Seminaries and Institutes
Lesson 59: Doktrina at mga Tipan 53–55


Lesson 59

Doktrina at mga Tipan 53–55

Pambungad

Noong Hunyo 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 53–55. Ang mga paghahayag ay kinapapalooban ng mga tagubilin ng Panginoon para sa ilang miyembro ng Simbahan na nanirahan sa Ohio ngunit lilipat na ng Missouri. Sa mga paghahayag na ito, nangusap ang Panginoon kina Sidney Gilbert, Newel Knight, at William W. Phelps, at binigyan sila ng mga tagubilin tungkol sa mga gawain nila sa Simbahan at sa kanilang mga talento.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 53

Tinawag ng Panginoon si Sidney Gilbert na maging elder at inatasang sumama kay Joseph Smith papuntang Missouri

Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa isang estudyante na ituro sa kasama niya kung paano gawin ang isang bagay. Halimbawa, maaaring ituro ng estudyante kung paano magbuhol ng lubid, gumawa ng eroplanong papel, o magsayaw. (Kung maaari, maaga pa lang ay sabihin na sa estudyante na maghandang magturo ng bagay na sanay siyang gawin.)

  • Sa demonstrasyong ito, bakit mahalaga na sundin ng tinuturuan ang lahat ng instruksyon? Ano ang mangyayari kapag hindi niya ginawa ang ibang bahagi ng instruksyon?

Ipaalala sa mga estudyante na tumawag ang Panginoon ng mga missionary na pupunta sa Missouri (tingnan sa D at T 52). Ipaliwanag na nalaman ng isang bagong binyag na nagngangalang Sidney Gilbert na hindi siya nakasama sa listahan ng mga missionary na iyon. Nagpunta siya sa Propetang Joseph Smith at tinanong kung ano ang nais ng Panginoon na ipagawa sa kanya. Nagtanong si Joseph at tumanggap ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 53, na nagbibigay kay Sidney ng ilang panimulang hakbang sa tagubilin.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 53:1–5 at alamin ang mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon kay Sidney Gilbert. Hikayatin sila na markahan ang bawat tagubilin na natuklasan nila.

  • Anong mga tagubilin ang ibinigay ng Panginoon kay Sidney Gilbert? (Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, makatutulong na ipaliwanag na ang tungkulin ni Brother Gilbert na “maging isang kinatawan ng simbahan” ay ipinaliwanag nang mas kumpleto sa Doktrina at mga Tipan 57:6–10, 15.)

Ipaliwanag na tinukoy ng Panginoon ang listahang ito ng mga tagubilin bilang mga “unang ordenansa na … matatanggap [ni Sidney]” (D at T 53:6). Ang salitang ordenansa ay tumutukoy kung minsan sa patakaran o kautusan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 53:6 at sabihin sa klase na alamin kung kailan ibibigay ng Panginoon kay Sidney ang (“iba pa”) sa Kanyang mga tagubilin.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talata 6? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross-reference ang scripture passage na ito sa Doktrina at mga Tipan 52:4–5. Maaaring maalala ng mga estudyante na tinukoy nila ang sumusunod na alituntunin sa nakaraang lesson: Kapag matapat nating sinusunod ang mga tagubilin ng Diyos, higit pa Niyang ihahayag ang Kanyang kalooban sa atin.)

Doktrina at mga Tipan 54

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal mula sa Colesville na lisanin ang Thompson, Ohio, at lumipat sa Missouri

Ipaliwanag na noong Abril 1831, pinamunuan ni Newel Knight ang isang grupo ng mga Banal mula sa Colesville, New York, para makiisa sa mga Banal sa Ohio. Noong Mayo, tinagubilinan ni Propetang Joseph Smith si Bishop Edward Partridge na patirahin ang mga Banal na iyon sa lupain sa Thompson, Ohio, na dating ipinakipagtipan (o ipinangako) ni Leman Copley na ibibigay para sa layuning iyon. Nagtanim sila roon at sinimulan ang iba pang dapat ayusin sa lupain. Ngunit kahit nagtulungan silang ayusin at pagandahin ang lupain, nagsimula na silang kakitaan ng pagiging makasarili at sakim. Lalong lumala ang kanilang sitwasyon nang bumalik mula sa kanyang misyon sa mga Shaker si Leman Copley at nagsimulang magduda sa kanyang pananampalataya (tingnan sa D at T 49 at lesson 56). Tinalikuran niya ang kanyang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at inutos niya sa mga Banal na umalis sa lupain. Siningil din niya sila ng 60 dolyar. Dahil sinira ni Leman ang kanyang pangako, wala nang matitirhan ang mga Banal na ito. Si Newel Knight at ang iba pa ay nagtanong sa Propeta kung ano ang dapat gawin. (Tingnan sa Documents, Volume 1: June 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 334–335.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 54:1–3 at sabihin sa klase na alamin ang kailangang gawin ng mga Banal para mas bumuti ang kanilang sitwasyon.

  • Sa inyong palagay, bakit makatutulong sa mga Banal na ito ang pagsisisi at pagpapakumbaba?

Ipaliwanag na hindi nalulugod ang Panginoon sa mga Banal sa Thompson na hindi tumutupad sa kanilang mga tipan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 54:4–5 at alamin ang mga salita at parirala na ginamit ng Panginoon upang ilarawan ang nangyayari kapag hindi tinupad ang tipan.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang tipan ay “walang halaga at walang bisa”? Anong mga pagpapala ang nawawala sa atin kapag hindi natin tinutupad ang ating mga tipan?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 54:6 at alamin ang pagpapalang natatanggap natin kapag tayo ay tumutupad sa ating mga tipan at sumusunod sa mga kautusan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring iba-iba ang gamiting mga salita ng mga estudyante, ngunit kailangang maipahayag sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kung tutuparin natin ang ating mga tipan at susundin ang mga kautusan ng Panginoon, tayo ay magtatamo ng awa. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.

  • Kailan ninyo nakita na kinaawaan ng Panginoon ang mga taong tinutupad ang kanilang mga tipan sa Kanya?

Hikayatin ang mga estudyante na tuparin ang mga tipan na ginawa nila sa binyag at sundin ang mga kautusan upang magtamo sila ng awa mula sa Panginoon.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 54:7–9 na ipinapaliwanag na matapos mawala sa mga Banal na ito ang kanilang mga tahanan sa lupain ni Leman Copley, iniutos sa kanila ng Panginoon na maglakbay patungong Missouri. Kailangan nilang magtalaga ng taong magbabayad ng gastusin sa paglalakbay. Sinabi ng Panginoon na kapag nakarating na sila sa Missouri, sila ay maghahanap ng ikabubuhay hanggang sa makapaghanda ang Panginoon ng lugar para sa kanila.

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman kung ano ang gusto ng Panginoon na itugon ng mga Banal na ito sa kanilang mga pagsubok, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 54:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal na ito.

  • Sa inyong karanasan, ano ang ilang pagpapalang natatanggap natin kapag tayo ay “mapagtiis sa pagdurusa”?

  • Sino ang sinabi ng Panginoon na “makasusumpong ng kapahingahan sa kanilang mga kaluluwa”? (Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong na ito gamit ang pangungusap na may “sanhi at epekto.” Sa pagsagot nila ng tanong na ito, isulat sa pisara ang alituntuning ito: Kung hahanapin natin nang maaga ang Panginoon, makasusumpong tayo ng kapahingahan sa ating mga kaluluwa.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng makasumpong ng kapahingahan sa ating mga kaluluwa basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Per G. Malm ng Pitumpu:

Elder Per G. Malm

“Kabilang sa kapahingahan ng ating kaluluwa ang kapayapaan ng puso’t isipan, na mga bunga ng pag-aaral at pagsunod sa doktrina ni Cristo” (“Kapahingahan ng Inyong mga Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 101).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano hanapin nang maaga ang Panginoon, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng hanapin nang maaga ang Panginoon? (Maaaring kasama sa mga sagot na ang ibig sabihin nito ay hanapin Siya nang maaga sa ating buhay, hanapin Siya araw-araw, at hingin ang Kanyang tulong bago pa man dumating ang mga pagsubok sa ating buhay.)

  • Sa inyong palagay, bakit nakatatamo tayo ng kapahingahan sa ating mga kaluluwa kapag hinahanap natin nang maaga ang Panginoon?

  • Paano naiiba ang paghahanap nang maaga sa Panginoon bago dumating ang pagsubok sa paghahanap sa kanya sa oras na mismo ng pagsubok?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o gawin itong handout at ibigay sa kanila:

  • Sa anong mga paraan ninyo mahahanap nang maaga ang Panginoon, bago dumating ang anumang mga pagsubok?

  • Ano ang magagawa ninyo para mahanap nang maaga ang Panginoon bawat araw?

  • Ano ang magagawa ninyo para mahanap ang Panginoon ngayon, habang mga bata pa kayo?

Matapos ang sapat na oras na makapagsulat ang mga estudyante, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang kanilang mga isinulat.

Doktrina at mga Tipan 55

Tinawag ng Panginoon si William W. Phelps para tumulong sa pagsusulat at pagpapalimbag ng mga materyal ng Simbahan

Maaga pa lang, sabihin sa isang estudyante na maghandang magpakita ng kanyang talento o kahusayan. Tiyakin na kaaya-aya sa presensya ng Espiritu ang itatanghal ng estudyante. O sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang ilan sa mga talento at kahusayan na nakita nila sa isa’t isa. Pagkatapos ay tawagin sa kanyang pangalan ang isang estudyante at itanong ang mga sumusunod:

  • Sa palagay mo, bakit naiiba ang iyong mga talento at kahusayan sa mga talento at kahusayan ng mga kaklase mo?

  • Sa palagay mo, bakit binigyan ka ng mga talento at kahusayang iyon?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 55 at alamin ang isa sa mga bagay na mahusay si William W. Phelps. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na bumili si William W. Phelps ng kopya ng Aklat ni Mormon dalawang linggo matapos itong simulang ipagbili. Humantong ito sa kanyang pagbabalik-loob. Sinabi niya kalaunan, “Bagama’t ang katawan ko ay hindi nabinyagan sa simbahang ito hanggang noong … Hunyo, 1831, gayon pa man naroon ang puso ko simula nang mabasa ko ang Aklat ni Mormon” (sa Documents, Volume 1: June 1828–June 1831, 337). Noong Hunyo 14, 1831, pagkarating ni Brother Phelps sa Kirtland, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 55.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 55:4 at sabihin sa klase na alamin ang isa pang taglay na talento ni William W. Phelps. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 55:5 at sabihin sa klase na alamin ang lugar kung saan inatasang gawin ni Brother Phelps ang pagsusulat at paglilimbag. (Tinagubilinan siya ng Panginoon na maglakabay kasama nina Joseph Smith at Sidney Rigdon patungo sa Missouri.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Magagamit ng Diyos ang ating mga talento, kahusayan, at kakayahan upang pagpalain ang Kanyang mga anak.

  • Sa anong paraan ninyo nakita na ginagamit ng Diyos ang mga talento at kakayahan ng mga tao para pagpalain ang Kanyang mga anak?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang talento o kakayahan nila at paano nila magagamit ang kakayahang iyan para tulungan ang iba at isulong ang gawain ng Panginoon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya.

Tapusin ang lesson na ito na tinutukoy ang mga doktrina at alituntuning nakasulat sa pisara. Tawagin ang ilang estudyante para pumili ng isang katotohanan at ibahagi kung bakit mahalaga ito sa kanila at ano ang gusto nilang gawin upang maiangkop ito nang mas lubos sa kanilang buhay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 55. Mga kontribusyon ni William W. Phelps sa Simbahan

Itinayo ni William W. Phelps ang unang palimbagan para sa Simbahan sa Missouri. Inilathala niya ang unang pahayagan ng Simbahan, ang Evening and the Morning Star. Tumulong siya sa pagtatala, paghahanda, at paglalathala ng mga paghahayag sa Aklat ng mga Kautusan noong 1833 at kalaunan sa 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Tumulong siya sa paghahanda ng unang himnaryo ng Simbahan at isinulat ang mga salita sa ilang himno, kabilang na ang “Espiritu ng Diyos,” na kinanta sa paglalaan ng Kirtland Temple. Nagbigay siya ng 500 dolyar para makumpleto ang templong iyon.

Doktrina at mga Tipan 55:6. Mga kontribusyon ni Joseph Coe sa Simbahan

Si Joseph Coe, na kabilang sa mga unang convert sa Simbahan sa New York, ay dumating sa Kirtland noong 1831. Naglakbay siya papuntang Missouri kasama sina Joseph Smith at Sidney Rigdon, at umalis ng Kirtland noong Hunyo 19, 1831. Kalaunan, muli sa Kirtland, nahirang siyang maging pangkalahatang kinatawan ng Simbahan. Pinangasiwaan niya ang mga pagbili ng lupain noong 1833, kabilang na ang 103 acre ng sakahang pag-aari ni Peter French, kung saan itinayo ang Kirtland Temple. Siya ay tinawag sa Kirtland high council noong Pebrero 1834. Noong Hulyo 1835, tumulong siya sa pagbili ng mga mummy at mga papyrus mula sa Egipto, na humantong sa paglabas ni Joseph Smith ng aklat ni Abraham.