Seminaries and Institutes
Lesson 111: Doktrina at mga Tipan 106:1–107:20


Lesson 111

Doktrina at mga Tipan 106:1–107, 20

Pambungad

Noong Nobyembre 25, 1834, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 106. Sa paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon si Warren A. Cowdery, nakatatandang kapatid ni Oliver Cowdery, na mamuno sa Simbahan sa Freedom, New York, at sa mga kalapit na komunidad. Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 107 noong mga Abril 1835, nang ang lahat ng miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay naghahanda para magmisyon sa silangang Estados Unidos. Sa nakasulat na pahayag, sinabi ng Labindalawa: “Malapit na ang panahon na magkakahiwa-hiwalay kami; at kung magkikita pa kami, Diyos lamang ang nakaaalam; sa gayon ay nadama naming hilingin sa kanya na kinikilala naming aming Propeta, at Tagakita, na magtanong siya sa Diyos para sa amin, at tumanggap ng paghahayag, … na mababasa namin kapag naghiwa-hiwalay na kami, upang mapanatag ang aming mga puso” (sa History of the Church, 2:209–10). Ang paghahayag ay itinala noong 1835, ngunit “ang mga talaan ng kasaysayan ay nagpapatibay na karamihan sa talata 60 hanggang 100 ay naglalaman ng paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith noong Nobyembre 11, 1831” (pambungad sa D at T 107). Ito ang una sa tatlong lesson sa manwal na ito tungkol sa Doktrina at mga Tipan 107.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 106

Tinawag ng Panginoon si Warren Cowdery bilang namumunong mataas na saserdote o presiding high priest sa Freedom, New York

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na sinang-ayunan nila ang isang bagong bishop o branch president.

  • Ano sa palagay ninyo ang nadama ng taong iyon nang siya ay sang-ayunan?

Ipaliwanag na noong 1834 dumami ang mga miyembro ng Simbahan sa Freedom, New York, na ang layo ay wala pang 200 milya (mga 320 kilometro) mula sa Kirtland, Ohio. Tumawag ang Panginoon ng lider ng priesthood upang mamuno sa mga miyembrong naroon. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 106:1–3.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Warren Cowdery?

Ipaliwanag na maaaring ang nadama ni Brother Cowdery ay katulad rin ng nadarama ng bagong bishop o branch president ngayon. Ang Panginoon ay nagbigay ng nakapapanatag na salita nang tanggapin ni Brother Cowdery ang kanyang bagong tungkulin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 106:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit nalugod ang Panginoon kay Brother Cowdery.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “yumukod sa aking setro”? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipaliwanag na ang setro ay isang bagay na dala-dala ng mga hari at reyna. Ito ay simbolo ng awtoridad o kapangyarihan.)

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng pariralang “inihiwalay ang kanyang sarili sa mga katusuhan ng tao”?

Sa pisara, isulat ang Kung (sanhi) , (epekto) . Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 106:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga payo at pangako ng Panginoon kay Brother Cowdery. Sabihin sa mga estudyante na isulat kung ano ang natuklasan nila sa pagsulat ng alituntuning nagpapahiwatig ng “sanhi at epekto” sa kanilang mga banal na kasulatan. Matapos ang sapat na oras, tumawag ng ilang estudyante na magbabahagi ng mga alituntuning natukoy nila. (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat maipahayag nila ang sumusunod na alituntunin: Kung magpapakumbaba tayo ng ating sarili sa harapan ng Panginoon, kaaawaan Niya tayo, dadakilain, at bibigyan ng biyaya at katiyakan.)

  • Sa paanong mga paraan dadakilain ng Panginoon ang mga nagpakumbaba ng kanilang sarili sa Kanyang harapan?

Magpatotoo na matatanggap natin ang mga pagpapalang ipinangako kay Warren Cowdery kung magpapakumbaba tayo ng ating sarili sa harapan ng Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 107:1–20

Nagturo ang Panginoon tungkol sa Melchizedek at Aaronic Priesthood

Ipaliwanag na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 107 ay nakatulong para maunawaan ang organisasyon at mga responsibilidad ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ng Korum ng Pitumpu.

Basahin ang sumusunod na paglalarawan sa isang propeta sa Lumang Tipan. Sabihin sa mga estudyante na hulaan kung sino ang inilalarawan mo.

Ang propetang ito “ay isang taong may pananampalataya, na gumawa ng kabutihan; at noong bata pa ay may takot sa Diyos, at nakapagpatikom ng bunganga ng mga leon, at inapula ang lagablab ng apoy” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:26 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Bilang hari ng Salem, “naitatag [niya] ang kapayapaan sa lupain noong kanyang mga araw; kaya nga, siya ay tinawag na prinsipe ng kapayapaan” (Alma 13:18). Si Abraham ay nagbayad ng mga ikapu sa kanya (tingnan sa Alma 13:15).

Matapos hulaan ng ilang estudyante ang pangalan ng propetang ito, isulat ang Melquisedec sa pisara. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:1–4 at alamin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol kay Melquisedec.

  • Ano ang tawag sa Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood bago ang panahon ni Melquisedec? Bakit ang tawag dito ngayon ay Melchizedek Priesthood?

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang Melchizedek Priesthood ay alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang ito sa talata 3.

  • Ano ang iminumungkahi ng alituntuning ito tungkol sa kung paano gagawin ng mga maytaglay ng priesthood ang kanilang mga responsibilidad?

Bilang bahagi ng talakayang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Kapag ginagamit nang wasto ang awtoridad ng priesthood, gagawin ng mga maytaglay ng priesthood ang … gagawin [ni Jesucristo] kung narito Siya” (“Ang Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2010, 7).

Ilista sa pisara ang sumusunod na organisasyon ng Simbahan: Relief Society, Sunday School, Young Men, Young Women, at Primary. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 107:5, 8–9 at hanapin ang mga salita o parirala na nagtuturo kung paano nauugnay ang mga organisasyong ito sa Melchizedek Priesthood. Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang nalaman.

  • Ano ang kaakibat? (Bahagi ng katawan, tulad ng braso o binti.)

  • Ayon sa talata 8, anong kapangyarihan at karapatan ang hawak ng Melchizedek Priesthood? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Melchizedek Priesthood ang may hawak ng karapatan ng panguluhan, at may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa Simbahan, at may karapatang mangasiwa sa mga espirituwal na bagay. Ipaliwanag na kabilang sa “[pangangasiwa] sa mga espirituwal na bagay” ang pagbibigay ng mga basbas, pangangasiwa sa mga ordenansa, at mga tipan.)

Ipaliwanag na ang panguluhang binanggit sa talata 9 ay ang Unang Panguluhan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:10 at sabihin sa klase na alamin kung sino pa ang may karapatang mangulo sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan. Sa pagbabahagi ng mga estudyante sa natutuhan nila, tulungan silang maunawaan na ang mga stake presidency at bishopric ay halimbawa ng mga high priest na nangangasiwa ayon sa sarili nilang katungkulan sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan.

Patingnan ang mga pangalan ng mga organisasyon na isinulat mo sa pisara. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kaugnayan ng mga organisasyong ito sa mga lider ng priesthood sa stake at ward, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith:

Pangulong Joseph F. Smith

“Walang pamahalaan sa Simbahan ni Jesucristo na hiwalay o nakatataas o di sakop ng banal na Pagkasaserdote o ng kapangyarihan nito. … Ang mga [auxiliary organization] ay hindi labas dito, o mas nakatataas o hindi nito kayang abutin. Kinikilala nito ang alituntunin ng Pagkasaserdote. Saanman naroon ang mga ito, ito’y laging nakatayo para sa paggawa ng ilang kabutihan; ilan sa mga ito ang pagliligtas ng kaluluwa, temporal o espirituwal” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 407).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:18–19 para malaman kung ano pang karagdagang karapatan o awtoridad ang hawak ng Melchizedek Priesthood.

  • Ayon sa talata 18, anong karapatan o awtoridad ang hawak ng Melchizedek Priesthood? (Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan kapag natukoy ito ng mga estudyante: Hawak ng Melchizedek Priesthood ang mga susi ng lahat ng mga espirituwal na pagpapala ng Simbahan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga espirituwal na pagpapala na dumarating sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood.

Propetang Joseph Smith

“[Ang Melchizedek Priesthood ay] siyang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit” (sa History of the Church, 4:207).

  • Anong mga espirituwal na pagpapala na inilarawan sa talata 19 ang pinakanapansin ninyo? Bakit?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay gagamitin ito upang tulungan ang ibang mga tao na makatanggap ng mga pagpapala, tulad ng kaloob na Espiritu Santo at mga pagpapala ng templo.

  • Ano ang ilang pagpapalang natanggap ninyo sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood?

Ipaliwanag na inilarawan din ng Panginoon ang mga naihayag na katotohanan tungkol sa awtoridad ng Pagkasaserdoteng Aaron o Aaronic Priesthood. Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 107:13–14, 20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karapatan o awtoridad na hawak ng Aaronic Priesthood.

  • Anong karapatan o awtoridad ang hawak ng Aaronic Priesthood? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Hawak ng Aaronic Priesthood ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ang pangangasiwa sa mga panlabas na ordenansa.)

  • Anong ordenansa ang binanggit sa talata 20? Anong iba pang panlabas na ordenansa ang pinangangasiwaasn ng awtoridad ng Aaronic Priesthood? (Ang sakramento.)

  • Ano ang ilang pagpapalang natanggap ninyo sa pamamagitan ng Aaronic Priesthood?

Isulat ang sumusunod bilang mga heading sa pisara:

Mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood Mga katungkulan sa Aaronic Priesthood

Bago magklase, isulat ang mga sumusunod na katungkulan sa magkakahiwalay na piraso ng papel: deacon, teacher, priest, bishop, elder, high priest, patriyarka, Pitumpu, Apostol. Ilagay ang mga piraso ng papel sa isang lalagyan nang hindi sunud-sunod.

Sa bahaging ito ng lesson, ipamahagi ang mga papel sa ilang estudyante. Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at ilagay ang bawat katungkulan sa ilalim ng tamang heading.

Maaaring sabihin ng ilang estudyante na ang katungkulan ng bishop ay isang katungkulan sa Melchizedek Priesthood. Kung sasabihin nila ito, ipabasa nang malakas sa isa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 107:13, 15. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga talatang ito para malaman kung saan nila ilalagay ang katungkulan ng bishop sa pisara. Ipaliwanag na ang katungkulan ng bishop ay isang katungkulan sa Aaronic Priesthood. Ang bishop ang pangulo ng Aaronic Priesthood at ang namumunong high priest sa kanyang ward. (Pansinin na ang tungkulin ng mga literal na inapo ni Aaron, na binanggit sa mga talata 16–17, ay tinalakay sa Doktrina at mga Tipan 68:15–21 at lesson 74.)

Tiyakin na ang mga katungkulan ay nailagay nang tama sa pisara. (Ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay elder, high priest, patriyarka, Pitumpu, at Apostol. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop.) Ipaliwanag na ang mga listahang ito ay maghahanda sa mga estudyante para sa susunod na dalawang lesson, kung saan mas marami silang matututuhan tungkol sa mga katungkulan ng priesthood.

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa natutuhan at nadama nila sa klase ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 107:1. Ano ang kaugnayan ng Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Kahit may dalawang Priesthood, kabilang sa Melchizedek Priesthood ang Aaronic o Levitical Priesthood, at siyang pinakapuno, at maytaglay ng pinakamataas na awtoridad na nauukol sa Priesthood, at mayhawak ng mga susi ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng panahon sa mundo hanggang sa pinakahuling inapo sa lupa, at siyang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 126).

“Lahat ng Priesthood ay Melchizedek; ngunit mayroon itong iba’t ibang bahagi o antas. … Lahat ng propeta ay nagtaglay ng Melchizedek Priesthood” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 127).

Doktrina at mga Tipan 107:8–9, 18. Mga susi ng Priesthood

“Ang mga susi ng Priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga lider ng priesthood para pamunuan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo. Ang paggamit ng awtoridad ng priesthood ay pinamamahalaan ng mga mayhawak ng susi nito (tingnan sa D at T 65:2; 81:2; 124:123). Ang mga mayhawak ng mga susi ng priesthood ay may karapatan na mamuno at mamahala sa Simbahan sa lugar na nasasakupan nito.

“Si Jesucristo ang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood na nauukol sa Kanyang Simbahan. Ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa Kanyang mga Apostol ang lahat ng mga susi na nauukol sa kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ang buhay na senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan, ang tanging tao sa lupa na may awtoridad na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood (tingnan sa D at T 43:1–4; 81:2; 107:64–67, 91–92; 132:7).

“Ang mga Pitumpu ay kumikilos ayon sa iniatas sa kanila at sa pamamagitan ng awtoridad mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Ang mga Area President ay itinatalagang mangasiwa sa mga lugar ayon sa karapatang ibinigay ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa. Ang Panguluhan ng Pitumpu ay itinatalaga at pinagkakalooban ng mga susi na mamuno sa mga Korum ng Pitumpu.

“Ipinagkakaloob ng Pangulo ng Simbahan ang mga susi ng priesthood sa iba pang mga lider ng priesthood upang mapamunuan nila ang lugar na kanilang nasasakupan. Ang mga susi ng priesthood ay ipinagkakaloob sa mga pangulo ng templo, mission, stake, at district; sa mga bishop; branch president; at quorum president. Ang awtoridad na ito na mamuno ay may bisa lamang sa ibinigay na responsibilidad sa kanila at sa lugar na nasasakupan ng tungkulin ng bawat lider. Kapag ang mga lider ng priesthood ay na-release sa kanilang mga tungkulin, hindi na nila hawak ang mga susing kaakibat nito.

“Ang mga tagapayo sa mga lider ng priesthood ay hindi tumatanggap ng mga susi. Sila ay itinatalaga at gumagawa sa kanilang tungkulin na iniatas sa kanila at ayon sa awtoridad na ipinagkaloob sa kanila.

“Lahat ng organisasyon sa ward at stake auxiliary ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng bishop o stake president, na mayhawak ng mga susi na mamuno. Ang mga auxiliary president at kanilang mga counselor ay hindi tumatanggap ng mga susi. Sila ay tumatanggap ng awtoridad upang magampanan ang kanilang mga tungkulin” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 2.1.1).

Doktrina at mga Tipan 107:8–12. Ang Unang Panguluhan, ang panguluhan ng Melchizedek Priesthood

“Itinuro ni Propetang Joseph Smith na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng panguluhan ng Melchizedek Priesthood, ibig sabihin ang Unang Panguluhan: ‘Ang Melchizedek Priesthood ay wala nang iba pa kundi ang Priesthood ng Anak ng Diyos; … may mga partikular na ordenansa na kabilang sa Priesthood, na pinagmumulan ng mga partikular na bunga; at ang Pangulo o Panguluhan ang namumuno sa buong Simbahan; at ang mga paghahayag ng isipan at kalooban ng Diyos sa Simbahan, ay dapat matanggap sa pamamagitan ng Panguluhan. Ito ang orden ng langit, at ang kapangyarihan at pribilehiyo ng Priesthood na ito’ (sa History of the Church, 2:477)” (Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 263).

Doktrina at mga Tipan 107:18. Hawak ng Melchizedek Priesthood ang “mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan”

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Pangulong Spencer W. Kimball

“[Ang Melchizedek Priesthood] ay paraan upang makakilos ang Panginoon sa pamamagitan ng mga kalalakihan upang mailigtas ang mga kaluluwa. Kung wala ang kapangyarihang ito ng priesthood, maliligaw ang tao. Sa pamamagitan lamang ng kapangyarihang ito ‘[mahahawakan ng tao ang] mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan,’ makatatanggap ng ‘mga hiwaga ng kaharian ng langit, upang mabuksan ang langit’ sa kanya (tingnan sa D at T 107:18–19), makapapasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal at maibubuklod sa kanya ang kanyang asawa at mga anak nang walang hanggan, magiging patriyarka ng kanyang mga inapo magpakailanman, at makatatanggap ng kabuuan ng mga pagpapala ng Panginoon” (“The Example of Abraham,” Ensign, Hunyo 1975, 3; tingnan din sa Doctrine and Covenants Institute Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 263).

Nagpatotoo si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga espirituwal na pagpapala na kaugnay ng Melchizedek Priesthood:

Elder Jeffrey R. Holland

“Nakita ko ang kapangyarihan ng Diyos sa aking tahanan at sa aking ministeryo. Nakita kong pinalayas ang masasama at napigilan ang mga likas na elemento ng mundo. Alam ko ang ibig sabihin ng malalaking bundok na nalipat at malawak na Dagat na Pula na nahati. Alam ko ang ibig sabihin ng ‘[nalampasan] sila’ ng mapangwasak na anghel [D at T 89:21]. Ang matanggap ang awtoridad at magamit ‘ang Banal na Priesthood, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos’ [tingnan sa D at T 107:1–3], ay pinakadakilang biyaya sa akin at sa pamilya ko at siyang pinakaaasam ko sa mundong ito. At iyon, sa huli, ang kahulugan ng priesthood sa simpleng salita—ito’y di mapapantayan, walang katapusan, di pabago-bago ang kakayahang magbasbas” (“Ang Ating Natatanging Katangian,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 45).