Seminaries and Institutes
Lesson 99: Doktrina at mga Tipan 94–96


Lesson 99

Doktrina at mga Tipan 94–96

Pambungad

Inihayag ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 94 noong Agosto 2, 1833, at iniutos sa mga Banal na gumawa ng plano para sa lunsod ng Kirtland katulad ng iniutos Niya sa kanila na itayo ang lunsod ng Sion sa Missouri. Iniutos din ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng isang bahay para sa panguluhan (isang gusali ng Simbahan para sa pamamahala) at isang bahay para sa paglilimbag bukod pa sa templo, na naunang iniutos Niya na itayo ng mga Banal. Dalawang buwan bago ito, noong Hunyo 1, 1833, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 95, kung saan pinagsabihan ng Panginoon ang mga Banal dahil sa pagpapaliban ng pagtatayo ng templo. Ang Doktrina at mga Tipan 96 ay naglalaman ng utos ng Panginoon na italaga si Newel K. Whitney na “mamahala” (D at T 96:2) sa lote na pagtatayuan ng templo sa Kirtland.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 94

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng dalawang bahay at muling binigyang-diin na kailangang magtayo ng templo

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may pagkakataon sila na maglakbay sa isang bansa na maraming lunsod. Sa kanilang paglalakbay, napansin nila na may sports arena sa sentro ng bawat lunsod.

  • Ano ang maaaring ipahiwatig nito tungkol sa mga tao ng bansang ito?

  • Kung kayo ang gagawa ng plano para sa isang malaking lunsod, ano ang ilalagay ninyo sa sentro ng lunsod? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 94:1, 3, 10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tatlong gusali na iniutos ng Panginoon na itayo ng mga Banal sa Kirtland, Ohio. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

mapa ng lugar sa Kirtland

Pinili mula sa mapa ng lugar sa Kirtland, Ohio, mga Agosto 1833. Ang tatlong gusali sa kanan ay para sa Kirtland Temple, bahay para sa gawain ng Panguluhan, at palimbagan.

  • Sa tatlong gusaling ito, anong mga bagay ang makikita nating mahalaga sa Panginoon? (Mga ordenansa sa templo, ang gawain ng Unang Panguluhan sa pagtanggap ng paghahayag at pamamahala sa Simbahan, at paglilimbag ng mga banal na kasulatan at iba pang mga gawain na iniutos ng Panginoon.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 94:13–17 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon kina Hyrum Smith, Reynolds Cahoon, at Jared Carter na bumuo ng komite para sa mga gusali ng Simbahan na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 94.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 94:16 para malaman kung ano ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal hinggil sa pagtatayo ng mga gusali para sa panguluhan at palimbagan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maitayo ang templo bago ang dalawa pang gusali? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kahalagahan ng mga templo? (Maaari mong ipaalam sa mga estudyante na hindi naitayo ang dalawa pang gusali.)

Doktrina at mga Tipan 95

Pinagsabihan ng Panginoon ang mga Banal dahil sa pagpapaliban ng pagtatayo ng templo

Ipaalala sa mga estudyante na iniutos noon ng Panginoon ang pagtatayo ng Kirtland Temple sa Doktrina at mga Tipan 88:119, na itinala noong Disyembre 27 at 28, 1832. (Isulat ang petsang ito sa pisara.) Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 95 para sa petsa kung kailan ibinigay ang paghahayag na ito. Sabihin sa kanila na kalkulahin kung gaano na katagal ang lumipas sa pagitan ng dalawang petsang ito. Ipaliwanag na sa panahong ito nakabili ang Simbahan ng lote sa Kirtland na pagtatayuan ng templo. Gayunpaman, noong Hunyo 1, 1833, hindi pa sinisimulan ng mga Banal ang pagtatayo ng templo o sinisimulan ang pundasyon nito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 95:1–3. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal hinggil sa pagpapaliban nila sa pagtatayo ng templo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ginagawa ng Panginoon para sa mga minamahal Niya? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Pinarurusahan ng Diyos ang mga minamahal Niya. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang mga salita na nagtuturo ng katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Ano ang ibig sabihin ng parusahan? (Disiplinahin o iwasto.) Ayon sa mga talatang ito, bakit pinaparusahan ng Diyos ang mga minamahal Niya?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang maaaring reaksyon nila kapag sila ay pinarusahan o kinastigo o iwinasto ng isang tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tumugon ang ilan sa mga Banal sa pagkastigo ng Panginoon:

Matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 95, nagpulong ang mga lider upang pag-usapan ang pagtatayo ng templo. “Ang ilan ay gustong magtayo ng isang bahay na yari sa kahoy, ang iba naman ay bahay na yari sa troso. Ipinaalala sa kanila ni Joseph na hindi sila nagtatayo ng bahay para sa isang tao, kundi para sa Diyos; ‘tayo ba, mga kapatid,’ sabi niya, ‘ay magtatayo ng isang bahay na yari sa troso para sa ating Diyos? Hindi, may plano ako na higit na maganda riyan. May plano ako ng bahay ng Panginoon, na siya mismo ang nagbigay.’” Matapos ipaliwanag ni Joseph ang buong plano para sa templo, tuwang-tuwa ang mga kapatid. Nagpunta sila sa pagtatayuan ng gusali, inalis ang bakuran, at hinawan ang isang taniman ng trigo na itinanim noon ng pamilya Smith. Matapos mahawan ang taniman, si Hyrum Smith “ay nagsimulang maghukay para sa pundasyon ng dingding [ng templo].” (Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 230, 231.)

  • Ano ang matututuhan natin sa mga Banal na ito sa ginawa nila nang pagsabihan sila?

Ipaliwanag na sa talata 3, inilarawan ng Panginoon ang pagpapaliban ng mga Banal sa pagtatayo ng templo na “isang mabigat na kasalanan.” Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 95:5–6 para makita kung saan inihalintulad ng Panginoon ang paggawa ng napakabigat na kasalanan. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.

  • Paano parang natutulad ang pagbabale-wala sa kautusan ng Panginoon na magtayo ng templo sa “[paglalakad] sa kadiliman sa katanghaliang-tapat”? Paano tayo parang “[naglalakad] sa kadiliman sa katanghaliang-tapat” kung pipiliin nating balewalain ang iba pang mga kautusan?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 95:4, 8–9 kasama ang isang kapartner. Sabihin sa kanila na tukuyin ang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na itayo ang Kirtland Temple. (Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “upang aking maisagawa ang aking di-pangkaraniwang gawain” [talata 4] ay maaaring tumukoy sa kung paano ituturing na kakatwa ng mga taong hindi naniniwala sa paghahayag, pagdalaw ng mga sugo mula sa langit, at iba pang mga espirituwal na bagay ang Panunumbalik ng ebanghelyo.)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit iniutos sa atin ng Panginoon na magtayo ng mga templo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa mga templo, inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod upang magawa ang Kanyang gawain at mapagkalooban sila ng kakayahan.)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagkalooban ay bibigyan ang isang tao ng isang kaloob. Ang ibig sabihin ng ma-endow sa templo ay tumanggap ng espirituwal na kakayahan at kaalaman. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Hangga’t hindi kayo nakakapasok sa bahay ng Panginoon upang matanggap ninyo ang lahat ng pagpapalang naghihintay sa inyo roon, hindi pa rin ninyo natatamo ang lahat ng inihahandog ng Simbahan. Ang pinakamahalaga at pinakamataas na pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ay ang mga pagpapalang natatanggap natin sa mga templo ng Diyos” (“Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 93).

  • Ano ang dalawang nakapagliligtas na ordenansa na matatanggap lamang natin sa mga templo ng Diyos? (Ang endowment sa templo at pagbubuklod sa kasal.)

  • Ano ang ilang bagay na magagawa ninyo ngayon para makapaghanda na matanggap ang mga ordenansa at pagpapalang ito sa templo? (Kabilang sa mga sagot ang pagiging tapat sa mga ordenansa at tipan na natanggap na nila at palaging mamuhay nang karapat-dapat para sa temple recommend.)

Ipaliwanag na ang pagtatayo ng Kirtland Temple ay isang napakalaking gawain para sa mga Banal. Sa unang bahagi ng 1833, wala pa sa 200 ang miyembro ng Simbahan sa Ohio, at karamihan sa kanila ay mahihirap. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 95:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon kung susundin ng mga Banal ang Kanyang mga kautusan.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kung susundin ng mga Banal ang Kanyang mga kautusan?

Ipaalam sa klase na ang mga Banal sa Ohio ay sumunod nang may tiwala sa pangako ng Panginoon at itinayo ang templo.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 11? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan, tayo ay magkakaroon ng kakayahan na magawa ang ipinagagawa ng Panginoon sa atin.)

  • Ano ang ilang sitwasyon na maaari ninyong maranasan kung saan magagamit ninyo ang alituntuning ito? Kailan ninyo nadama na natanggap ninyo ang tulong ng Panginoon sa paggawa ng isang bagay dahil sinunod ninyo ang mga kautusan?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 95:13–17 na ipinapaliwanag na nagbigay ng mga instruksyon ang Panginoon tungkol sa mga sukat at gamit ng mga partikular na silid ng Kirtland Temple. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata 14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang paraan na sinabi ng Panginoon na Kanyang tutuparin ang Kanyang pangako na bibigyan sila ng kakayahan na maitayo ang templo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na ipinangako ng Panginoon na ipapakita sa tatlong tao ang paraan kung paano dapat itayo ang templo. Ang tatlong ito ay ang Unang Panguluhan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na makita kung paano natupad ang pangakong ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Magkakasamang nanalangin sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams at nakita ang templo sa pangitain. Matapos makita nang detalyado ang labas ng templo, “parang lumapit ang gusali sa mismong harapan [nila]” at nakita nila ang loob ng gusali na para bang nasa loob sila nito (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 317). Kalaunan, nang malapit nang matapos ang templo, sinabi ni Frederick G. Williams na katulad ito sa modelong nakita niya sa pangitain hanggang sa kaliit-liitang detalye, at hindi niya makita ang pagkakaiba nito at ng templong itinayo.

  • Sa halimbawang ito, paano binigyan ng Panginoon ng kakayahan ang mga Banal para magawa ang ipinagagawa Niya sa kanila?

Doktrina at mga Tipan 96

Si Newel K. Whitney ang itinalagang mamahala sa lahat ng ari-arian ng Simbahan

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 96, iniutos ng Panginoon na si Bishop Newel K. Whitney ang dapat mamahala sa mga ari-arian ng Simbahan. Ang templo ay itatayo sa lugar na itinalaga ng Panginoon, at hahatiin ni Bishop Whitney ang natitirang lote para sa mga maghahangad ng mana. Ilan sa mga loteng iyon ay inilaan sa mga lider ng Simbahan na responsable sa paglalathala ng mga paghahayag. Ang pagtanggap ng manang ito ay tutulong sa kanila na mailaan ang kanilang panahon sa paggawa ng gawain ng Panginoon, na kinabibilangan ng paglalathala ng salita ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 96:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung paano makatutulong sa mga Banal ang paglalathala ng salita ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, iniutos din ng Panginoon na gawing miyembro si John Johnson ng Nagkakaisang Samahan, na namamahala sa pinansyal, paglalathala, at negosyo ng Simbahan.

Sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila sa lesson na ito. Hikayatin sila na kumilos ayon sa mga katotohanang nalaman nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 95:1–2. “Ang aking minamahal ay akin ding pinarurusahan”

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paanong ang pagpaparusa ng Diyos ay katibayan ng Kanyang pagmamahal:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang pag-ibig ng Diyos ay napakaperpekto kaya’t buong pagmamahal Niyang hinihiling na sundin natin ang Kanyang mga utos dahil alam Niyang sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa Kanyang mga batas tayo magiging perpekto, tulad Niya” (“Pag-ibig at Batas” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 27).

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Kahit madalas mahirap tiisin, dapat tayong magalak na pinagtutuunan tayo ng panahon ng Diyos at itinutuwid tayo.

“Ang banal na pagpaparusa ay may tatlong layunin: (1) hikayatin tayong magsisi, (2) dalisayin at pabanalin tayo, at (3) minsan, upang itama ang direksyon ng buhay natin sa alam ng Diyos na mas mabuting landas. …

“Hilingin natin ang Kanyang mapagmahal na pagtutuwid” (“Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 98, 100).

Doktrina at mga Tipan 95:4. “Ang aking di-pangkaraniwang gawain”

Ang pariralang “ang aking di-pangkaraniwang gawain” ay nagmula sa Isaias 28:21, kung saan sinabi ng Panginoon na Kanyang itutuwid ang mga tao na hindi naniniwala na hindi nila kailangang magsisi. Ang Panunumbalik ng ebanghelyo at ang pagtatayo ng totoong Simbahan sa lupa ay isang kakatwang pangyayari sa mga tao na nagtuturing na isang kahangalan ang maniwala sa paghahayag, pagdalaw ng mga sugo mula sa langit, at iba pang mga espirituwal na bagay. Ang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo ay ipinangangaral sa marami na naniniwala na nasa kanila na ang katotohanan. Maaaring ituring ng ilan sa mga taong ito na kakatwa ang ating ginagawa.

Doktrina at mga Tipan 95:8–9. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaloob “ng kapangyarihan mula sa itaas”?

Elder Bruce R. McConkie

“Ang pagkakaloob o endowment ay pagbibigay ng kaloob o mana. Sa Simbahan ito ay karaniwang tumutukoy sa ordenansa sa templo kung saan ang mga miyembro ay gumagawa ng mga partikular na pangako at tumatanggap sila ng kaloob na kaalaman at espirituwal na lakas dahil dito. Ang endowment o pagkakaloob na tinutukoy dito, gayunpaman, ay hindi kapareho sa seremonyang ginagawa sa mga templo sa panahong ito. Nakibahagi ang mga miyembrong maytaglay ng priesthood sa Kirtland sa ‘partial endowment, ang buong ordenansa ay gagawin kapag naitayo na ang templo na itinalaga para sa ordenansang ito’ (Bruce R. McConkie, ‘A New Commandment: Save Thyself and Thy Kindred!’ Ensign, Ago. 1976, p. 10). Ang unang kumpletong endowment sa dispensasyong ito ay ibinigay ni Joseph Smith sa Nauvoo noong Mayo 4, 1842.

“Kabilang sa endowment na natanggap sa Kirtland ay ang paghuhugas at pagpapahid ng langis, gayon din ang paghuhugas ng paa para sa mga lider na maytaglay ng priesthood. Ibinuhos din ng Panginoon ang Kanyang Espiritu, o sa madaling salita ay pinagkalooban sila ng espirituwal na lakas, at marami ang tumanggap ng mga paghahayag o iba pang mga kaloob (tingnan sa History of the Church, 2:308–10)” (Doctrine and Covenants Student Manual, 2nd ed. [Church Educational System manual, 2001], 226).