Seminaries and Institutes
Lesson 52: Doktrina at mga Tipan 45:16–59


Lesson 52

Doktrina at mga Tipan 45:16–59

Pambungad

Iprinopesiya ng Biblia at ng Aklat ni Mormon ang mga kalagayan at pangyayari na maaaring maganap bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Hindi pa natatagalan mula nang lumipat ang Simbahan mula sa New York patungong Ohio, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45. Sa bahagi ng paghahayag na tatalakayin sa lesson na ito, ibinigay ng Tagapagligtas ang mga detalye tungkol sa mga mangyayari bago sumapit ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Ipinaliwanag Niya nang mabuti ang mga katotohanang itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo sa Bundok ng mga Olibo (tingnan sa Mateo 24).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 45:16–46

Inihayag ng Panginoon ang mga palatandaan na magaganap bago sumapit ang Kanyang Ikalawang Pagparito

Simulan ang lesson sa pagtatanong ng sumusunod:

  • Paano ninyo masasabi kung malapit nang umulan?

Ipaliwanag na tulad ng mga palatandaan na tumutulong sa atin na malaman kung uulan, may mga palatandaan din na makatutulong sa atin na malaman kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Isulat sa pisara ang sumusunod: Ang mga Palatandaan ng Ikalawang Pagparito.

Ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45, inilarawan ng Panginoon ang ilan sa mga palatandaan na magbibigay sa atin ng babala sa pagsapit ng Kanyang Ikalawang Pagparito.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:16–17 at alamin ang itinanong sa Panginoon ng Kanyang mga disipulo at ano ang sinabi Niya na Kanyang ipapakita sa kanila.

  • Ano ang hiniling sa Panginoon ng mga disipulo na ituro Niya sa kanila?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na ipapakita Niya sa Kanyang mga disipulo? (Paano sasapit ang araw ng pagtubos at paano maipanunumbalik ang ikinalat na Israel.)

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga palatandaan na ayon sa Panginoon ay magaganap muna bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito, isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara:

D at T 45:18–24

D at T 45:25–27

D at T 45:28–31, 33

D at T 45:40–43

Pagpartnerin-partnerin ang mga estudyante, at mag-assign sa bawat magkapartner ng isa sa mga scripture passage sa pisara. Sabihin sa kanila na magkasamang basahin ang mga talata at hanapin ang mga palatandaang binanggit sa mga talatang iyon. Bago sila magsimula, maaari mong ipaliwanag na ilan sa mga palatandaan ay natupad na.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa bawat magkapartner na ibahagi sa klase ang nalaman nila. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng heading na “Ang mga Palatandaan ng Ikalawang Pagparito.” Kung kailangan, gamitin ang impormasyon sa sumusunod na dalawang talata upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga propesiya.

Sa Doktrina at mga Tipan 45:18–24, nabasa natin ang mga propesiya na natupad na. Ang mga pangyayaring ipinropesiya sa mga talatang ito ay nangyari matapos ang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Pansinin na ang talata 20 ay tumutukoy sa templong itinayo ni Herodes na Dakila sa Jerusalem. Ito ay winasak ng mga taga Roma noong A.D. 70.

Sa Doktrina at mga Tipan 45:25–46, nabasa natin ang mga propesiya na matutupad sa dispensasyong ito, bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sa scripture passage na ito, ang pariralang “ang panahon ng mga Gentil” (D at T 45:25, 28, 30) ay tumutukoy sa ebanghelyo na ipangangaral muna sa mga Gentil sa mga huling araw. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na si Joseph Smith “ay mula sa mga Gentil, ibig sabihin siya ay mamamayan ng Bansang Gentil at siya ay hindi rin isang Judio. … Sa katunayan, ang ebanghelyo ay lumabas sa mga huling araw sa panahon ng mga Gentil at, sa maraming pagkakataon, ay hindi mapupunta sa mga Judio hanggang sa ang kabuuan ng mga Gentil ay dumating. (D at T 45:28–30.)” Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 311).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang naramdaman ng mga disipulo ni Jesucristo nang sabihin Niya sa kanila ang mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang nararamdaman ninyo kapag iniisip ninyo ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito?

Ipaliwanag na ang pag-aaral tungkol sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ay makatutulong sa atin na mamuhay nang walang haka-haka, takot, o pagkabalisa. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:35–38 para malaman kung bakit ibinigay ng Panginoon ang mga palatandaang ito. (Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na sa Israel, ang mga puno ng igos ang huling puno na nagkakausbong sa tagsibol at huli na sa panahon.)

  • Bakit mahalagang matukoy na “ang oras ay nalalapit na,” o malapit na ang Ikalawang Pagparito?

Isulat sa pisara ang Doktrina at mga Tipan 45:32, 39. Sabihin sa mga estudyante na basahin nila ng kanilang kapartner ang mga talatang ito at tukuyin kung ano ang gagawin ng mga disipulo ni Jesucristo para maging handa sa Kanyang pagparito.

  • Ano ang magagawa natin para maging handa sa pagparito ng Panginoon?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung tayo ay tatayo sa mga banal na lugar at maghihintay sa mga palatandaan, tayo ay …

  • Batay sa napag-aralan na natin, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito? (Ang sumusunod ay isang paraan na makukumpleto ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kung tayo ay tatayo sa mga banal na lugar at maghihintay sa mga palatandaan, tayo ay magiging handa sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Tapusin ang pagsulat sa alituntunin sa pisara.)

  • Sa palagay ninyo paano “[makatatayo] sa mga banal na lugar” ang mga disipulo ni Jesucristo? Anong mga lugar sa buhay ninyo ang maituturing ninyong “mga banal na lugar”?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng tumayo sa mga banal na lugar, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang kahulugan ng tumayo sa mga banal na lugar:

“Ang ‘mga banal na lugar’ ay mas tungkol sa kung paano namumuhay ang isang tao kaysa sa kung saan siya nakatira. Kung tayo ay namumuhay nang marapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo, kung gayon tayo ay nakatayo sa banal na lugar. … Ang banal na lugar ay anumang lugar kung saan nadarama ng isang tao ang Espiritu ng Diyos” (Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 196).

  • Paano tayo makatatayo sa mga banal na lugar habang pinalilibutan tayo ng kasamaan ng mundo?

Maaari mong ipakita ang larawang Ang Ikalawang Pagparito (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 66; tingnan din sa LDS.org). Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 45:44–46 na ipinapaliwanag na ang mga handa para sa pagparito ng Tagapagligtas ay makikita Siya na darating sa kaluwalhatian. Ang mabubuti na namatay bago ang Kanyang pagparito ay mabubuhay na muli at babangon upang salubungin Siya. Ang matatapat na Banal na nasa mundo ay iaangat upang salubungin Siya (tingnan sa D at T 88:96–98).

Ang Ikalawang Pagparito

Doktrina at mga Tipan 45:47–59

Inihayag ng Tagapagligtas ang mga palatandaan at kababalaghan na kalakip ng Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipakita o ipatingin sa mga estudyante ang Map 1 (“Physical Map of the Holy Land”) sa Bible Maps section ng kanilang banal na kasulatan. Ituro ang lokasyon ng Bundok ng mga Olibo malapit sa Jerusalem, at ipaliwanag na tinukoy sa Doktrina at mga Tipan 45:48 ang mahalagang lugar na ito sa Israel. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mangyayari sa bundok na ito at sa mundo sa pagbabalik ng Tagapagligtas.

Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:49–50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano pa ang mangyayari sa Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang mangyayari sa mga bansa ng mundo sa Ikalawang Pagparito?

  • Sino sa palagay ninyo ang tinutukoy ng “sila na nagsihalakhak”?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:51–53 at alamin kung paano tutugon ang mga Judio kapag dumating ang Panginoon sa Bundok ng mga Olibo.

  • Bakit mananangis ang mga Judio sa pagbalik ng Panginoon?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga karagdagang paraan para paghandaan ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ipakita ang larawan ng Talinghaga ng Sampung Dalaga (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 53; tingnan din sa LDS.org). Itanong sa mga estudyante kung may sinuman sa kanila na makapagsasalaysay ng talinghaga ng sampung dalaga. Kung kailangan, sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang talinghaga mula sa Mateo 25:1–13.

Talinghaga ng Sampung Dalaga
  • Sa paanong paraan naging matalino ang limang dalaga?

  • Paano nauugnay ang talinghagang ito sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:56–57 at alamin kung paano matutupad ang talinghaga ng sampung dalaga.

  • Paano matutupad ang talinghagang ito sa Ikalawang Pagparito?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang talinghaga ng sampung dalaga, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinisimbolo ng sampung dalaga:

Elder Dallin H. Oaks

“Nakakakilabot ang mensahe ng talinghagang ito. Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating ito” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8).

  • Ayon sa talata 57, ano ang dapat nating gawin upang maging handa sa pagdating ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tatanggapin natin ang katotohanan at tatanggapin ang paggabay ng Banal na Espiritu, mananatili tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Isulat sa pisara ang alituntunin.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang alituntunin sa pisara at pagnilayan ang mga pagkakataon na tinanggap nila ang katotohanan o sinunod ang Banal na Espiritu. Anyayahan ang ilan na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

  • Sa inyong palagay, paano kayo matutulungan ng pagtanggap ng katotohanan at pagsunod sa Banal na Espiritu na maging handa na salubungin ang Panginoon sa Kanyang Ikalawang Pagparito?

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga alituntunin na nakasulat sa pisara para makapagtakda ng mithiin na tutulong sa kanila na maging handa sa pagdating ng Tagapagligtas.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:55, 58–59 para matuklasan ang mga karagdagang pagpapala na darating sa mga nagsipaghanda at mananatili sa araw ng Ikalawang Pagparito. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na binigyang-diin ni Pangulong Boyd K Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng paggabay ng Espiritu sa mahihirap na panahon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, at sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinabi ni Pangulong Packer na madarama natin bago sumapit ang Ikalawang Pagparito:

Pangulong Boyd K. Packer

“Nabubuhay tayo sa balisang panahon—napakabalisang panahon. Umaasa tayo, nananalangin tayo, para sa mas magagandang araw. Ngunit hindi ganoon iyon. Gayon ang pahayag sa atin ng mga propesiya. Hindi tayo maaaring maligtas bilang lipi, bilang mag-anak, o bilang indibidwal mula sa mga darating na pagsubok. …

“Hindi tayo dapat mabuhay nang may takot sa hinaharap. Napakaraming dahilan upang magalak tayo at kakaunti ang dahilan upang matakot. Kung susunod tayo sa mga inspirasyong ibinibigay ng Espiritu, maliligtas tayo anuman ang mangyari. Ituturo sa atin ang kailangang gawin” (“Mga Dilang Kawangis ng Apoy,” Liahona, Mayo 2000, 8).

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng natutuhan nila sa lesson na ito tungkol sa Ikalawang Pagparito. Maaari ka ring magbahagi ng iyong nadarama.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 45. Lathalain tungkol sa Ikalawang Pagparito

Binigyan tayo ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ng komprehensibong buod ng mga pangyayari sa Ikalawang pagparito sa lathalaing may pamagat na “When Shall These Things Be?” Lumabas ang lathalaing ito noong Disyembre 1996 sa Ensign. Ito ay makukuha sa LDS.org.

Doktrina at mga Tipan 45:25–28. “Ang panahon ng mga Gentil”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang panahon ng mga Gentil ay ang oras o kapanahunan, ang kalawakan ng mga taon, kung kailan ang ebanghelyo ay dadalhin sa mga Gentil bilang isang pribilehiyo. Sa panahon ni Jesus ang ebanghelyo ay ibinigay muna sa mga angkan ng mga Judio; ipinangaral ito sa mga Gentil kalaunan lamang. Sa ating panahon ay naipanumbalik ito sa mga Gentil, na mga taong hindi Judio—ngunit mga taong kabilang sa sambahayan ni Israel. Ito ay itinuturo ngayon sa mga Gentil o sa mga taong hindi Judio bilang pribilehiyo o tulad nang sinabi ni Pablo, ‘ang katigasan ng isang bahagi ay nangyari sa Israel, hanggang sa pumasok ang kapunuan ng mga Gentil’ (Rom 11:25.)

“Ang panunumbalik ng ebanghelyo ay tanda ng pagtatapos ng panahon ng mga Gentil at pagsisimula ng panahon ng mga Judio. Sinasabi ng mga paghahayag na matapos maikalat ang mga labi ng mga Judio sa Jerusalem sa lahat ng bansa, isang pangyayari na matagal nang naganap, ‘sila ay titipuning muli.’ Gayon man sila ay mananatiling nakakalat ‘hanggang sa ang panahon ng mga Gentil ay matupad. … At kapag ang panahon ng mga Gentil ay dumating na, isang ilaw ang magliliwanag sa kanila na mga nakaupo sa kadiliman, at ito ang kabuuan ng aking ebanghelyo. Subalit [ang karamihan sa nagkalat na mga Judio] ay hindi ito tinanggap; sapagkat hindi nila namalas ang ilaw, at inilayo nila ang kanilang mga puso sa akin dahil sa mga aral ng tao. At sa salinlahing yaon ang panahon ng mga Gentil ay matutupad.’ (D at T 45:24–29.) Na ang mga Judio ngayon, ang ilan sa kanila, ay nagsisimula nang maniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo at ang pagbabalik nila sa kanilang tunay na Mesiyas ay nalalaman ng lahat. Hindi magtatagal ay matutupad na ang panahon ng mga Gentil, at magsisimula na muli ang mga panahon ng mga Judio” (The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary, 4 na tomo [1979–81], 1:97).

Doktrina at mga Tipan 45:35–38. “Ang oras ay nalalapit na”

Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga pangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ay kaagad na mangyayari:

Elder Neal A. Maxwell

“Gaano katagal pa bago ang Ikalawang Pagparito? Yamang ang mga anghel, na maraming nalalaman, ay hindi alam ang araw at oras (ang taon kaya?), tiyak wala rin sa atin ang nakakaalam nito. Gayon pa man, kahit hindi sinabi sa atin ang eksaktong panahon, maaari pa rin nating obserbahan ang mga dahon sa puno ng igos at ang mga ipinropesiyang palatandaan ng panahon. Sa isang banda, malinaw na napakarami pa ang magaganap: una, ang ebanghelyo ay ipangangaral sa bawat bansa bilang patotoo (tingnan sa Mateo 24:14). Ngunit sa kabilang banda, maraming pangyayari ang magaganap sa maikling panahon (halimbawa, ang pagbubukas ng pintuan sa mga bansang hindi pa natuturuan ng ebanghelyo)” (That Ye May Believe [1992], 7).