Seminaries and Institutes
Lesson 105: Doktrina at mga Tipan 101:17–42


Lesson 105

Doktrina at mga Tipan 101:17–42

Pambungad

Noong Disyembre 16 at 17, 1833, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag hinggil sa mga Banal sa Missouri na iniwan ang kanilang mga tahanan para matakasan ang matinding pag-uusig. Marami sa mga Banal na iyon ang napilitang iwan ang lahat ng kanilang ari-arian. Ang paghahayag na natanggap ng Propeta na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101 ay tatalakayin sa tatlong lesson sa manwal na ito. Kabilang sa pangalawang lesson na ito ang paglalarawan ng Panginoon sa ilan sa mga kalagayan sa Milenyo. Kabilang din dito ang Kanyang mga salita na nagbibigay ng kapanatagan at payo sa mga Banal.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 101:17–34

Inilarawan ng Panginoon ang ilan sa mga kalagayan sa Milenyo

Magpabanggit sa mga estudyante ng ilang mangyayari sa hinaharap na pinaghahandaan nila. Ilista sa pisara ang mga pangyayaring ito. Itanong sa mga estudyante kung ano ang gagawin nila para makapaghanda sa mga pangyayaring ito.

  • Bakit masigasig ninyong pinaghahandaan ito?

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 101 ay naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sa Milenyo. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 101:17–21 na ipinapaliwanag na ang pangako ng Panginoon na titipunin ang mga Banal sa lunsod ng Sion sa Jackson County, Missouri, “ay ipinagpaliban, habang ang mga tao ay pinababanal para sa dakilang kaloob at para sa mga responsibilidad na kaugnay nito. Samantala, ang matatapat ang puso ay nagtitipon sa mga lambak ng Rocky Mountains [at sa mga stake sa lahat ng dako ng mundo]. … Itinayo na ang mga templo. … Ngunit ang Sion ay itatayo pa lang sa piniling lugar” (James E. Talmage, The Articles of Faith, Ika-12 ed. [1924], 353; tingnan din Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 240).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang bagay na ipinagagawa ng Panginoon sa mga Banal upang makapaghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Ayon sa talata 22 at 23, ano ang magagawa natin para maging handa sa Ikalawang Pagparito? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na makapaghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtawag sa Kanyang pangalan, pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sama-samang pagtitipon, at pagtayo sa mga banal na lugar. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “tumayo sa mga banal na lugar”? Kailan ninyo nadama na kayo ay nasa banal na lugar?

  • Paano nakatutulong sa inyo ang pagtitipon sa mga banal na lugar kasama ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw upang maging handa kayo sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon?

Upang maihanda ang mga estudyante na maunawaan ang mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 101:24–34, ipaliwanag na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sa mga kalagayan na iiral sa mundo sa panahon ng Milenyo. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 101:24–34, at alamin ang mga kalagayan na iiral sa panahon ng Milenyo. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot.

  • Alin sa mga kalagayan na nakasulat sa pisara ang pinakakinasasabikan ninyong maranasan? Bakit?

Doktrina at mga Tipan 101:35–38

Tiniyak ng Panginoon sa mga Banal sa Missouri na kung magtitiis sila nang may pananampalataya, makababahagi sila sa huli sa Kanyang kaluwalhatian

Ipaalala sa mga estudyante na noong ibigay ng Panginoon ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 101, ang mga Banal sa Missouri ay nakaranas ng matinding paghihirap. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibuod ang ilan sa mga paghihirap na nalaman nila sa nakaraang lesson.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:35–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katotohanang itinuro ng Panginoon at ang ipinayo Niya upang panatagin at palakasin ang mga banal sa kanilang mga pagsubok.

  • Anong mga katotohanan at payo sa mga talata 35–38 ang maaaring nagdala ng kapanatagan sa mga Banal na nagdurusa sa Missouri? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tanungin sa kanila kung paano maaaring nagbigay ng kapanatagan sa mga Banal ang bawat katotohanan o payo na binanggit nila.)

  • Paano ninyo ipahahayag ang pangako ng Panginoon sa talata 35 sa inyong sariling salita? (Dapat maipahayag sa sagot ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Yaong dumaranas ng pag-uusig dahil sa pangalan ng Tagapagligtas at nagtitiis nang may pananampalataya ay makababahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipaliwanag na ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay lagi Siyang sinusunod, kahit sila ay inuusig dahil sa kanilang pananampalataya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento, na isinalaysay ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan. Bago siya magbasa, ipaliwanag na ang kuwento ay tungkol kina Rafael Monroy at Vicente Morales, dalawang Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa Mexico noong mga unang taon ng 1900s. Noong 1915 sila ay nahuli ng isang grupo ng malulupit na sundalo. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung gaano naging tapat sina Brother Monroy at Brother Morales habang tinitiis nila ang pag-uusig.

Pangulong James E. Faust

“Si Rafael Monroy ang pangulo ng maliit na San Marcos Mexico Branch, at si Vicente Morales ang kanyang unang tagapayo. … Sinabihan silang hindi papatayin kung isusuko nila ang kanilang mga sandata at tatalikuran ang kakaiba nilang relihiyon. Sinabi ni Brother Monroy sa mga dumakip sa kanya na wala siyang anumang sandata at dinukot mula sa kanyang bulsa ang kanyang Biblia at Aklat ni Mormon. Sabi niya, ‘Mga Ginoo, ito lang ang mga sandatang dala ko; ito ang mga sandata ng katotohanan laban sa kamalian.’

“Nang walang makitang mga armas, buong kalupitang pinahirapan ang dalawa para pagtapatin sila kung saan nakatago ang mga armas. Pero wala namang mga armas. Sa ilalim ng pagbabantay ng mga guwardiya dinala sila sa labas ng munting bayan, kung saan sila pinatayo sa tabi ng isang malaking puno at iniharap sa firing squad. Inalok sila ng kalayaan ng nakatalagang opisyal kung tatalikuran nila ang kanilang relihiyon at sasapi sa mga [sundalo], ngunit sumagot si Brother Monroy, ‘Mas mahalaga sa akin ang aking relihiyon kaysa buhay ko, at hindi ko ito matatalikuran.’

“Pagkatapos ay sinabihan silang babarilin sila at tinanong kung may kahilingan sila. Hiniling ni Brother Rafael na payagan siyang magdasal bago siya patayin. Doon, sa harap ng mga berdugong papatay sa kanya, lumuhod siya at nagdasal sa Diyos, sa tinig na dinig ng lahat, na pagpalain at protektahan ang kanyang mga mahal sa buhay at pangalagaan ang munting branch na iiwan niya nang walang namumuno. Sa pagtatapos ng kanyang pagdarasal, ginamit niya ang mga salita ng Tagapagligtas noong nakabayubay Siya sa krus, at ipinagdasal ang mga berdugo: ‘Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.’ [Lucas 23:34.] Pagkatapos niyon binaril ng firing squad sina Brother Monroy at Brother Morales” (“Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 21–22; hango sa Rey L. Pratt, “A Latter-day Martyr,” Improvement Era, Hunyo 1918, 720–26).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na inusig sila (pinagtawanan o tinakot) dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

  • Kapag kayo ay inusig dahil sa inyong paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan, ano ang magagawa ninyo para makatugon nang may pananampalataya?

Doktrina at mga Tipan 101:39–42

Inihayag ng Panginoon na ang Kanyang mga pinagtipanang tao ay asin ng lupa

Upang maihanda ang mga estudyante na maunawaan ang mga turo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 101:39–42, magdispley ng dalawang sampol ng asin: ang isang sampol ay purong asin at ang isang sampol ay may kahalong ibang materyal, tulad ng dumi.

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa unang sampol ng asin.

  • Ano ang ilang gamit ng asin? (Maaaring kabilang sa mga sagot ay magagamit ang asin na pampalasa at pagpreserba ng pagkain at sa pagpapagaling ng mga sugat bilang pamatay ng mikrobyo.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:39 at sabihin sa klase na tukuyin ang mga tao na inihalintulad ng Panginoon sa asin.

  • Sino ang sinabi ng Panginoon na “asin ng lupa”?

Ipaliwanag na ang salitang lasa ay tumutukoy sa kakaibang lasa o kalidad.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging lasa ng mga tao?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng maging lasa ng mga tao, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Carlos E. Asay ng Pitumpu:

Elder Carlos E. Asay

“Nang gamitin ng Panginoon ang pahayag na ‘lasa ng mga tao,’ ang tinutukoy niya ay ang mga kumakatawan sa kanya. Ang tinutukoy niya ay ang mga nagsisi, nahugasan nang malinis sa mga tubig ng binyag, at nakipagtipan na tataglayin nila ang kanyang pangalan at kanyang layunin. Bukod pa rito, tinutukoy niya ang mga makababahagi sa kanyang kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng tipan. Ang tinutukoy niya ay kayo at ako” (“Salt of the Earth: Savor of Men and Saviors of Men,” Ensign, Mayo 1980, 42).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga pariralang “asin ng lupa” at “lasa ng mga tao” tungkol sa ating mga responsibilidad sa ating kapwa?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bilang mga pinagtipanang tao ng Diyos, responsibilidad natin na tulungan ang lahat ng tao sa mundo na matanggap ang Kanyang mga pagpapala (tingnan sa Abraham 2:8–11). Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Upang matulungan ang mga tao sa mundo na matanggap ang mga pagpapala ng Diyos, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:40–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga babala at pangako ng Panginoon.

Ituro na nakapaloob sa talata 40 ang pariralang “kung yaong asin ng lupa ay mawawalan ng lasa.” Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng pariralang ito, ituon ang kanilang pansin sa pangalawang sampol ng asin. Ipaliwanag na hindi nawawalan ng lasa ang asin lumipas man ang maraming taon. Tumatabang o nawawala ang lasa ng asin kapag nahahaluan ito ng ibang materyal at nakokontamina nito.

  • Ayon sa talata 41, ano ang nagiging dahilan kung bakit nawawalan tayo ng lasa tulad ng asin ng lupa? (Mga kasalanan.) Sa inyong palagay, bakit nagiging mahirap sa atin na tulungan ang iba na matanggap ang mga pagpapala ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan?

  • Paano ninyo maipapahayag ang talata 42 sa inyong sariling salita? (Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante para masagot ang tanong na ito, ipaliwanag na ang isang taong itinataas ang kanyang sarili ay palalo, at ang isang taong ibinababa ang kanyang sarili ay mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon.)

  • Batay sa mga babala at pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 101:40–42, paano ninyo kukumpletuhin ang alituntunin na nakasulat sa pisara? (Kumpletuhin ang alituntunin sa pisara gamit ang mga sagot ng mga estudyante. Bagama’t maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Upang matulungan ang mga tao sa mundo na matanggap ang mga pagpapala ng Diyos, dapat tayong magsisi ng ating mga kasalanan at maging mapagkumbaba.)

  • Ano ang magagawa natin araw-araw na tutulong sa atin na makaiwas sa karumihan ng kasalanan?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan nang tahimik kung may mga kasalanang nagpapadumi sa kanilang buhay. Hikayatin sila na pagsisihan ang mga kasalanang iyon upang maging dalisay sila sa harapan ng Panginoon at maging mas epektibo sa pagtulong sa iba na matanggap ang Kanyang mga pagpapala.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 101:17–21. Pagtatayo ng Lunsod ng Sion

Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa panahon na iuutos ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw na magtayo ng lunsod ng Sion:

Elder Bruce R. McConkie

“Hindi na kailangan pang mag-alinlangan o mag-alala tungkol sa pagtatayo ng Sion—ibig sabihin ang Bagong Jerusalem—sa mga huling araw. Minsan nang binigyan ng Panginoon ng pagkakataon ang kanyang mga tao na itayo ang Sion kung saan magmumula ang batas na lalaganap sa buong mundo. Nabigo sila. Bakit? Dahil hindi sila handa at hindi karapat-dapat, at gayon din ang iba sa atin na kabilang sa kahariang ito. Kapag tayo bilang mga miyembro ay handa na at karapat-dapat, muling mag-uutos ang Panginoon sa atin at susulong ang gawain—sa takdang panahon, bago ang Ikalawang Pagparito, at sa pamamahala ng Pangulo ng Simbahan. Hanggang sa sandaling iyon, walang sinuman sa atin ang gagawa ng anumang sariling hakbang sa pagtitipon sa Missouri o paghahanda para tumanggap ng lupaing mana roon. Sa halip, alamin natin ang mga dakilang konsepto na nakapaloob dito at gawing karapat-dapat ang ating sarili sa anumang gawain na ibibigay ng Panginoon sa atin sa panahon natin. May ilang bagay na dapat munang mangyari bago ang pagtatayo ng Jackson County” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 586).

Doktrina at mga Tipan 101:23–25. Mga palatandaan at pangyayaring magaganap sa buong mundo na nauugnay sa Ikalawang Pagparito

Sa Doktrina at mga Tipan 101:23–25, nalaman natin ang tatlong mga palatandaan at pangyayari na magaganap sa buong mundo na nauugnay sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sa mga sumusunod na pahayag, ang mga Apostol sa mga huling araw ay nagbigay ng propesiya tungkol sa mga palatandaan at pangyayaring iyon:

1. “Lahat ng laman ay makikita [Siya] nang sabay-sabay” (D at T 101:23). Sinabi ni Elder Orson Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ikalawang pagparito ng Anak ng Diyos ay isang bagay na kakaiba mula sa anumang nangyari na sa balat ng lupa, lakip ang matinding kapangyarihan at kaluwalhatian, isang bagay na hindi mangyayari sa isang bahagi lamang ng mundo … at hindi makikita ng kakaunti lamang; ngunit ito ay isang pangyayari na makikita ng lahat ng tao, lahat ng laman ay makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; kapag inihayag niya ang kanyang sarili sa ikalawang pagkakataon lahat ng mata, hindi lamang ng mga yaong buhay sa panahong iyon, sa mortalidad sa mundo, kundi maging ang mga patay mismo … ay makikita siya sa panahong iyon” (sa Deseret News: Semi-Weekly, Abr. 25, 1876, 1).

2. “Lahat ng nabubulok na bagay … ay mauubos” (D at T 101:24). Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kaugnay sa pagsisimula ng milenyo, ang mundo (ang ubasan ng Panginoon) ay susunugin. Lahat ng nabubulok na bagay ay uubusin (D at T 101:24); lahat ng palalo at yaong gumagawa ng kasamaan ay susunugin gaya ng dayami (Mal. 4:1; D at T 29:9; 64:23–25; 133:63–64); ang mga makasalanan ay lilipulin (Isa. 13:9–14); at ihihiwalay ang mabubuti at ang masasama. (D at T 63:54.) Yaon lamang mga karapat-dapat na manahan sa terestriyal na kaluwalhatian ang makapananatili sa araw na iyon” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 494).

3. “Lahat ng bagay ay magiging bago” (D at T 101:25). Hinggil sa pagbabagong ito, isinulat ni Elder Parley P. Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Isang bagong langit at isang bagong lupa ang ipinangako ng mga banal na manunulat. O, sa madaling salita, ang sistema ng mga planeta ay magbabago, madadalisay, mapapabanal, madadakila at maluluwalhati, katulad sa pagkabuhay na mag-uli, na ibig sabihin lahat ng masama o kahinaan sa pisikal ay aalisin”(Key to the Science of Theology, Ika-10 ed. [1965], 61.)

Doktrina at mga Tipan 101:29–31. Kamatayan sa Milenyo

Pangulong Joseph Fielding Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na sa panahon ng Milenyo “walang taong mamamatay hanggang sa siya ay matanda. Ang mga bata ay hindi mamamatay kundi mabubuhay hanggang sa gulang ng isang puno. Sinabi ni Isaias na ito ay 100 taon [tingnan sa Isaias 65:20–22]” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1954–66], 1:86–87).

Ipinaliwanag din ni Pangulong Smith na ang kamatayan sa panahon ng Milenyo ay payapang pagbabago:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Kapag dumating si Cristo ang mga banal na nasa mundo, na buhay, ay magbabagong-anyo at aangat upang salubungin siya. Hindi ibig sabihin nito na yaong nabubuhay sa mortalidad sa panahong iyon ay mababago at mabubuhay na mag-uli, dahil ang mga mortal ay dapat manatili sa mundo hanggang pagkatapos ng isang libong taon. Ang pagbabago, gayunpaman, ay darating sa lahat ng mananatili sa lupa; sila ay magbabagong-anyo upang hindi sila makaranas ng kamatayan hanggang tumanda sila. Ang tao ay mamamatay pagsapit ng isang daang taong gulang, at ang pagbabago ay biglaan tungo sa pagiging imortal. Walang mga libingan sa loob ng isang libong taon na ito” (The Way to Perfection [1931], 298–99).

Doktrina at mga Tipan 101:35–38. Pagtitiis ng pag-uusig para sa pangalan ni Cristo

Hinikayat ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal na manampalataya habang tinitiis ang mga pagsubok nila:

Propetang Joseph Smith

“Iniisip natin ang mga tao na tumanggap ng isang sistema ng relihiyon, na hindi popular, at sa pagsunod dito ay nakaranas ng paulit-ulit na pag-uusig. Mga tao na, dahil sa pagmamahal nila sa Diyos, at pagsunod sa Kanyang layunin, ay nagdanas ng gutom, kahubaran, mga panganib, at halos lahat ng kahirapan. Mga tao na, para sa kanilang relihiyon, ay nagdalamhati sa maagang pagkamatay ng mga magulang, mga asawa, at mga anak. Mga tao, na mas ginustong mamatay kaysa magpaalipin at magkunwari, at marangal na pinanatili ang kanilang pagkatao, at matibay at matatag na nanindigan, sa mga panahong matinding sinubok ang mga kaluluwa ng tao. Manatiling matatag, kayong mga banal ng Diyos, magtiis pa nang kaunti, at ang unos ng buhay ay lilipas, at gagantimpalaan kayo ng Diyos na inyong pinaglingkuran, at Siyang marapat na magpapahalaga sa lahat ng inyong pagpapagal at paghihirap alang-alang kay Cristo at sa ebanghelyo. Ang iyong mga pangalan ay ipapasa sa inyong mga inapo bilang mga Banal ng Diyos at mga tao dalisay” (sa History of the Church, 4:337).

Doktrina at mga Tipan 101:40. “Sila ay tinawag na maging lasa ng mga tao”

Itinuro ni Elder Carlos E. Asay ng Pitumpu:

Elder Carlos E. Asay

“Isang kilalang chemist sa buong mundo ang nagsabi sa akin na hindi nawawalan ng lasa ang asin lumipas man ang maraming taon. Ang lasa nito ay nawawala kapag nahalo sa ibang sangkap at nakontamina. …

“Nawawala ang husay at kabutihan ng isang tao kapag nag-iisip siya ng masasamang bagay, nagsasalita ng kasinungalingan, at ginagamit ang kanyang lakas sa paggawa ng masama” (“Salt of the Earth: Savor of Men and Saviors of Men,” Ensign, Mayo 1980, 42).