng mga kadahilanan upang magpasalamat.

  • Sa paanong paraan nagdadala ng kabutihan sa buhay ng taong iyan ang mga paghihirap?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pagpapalang tatanggapin ng matatapat.

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga alituntuning tinalakay niyo sa klase ngayon.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 101:43–101; 102–105)

Sabihin sa estudyante na isipin kung ano kaya ang itutugon nila kung atasan sila ng Panginoon na maglakbay nang daan-daang milya nang ilang buwan upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na nangangailangan. Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 101 at mga bahagi 102 hanggang 105 sa susunod na linggo, malalaman nila ang tungkol sa isang grupo ng mga tao na nagboluntaryong maglakbay mula sa Ohio hanggang Missouri upang tulungan ang mga kapwa nila miyembro ng Simbahan. Ang grupong ito ay kilala bilang Kampo ng Sion.