Seminaries and Institutes
Lesson 54: Doktrina at mga Tipan 46


Lesson 54

Doktrina at mga Tipan 46

Pambungad

Noong Marso ng 1831, halos isang taon matapos maorganisa ang Simbahan, ipinaalala ng Panginoon sa mga Banal na ang mga pulong ng Simbahan ay dapat pangasiwaaan nang may gabay ng Espiritu Santo. Sa paghahayag ding iyon, binigyang-diin Niya na ang mga hindi miyembro ng Simbahan ay hindi dapat itaboy sa mga pulong ng Simbahan. Maliban pa sa pagsasabi na hindi dapat bawalan ang mga hindi miyembro na dumalo sa mga pulong ng Simbahan, itinuro rin ng Panginoon ang tungkol sa mga kaloob ng Espiritu.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 46:1–6

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa kanilang mga pulong sa Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay sila ang mamamahala sa pagpaplano ng sacrament meeting.

  • Paano ninyo malalaman kung ano ang isasama sa pulong? Paano ninyo pipiliin ang musika at ang mga magbibigay ng mensahe?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 46:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tagubilin na ibinigay ng Panginoon tungkol sa kung paano dapat pangasiwaan ang mga pulong sa Simbahan. Maaari mong ipaliwanag na kasama sa responsibilidad na mangasiwa ng mga pulong ay ang responsibilidad na paghandaan ang mga ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring iba-iba ang sagot nila, ngunit dapat na maipahayag nila ang sumusunod na alituntunin: Ang mga lider ng Simbahan ay dapat magabayan ng Espiritu Santo sa kanilang pangangasiwa sa mga pulong.

  • Kailan ninyo nadama na ginagabayan ng Espiritu Santo ang mga lider sa pulong?

  • Paano maanyayahan ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa mga pulong ng Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang paraan na mapagbubuti nila ang kanilang partisipasyon sa mga pulong ng Simbahan.

Isulat sa pisara ang sumusunod: Visitors Welcome. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga lugar kung saan nakita nilang nakalagay ang pariralang ito. Itanong kung nakita nila ito sa labas ng mga meetinghouse ng Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa gamit ang kanilang banal na kasulatan at alamin kung sino ang tinanggap ng mga naunang Banal sa kanilang mga pulong. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 46:3–6 at alamin ang mga pariralang nagtuwid sa gawaing ito noon.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa nais ng Panginoon na paraan ng pakikitungo natin sa iba? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Iniutos sa atin ng Panginoon na tanggapin natin ang lahat ng tao sa ating mga pangkalahatang pulong.)

  • Paano natin matutulungan ang iba na malaman nila na sila ay malugod na tinatanggap sa mga pulong natin sa Simbahan?

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa nila sa katotohanang ito, ibahagi ang sumusunod na halimbawa:

Isang dalagitang miyembro ng Simbahan ang bumisita sa bagong ward kasama ng kanyang pamilya sa unang pagkakataon. Pagkatapos ng sacrament meeting, binati ng isang miyembro ng ward ang pamilya at ipinakita sa kanila kung saan pupunta para sa Sunday School. Dinala niya ang dalagita sa klase at ipinakilala sa titser. Binati siya sandali ng mga kabataan sa klase at pagkatapos ay nagkuwentuhan muli nang sila-sila lang, at hindi na siya pinansin.

Hikayatin ang mga estudyante na batiin ang mga dumadalo sa mga pulong, klase, at aktibidad ng Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 46:7–33

Ipinaliwanag ng Panginoon ang mga layunin ng mga kaloob ng Espiritu

Ipaalala sa mga estudyante na noong Pebrero 1831, sumama si Joseph Smith sa mga Banal sa Kirtland (tingnan sa lesson 50 sa manwal na ito). Pagdating niya roon, nalaman niya na may mga ginagawa nang mali ang mga miyembrong ito ng Simbahan. Ang isang maling ginagawa nila ay ang hindi pagtutulot sa mga tao na dumalo sa mga pulong ng Simbahan, tulad ng ipinaliwanag kanina sa lesson na ito. Ang isa pang maling ginagawa nila ay ang kakaibang kilos ng ilang miyembro na dumadalo sa mga pulong ng Simbahan. Sinasabi nila na kumikilos sila nang ganoon dahil sa inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Naniwala sa kanila ang ilang miyembro, at ang pakiramdam naman ng iba ay hindi mula sa Diyos ang inaasal nila. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 46, nagturo ang Panginoon ng mga alituntuning tutulong sa mga Banal para huwag silang malinlang at tutulong sa kanila na maunawaan ang mga totoong kaloob ng Espiritu.

  • Ano ang ibig sabihin ng malinlang? (Ang mailigaw o mapaniwala sa isang bagay na hindi totoo.) May naiisip ba kayong isang pagkakataon na nalinlang kayo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 46:7–8 at alamin ang ipinayo ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tao para hindi sila malinlang. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa pag-iwas na malinlang? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang isang paraan para hindi malinlang ay sundin ang mga paggabay ng Espiritu Santo nang buong kabanalan.)

  • Ayon sa talata 8, ano ang dapat nating masigasig na hinahanap? (Ang mga pinakamahusay o pinakamainam na kaloob.)

Isulat sa pisara ang sumusunod: Kung masigasig nating hahanapin ang pinakamainam na mga kaloob, …

Sa pakikibahagi ng mga estudyante sa sumusunod na aktibidad, sabihin sa kanila na alamin ang mga pagpapalang darating kapag hinanap nila ang mga kaloob ng Espiritu. Maaari mong ipaliwanag na ang mga kaloob ng Espiritu ay “mga pagpapala o kakayahang ibinigay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ibinibigay ng Diyos ang kahit isa man lang sa mga kaloob na ito sa bawat tapat na miyembro ng Simbahan” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 83).

Bago magklase, isulat ang mga numero mula 13 hanggang 25 at 27 sa isang pirasong papel nang hindi magkakasunud-sunod. Pagkatapos ay gupitin ang papel sa labing-apat na piraso ng puzzle, na may numero sa bawat piraso ng puzzle.

Ipamahagi ang mga piraso ng puzzle sa mga estudyante. Depende sa dami ng mga estudyante sa klase, maaari mong bigyan ng tig-iisang piraso ng puzzle ang maliliit na grupo o bigyan ng higit sa isang piraso ng puzzle ang bawat estudyante. Sabihin sa klase na magtulungan sa pagbuo ng puzzle.

  • Sa pagbuo ng puzzle, bakit mahalaga ang bawat piraso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 46:8–12, 26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang layunin ng mga kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos.

  • Saan dapat gamitin ang mga kaloob ng Espiritu? (“Para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos.”)

  • Ayon sa talata 9, kanino ibinibigay ang mga kaloob ng Espiritu? (Sa mga nagmamahal sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga kautusan at sa mga “naghahangad na gumawa nito.”)

  • Ayon sa talata 11, ilan sa atin ang nabigyan ng kaloob ng Espiritu?

  • Batay sa natutuhan ninyo sa mga talatang ito, paano ninyo kukumpletuhin ang pangungusap sa pisara? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat maipahayag sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kung masigasig nating hahanapin ang pinakamainam na mga kaloob, ibibigay sa atin ng Diyos ang mga ito para sa kapakinabangan ng iba. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa kanilang banal na kasulatan na nagtuturo ng katotohanang ito.)

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa puzzle na binuo nila. Ipaalala sa kanila ang kahalagahan ng bawat piraso sa puzzle.

  • Bakit mahalaga ang bawat miyembro sa Simbahan ng Panginoon? (Bawat isa ay may kaloob na mapapakinabangan ng iba.)

Paghiwa-hiwalayin ang puzzle at ibigay muli sa mga estudyante ang mga piraso. Ipaliwanag na ang mga numero sa mga piraso ay tumutukoy sa mga talata sa Doktrina at mga Tipan 46 at bawat isa sa mga talatang ito ay nagbabanggit ng kaloob ng Espiritu. Ipabasa nang malakas sa mga estudyante ang mga talatang tumutugma sa mga numerong ibinigay sa kanila.

Matapos basahin ang bawat talata, sabihin sa mga estudyante na magbigay ng sitwasyon kung saan mapakikinabangan ng mga anak ng Diyos ang kaloob na iyon. Maaaring mahirapang maunawaan ng mga estudyante ang ilan sa mga kaloob. Ang sumusunod na paliwanag sa ilan sa mga kaloob ay maaaring makatulong sa iyo sa paggabay sa kanilang talakayan:

Ang kaloob na malaman ang pagkakaiba-iba ng pangangasiwa ay karaniwang taglay ng mga lider na nakikita kung paano makatutulong ang mga kaloob ng iba sa iba’t ibang katungkulan sa paglilingkod.

Ang kaloob na malaman ang pagkakaiba ng mga pamamalakad ay makikita sa kakayahan ng isang tao na makita ang pagkakaiba ng tunay na mga kaloob o pamamatnubay ng Espiritu Santo at ng mga mapanlinlang na espiritu, doktrina, o mga kautusan.

Ang kaloob na salita ng karunungan ay hindi tumutukoy sa utos na kilala bilang Word of Wisdom. Sa halip, ito ay tumutukoy sa mga pagpapala ng karunungan na dumarating sa mga “humi[hi]ngi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat” (Santiago 1:5).

Ang kaloob na pagkilala ng mga espiritu ay nagtutulot sa tao na mahiwatigan o maunawaan ang totoong intensyon at tagong mga layunin ng ibang tao. Ang kaloob na ito ay tumutulong sa isang tao na matuklasan ang mga itinatagong kasamaan at makita ang mabuti sa iba.

Ang kaloob na makapagsalita ng mga wika at ang kaloob na pagpapakahulugan sa mga wika ay karaniwang makikita sa mga missionary na may kakayahang matutuhan at maintindihan nang mabilis ang mga wika. Ang mga kaloob na ito ay makatutulong din sa mga tao na kinakailangang matutuhan ang isang wika at maituro ang ebanghelyo.

  • Bakit kailangan nating hanapin ang mga espirituwal na kaloob? Ano sa palagay ninyo ang magagawa natin para mahanap ang mga ito? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na makapaghahayag ang Panginoon ng mga espirituwal na kaloob sa pamamagitan ng patriarchal blessing o iba pang mga basbas ng priesthood.)

  • Kailan kayo nakakita ng taong tumanggap ng espirituwal na kaloob para matulungan ang iba?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 46:30–33 nang kani-kanya at tukuyin ang apat na bagay na dapat gawin kapag ginamit natin ang ating mga espirituwal na kaloob. (Maaaring kabilang sa mga sagot na dapat nating hilinging magawa ang kalooban ng Diyos, kumilos sa pangalan ni Jesucristo, magpasalamat para sa mga pagpapalang natatanggap natin, at gumawa ng kabutihan at kabanalan.)

Magpasalamat para sa mga kaloob ng Espiritu at sa impluwensya nito sa iyong buhay. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na gawin din iyon. Patotohanan na nais ng Panginoon na malaman ng lahat ng tao na malugod silang tinatanggap at kailangan sila sa Kanyang Simbahan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 46:4. Malugod na pagtanggap sa lahat ng tao sa mga pulong ng Simbahan

Itinuro ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder L. Tom Perry

“Hindi pinaaalis ng ating komunidad ng mga Banal ang mga taong nais makihalubilo sa atin bagkus tinatanggap natin ang sinumang nais makihalubilo sa Simbahan, na itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Jesucristo mismo ang pangulong batong panulok. Ito ay bukas para sa ating lahat na nagmamahal, nagpapahalaga, at may awa para sa mga anak ng ating Ama sa Langit” (“Building a Community of Saints,” Ensign, Mayo 2001, 37).

Doktrina at mga Tipan 46:11–12. “Sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob”

Itinuro ni Elder Orson Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Orson Pratt

“Tuwing mananahanan ang Espiritu Santo sa isang tao, hindi lamang nito nililinis, pinababanal, at dinadalisay ang tao, ayon sa pagpapasakop niya sa impluwensya nito, kundi ibinabahagi rin sa kanya ang ilang kaloob, para sa kapakinabangan niya at ng iba. Walang sinumang tao na isinilang sa Espiritu, at nananatiling lubos na tapat, ang walang espirituwal na kaloob. …

“Hindi lahat ng mga kaloob na ito ay natatanggap ng bawat miyembro; ngunit ang mga ito ay ibinabaha-bahagi sa buong katawan [ng Simbahan], alinsunod sa kalooban at karunungan ng Espiritu. … Maaaring sa iilan ay ipinagkaloob ang lahat ng ito, upang maunawaan ang lahat, at maging handa na tuklasin ang anumang huwad na mga kaloob, at mamuno sa buong katawan ng Simbahan, upang ang lahat ay makinabang. Ang mga espirituwal na kaloob na ito ay ibinibigay sa mga miyembro ng Simbahan, batay sa kanilang katapatan, sitwasyon, likas na kakayahan, mga responsibilidad, at mga tungkulin; upang ang lahat ay maturuan nang maayos, mapagtibay, maging sakdal, at maligtas” (Masterful Discourses and Writings of Orson Pratt, comp. N. B. Lundwall [1946], 539–41). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 100.)

Doktrina at mga Tipan 46:11. Maraming kaloob ng Espiritu

Ang mga espirituwal na kaloob ay nakalista sa Doktrina at mga Tipan 46 at pati rin sa I Mga Taga Corinto 12:1–13 at Moroni 10:8–18. Ngunit hindi lamang ito ang mga espirituwal na kaloob na matatanggap natin. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang mga espirituwal na kaloob ay walang katapusan sa bilang at walang hanggan sa iba’t ibang kaparaanan. Ang mga nakasulat na ito sa inihayag na salita ay paglalarawan lamang ng walang katapusang pagbuhos ng biyaya ng langit na ibinibigay ng isang mapagmahal na Diyos sa mga nagmamahal at naglilingkod sa kanya” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 371).

Doktrina at mga Tipan 46:12. “Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba”

Sinabi ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Marvin J. Ashton

“Hayaan ninyong banggitin ko ang ilang kaloob na hindi laging nakikita o napapansin ngunit napakahalaga. …

“… Ang kaloob na humiling; kaloob na makinig; kaloob na makarinig at gumamit ng marahan at banayad na tinig; kaloob na manangis; kaloob na umiwas na makipagtalo; kaloob na maging kalugud-lugod; kaloob na umiwas sa walang kabuluhang paulit-ulit; kaloob na hangarin ang yaong matwid; kaloob na huwag manghusga; kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay-nilay; kaloob na mag-alay ng panalangin; kaloob na magbigay ng malakas na patotoo; at kaloob na tumanggap ng Espiritu Santo” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).