Seminary
Lesson 93: Doktrina at mga Tipan 88:70–117


Lesson 93

Doktrina at mga Tipan 88:70–117

Pambungad

Ito ang pangatlo sa apat na lesson sa Doktrina at mga Tipan 88. Ang bahagi ng paghahayag na tatalakayin sa lesson na ito ay ibinigay sa kumperensya ng matataas na saserdote noong Disyembre 27–28, 1832. Dito ay iniutos ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na turuan ang isa’t isa at maghandang maglingkod bilang mga missionary. Itinuro din ng Panginoon ang hinggil sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito, ang pagkakasunud-sunod ng pagkabuhay na mag-uli ng mga tao, at ang ilang pangyayaring may kaugnayan sa huling digmaan kay Satanas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 88:70–117

Iniutos ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na maghanda para sa kanilang paglilingkod at naghayag ng mga pangyayaring may kaugnayan sa Kanyang Ikalawang Pagparito

Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harapan ng klase at turuan ang isa pang estudyante na gawin ang isang simpleng gawain, tulad ng pagkukurbata (o ibang gawain na hindi alam gawin ng pangalawang estudyante). Pataasin ang kamay ng mga estudyanteng nakatulong sa pagtuturo ng isang lesson o gawain sa ibang tao kamakailan. Ipalarawan sa ilan sa kanila ang itinuro nila. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang natutuhan ninyo sa paghahandang magturo at sa pagtuturo sa ibang tao?

  • Sa palagay ninyo, bakit madalas tayong mas natututo sa paghahandang magturo kaysa tayo ang tinuturuan ng iba?

Ipaalala sa mga estudyante na ibinigay ng Panginoon ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 88 sa isang pangkat ng mga maytaglay ng priesthood na nanalangin para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pagtatayo ng Sion. Sa paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon ang pangkat na ito ng mga maytaglay ng priesthood bilang “mga yaong unang manggagawa sa huling kahariang ito” (tingnan sa D at T 88:70, 74) at iniutos sa kanila na mag-organisa at dumalo sa isang paaralan upang maihanda ang kanilang sarili na ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa sa buong mundo (tingnan sa D at T 88:74, 84, 127).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:73–76. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga maytaglay na ito ng priesthood upang makapaghanda sa pagtuturo sa iba.

  • Ano ang iniutos na gawin sa “mga unang manggagawa” na ito upang makapaghanda sa pagtuturo sa iba bilang mga missionary? (Hilingin sa isang estudyante na maging tagasulat mo at ipasulat sa kanya ang mga sagot ng kanyang mga kaklase sa pisara.)

  • Ano ang magagawa natin upang “ayusin,” “ihanda,” at “pabanalin” ang ating mga sarili upang maging mas epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

  • Paano nakakaapekto ang pagiging malinis mula sa kasalanan sa ating kakayahang ibahagi ang ebanghelyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:77–80. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood kapag nagtitipon sila nang magkakasama. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga masigasig na nagtuturo? (Ang Kanyang biyaya ay dadalo sa kanila at sila ay lubos na matuturuan sa lahat ng kailangan nilang maunawaan hinggil sa kaharian ng Diyos.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “ang biyaya [ng Panginoon] ay dadalo sa inyo” (D at T 88:78)? (Tutulungan tayo ng Panginoon kapag sinikap nating masigasig na magturo at matutuhan ang ebanghelyo.)

  • Mula sa nalaman ninyo sa mga talata 77–78, anong alituntunin ang maipapahayag ninyo tungkol sa pagtuturo? (Maaaring makapagpahayag ng maraming alituntunin ang mga estudyante, kabilang ang sumusunod: Kapag masigasig nating tinuruan ang isa’t isa, tutulungan tayo ng Panginoon na mas lubos na maunawaan ang Kanyang mga katotohanan. Sa pagtuturo sa isa’t isa, makapaghahanda tayong ibahagi ang ebanghelyo sa ibang tao. Maaari mong isulat sa pisara ang mga alituntuning ito gamit ang mga salita ng mga estudyante.)

  • Sa paanong paraan nakatutulong sa inyo ang pagtuturo ng ebanghelyo sa iba para mas maunawaan ninyo ito?

  • Ayon sa talata 79, ano ang iba pang mga paksa na mahalagang maunawaan natin? Paano nakatutulong sa atin ang pagkakaroon ng maraming kaalaman sa pagtuturo natin ng ebanghelyo sa iba?

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng mga alituntunin na natukoy nila at maipamuhay ang mga ito, igrupo ang klase na may tig-aapat na estudyante na maghahanda at magtuturo ng mga sumusunod na mini-lesson sa kagrupo nila. Sabihin sa dalawang estudyante sa bawat grupo na magtulungan sa paghahanda at pagtuturo ng Doktrina at mga Tipan 88:81–86 at ang Doktrina at mga Tipan 88:87–98 naman ay para sa dalawa pang estudyante sa grupo. Gumawa ng mga kopya ng mga sumusunod na instruksyon para sa bawat grupo. Sabihin sa kanila na basahing mabuti ang mga instruksyon at mga scripture verse at pagkatapos ay magpasiya kung paano nila ituturo ang bawat mini-lesson. (Hikayatin ang mga estudyante sa bawat magkakapartner na makibahagi sa pagtuturo.) Ipaliwanag na bawat magkapartner ay may mga limang minuto para maghanda at mga pitong minuto para magturo. Matapos ang sapat na oras ng mga estudyante sa paghahanda, sabihin sa magkakapartner na naka-assign sa Doktrina at mga Tipan 88:81–86 na magturo sa iba pang estudyante sa kani-kanilang grupo. Pagkatapos nilang magturo, sabihin sa kanila na ang magtuturo naman ay ang magkakapartner na naka-assign sa Doktrina at mga Tipan 88:87–98. (Paalala: Kung gusto mo, maaaring ikaw ang magturo ng mga mini-lesson sa halip na hilingin sa mga estudyante na turuan nila ang isa’t isa.)

Mini-lesson 1: Doktrina at mga Tipan 88:81–86

Simulan ang inyong lesson sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Kailan kayo nagpasalamat dahil may isang taong nagbabala sa inyo tungkol sa isang bagay? (Maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:81–83. Sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagbibigay ng mga babala. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ibig sabihin ng nabigyan tayo ng babala? (Naituro sa atin ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga tinuturuan ninyo, ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Dahil nabigyan tayo ng babala sa pamamagitan ng mensahe ng ebanghelyo, inaasahan ng Panginoon na bibigyan natin ng babala ang ating kapwa. Imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa talata 81.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:84–85 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood na naroon nang matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito na masigasig na gumawa para maihanda ang kanilang sarili at ang mga Banal upang makaligtas sa paghuhukom na darating sa masasama.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:86. Sabihin sa inyong grupo na alamin kung paano tayo dapat mamuhay habang naghahanda tayong ibahagi ang ebanghelyo. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.

  • Ano ang ibig sabihin ng “huwag isangkot ang inyong sarili sa kasalanan”? Paano maiaangkop ang tagubiling ito sa inyong buhay habang naghahanda kayo sa pagtanggap ng mga ordenansa sa templo, pagmimisyon, o pagpapakasal o pagpapamilya?

Upang matulungan ang mga estudyante kung paano nakakaapekto sa kanila ang pagkasangkot sa kasalanan sa kakayahan nilang magpatotoo sa katotohanan, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Jeffrey R. Holland

“Walang misyonero ang kayang hamunin ang ibang tao na magsisi sa kasalanang seksuwal o lapastangang pananalita o panonood ng pornograpiya kung siya mismo ay hindi pa napagsisisihan ang mga kasalanang iyon! Hindi ninyo magagawa iyon. Ang Espiritu ay hindi mapapasainyo at mabubulunan kayo sa pagsasabi ng mga ito. Hindi kayo maaaring dumaan sa tinawag ni Lehi na ‘ipinagbabawal na landas’ [1 Nephi 8:28] at umasang magagabayan ang iba sa ‘makipot at makitid’ [2 Nephi 31:18] na landas—hindi magagawa iyan” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 45).

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pananatiling malinis upang maging epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga tinuturuan mo na sikaping maging malinis mula sa kasalanan.

Mini-lesson 2: Doktrina at mga Tipan 88:87–98

Itanong sa mga tinuturuan mo kung may narinig na silang nagbigay ng malakas na patotoo. Sabihin sa kanila na ilarawan ang patotoo at kung ano ang nadama nila nang marinig nila ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:87–91. Sabihin sa mga estudyanteng tinuturuan mo na maghanap ng mga halimbawa ng malalakas na patotoo. Matapos nilang magbasa, itanong ang sumusunod:

  • Bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, anong uri ng patotoo ang susunod sa patotoo ng mga missionary?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyanteng tinuturuan mo ang Doktrina at mga Tipan 88:92 at alamin kung ano ang sasabihin ng mga anghel ng langit sa panahong ito bago ang Ikalawang Pagparito. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila. Sabihin sa kanila na ang katagang Lalaking kasintahan ay tumutukoy kay Jesucristo.

  • Bakit mahalaga na maging handa para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:95–98. Sabihin sa mga estudyanteng tinuturuan mo na alamin ang dalawang grupo ng mga tao na iaangat upang salubungin ang Tagapagligtas sa Kanyang pagparito. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Sino ang iaangat upang salubungin si Jesucristo sa Kanyang pagparito? (Ang Kanyang mga Banal na buhay pa at ang Kanyang mga Banal na pumanaw na. Maaari mong imungkahi sa mga estudyanteng tinuturuan mo na markahan ang mga salita o parirala sa mga talatang ito na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Ang mabubuti ay babangon upang salubungin si Cristo sa Kanyang pagparito.)

Ipabasa sa mga tinuturuan mo ang Doktrina at mga Tipan 88:98 at hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan sa mga grupo ng mga Banal na makikibahagi sa pagparito ng Panginoon. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Anong mga salita at parirala ang nahanap ninyo? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “mga unang bunga” ay tumutukoy sa mabubuting Banal na babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.)

Ibahagi kung ano kaya ang pakiramdam na maging bahagi ng Ikalawang Pagparito tulad ng inilarawan sa mga talatang ito.

Matapos turuan ng mga grupo ng estudyante ang isa’t isa, itanong ang sumusunod sa buong klase:

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:97–107 na ipinapaliwanag na ipinahayag ng Panginoon na ang mga patay ay mabubuhay na mag-uli ayon sa kanilang kabutihan. Ang mga taong unang mabubuhay na mag-uli ay magmamana ng kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 88:97–98). Ang mga taong pangalawang mabubuhay na mag-uli ay magmamana ng kahariang terestriyal (tingnan sa D at T 88:99). Ang mga magmamana ng kahariang telestiyal ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos ng Milenyo (tingnan sa D at T 88:100–101). Sa huli, ang mga taong “mamamalaging marumi pa rin”—yaong nabuhay sa mundo at naging mga anak na lalaki ng kapahamakan—ay mabubuhay na mag-uli at itatapon sa labas na kadiliman (tingnan sa D at T 88:102). Sa katapusan ng isang libong taon ng kapayapaan na kilala bilang Milenyo, si Satanas at ang kanyang mga alagad ay makikidigma sa mga tao ng Diyos na pinamumunuan ni Miguel (o Adan). Madadaig si Satanas at ang kanyang mga alagad at itatapon sa labas na kadiliman.

Ituro ang sumusunod na alituntunin sa pisara: “Kapag masigasig nating tinuturuan ang isa’t isa, tutulungan tayo ng Panginoon na maunawaan nang mas lubusan ang Kanyang mga katotohanan.” Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataong maituro sa iba ang ebanghelyo. Patotohanan ang mga pagpapalang tatanggapin nila sa paggawa nito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 88:73–76. “Aking mamadaliin ang aking gawain”

Noong Oktubre 2012, matapos ibalita ni Pangulong Thomas S. Monson na ibinaba ang edad para magmisyon ang kabataang lalaki at babae, ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ibinalitang ito ay isang halimbawa na minamadali o pinabibilis na ng Diyos ang Kanyang gawain:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. At kailangan Niya ng mas marami pang handa at karapat-dapat na missionary na magpapalaganap ng liwanag at katotohanan at pag-asa at kaligtasan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa karaniwan ay madilim at nakatatakot na mundo. …

“… Ang ibinalitang ito … ay hindi tungkol sa inyo. Ito ay tungkol sa mabuti at dalisay na mensahe na iniutos na ihayag ninyo” (sa “Church Lowers Age Requirement for Missionary Service,” Church News, Okt. 6, 2012, ldschurchnews.com).

Doktrina at mga Tipan 88:81–82. Pagbibigay ng babala sa ating kapwa

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang ating tungkulin bilang mga miyembro ng Simbahan na ibahagi ang ebanghelyo sa iba:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Ang tungkuling balaan ang ating kapwa ay nasa ating lahat na nakipagtipan sa binyag. Dapat nating kausapin ang mga kaibigan at kamag-anak natin na hindi miyembro tungkol sa ebanghelyo. Layunin nating anyayahan silang magpaturo sa mga full-time missionary, na tinawag at itinalagang magturo. …

“… Dapat tayong … mag-anyaya nang may patotoo. Ang pagmamahal at mabuting halimbawa ang magbubukas ng daan. Ngunit kailangan pa rin nating buksan ang ating bibig at magpatotoo. …

“Marahil mahihirapang maniwala ang ilan sa atin na sapat na ang pagmamahal natin o mabuti na ang buhay natin o sapat na ang kapangyarihan nating magpatotoo para tanggapin ng ating kapwa ang mga paanyaya natin. At alam ng Panginoon na maaari nating maramdaman iyan. Pakinggan ang Kanyang mga nakahihikayat na salita, na iniutos Niyang ilagay sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, nang iutos Niya sa atin: ‘At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking mga pinili sa mga huling araw na ito’ (D at T 1:4).

“Pagkatapos ay pakinggan ang paglalarawan Niya ng mga katangian ng mga disipulong iyon—natin: ‘Ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas’ (D at T 1:19).

“At sinabi pa Niya: ‘Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig’ (D at T 1:23).

“At idinagdag na: ‘At yayamang sila ay nagpakumbaba sila ay maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan’ (D at T 1:28).

“Ang pagtiyak na iyan ay ibinigay sa mga unang missionary ng Simbahan at sa mga missionary ngayon. At ibinibigay rin iyan sa ating lahat. Dapat tayong manalig na maaari tayong magmahal nang lubos at naantig nang lubos ng ebanghelyo ang ating buhay upang ang paanyaya nating pakinggan ang ebanghelyo ay marinig na tila nagmumula sa Panginoon na siyang pinagmumulan ng paanyayang ito” (“A Voice of Warning,” Ensign, Nob. 1998, 33–35).

Doktrina at mga Tipan 88:117. Kapita-pitagang kapulungan

Sa pagitan ng Enero at Mayo 1836, ilang pulong ang ginanap sa Kirtland. Ilan sa mga miting na ito ay mga kapita-pitagang kapulungan. Ang mga kapita-pitagang kapulungan ay mga espesyal na miting na naiiba sa iba pang mga miting ng Simbahan. Noong Marso 27, 1836, idinaos ang mga kapita-pitagang kapulungan bilang bahagi ng paglalaan ng Kirtland Temple, at makalipas ang tatlong araw noong Marso 30, 1836, isa pang kapita-pitagang kapulungan ang ginanap. Isa pang kapita-pitagang kapulungan ang idinaos makalipas ang isang taon noong Abril 6, 1837.

Itinuro ni Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder David B. Haight

“Ang kapita-pitagang kapulungan, tulad ng ipinapahiwatig ng pagtawag dito, ay nangangahulugang isang sagrado, mapayapa, at mapitagang okasyon kapag nagtitipun-tipon ang mga Banal sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan. Ang mga kapita-pitagang kapulungan ay ginagawa sa tatlong kadahilanan: paglalaan ng mga templo, pagbibigay ng mga espesyal na tagubilin sa mga lider ng priesthood, at pagsang-ayon sa isang bagong Pangulo ng Simbahan” (“Solemn Assemblies,” Ensign, Nob. 1994, 14).

Ipinaliwanag ni Robert J. Norman, dating direktor ng Tucson Institute of Religion, na:

“Ang mga kapita-pitagang kapulungan ay idinaraos para palakasin ang espirituwalidad ng mga Banal at mas mabigyang-diin ang kahalagahan ng layunin ng pagpupulong. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, ‘Kailangang maihanda namin ang lahat ng bagay, at magdaos ng kapita-pitagang pulong tulad ng iniutos sa amin ng Panginoon, nang sa gayon ay maisakatuparan namin ang Kanyang dakilang gawain, at dapat itong gawin sa paraan ng Diyos. Ang bahay ng Panginoon ay dapat ihanda, at idaos ang kapita-pitagang pulong at iorganisa ito, ayon sa kaayusan ng bahay ng Diyos.’ (Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith, Salt Lake City: Deseret Book Co., 1938, p. 91.)

“Itinala ni Heber C. Kimball ang mga tagubilin ng Propeta sa mga elder bago idaos ang kapita-pitagang pulong na iyon: ‘Iniutos sa amin na ihanda namin ang aming sarili para sa kapita-pitagang pulong. Kalaunan dumating ang oras para sa pulong na ito; bago ito hinikayat ni Propetang Joseph ang mga elder na panatagin ang kanilang isipan, sa pamamagitan ng pag-alis ng lahat ng kasamaan sa kanila, sa isip, sa salita at sa gawa, at pabanalin ang kanilang puso, dahil hindi nila maaasahang magbibigay ng pagpapala ang Diyos nang hindi sila naghahanda para dito, dahil ang Espiritu Santo ay hindi mananahan sa mga hindi banal na templo.’ (Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball, 3d ed., Salt Lake City: Bookcraft, 1967, p. 91.)

“Ang pinakahihintay na kapita-pitagang kapulungan o pulong ay idinaos sa Kirtland Temple noong ika-30 ng Marso 1836, tatlong araw matapos ilaan ito. Sa kapulungan, tatlong daang kalalakihan ang dumalo at tumanggap ng ilan sa mga ordenansa ng ebanghelyo, at isinaayos ni Propetang Joseph Smith ang iba-ibang korum ng Simbahan. (Tingnan sa History of the Church, 2:430–33; D at T 88:139–141; 109:35.) Makalipas ang isang taon, noong ika-6 ng Abril 1837, isa pang kapita-pitagang kapulungan ang idinaos upang ipagdiwang ang anibersaryo ng Simbahan at iorganisa pa ang mga korum ng priesthood” (Robert J. Norman, “I Have a Question,” Ensign, Dis. 1988, 53).

Print