Lesson 116
Doktrina at mga Tipan 109:1–46
Pambungad
Gumawa ang mga Banal nang halos tatlong taon para maitayo ang Kirtland Temple. Nang matapos sila, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang panalangin na ihahandog sa paglalaan ng templo. Binasa ng Propeta ang panalangin bilang bahagi ng paglalaan ng templo noong Marso 27, 1836. Ang panalangin ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 109. Pag-aaralan sa lesson na ito ang unang bahagi ng panalangin, na naglalaman ng pagsamo sa Panginoon na tanggapin ang templo at tuparin ang mga pangakong ginawa Niya tungkol dito, kabilang ang pagprotekta at mga pagpapala sa mga taong sasamba rito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 109:1–23
Hiniling ni Joseph Smith sa Panginoon na tanggapin ang Kirtland Temple at pagpalain ang mga sasamba rito
Magdispley ng ilang larawan ng templo. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung alam nila kung saang lugar nakatayo ang bawat isa sa mga templo.
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit tayo nagtatayo ng mga templo? Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at talakayin ang mga sagot sa tanong na ito. Matapos ang sapat na oras, ipaliwanag na makakahanap tayo ng mga sagot sa tanong na ito sa Doktrina at mga Tipan 109.
Ipakita sa mga estudyante ang larawan ng Kirtland Temple (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 117; tingnan din sa LDS.org at josephsmith.net). Ipaliwanag na gumawa at nagsakripisyo ang mga Banal nang halos tatlong taon para maitayo ang Kirtland Temple. Nakita nila ang katuparan ng pangako ng Panginoon na kung susundin nila ang Kanyang mga kautusan, magkakaroon sila ng “kapangyarihang itayo ito” (D at T 95:11). Noong Marso 27, 1836, dumalo ang mga Banal sa paglalaan ng templo, at inialay ni Joseph Smith ang panalangin ng paglalaan. Natanggap niya ang mga salita sa panalangin sa pamamagitan ng paghahayag bago ang paglalaan ng templo. Ang panalangin ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 109.
Ipaliwanag na halos 1,000 Banal sa mga Huling Araw ang dumalo sa paglalaan ng Kirtland Temple. Marami pa ang gustong dumalo sa paglalaan ng templo ngunit hindi na magkasya sa gusali. Gumawa ng paraan si Propetang Joseph Smith para makabahagi sila sa pulong sa iba pang gusali, at ang pulong para sa paglalaan ay inulit para sa kanila makaraan ang ilang araw.
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakikibahagi sila sa pulong para sa paglalaan ng Kirtland Temple: Nakadama sila ng labis na pananabik habang umaawit ng pambungad na awitin ang koro. Pagkatapos ay nagbigay ng mensahe si Sidney Rigdon. Matapos ang maikling intermisyon, nagkaroon sila pagkakataon na magbigay ng boto ng pagsang-ayon sa mga lider ng Simbahan. Pagkatapos ay tumayo si Propetang Joseph Smith at binasa ang panalangin ng paglalaan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang unang dahilan kung bakit itinayo ng mga Banal ang Kirtland Temple.
-
Ano ang unang dahilan kung bakit itinayo ng mga Banal ang Kirtland Temple? (Dapat makita ng mga estudyante na nagtayo ang mga Banal ng templo dahil iniutos ito ng Panginoon. Isulat sa pisara ang sumusunod: Iniutos sa atin ng Panginoon na magtayo ng mga templo.)
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng mga pagsasakripisyo ng mga Banal para maitayo ang templo.
-
Anong mga parirala ang nakita ninyo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang “labis na paghihirap,” “mula sa aming kahirapan,” at “nagbigay ng aming ari-arian.”)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga sakripisyong ginawa ng mga Banal sa pagtatayo ng Kirtland Temple, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na buod:
Sa pagitan ng Hunyo 1833 at Marso 1836, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagbigay ng kanilang panahon, pera, at ari-arian upang makatulong sa pagtatayo ng isang bahay ng Panginoon. Ang kalalakihan ay nagboluntaryong gumawa sa pagtatayo ng templo. Ang kababaihan ay nagtahi ng mga kasuotan at naglaan ng matutuluyan para sa mga gumagawa. Nang marami sa kalalakihan ang umalis kasama ang Kampo ng Sion, nagpatuloy ang ilang kababaihan sa paggawa sa templo. Ang ilang Banal sa mga Huling Araw, gaya nina John Tanner at Vienna Jacques, ay nagbigay ng marami sa kanilang kayamanan para sa pagtatayo ng templo. Ang iba ay nag-ambag ng kahusayan sa pagtatrabaho. Halimbawa, si Brigham Young ay nagbinyag ng isang lalaking nagngangalang Artemus Millet sa Canada. Si Brother Millet ay umalis sa kanyang trabaho bilang stone mason (taong nagtatayo ng gusali gamit ang mga bato) para sa gobyerno ng Canada upang makalipat siya at ang kanyang pamilya sa Kirtland, kung saan naglingkod siya bilang tagapangasiwa ng pagtatayo ng templo. Sa kabuuan, tinatayang 60,000 United States dollar ang halagang nagastos sa templo—na napakalaking halaga noong panahong iyon, lalo na kung iisipin ang kahirapan ng mga Banal. Kung ikukumpara sa panahong ito ang halagang iyan ay katumbas ng 1,000,000 United States dollar.
-
Ano ang pinakahinangaan ninyo tungkol sa ginawang pagsasakripisyo ng mga Banal sa pagtatayo ng templo?
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang talata 5, at hanapin ang katotohanan na nagpapaliwanag kung bakit labis na nagsakripisyo ang mga banal sa pagtatayo ng templo.
-
Anong katotohanan ang nakita ninyo kung bakit nais ng mga Banal na magtayo ng templo? (Dapat maisagot ng mga estudyante na sa templo, maihahayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)
Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 109:10–11 at alamin ang hiniling ni Joseph Smith na gawin ng Panginoon upang matanggap ng mga tao ang mga pagpapala ng templo. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 109:12–13 at hanapin ang mga parirala na tutulong sa kanila na maunawaan kung paano inihahayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin sa loob ng templo. Matapos ang sapat na oras, itanong sa unang grupo ang mga sumusunod:
-
Ano ang hiniling ni Joseph Smith na gawin ng Panginoon upang matanggap ng mga tao ang mga pagpapala ng templo? (Tulungan sila ng Kanyang biyaya upang maging karapat-dapat sila sa Kanyang paningin.)
-
Kapag naghahanda tayong maging karapat-dapat na pumasok sa templo, bakit kailangan natin ang biyaya ng Panginoon?
Itanong sa pangalawang grupo ang sumusunod:
-
Anong parirala ang nahanap ninyo na nakatulong sa inyo na maunawaan kung paano inihahayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin sa loob ng templo? (Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang mga pariralang ibinahagi ng kanilang mga kaklase.)
Sabihin sa mga estuyante na magbahagi, sa kanilang kapartner o sa buong klase, ng mga karanasan nila noong madama nila na malapit sila sa Panginoon sa templo. Paalalahanan sila na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi. Kung naaangkop, magbahagi ka ng sarili mong karanasan.
-
Paano nakakaimpluwensya sa inyong buhay ang pakiramdam na malapit kayo sa Panginoon sa loob ng templo kapag nasa labas na kayo ng templo?
Sabihin sa mga estudyante na patuloy na basahin ang Doktrina at mga Tipan 109:14–23 nang mag-isa at hanapin ang mga karagdagang pagpapala na ipinangako ng Panginoon sa mga taong sasamba sa templo.
-
Anong mga karagdagang pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong sasamba sa templo? (Dapat makahanap ng maraming pagpapala ang mga estudyante sa mga talatang ito. Maaari mong isulat sa pisara ang mga pagpapalang ito.)
Mula sa mga talata 22–23, ano ang ilang resulta ng pagsamba sa templo? (Kaugnay sa mga sagot na ibinigay ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang pagtanggap ng mga pagpapala ng templo ay magbibigay sa atin ng kapangyarihan at tulong ng Panginoon kapag naglilingkod tayo sa Kanya. Isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mo ring imungkahi sa iyong mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “sakbit ang kapangyarihan [ng Panginoon]”?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng masakbitan ng kapangyarihan ng Panginoon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa bahay ng Panginoon, maaaring mapagkalooban ang mga miyembro ng Simbahan ng ‘kapangyarihan mula sa itaas’ [D at T 95:8], kapangyarihan na tutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso, matupad ang mga tipan, masunod ang mga kautusan ng Panginoon, at magbahagi ng malakas at walang takot na patotoo sa pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay” (“Cultivating Divine Attributes,” Ensign, Nob. 1998, 27).
-
Paano magiging pagpapala sa inyo at sa inyong pamilya ang ganitong uri ng kapangyarihan? Paano magiging pagpapala sa mga full-time missionary ang ganitong uri ng kapangyarihan?
Doktrina at mga Tipan 109:24–46
Hiniling ni Joseph Smith sa Panginoon na pangalagaan at pagpalain ang mga sasamba sa templo at ang mga mangangaral ng ebanghelyo
Magdrowing ng isang pangpalitada at espada sa pisara. Maaari mong ipaliwanag na ang pangpalitada ay ginagamit sa paglalagay ng mortar sa pagitan ng mga ladrilyo (bricks) o mga bato. Itanong sa mga estudyante kung paano maaaring gamitin ang bawat isa sa mga kagamitang ito sa pagtatayo ng templo.
Ipaliwanag na noong itinatayo ang Kirtland Temple, nagbanta ang mga mandurumog na wawasakin ang templo. Ikinuwento ni Pangulong Brigham Young ang tungkol sa “mga mangggawa sa mga pader ng templo na may hawak na espada sa isang kamay upang protektahan ang kanilang sarili mula sa mga mandurumog, habang inilalagay nila ang mga bato at ginagamit ang pangpalitada sa isa pang kamay” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 415). Kung minsan, ang kalalakihang gumagawa sa templo sa umaga ay kailangang bantayan ito sa buong magdamag.
Ipaliwanag na bukod pa sa masigasig na paggawa upang protektahan ang templo at ang kanilang sarili, hiniling ng mga Banal sa Panginoon na proteksyunan sila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:24–28 at sabihin sa klase na alamin ang uri ng proteksyon na hiniling ni Joseph Smith sa Panginoon pagkatapos maitayo ang templo.
-
Anong uri ng proteksyon ang hiniling ni Joseph sa kanyang panalangin?
-
Ayon sa talata 24, ano ang maaari nating gawin upang matanggap ang ganitong uri ng proteksyon?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pagtanggap ng proteksyon laban sa masama? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung ang mga tao ng Panginoon ay karapat-dapat at sumasamba sa Kanya sa templo, hindi mananaig sa kanila ang kasamaan.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 109:29–46 na ipinapaliwanag na nanalangin ang Propeta na yaong mga nagpapalaganap ng kasinungalingan tungkol sa mga Banal ay lituhin at ang mga miyembro ng Simbahan ay makabangon at magawa ang gawain ng Panginoon. Hiniling din niya sa Panginoon na punuin ang templo ng Kanyang kaluwalhatian at bigyan ang Kanyang mga tagapaglingkod ng patotoo at kapangyarihan na kailangan nila upang maipangaral ang ebanghelyo.
Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na palaging magkaroon ng current temple recommend, kahit hindi sila nakatira malapit sa isang templo. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Tunay na nais ng Panginoon na ang Kanyang mga tao ay maganyak sa templo. Ito ang pinakamatinding hangarin ng aking puso na ang bawat miyembro ng Simbahan ay maging karapat-dapat sa templo. … Maging mga tao tayong paladalo at mapagmahal sa templo. Humayo tayo sa templo nang madalas hangga’t kaya ng ating oras at paraan at sitwasyon” (“The Great Symbol of Our Membership,” Ensign, Okt. 1994, 5).