Lesson 73
Doktrina at mga Tipan 67
Pambungad
Noong Nobyembre 1831, isang pangkat ng mga elder ang nagtipon para sa isang espesyal na pagpupulong sa Hiram, Ohio. Ang isang bagay na pinag-usapan sa pagpupulong ay ang paglalathala ng mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith. Sa pulong na ito, ang Panginoon ay nagbigay ng paghahayag kay Joseph Smith at itinalaga ito bilang pambungad sa aklat ng mga paghahayag na ilalathala. Ang paghahayag na iyon ay ang unang bahagi ngayon ng Doktrina at mga Tipan. Kalaunan sa pagpupulong, ang Panginoon ay nagbigay ng paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 67. Sa paghahayag na iyan, tinugon ng Panginoon ang mga kapatid na may mga tanong at alinlangan tungkol sa wika ng mga paghahayag na ibinigay Niya sa Propeta.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 67:1–3
Dinidinig ng Panginoon ang ating mga panalangin at nalalaman ang nasasaloob ng ating puso
Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Kailan ninyo nadama na dininig at sinagot ang inyong mga panalangin? Sa simula ng klase, ipasagot sa mga estudyante ang tanong.
Ipaliwanag na noong Nobyembre 1831, isang grupo ng mga elder, kasama si Joseph Smith, ang nagtipon para pag-usapan ang paglalathala ng mga paghahayag na natanggap ng Propeta. Hiniling ni Joseph Smith sa mga elder na patotohanan na ang mga paghahayag ay mula sa Panginoon, ngunit nag-atubili ang ilan sa kanila na gawin ito. Ang pag-aatubiling ito ay humantong sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 67.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 67:1–2 at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa panalangin.
-
Sa mga talatang ito, ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa pagbibigay Niya ng pansin sa ating mga panalangin? (Bagama’t maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Dinidinig ng Panginoon ang ating mga panalangin at nalalaman ang saloobin ng ating puso. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano makatutulong na alam ninyo ang alituntuning ito para mas maging taimtim ang inyong mga panalangin?
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng alituntunin na nakasulat sa pisara, tawagin ang ilan sa kanila para magbahagi kung paano nila nalaman na dinirinig ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin at nalalaman ang mga hangarin ng kanilang puso. Matapos magkaroon ang ilang estudyante ng pagkakataong magbahagi, hikayatin ang mga estudyante na ipanalangin na malaman na dinidinig ng Diyos ang kanilang mga panalangin at nalalaman ang saloobin ng kanilang puso.
Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 67:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit hindi natanggap ng ilan sa mga elder ang pagpapalang inihandog sa kanila ng Panginoon.
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Paano maaaring maging dahilan ang takot para hindi matanggap ng isang tao ang mga pagpapala? Ipasagot ito sa mga estudyante. Kapag sinagot nila ang tanong na ito, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung hahayaan nating pumasok ang takot sa ating puso, mawawala sa atin ang mga pagpapala.
-
Ano ang mga ikinakatakot ng mga tao na maaaring makahadlang sa kanila sa pagtatamo ng mga pagpapala? (Maaaring kabilang ang takot na hindi mapabilang, takot na makagawa ng pagkakamali, takot na baguhin ang kanilang buhay, takot na mabigo, takot na magsisi, at iba pa.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga ikinakatakot nila na maaaring makahadlang sa kanila na kumilos nang may pananampalataya. Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang tulong ng Panginoon para ang takot nila ay mapalitan ng pananampalataya.
Doktrina at mga Tipan 67:4–9
Ang Panginoon ay naglaan ng paraan para magkaroon ng patotoo ang mga elder tungkol sa mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit dapat nating sang-ayunan ang mga lider natin sa Simbahan kahit alam natin na may mga kahinaan sila?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 67. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 67:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang nadama ng mga elder tungkol sa mga paghahayag na ilalathala sa Aklat ng mga Kautusan. (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang unang tinipon na mga paghahayag ni Joseph Smith ay may pamagat na Aklat ng mga Kautusan. Noong 1835 ang aklat ay inilathala na may pamagat na Doktrina at mga Tipan.)
-
Ano ang nadama ng mga elder tungkol sa mga paghahayag? (Maraming elder ang “nagbigay ng mataimtim na patotoo” sa katotohanan ng mga paghahayag. Gayunpaman, “nagkaroon ng ilang … usap-usapan hinggil sa wikang ginamit sa mga paghahayag.” Ayon sa talata 5, inakala ng ilang elder na sila ay “makapag[pa]pahayag nang mas higit kaysa sa wika [ni Joseph Smith].”)
Ipaliwanag na ilan sa mga elder ay nag-alala hinggil sa wikang ginamit sa mga paghahayag. Maaaring inakala nila na kailangang baguhin ang mga paghahayag para maihanda sa paglalathala, at maaaring natatakot sila sa gagawin ng mga kaaway ng Simbahan sa mga paghahayag kapag nailathala na ang mga ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 67:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinugon ng Panginoon sa inaalala nila tungkol sa wika ng mga paghahayag.
-
Ano ang kinilala ng Panginoon tungkol kay Joseph Smith?
Ituro na ang mga kasanayan ni Joseph Smith sa wika ay hindi perpekto. Hindi siya palaging mahusay sa pagsasalita. Gayunpaman, sa kanya inihayag ng Panginoon ang katotohanan at tinulutan siyang ipahayag ito sa abot ng kanyang makakaya.
-
Bakit makatutulong na malaman na inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban kay Joseph Smith kahit alam Niyang may mga kahinaan si Joseph?
Sabihin sa apat na estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 67:6–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang hamong ibinigay ng Panginoon sa mga bumabatikos sa wika ng mga paghahayag.
-
Anong hamon ang ibinigay ng Panginoon sa mga taong nag-isip na maipapahayag nila ang kanilang sarili nang higit pa sa wika ng mga paghahayag?
Itanong sa mga estudyante kung ano ang naaalala nila sa nakaraang lesson tungkol kay William E. McLellin. Ipaliwanag na ipinasya ni William na gawin ang hamon ng Panginoon na sumulat ng paghahayag na katulad ng mga yaong natanggap ni Joseph Smith. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa kasaysayan ni Joseph Smith:
“Si William E. McLellin, na napakatalinong tao, sa sarili niyang palagay, na maraming alam ngunit kulang sa pang-unawa, ay nagsikap na sumulat ng kautusang katulad ng isa sa pinakamadali sa Panginoon, ngunit nabigo; napakahirap na responsibilidad ang magsulat sa pangalan ng Panginoon. Ang mga Elder at lahat ng naroon na nakasaksi sa walang kabuluhang pagtatangka ng isang tao na gayahin ang wika ni Jesucristo, ay pinanibago ang kanilang pananampalataya sa kabuuan ng Ebanghelyo, at sa katotohanan ng mga kautusan at paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa Simbahan sa pamamagitan ko; at ang mga Elder ay nagpakita ng kahandaang patotohanan ang katotohanan nito sa buong mundo” (sa History of the Church, 1:226).
Ipaliwanag na matapos ang pangyayaring ito, lumagda ang ilang elder na naroon sa isang dokumento na nagbibigay ng kanilang pormal na patotoo sa katotohanan ng mga paghahayag sa Aklat ng mga Kautusan.
-
Sa palagay ninyo, bakit naisulat ni Joseph Smith, na may limitadong pormal na edukasyon, ang mga paghahayag na ito, ngunit hindi ito nagawa ni William E. McLellin, na may mataas na pinag-aralan?
-
Ano ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa panghuhusga sa mga lider natin dahil sa kanilang mga kahinaan?
Patingnan ang tanong sa pisara tungkol sa pagsunod sa mga lider na may mga kahinaan. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang sagot sa ilalim ng tanong.
Doktrina at mga Tipan 67:10–14
Nagpayo ang Panginoon sa Kanyang mga tagasunod tungkol sa dapat na paraan ng paghahanda para makatagal sa harapan ng Diyos
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ilang pagpapala na maaaring dumating kapag tayo ay matiyaga sa ating sarili at sa iba? Ipasagot ito sa mga estudyante.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Noong 1960s, isang propesor sa Stanford University ang nagsimula ng isang simpleng eksperimento para subukan ang lakas ng isipan ng apat-na-taong gulang na mga bata. Hinarapan niya sila ng malaking marshmallow at pagkatapos ay sinabihan sila na makakain nila ito kaagad o, kung maghihintay sila nang 15 minuto, puwede silang kumain ng dalawang marshmallow.
“Pagkatapos ay iniwanan niya ang mga bata at pinanood ang nangyayari sa likod ng isang two-way mirror. Ilan sa mga bata ang kaagad kumain ng marshmallow; ang ilan ay ilang minuto lang nakapaghintay bago napatangay sa tukso. Tanging 30 porsiyento lang ang nakapaghintay” (“Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 56).
-
Sa palagay ninyo, paano nauugnay sa atin ang eksperimento at natuklasan ng propesor na ito?
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo dahil matiyaga kayo?
Sabihin sa klase na gumawa ng dalawang column na chart sa kanilang notebook o scripture study journal. Sabihin sa kanila na lagyan ng label na Gantimpala ang unang column at lagyan ang pangalawang column ng label na Paano Matatamo ang Gantimpala. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 67:10–14 kasama ang kanilang kapartner at alamin ang mga ipinangakong gantimpla ng Tagapagligtas at ang mga kailangang gawin para matamo ang mga pagpapala. Sabihin sa kanila na isulat ang kanilang mga sagot sa angkop na column sa kanilang chart.
Pagkatapos ng sapat na oras na mapag-aralan at matalakay ng mga estudyante ang scripture passage, gamitin ang mga tanong sa ibaba para matulungan sila na maibahagi ang mga nalaman nila sa klase.
-
Anong mga gantimpala ang ipinangako ng Panginoon sa mga elder na ito?
-
Ano ang kailangang gawin ng mga elder upang matamo ang mga gantimpalang ito? (Kapag nabanggit ng mga estudyante ang pariralang “makatatagal sa harapan ng Diyos,” maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang makatatagal ay makatitiis o mananatili sa isang partikular na lugar.)
Ipaliwanag na ang scripture passage na ito ay angkop sa ating lahat. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung aalisin natin sa ating sarili ang inggit at takot, at magpapakumbaba ng ating sarili, at magpapatuloy sa pagtitiyaga, makatatagal tayo sa harapan ng Diyos.
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan nating maging matiyaga sa ating pagsisikap na maging karapat-dapat upang makatagal sa harapan ng Diyos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na natuklasan mula sa eksperimento gamit ang marshmallow, na ikinuwento ni Pangulong Uchtdorf. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang matututuhan natin tungkol sa pagiging dalisay sa harapan ng Diyos.
“Ngunit nang maglaon, sinubaybayan [ng propesor] ang mga bata at nagsimulang mapansin ang isang nakawiwiling pagkakaugnay: ang mga batang hindi nakapaghintay ay nahirapan sa buhay kalaunan at mas maraming problema sa pag-uugali, samantalang yaong mga nakapaghintay ay naging mas positibo at masigla, mas matataas ang naging marka sa paaralan at suweldo, at mas magandang makisama.
“… Ang kakayahang maghintay—magtiyaga—ay isang mahalagang katangiang maaaring makapagsabi kung magtatagumpay ang isang tao sa buhay kalaunan. …
“… Kung wala tayong tiyaga, hindi masisiyahan sa atin ang Diyos; hindi tayo magiging sakdal. Tunay ngang ang pagtitiyaga ay nagpapadalisay na prosesong nagpapahusay ng pang-unawa, nagpapalalim ng kaligayahan, nagtutuon sa pagkilos, at naghahandog ng pag-asa para sa kapayapaan” (“Patuloy na Magtiyaga,” 56–57).
-
Ano ang matututuhan natin mula sa eksperimentong ito tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag tayo ay matiyaga?
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan at ipanalangin ang tungkol sa mga aspeto ng kanilang buhay kung saan kailangan nila ng mas pagtitiyaga sa kanilang sarili at sa iba. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin na tutulong sa kanila na maging karapat-dapat upang makatagal sa harapan ng Diyos.