Seminary
Lesson 150: Mga Handcart Pioneer, 1856–1860


Lesson 150

Mga Handcart Pioneer, 1856–1860

Pambungad

Ang mga Banal na dumating sa Salt Lake Valley noong 1847 ay nagsimulang magsaka at magtanim at gumawa ng iba pang mapagkukunan ng panustos para sa gagawing pandarayuhan sa hinaharap. Noong Setyembre 1851, binanggit muli ni Brigham Young at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang panawagan sa lahat ng Banal na naninirahan sa Iowa at sa buong mundo na magtipon sa Salt Lake Valley. Maraming Banal sa mga Huling Araw ang tumugon sa panawagan ni Pangulong Young nang may malaking sakripisyo. Ipinadala ang mga miyembro ng Labindalawa para pangasiwaan ang pandarayuhan, at noong 1852 mas marami pang Banal ang naglakbay papunta sa Salt Lake Valley kumpara sa alinmang taon. Bukod diyan, maraming Banal ang naglakbay patungong Salt Lake Valley nang pangkatan habang may hila-hilang kariton sa pagitan ng 1856 at 1860.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sinunod ng mga Banal ang payo na magtipon sa Salt Lake Valley

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay sinabihan sila na maglakbay nang 1,300 milya (halos 2,090 kilometro) nang naglalakad habang hila-hila ang kariton at pinayagan lang silang makapagdala ng 17 libra (mga 7.7 kilo) ng mga personal na ari-arian. Itanong kung sino sa klase ang magboboluntaryo sa paglalakbay.

Magpakita sa mga estudyante ng larawan ng kariton o idrowing sa pisara ang kalakip na larawan. Ipaliwanag na noong 1856, iminungkahi ni Pangulong Brigham Young na dapat maglakbay ang mga mandarayuhan na gamit ang mga kariton sa halip na mga bagon dahil sa kakapusan sa pananalapi. Mas mura ang mga kariton at mas maraming Banal ang makapandarayuhan. Sa pagitan ng 1856 at 1860, halos 3,000 Banal ang nagpasiyang maglakbay pakanluran patawid sa mga kapatagan ng Estados Unidos patungong Utah, hila-hila ang mga karitong kargado ng kanilang mga ari-arian. Karamihan sa mga handcart company ay may dalang mga panustos, mga personal na gamit, at kaunting pagkain at naglakad mula sa Iowa City, Iowa, hanggang Salt Lake City, Utah. Sinimulan ng tatlong huling pangkat ang kanilang paglalakbay sa Florence, Nebraska.

Larawan
mapa, ruta ng kariton
Larawan
kariton

Idispley ang isang kahon o timba na may mga lamang gamit na tumitimbang ng 17 libra (mga 7.7 kilo). Ipabuhat ito sa ilang estudyante. Ipaliwanag na ang isang adult na naglalakbay sa isang handcart company ay pinayagan na magdala ng 17 libra ng personal na gamit. Ang bawat bata ay maaaring magdala ng 10 libra (mga 4.5 kilo). Kasama sa mga personal na gamit ang mga damit at iba pang mga bagay. Tinimbang ang mga gamit ng bawat indibidwal, at anumang bagay na lumampas sa itinakdang timbang ay tinatanggal.

  • Kung isa kayo sa mga handcart pioneer na ito, anong mga materyal na bagay ang pipiliin ninyong dalhin? Bakit?

  • Sa inyong palagay, bakit handang magsakripisyo nang malaki ang mga Banal para makapunta sa Utah?

Bagama’t mahirap ang paglalakbay, walo sa sampung handcart company sa pagitan ng 1856 at 1860 ang matagumpay na natapos ang paglalakbay. Ngunit noong 1856, ang ikaapat at ikalimang handcart na hindi kaagad umalis ay nakaranas ng matitinding pagsubok. Ang mga ito ay ang Willie handcart company, na pinamunuan ni James G. Willie, at ang Martin handcart company, na pinamunuan ni Edward Martin. Pagkatapos maglakbay pakanluran nang halos 1,000 milya (halos 1,600 kilometro) mula sa Iowa, nagkulang ang kanilang pagkain at suplay. Noong Oktubre, parehong inabutan ng matinding taglamig sa kapatagan ng Wyoming ang dalawang pangkat na nakaantala sa kanilang paglalakbay. Nagdusa nang labis ang mga Banal na ito dahil sa matinding lamig at niyebe. (Maaari kang magpakita ng mga larawan ng mga handcart pioneer, tulad ng Malapit Na ang mga Handcart Pioneer sa Salt Lake Valley [Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (2009), blg. 102; tingnan din sa LDS.org].)

Larawan
Malapit Na ang mga Handcart Pioneer sa Salt Lake Valley

Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na kuwento tungkol kina Aaron at Elizabeth Jackson. Ipaliwanag na kasamang naglakbay ang mga Jackson sa Martin company, na mga 100 milya (mga 160 kilometro) ang layo sa kanila ng Willie company. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang kuwento. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katibayan ng pananampalataya nina Aaron at Elizabeth.

Noong Oktubre 19, 1856, ang mga miyembro ng Martin handcart company ay kinailangang tumawid sa malawak na ilog sa kalagitnaan ng matinding taglamig. Maraming miyembro ng pangkat, kabilang na si Aaron Jackson, ang mahina at maysakit, at ang pagtawid ng ilog ay lalong nagpasama sa kanilang kalusugan. Inilarawan ni Elizabeth Jackson ang nangyari sa kanyang asawa ilang araw mula noon:

“Noong bandang alas nuwebe ay natulog na ako. … Parang nakatulog ako hanggang mga hating-gabi. Ginaw na ginaw ako. Masungit ang panahon. Pinakinggan ko kung humihinga pa ang aking asawa—wala siyang imik. Hindi ko siya marinig. Kinabahan ako. Hinawakan ko ang kanyang katawan, at laking sindak ko nang matuklasan kong nagkatotoo ang aking kinatatakutan. Patay na ang aking asawa. … Humingi ako ng tulong sa iba pa naming kasama sa tolda. Wala silang maitulong sa akin. … Nang mag-umaga na, inihanda ng ilang kalalakihan sa pangkat ang paglilibing sa bangkay. … Ibinalot nila siya sa kumot at inihilera kasama ang labintatlo pang namatay, at pagkatapos ay tinabunan nila siya ng niyebe. …

“Hindi ko kayang ilarawan ang naramdaman ko nang maiwan ako na isang balo na may tatlong anak, sa gayong kahirap na kalagayan. Hindi ko ito kakayanin. Ngunit naniniwala ako na isinulat ito ng Tagatalang Anghel sa mga talaan sa langit, at ang aking mga pagdurusa dahil sa Ebanghelyo ay magpapabanal sa akin para sa aking ikabubuti” (Leaves from the Life of Elizabeth Horrocks Jackson Kingsford [1908], 6–7; tingnan din sa history.lds.org).

  • Ayon kay Elizabeth ano ang maidudulot sa kanya ng kanyang pagdurusa dahil sa ebanghelyo? Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “magpapabanal sa akin para sa aking ikabubuti”? (Ang kanyang pagdurusa ay gagawing sagrado at banal para sa kanyang kapakinabangan.)

  • Ano ang mangyayari sa atin kung kailangan nating tiisin ang pagdurusa dahil sa ebanghelyo? (Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung titiisin natin ang pagdurusa dahil sa ebanghelyo, pababanalin tayo nito para sa ating ikabubuti. [Tingnan sa D at T 122:7; 2 Nephi 2:2.])

  • Bagama’t maaaring hindi ninyo maranasan ang nangyari kay Elizabeth Jackson, sa paanong paraan maaaring kailanganin ninyong magdusa dahil sa ebanghelyo? Paano kayo mapagpapala sa pamamagitan ng mga karanasang ito?

Ipaliwanag na ilang araw mula nang mamatay si Aaron Jackson, nagpatuloy sa paglalakbay ang Martin company ng mga 10 milya (halos 16 kilometro). Maraming tao ang namatay sa pagkakataong ito. Isang gabi sa bahaging ito ng paglalakbay, wala nang may sapat na lakas para magtayo ng mga tolda. Umupo si Elizabeth Jackson sa isang malaking bato kandong ang isang anak at tig-isang anak sa magkabilang tagiliran niya. Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang mag-umaga. Pinanghinaan ng loob si Elizabeth. Pagkatapos noong gabi ng Oktubre 27, may naranasan siya na nagbigay sa kanya ng pag-asa na masasagip sila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na kuwento, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang nalaman ni Elizabeth sa panaginip.

“Madaling makita na dahil sa gayong mahirap na kalagayan ay nawalan ako ng pag-asa. Anim o pitong libong milya ang layo ko mula sa aking bayang sinilangan, at nasa masukal, mabatong bayan, sa kalunus-lunos na kalagayan, sa lupang natatabunan ng niyebe, mga tubig na natatakpan ng yelo, kasama ang tatlong anak na naulila sa ama at halos walang anumang pangprotekta sa kanila mula sa malupit na unos. Nang matulog ako nang gabing iyon, ika-27 ng Okt., tumanggap ako ng kamangha-manghang paghahayag. Sa aking panaginip, nakatindig malapit sa akin ang aking asawa at nagsabi—‘Lakasan mo ang loob mo, Elizabeth, malapit na kayong masagip’” (Leaves from the Life of Elizabeth Horrocks Jackson Kingsford, 8; tingnan din sa history.lds.org).

Sabihin sa mga estudyante na nagkatotoo ang panaginip nang dumating ang mga tagasagip mula sa Salt Lake City sa Martin company kinabukasan.

Ipaliwanag na noong Oktubre 4, 1856, ilang linggo bago tumama sa mga handcart company ang maunos na taglamig, iniulat ng mga manlalakbay kay Pangulong Brigham Young na may mga pangkat pa ng mga pioneer na nasa kapatagan at daan-daang milya pa ang layo. Kinabukasan, sa Sunday service, binanggit ni Brigham Young ang pagsagip sa mga handcart pioneer na ito. Ipabasa sa isang estudyante ang mga sumusunod na bahagi ng kanyang mensahe. Sabihin sa klase na pakinggan ang alituntunin na itinuro ni Pangulong Young sa mga Banal. (Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag na ito upang makasabay sila sa pagbasa nang tahimik.)

Larawan
Pangulong Brigham Young

“Marami sa ating mga kapatid na lalaki at babae na may hila-hilang kariton ang nasa mga kapatagan, at marahil marami sa kanila ay mga 700 milya [mga 1,100 kilometro] ang layo mula sa lugar na ito, at dapat na sila’y madala rito, kailangang magpadala tayo ng tulong sa kanila. …

“Iyan ang aking relihiyon; iyan ang pag-uudyok ng Espiritu Santo na sumaakin. Iyan ay ang iligtas ang mga tao. … Ito ang kaligtasang hinahangad ko ngayon, ang iligtas ang ating mga kapatid na malamang na masawi, o magdusa nang labis, kung hindi natin sila papadalhan ng tulong.

“Tinatawagan ko ang mga Obispo sa araw na ito. Hindi na ako maghihintay pa ng bukas, o ni sa susunod na araw, para sa 60 malalakas na [buriko] at 12 o 15 bagon … [idagdag pa ninyo ang 12 tonelada ng harina at 40 magagaling na tagapagpaandar ng mga bagon, maliban pa sa mga yaong magpapatakbo sa mga hayop. …

“Sasabihin ko sa inyo na ang lahat ng inyong pananampalataya, relihiyon, at pagpapahayag ng relihiyon, ay hindi kailanman makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa sa inyo sa Kahariang Selestiyal ng ating Diyos, maliban kung isasagawa ninyo ang gayong mga alituntunin tulad ng itinuturo ko ngayon sa inyo. Humayo kayo at dalhin ang mga taong iyon na nasa mga kapatagan” (“Remarks,” Deseret News, Okt. 15, 1856, 252).

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Brigham Young sa mga Banal? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyaking nauunawaan nila na bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating tulungan ang mga nangangailangan.)

Ipaliwanag na maraming kalalakihan at kababaihan ang tumugon, at sa loob ng dalawang araw mula nang magsalita si Pangulong Young, umalis ang mga kalalakihan upang hanapin ang mga nandayuhan, sakay ng mga bagon na puno ng mga suplay.

  • Bakit sakripisyo para sa mga Banal sa Salt Lake Valley ang pagsagip na ito?

  • Ano ang ilang sakripisyo na magagawa natin para matulungan ang mga may pisikal na pangangailangan?

  • Ano ang ilang sakripisyo na magagawa natin para matulungan ang may mga espirituwal na pangangailangan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga karagdagang paraan na makatutulong tayo sa mga nangangailangan.

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Nagpapasalamat ako na ngayon ay wala ni isa sa ating mga tao ang nabalaho sa mga kabundukan ng Wyoming. Ngunit alam ko na sa paligid natin ay marami ang nangangailangan ng tulong at nararapat na mailigtas. Ang ating misyon sa buhay, bilang mga tagasunod ng Panginoong Jesucristo, ay dapat isang misyon ng pagliligtas. May mga walang tirahan, gutom, mga dukha. Kitang-kita ang kanilang kalagayan. Marami na tayong nagawa. Mas marami pa tayong magagawa para matulungan ang mga taong naghihikahos.

“Matutulungan natin ang mga taong nakalubog sa putik ng pornograpiya, matinding imoralidad, at pagkalulong sa droga. Marami ang nalululong kaya nawalan na sila ng kakayahang kontrolin ang sarili nilang kapalaran. Sila ay miserable at nasiraan na ng loob. Sila ay maaaring masagip at maligtas. …

“Hindi ang mga naroon sa kapatagan ng Wyoming ang kailangan nating pagmalasakitan ngayon. Iyon ay ang maraming nakapaligid sa atin, sa ating pamilya, sa ating mga ward at stake, sa ating mga kapitbahay at komunidad” (“Our Mission of Saving,” Ensign, Nob. 1991, 59).

  • Kailan kayo nakakita ng taong tumulong sa mga taong may espirituwal at pisikal na pangangailangan? Paano sila tumulong?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan at ipanalangin kung paano nila matutulungan ang isang tao. Maaari mo silang bigyan ng ilang minuto na maisulat ang mga naisip nila sa kanilang notebook o scripture study journal.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na pinagpapala tayo kapag tinitiis natin ang mga pagsubok nang may pananamapalataya, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay:

Noong 1856, sina Francis at Betsy Webster ay may sapat na pera para makapunta sa Utah sakay ng isang bagon, ngunit iniambag nila ang kanilang pera sa pondong tinipon para tulungan ang mga Banal na mandayuhan sa Utah (ang Perpetual Emigrating Fund). Dahil sa kanilang donasyon nagkaroon ng pagkakataong makapaglakbay ang siyam pang katao na gamit ang kariton. Malapit nang isilang ang anak nina Francis at Betsy nang maglakbay sila papuntang Salt Lake City kasama ang Martin handcart company at nakaranas din ng matinding hirap kasama ang buong pangkat.

Ilang taon kalaunan, habang nasa isang klase sa Sunday School si Brother Webster, napakinggan niya na binabatikos ng ilang miyembro ng Simbahan ang mga lider ng Simbahan dahil sa trahedyang nangyari sa handcart company. Dahil hindi na mapigilan ang sarili, tumayo siya at nagpatotoo sa mga pagpapala na makabilang sa Martin handcart company. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang patotoo ni Francis Webster, at sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang paraan na napagpala ang mga nagdusa sa mga handcart company.

“Ipinakikiusap kong itigil na ninyo ang pambabatikos na ito dahil pinag-uusapan ninyo ang isang bagay na wala kayong kaalam-alam. Walang kabuluhan dito ang mga simpleng impormasyon sa kasaysayan, dahil hindi nito maipapaliwanag nang husto ang sagot sa mga tanong tungkol dito. Mali ba ang payagang umalis ang handcart company nang panahong malapit nang magtaglamig? Oo. Pero kasama ako sa grupong iyon at naroon din ang asawa ko. … Hindi ninyo alam kung gaano ang hirap namin at maraming namatay sa pagkalantad sa klima at pagkagutom. Pero may narinig ba kayong batikos mula sa kahit sa isa man lang sa mga nakaligtas sa grupong iyon? …

“Lumingon ako nang maraming beses sa aking likuran upang tingnan kung sino ang tumutulak sa aking kariton, ngunit wala akong makitang sinuman. Noon ko nalaman na naroroon ang mga Anghel ng Diyos.

“Nagsisi ba ako dahil pinili kong pumarito sa pamamagitan ng kariton? Hindi. Hindi noon o sa anumang sandali sa buhay ko mula noon. Ang halagang ibinayad namin upang makilala ang Diyos ay isang pribilehiyong dapat bayaran, at nagpapasalamat ako sa pribilehiyong mapasama sa Martin Handcart Company” (sa William R. Palmer, “Pioneers of Southern Utah,” The Instructor, tomo 79, blg. 5 [Mayo 1944], 217–18).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa patotoo ni Francis Webster? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung matapat tayong magtitiis ng pagdurusa, makilala natin ang Diyos.)

  • Anong klaseng pag-uugali o asal ang nakita ninyo sa mga taong matapat na nagtitiis ng pagdurusa? Sa anong mga paraan ninyo nakilala ang Diyos sa mga pagsubok na naranasan ninyo?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo sa isa sa mga alituntunin na natutuhan nila sa lesson ngayon. Maaari mo ring idagdag ang sarili mong patoto.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Saan hahantong ang mga pagsubok at paghihirap?

Iniisip ang sakripisyo ng mga pioneer na mga Banal sa mga Huling Araw, sinabi ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Sa mga pagdurusa sa buhay, mukhang higit tayong nakikinig sa mahina at banal na mga bulong ng Dakilang Pastol.

“Sa bawat buhay ay may dumarating na masakit at nakapanghihina at paulit-ult na hirap at kasawian. Mukhang maraming dalamhati, kalungkutan, at madalas ay kasawian ang lahat, pati na ang mga taong taimtim na naghahangad na makagawa ng tama at maging tapat. Binanggit ni Apostol Pablo ang kanyang sariling mga hamon: ‘At nang ako’y huwag magpalalo ng labis … , binigyan ako ng isang tinik sa laman, ng isang sugo ni Satanas, upang ako’y tampalin’ [II Mga Taga Corinto 12:7].

“Ang mga tinik na nakakatusok, na tumutusok sa laman, na nakasasakit, ay madalas magpabago ng buhay na parang nawalan na ng kabuluhan at pag-asa. Dumarating ang pagbabagong ito sa pamamagitan ng pagpapalantay na kadalasa’y mukhang malupit at mahirap. Sa ganitong paraan magiging malambot na luwad ang kaluluwa sa mga kamay ng Guro sa pagtatatag ng buhay na may pananampalataya, may pakinabang, kagandahan, at lakas. Para sa ilan, ang apoy ng mangdadalisay ang sanhi ng pagkawala ng paniniwala at pananampalataya sa Diyos, pero ang mga [tao na] walang hanggan ang pananaw ay nauunawaan na ang gayong pagdalisay ay bahagi ng proseso upang maging perpekto. …

“… Ang mga pagsubok at kahirapan ay maaaring paghahanda sa muling pagsilang” (“Pinadadalisay sa Ating mga Pagsubok,” Liahona, Peb. 2006, 4).

Pananatiling tapat sa gitna ng mga pagsubok sa ilang

Batid ni Elder Neal A. Maxwell na ang paghihirap ay bahagi ng ating sariling paglalakbay sa mundo ngayon:

Larawan
Elder Neal A. Maxwell

“Kung tayo ay matapat darating ang araw na ang karapat-dapat na pioneer at ninuno, na makatwiran nating pinuri dahil nakayanan nila ang mga paghihirap sa kanilang paglalakbay, ay pupurihin ang matatapat ngayon dahil matagumpay silang nakatahak sa disyerto ng kawalang-pag-asa at nalampasan ang ilang na puno ng pagsubok, habang nananatiling nananampalataya” (If Thou Endure It Well [1996], 28).

Print