Seminaries and Institutes
Lesson 139: Doktrina at mga Tipan 132:3–33


Lesson 139

Doktrina at mga Tipan 132:3–33

Pambungad

Ang Doktrina at mga Tipan 132 ay naglalaman ng paghahayag tungkol sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Bagama’t ang paghahayag ay naitala noong Hulyo 12, 1843, ilan sa mga katotohanan sa paghahayag ay nalaman at naituro ni Propetang Joseph Smith noon pang 1831. Ang paghahayag na ito ay tatalakayin sa dalawang lesson. Ang lesson na ito ay tumatalakay sa mga kundisyon ng bago at walang hanggang tipan ng kasal at ang mga ipinangako sa mga tutupad dito. Ang susunod na lesson ay tatalakay sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 132:3–18

Itinakda ng Panginoon ang mga kundisyon para sa bago at walang hanggang tipan

Paalala: ang Doktrina at mga Tipan 132:1–2 ay tatalakayin sa lesson 140 bilang bahagi ng talakayan tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa.

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Bakit mahalaga sa inyo ang walang hanggang kasal?

Ano ang gagawin ninyo, simula ngayon, upang maihanda ang inyong sarili na makapasok sa templo at makasal sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan?

Anong mga pagpapala ang maaaring matamo sa buhay na ito ng mga sumunod sa batas ng Diyos na mabuklod sa templo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga tanong na ito sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 132 ngayon.

Simulan sa pagtatanong ng sumusunod:

  • Ano ang bago at walang hanggang tipan?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng pariralang “ang bago at walang hanggang tipan,” basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ngayon heto ang malinaw na depinisyon ng bago at walang hanggang tipan. Ito ang lahat-lahat—ang kabuuan ng ebanghelyo. Kaya ang kasal na isinagawa nang wasto, ang binyag, ordenasyon sa priesthood, lahat ng iba pa—bawat kasunduan, bawat obligasyon, bawat paggawa na nauukol sa ebanghelyo ni Jesucristo, na ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako ayon sa kanyang mga batas na ibinigay dito, ay bahagi ng bago at walang hanggang tipan ” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:158; inalis ang italics).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 132:3–5 at alamin ang resulta ng hindi pagtanggap sa bago at walang hanggang tipan, na kinapapalooban ng tipan ng selestiyal na kasal.

  • Ano ang resulta ng hindi pagtanggap sa bago at walang hanggang tipan? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang mapapahamak ay matitigil ang isang tao sa kanyang walang hanggang pag-unlad.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa matatapat sa bago at walang hanggang tipan.

  • Ayon sa talata 6, ano ang matatanggap natin kung tayo ay matapat sa bago at walang hanggang tipan? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong ipaliwanag ang pagkakaiba ng mapahamak, o mahadlangan sa pag-unlad, at pagtanggap ng “kaganapan ng … kaluwalhatian [ng Panginoon].”)

Ipaliwanag na ang mga tao ay karaniwang gumagawa ng mga kontrata, o kasunduan, sa isa’t isa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:7. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na alamin ang nangyayari sa mga kontratang gawa ng mga tao kapag patay na sila. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin ang dalawang kundisyon na kailangan upang may bisa pa rin ang mga tipan kahit patay na tayo.

  • Ano ang nangyayari sa mga kontratang gawa ng mga tao? (Natatapos ang mga ito sa kamatayan.)

  • Ayon sa talata 7, ano ang dalawang bagay na dapat mangyari para may bisa pa rin ang ating mga tipan kahit patay na tayo? (Ang mga ito ay dapat gawin sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, at dapat na “ipasok sa at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako.”)

Ipaliwanag na “ang Espiritu Santo ang Banal na Espiritu ng Pangako. … Sumasaksi ang Banal na Espiritu ng Pangako sa Ama na ang makapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.lds.org). Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang talata 7 at ibuod ito bilang pahayag ng doktrina. Isulat sa pisara ang kanilang sagot. Halimbawa, maaari mong isulat ang tulad ng sumusunod: Kapag ang isang tipan ay hindi ginawa sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood at hindi ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, ito ay magwawakas sa kamatayan.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrinang ito, sabihin sa kanila na gumamit ng ibang mga salita upang maging positibo ang pagpapahayag nito. Isulat sa pisara ang kanilang sagot. Halimbawa, maaari kang magsulat ng isang bagay na tulad ng sumusunod: Kapag ang isang tipan ay ginawa sa pamamagitan ng tamang awtoridad ng priesthood at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, ito ay may bisa magpakailanman.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:8–14 na ipinapaliwanag na patuloy na itinakda ng Panginoon ang mga kundisyon ng Kanyang mga batas at ordenansa. Ipinahayag Niya na lahat ng Kanyang itinatag ay mananatili magpakailanman ngunit ang anumang iba pa ay wawasakin kalaunan.

Sabihin sa apat na estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 132:15–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang dalawang paraan na maaaring magpakasal ang lalaki at ang babae. Pagkatapos ay basahin ang mga sumusunod na halimbawa. Matapos ang bawat halimbawa, itanong sa mga estudyante kung anong mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 132:15–18 ang angkop sa sitwasyong iyon.

Halimbawa 1: Isang lalaki at babae ang nagkaibigan, sinunod ang batas ng kalinisang-puri, at masayang ikinasal ng isang lider ng lokal na pamahalaan. Hindi sila ibinuklod sa templo. Kabilang sa seremonya sa kasal ang mga salitang “hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan.” Ilang taon ang lumipas, namatay ang lalaki sa isang aksidente. Anong mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 132:15–17 ang naangkop? (Ang mag-asawa ay hindi na kasal.)

Halimbawa 2: Isang lalaki at babae ang ikinasal. Ipinangako nila sa isa’t isa na lagi silang magmamahalan at hindi maghihiwalay kahit kailan, ngunit hindi sila ibinuklod sa templo. Iniisip nila na dahil sa kanilang pagmamahalan, tutulutan na sila ng Diyos na magkasama magpakailanman. Anong mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 132:18 ang naangkop? (Ang kanilang pagiging mag-asawa ay matatapos na kapag patay na sila.)

Doktrina at mga Tipan 132:19–33

Nangako ang Panginoon ng mga pagpapala sa mga sumusunod sa batas ng selestiyal na kasal

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na karanasang ibinahagi ni Elder Enrique R. Falabella ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nagpalungkot at nagpasaya kina Elder at Sister Falabella.

Elder Enrique R. Falabella

“Pagkauwi ko mula sa misyon, nakilala ko ang isang magandang dalaga. … Nabighani niya ako sa unang pagkakita ko pa lang sa kanya.

“Mithiin ng aking asawa na makasal sa templo, bagama’t noon, kailangang maglakbay nang mahigit 4,000 milya (6,400 km) para makarating sa pinakamalapit na templo.

“Masayang-malungkot ang kasal namin sa huwes, dahil ikinasal kami na may expiration date. Sinambit ng opisyal ang mga salitang ‘Inihahayag ko na kayo ay mag-asawa na,’ ngunit kaagad sinundan ng, ‘hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan.’

“Kaya pinagsikapan naming mag-ipon ng pambili ng tiket kahit papunta lang sa Mesa Arizona Temple.

“Sa templo, habang nakaluhod kami sa altar, isang lingkod na may awtoridad ang nagpahayag ng mga salitang inaasam ko, na nagsasabing kami ay mag-asawa na para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan” (“Ang Tahanan: Ang Paaralan ng Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 102).

  • Bakit hindi nasiyahan sa kanilang kasal sa huwes ang mga Falabella?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:19–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa matatapat sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Dahil mahaba at medyo mahirap intindihin ang scripture passage na ito, maaari mong ihinto sandali nang ilang beses ang pagpapabasa para makapagbigay ka ng paliwanag at sagot sa mga tanong. Ang sumusunod na impormasyon ay maaari ding makatulong sa iyo:

Ang ibig sabihin ng salitang susunod ay tatanggapin o magpapatuloy, kaya ang ibig sabihin ng mga pariralang “susunod sa aking tipan” (talata 19) at ang “sumunod sa aking batas” (talata 21) ay manatiling tapat sa tipan at batas ng Panginoon.

Ang talata 19 ay naglalaman ng pangako na kung ang isang lalaki at babae ay nagpakasal sa “bago at walang hanggang tipan” at “ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako,” kung gayon sila ay “magbabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli … at magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan,” hangga’t sila ay “susunod sa aking tipan, at hindi gagawa ng pagpaslang upang makapagpadanak ng dugo ng walang malay.” (Tingnan din sa D at T 132:27.)

Ang mga pariralang “isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan” (talata 19) at “sila ay magpapatuloy” (talata 20) ay tumutukoy sa pangako na ang ating pamilya at mga angkan ay maaaring magpatuloy sa buong kawalang-hanggan.

Isulat ang Kung (sanhi) (epekto) sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na punan ang mga patlang para maibuod ang mga pangakong ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 132:19–21. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaari nilang matukoy ang mga alituntuning tulad ng sumusunod:

Kung ang isang lalaki at babae ay susunod sa bago at walang hanggang tipan ng kasal, sila ay tatanggap ng kadakilaan at kaluwalhatian.

Kung ang isang lalaki at babae ay susunod sa bago at walang hanggang tipan ng kasal, sila ay magkakaroon ng walang katapusang pagdami ng mga angkan.

Kung ang isang lalaki at babae ay susunod sa bago at walang hanggang tipan ng kasal, ang kanilang kasal ay may bisa sa buong kawalang-hanggan.

Kung ang isang lalaki at babae ay susunod sa bago at walang hanggang tipan ng kasal, sila ay magiging tulad ng Diyos.

Basahin ang sumusunod na halimbawa:

Halimbawa 3: Isang binata at dalaga ang ibinuklod sa banal na templo sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Pareho silang namuhay nang matapat at tinupad ang kanilang mga tipan. Anong mga katotohanan ang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 132:19–21 ang naaangkop kapag patay na sila? (Ang kanilang kasal ay magpapatuloy magpakailanman. Sila ay magiging katulad ng kanilang Ama sa Langit at pagpapalain ng kaluwalhatian, kadakilaan, at walang-hanggang pamilya.)

  • Ano sa palagay ninyo ang dapat gawin ng mag-asawa para masunod ang tipan ng kasal? (Maaaring kasama sa mga sagot ang pagsunod sa salita ng Diyos, pagiging masunurin sa lahat ng mga ordenansa ng kaligtasan, pagiging banal at karapat-dapat, pagmamahal sa isa’t isa, pagsisikap na maging mabubuting magulang, pagpapalaki ng mga anak sa pagmamahal at kabutihan, at regular na pagbalik sa templo nang magkasama.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 132:22–25 at pansinin ang paglalarawan ng Panginoon sa “pintuan” at sa “daan” na patungo sa kadakilaan. Bago sila magbasa, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang makipot sa talata 22 ay makitid o eksakto, kaya hindi malilihis ang dadaan.

  • Sa anong mga paraan inilalarawan ng imahe na malapad na pasukan at maluwang na daan ang kasalukuyang mga opinyon sa lipunan tungkol sa relasyon ng mag-asawa at sa kasal? Paano salungat ang mga opinyong ito sa bago at walang hanggang tipan ng kasal?

  • Ayon sa mga talata 22 at 25, bakit marami ang hindi nakakapasok sa makitid na daan na patungo sa kadakilaan? (Hindi nila tinatanggap si Jesucristo, hindi Siya kinikilala, o hindi sinusunod ang Kanyang batas.)

  • Ayon sa mga talata 21–24, ano ang dapat nating gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Upang tumanggap ng kadakilaan at buhay na walang hanggan, dapat nating makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo, maging tulad Nila, at sumunod sa Kanilang batas.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:29–33 na ipinapaliwanag na si Abraham ay matapat at masunurin sa batas ng Panginoon na kasal na walang hanggan at natanggap niya ang pangako na walang hanggang pagdami ng kanyang angkan.

Magpatotoo na kapag sinunod natin ang mga batas ng Diyos, makakapiling natin Siya at magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.

Patingnan ang mga tanong na isinulat mo sa pisara bago magklase. Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Matapos ang sapat na oras, maaari mo ring anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang nadarama.

Magtapos sa pagpapakita ng larawan ng iyong pamilya. Ibahagi ang nadarama at patotoo mo tungkol sa mga pagpapala ng kasal na pangwalang-hanggan. Hikayatin ang mga estudyante na paghandaan na ngayon ang pagpunta sa templo at maikasal para sa kawalang-hanggan. Ibahagi ang iyong patotoo sa mga pagpapalang ipinangako sa Doktrina at mga Tipan 132 at ang kagalakang dulot ng paghahanda na maikasal sa templo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 132:5. Ang kasal ay “pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig”

Ibinahagi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga sumusunod na katotohanan tungkol sa kasal at pamilya:

Elder Russell M. Nelson

“Ang mundo ay nilikha at ang Simbahang ito ay ipinanumbalik upang ang mga pamilya ay mabuo, mabuklod, at madakila sa kawalang-hanggan. …

“… Ang kasal sa templo ay hindi lamang sa pagitan ng mag-asawa; ito ay pakikipagtuwang sa Diyos.

“… Kapag nabuklod ang isang pamilya sa templo, ang pamilyang iyon ay nagiging walang hanggan tulad mismo ng kaharian ng Diyos” (“Selestiyal na Kasal,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 93).

Itinuro rin ni Elder Nelson:

Elder Russell M. Nelson

“Malaki ang posibilidad na lumigaya ang tao sa pag-aasawa kaysa sa iba pang pakikipag-ugnayan ng tao. …

“Ang kasal ang pinagmumulan ng kaayusan sa lipunan, ng kabutihang-asal, at ng walang hanggang kadakilaan” (“Pangangalaga sa Kasal,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 36).

Doktrina at mga Tipan 132:7. Ang Banal na Espiritu ng Pangako

Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

Ang Banal na Espiritu ng Pangako ay ang Espiritu Santo na naglalagay ng tatak ng pagsang-ayon sa bawat ordenansa: binyag, kumpirmasyon, ordenasyon, kasal. Ang pangako ay matatanggap ang mga pagpapala sa pamamagitan ng katapatan.

“Kung susuwayin ng isang tao ang isang tipan, sa binyag man, ordenasyon, kasal o anupaman, babawiin ng Espiritu ang tatak ng pagsang-ayon, at hindi matatanggap ang mga pagpapala.

“Bawat ordenansa ay ibinuklod sa isang pangako ng gantimpala batay sa katapatan. Inaalis ng Banal na Espiritu ang tatak ng pagsang-ayon kapag hindi tinupad ang mga tipan [tingnan sa D at T 76:52–53; 132:7]” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:45).

Doktrina at mga Tipan 132:19–20. “Pagkatapos sila ay magiging mga diyos … sapagkat sila ay magpapatuloy”

Ikinuwento ni Elder Parley P. Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nabago ang buhay niya nang maunawaan niya ang doktrina ng walang hanggang kasal:

Parley P. Pratt

“Si Joseph Smith ang nagturo sa akin kung paano pahalagahan ang pagmamahalan ng ama at ina, ng lalaki at babaeng mag-asawa; ng magkapatid na lalaki at babae, ng mga anak na lalaki at babae.

“Sa kanya ko nalaman na maaaring mabuklod sa akin ang pinakamamahal kong asawa ngayon at sa buong kawalang-hanggan; at na ang dalisay na mga pagdamay at pagsuyo na dahilan para mapamahal kami sa isa’t isa ay nagmula sa bukal ng walang-hanggang pagmamahal ng Diyos. Sa kanya ko nalaman na maaari nating pasidhiin ang mga pagsuyong ito, at lumago at tumibay sa pagmamahal na iyon hanggang sa kawalang-hanggan; samantalang ang bunga ng ating walang-katapusang pagsasama ay mga supling na sindami ng mga bituin sa langit, o ng buhangin sa dalampasigan.

“Sa kanya ko nalaman ang tunay na dangal at tadhana ng isang anak na lalaki ng Diyos, na nadaramitan ng isang walang-hanggang priesthood, bilang patriyarka at pinuno ng kanyang di-mabilang na mga anak. Sa kanya ko nalaman na ang pinakamataas na dangal ng pagkababae ay, magsilbing reyna at priestess sa kanyang asawa, at mamuno magpakailanman at magpasawalang-hanggan bilang inang reyna ng marami at dumarami pang mga supling.

“Nagmahal na ako dati, pero hindi ko alam kung bakit. Ngunit ngayo’y nagmahal ako—nang dalisay—na may ibayong sidhi ng kabanalan, na mag-aangat sa aking kaluluwa mula sa mga panandaliang bagay sa buhay at magpapalawak dito na tulad ng karagatan. Nadama ko na ang Diyos ay tunay kong Ama sa langit; na si Jesus ay aking kapatid, at ang minamahal kong asawa ay isang imortal at walang-hanggang kabiyak; isang naglilingkod na anghel, na ibinigay sa akin para panatagin ako, at isang putong ng kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan. Sa madaling salita, ngayon ay maaari na akong magmahal nang may taglay ng espiritu at pang-unawa rin.

“… Iniangat ni Joseph Smith … ang isang sulok na bahagi ng tabing at sandali akong pinasulyap sa kawalang-hanggan” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 297–98).

Noong 1916, si Pangulong Joseph F. Smith, ang kanyang mga tagapayo, at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Aposto ay nagpahayag:

“Sa mga yugto ng walang hanggang pag-unlad at pagkamit na naihayag na sa pamamagitan ng banal na paghahayag, dapat nating maunawaan na tanging mga nilalang na nabuhay na mag-uli at niluwalhati ang magiging magulang ng mga espiritung anak. Tanging ang gayong mga dinakilang kaluluwa ang umabot sa kahustuhan sa itinakdang landas ng buhay na walang hanggan; at ang mga espiritung isinilang sa kanila sa walang hanggang mga daigdig ay dadaan sa tamang pagkakasunud-sunod sa ilang yugto o kalagayan kung saan nagkamit ng kadakilaan ang mga niluwalhating mga magulang” (“The Father and the Son: A Doctrinal Exposition by the First Presidency and the Quorum of the Twelve Apostles,” sinipi sa Ensign, Abr. 2002, 18).

Doktrina at mga Tipan 132:22–25. Ano ang “pagpapatuloy ng mga buhay” at ang “mga kamatayan”?

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie:

Elder Bruce R. McConkie

“Yaong mga magkakaroon ng buhay na walang hanggan (kadakilaan) ay magkakaroon din ng mga buhay na walang hanggan, na ibig sabihin, sa pagkabuhay na muli sila ay may walang hanggang ‘pag-unlad,’ ‘isang pagpapatuloy ng mga binhi,’ isang ‘pagpapatuloy ng mga buhay.’ Ang kanilang mga espiritung anak ay ‘mag[pa]patuloy katulad ng mga hindi mabilang na bituin; o, kung kayo ay magbibilang ng buhangin sa dalampasigan hindi ninyo mabibilang ang mga ito.’ (D at T 131:1–4; 132:19–25, 30, 55.)” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 238; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 330).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang mga katagang ‘mga kamatayan’ na binanggit dito [sa Doktrina at mga Tipan 132:25] ay tumutukoy sa pagtigil ng pag-unlad ng lahat ng hindi tatanggap nitong walang hanggang tipan ng kasal at samakatwid sila ay pagkakaitan ng kapangyarihan ng kadakilaan at pagpapatuloy ng mga angkan. Ang mapagkaitan ng mga angkan at samahan ng pamilya ay humahantong sa “mga kamatayan” o katapusan ng pag-unlad sa buhay na darating” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 2:360; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, 330).