Lesson 94
Doktrina at mga Tipan 88:118–141
Pambungad
Ito ang huli sa apat na lesson na tumatalakay sa Doktrina at mga Tipan 88. Ang paghahayag ay ibinigay sa kumperensya ng matataas na saserdote noong Disyembre 27–28, 1832 (mga talata 1–126) at Enero 3, 1833 (mga talata 127–141). Sinasaklaw ng lesson na ito ang Doktrina at mga Tipan 88:118–141. Sa bahaging ito ng paghahayag, iniutos ng Panginoon sa isang pangkat ng mga maytaglay ng priesthood na iorganisa ang Paaralan ng mga Propeta sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith. Ang mga nakibahagi sa paaralan ay dapat matutong magkakasama sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya at pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan sa isa’t isa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 88:118–126
Inilarawan ng Panginoon ang isang huwaran sa pag-aaral
Magsimula sa pagtalakay sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang natututuhan ninyo ngayon sa paaralan? Sa tahanan? Sa trabaho? Sa simbahan?
-
Ano ang pagkakaiba ng pag-aaral ng mga subject tulad ng math o science at ng pag-aaral ng ebanghelyo? Ano ang maaaring pagkakatulad ng mga ito?
Ipaliwanag na sa Kirtland, Ohio, noong Enero 1833, sinunod ng isang pangkat ng mga maytaglay ng priesthood ang utos ng Panginoon na magkakasamang magtipon sa tinatawag na Paaralan ng mga Propeta para maihanda ang kanilang sarili sa pangangaral ng ebanghelyo sa buong mundo. Nang magsama-sama sila, itinuro ng Panginoon sa mga kalalakihang ito kung paano sila mapasisigla, o mapalalakas sa pamamagitan ng Espiritu habang magkakasama silang natututo. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin tungkol sa pag-aaral habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 88:118–141 ngayon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:118. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano maghahangad na matuto ang mga miyembro ng Paaralan ng mga Propeta.
-
Paano maghahangad na matuto ang mga kalalakihang ito?
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya”?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, ipabasa nang malakas sa isa sa kanila ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi pagtanggap lamang [nang walang gagawin]. …
“… Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi puwedeng mailipat mula sa nagtuturo tungo sa tinuturuan sa pamamagitan ng lecture, pagsasalarawan, o pagsasanay; sa halip, ang tinuturuan ay dapat magkaroon ng pananampalataya at kumilos para makamtan ang kaalaman para sa kanyang sarili” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 20).
Ipaliwanag na maaari tayong matuto sa pamamagitan ng pananampalataya kapag nakibahagi tayo nang masigasig at nang may panalangin sa mga oportunidad na matuto at pagkatapos ay kumilos ayon sa natutuhan natin. Natututo tayo kapag nananampalataya tayo sa pamamagitan ng pagsunod.
-
Pansinin na sa simula ng talata 118 sinabi ng Panginoon na ang lahat ay walang pananampalataya. Ano ang matututuhan natin sa talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin mapapalakas ang ating pananampalataya? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntunin na katulad ng sumusunod: Kung masigasig tayong maghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, madaragdagan ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilang kalagayan kung saan maipamumuhay nila ang alituntuning ito, basahin nang malakas ang mga sumusunod na sitwasyon. Matapos basahin ang bawat isa, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano masigasig na maghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ang taong nabanggit sa sitwasyon. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano makatutulong sa tao ang paggawa nito upang maragdagan ang kanyang pananampalataya.
-
Isang dalagita ang regular na nagbabasa ng mga banal na kasulatan, pero bihira siyang tumigil para pag-isipan ang nabasa niya. Hindi niya madama na malaki ang naitutulong sa kanya ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
-
Isang binatilyo ang dumadalo sa mga miting niya sa Simbahan at nasisiyahan sa pakikilahok sa mga talakayan sa klase. Kung minsan, nakadarama siya ng pahiwatig na gumawa ng mga pagbabago sa kanyang buhay batay sa natutuhan niya, pero kadalasan ay hindi siya kumikilos ayon sa mga pahiwatig na iyon.
Matapos talakayin ng klase ang mga sitwasyong ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Kailan ninyo nadama na nadagdagan ang inyong pananampalataya dahil masigasig ninyong hinangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya? Paano nakatulong ang mga ginawa ninyo para maragdagan ang inyong pananampalataya?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:119–120 at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na bilang tugon sa kautusang magtayo ng bahay na inilarawan sa talata 119, kalaunan ay itinayo ng mga Banal ang Kirtland Temple. Habang itinatayo ang templo, ang Paaralan ng mga Propeta ay idinaraos sa silid sa itaas ng tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland.
-
Paano din nauugnay ang payo sa talata 119 sa lugar kung saan nagpupulong ang mga kapatid para sa Paaralan ng mga Propeta? Sa ating mga tahanan? Sa inyong sariling pagsisikap na mag-aral sa paaralan? (Ang Paaralan ng mga Propeta ay isinunod sa mga alituntuning itinuro sa talatang ito. Ang ating tahanan ay maaaring maging lugar ng panalangin, pag-aayuno, pananampalataya, pag-aaral, at kaayusan.)
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 88:121–126 kasama ang kanilang kapartner at alamin kung ano ang inaasahan ng Panginoon na ikikilos ng mga kalalakihan sa Paaralan ng mga Propeta. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila. Sa pag-aaral ng mga estudyante sa mga talatang ito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tagubilin para sa bawat magkapartner na magkatulong nilang kukumpletuhin matapos nilang basahin ang scripture passage:
Matapos ang sapat na oras na mabasa at matalakay ng mga estudyante ang mga payo ng Panginoon, tawagin ang ilang estudyante para maipaliwanag ang natutuhan nila sa kanilang talakayan. Sa pagsagot nila, gamitin ang ilan sa mga sumusunod na tanong at paliwanag para matulungan sila na maunawaan ang ilan sa mga payo ng Panginoon:
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “tumigil sa lahat ng inyong mabababaw na pananalita, … halakhak, … at mababaw na pag-iisip” (talata 121)? Bakit ang pagtigil sa paggawa ng mga bagay na ito sa espirituwal na sitwasyon ay makatutulong sa ating pagsisikap na matutuhan ang mga bagay na sagrado?
Ipaliwanag na ang mga pulong para sa Paaralan ng mga Propeta ay napakasagrado. Ang mga tagubiling ito hinggil sa halakhak at mababaw na pananalita ay nangangahulugang kailangang maging mapitagan ang mga yaong kasali sa Paaralan ng mga Propeta sa mga sagradong sitwasyon. Ang mga pulong na ito ay gaganapin kalaunan sa templo.
-
Pansinin ang pag-ulit sa salitang lahat sa talata 122. Paano maaapektuhan ang isang klase kung lahat ng mga estudyante ay nakikilahok sa lesson at nagsisikap na matuto sa isa’t isa?
-
Sa inyong palagay, paano nakakaapekto ang “pagtulog nang mahaba kaysa sa kinakailangan” sa ating kakayahang matuto o madama ang Espiritu? Sa palagay ninyo, paano makatutulong sa atin ang pagtulog nang sapat at paggising nang maaga para mas matuto tayo?
-
Paano ninyo ibubuod ang payo tungkol sa pagkatuto na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 88:118–126? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin. Matapos silang sumagot, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang paggawa nang mabuti at pagtigil sa masasamang gawain ay tutulong sa atin para matuto at mapasigla tayo.)
-
Alin sa mga pag-uugali na binanggit sa mga talata ang maaaring taglayin o iwaksi ng ating seminary class upang mas matutuhan natin ang ebanghelyo at magkakasamang mapalakas?
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 88:121–126 at pag-isipang mabuti kung anong payo ang kailangan nilang mas sundin pa sa kanilang buhay. Hikayatin sila na magsulat ng mithiin na gagawin ang natutuhan nila.
Doktrina at mga Tipan 88:127–141
Itinatag ng Panginoon ang kaayusan ng Paaralan ng mga Propeta
Papuntahin sa pisara ang mga estudyante at ipasulat sa kanila ang mga sitwasyon kung saan nila napag-aaralan ang ebanghelyo. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Sunday School, Young Women class o priesthood quorum, seminary, at sa tahanan.) Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may mga tao sa sitwasyong ito na hindi nila gaanong kilala o nahihirapan silang makasundo. Sabihin sa kanila na isipin ang isa sa mga taong ito sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 88:127–141. Sabihin sa kanila na isiping mabuti ang sumusunod na tanong:
-
Paano nakakaapekto ang aking pakikipag-ugnayan sa mga kasama ko sa pag-aaral ng ebanghelyo sa kakayahan ko na matuto at mapasigla sa pamamagitan ng Espiritu?
Ipaliwanag na inaasahan ng Panginoon ang mga miyembro ng Paaralan ng mga Propeta na magkaroon ng mabuting pakikipag-ugnayan sa isa’t isa habang magkakasama silang natututo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 88:128–134. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang responsibilidad ng guro sa pagkakaroon ng lugar sa pag-aaral kung saan madarama ang Espiritu sa Paaralan ng mga Propeta.
-
Ano ang gagawin ng guro ng Paaralan ng mga Propeta para magkaroon ng lugar sa pag-aaral kung saan madarama ang Espititu?
-
Ano ang napansin ninyo sa pagbati sa talata 133?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:135–137. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang responsibilidad ng estudyante sa pagkakaroon ng maayos na lugar sa pag-aaral.
-
Anong uri ng ugnayan ang dapat umiral sa isa’t isa sa mga miyembro ng Paaralan ng mga Propeta?
-
Ayon sa talata 137, ano ang ipinangako ng Panginoon kung susundin ng mga miyembro ng Paaralan ng mga Propeta ang Kanyang mga tagubilin? (Ang paaralan ay magiging santuwaryo kung saan mapasisigla sila ng Espiritu.)
-
Ano ang mangyayari sa mga klase natin sa Simbahan o mga tahanan kung susundin natin ang tagubilin ng Panginoon sa mga talata 128–137? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit maaaring bigyang-diin mo ang sumusunod: Kung magpapakita tayo ng kabaitan at pagmamahal sa isa’t isa, maaanyayahan natin ang Espiritu sa sama-sama nating pag-aaral ng ebanghelyo.)
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 88:133.
-
Sa inyong palagay, paano tayo makapagpapakita ng “isang hangaring matatag, hindi matitinag, at hindi mababago, upang [tayo ay] maging kaibigan” sa mga miyembro ng klase o kapamilya na maaaring hindi natin gaanong kilala o mahirap mahalin?
-
Kailan kayo nakadalo sa isang klase sa pag-aaral ng ebanghelyo kung saan ang lahat ay gustong maging kaibigan ninyo? (Maaari kang magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila magkakaroon ng determinayon na mahalin ang mga yaong kasama nila sa pag-aaral ng ebanghelyo. Hikayatin sila na sundin ang anumang mga pahiwatig na nadama nila para makapagpakita ng higit na kabaitan at pagmamahal sa mga kaklase at kapamilya. Magpatotoo na tutulungan sila ng Panginoon kapag nagsikap silang mahalin ang kanilang kapwa.