Seminaries and Institutes
Lesson 143: Doktrina at mga Tipan 134


Lesson 143

Doktrina at mga Tipan 134

Pambungad

Noong Agosto 17, 1835, isang pangkalahatang pagtitipon ng Simbahan ang naganap sa Kirtland, Ohio, upang pag-usapan ang mga iminungkahing nilalaman ng unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Dahil dinalaw ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal sa Michigan, si Oliver Cowdery ang nangulo sa pagtitipon. Sa pulong, nagkaisang sinang-ayunan ng mga Banal na isama ang pahayag ni Oliver Cowdery hinggil sa mga paniniwala ng Simbahan tungkol sa pamahalaan at mga batas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 134:1–4

Ang mga responsibilidad ng mga pamahalaan ay inilahad

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay magtatatag sila ng bagong bansa. Magtalaga ng isang estudyante na magiging lider ng bagong pamahalaang ito. Sabihin sa estudyanteng iyon na dalhin ang kanyang banal na kasulatan sa harapan ng klase. Itanong sa estudyanteng lider ang sumusunod:

  • Anong mga batas ang ipapatupad mo na gusto mong sundin ng mga tao sa bagong bansang ito? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng estudyante.)

Itanong sa klase:

  • Ano ang masasabi ninyo sa mga batas na itinatag ng inyong lider? May balak ba kayong sundin ang mga batas na ito?

  • Ano sa palagay ninyo ang layunin ng isang pamahalaan?

Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 134 ang dokumento na naghahayag ng mga paniniwala ng Simbahan hinggil sa mga pamahalaan at mga batas. Noong Agosto 17, 1835, habang ginagawa ang mga huling paghahanda sa pagpapalimbag ng unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan, pinamunuan ni Oliver Cowdery ang pangkalahatang pagtitipon ng mga miyembro ng Simbahan. Inilahad niya ang dokumento, at nagkaisa sa pagboto ang mga dumalong miyembro na isama ito sa aklat. Sina Joseph Smith at Frederick G. Williams, ang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay wala sa pulong na ito. Kasalukuyan nilang ipinangangaral ang ebanghelyo sa estado ng Michigan. Nang bumalik sila, pinayagan ni Joseph Smith na maisama ang dokumento sa Doktrina at mga Tipan.

Ipabasa nang malakas sa estudyanteng lider ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 134. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit nadama ng mga Banal na kailangang ilathala ang pahayag. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 134:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na alamin kung sino ang nagpasimula ng ideya tungkol sa mga pamahalaan at ang pangunahing layunin ng mga pamahalaan. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin ang pananagutang ibinigay ng Diyos sa mga opisyal ng pamahalaan. Sabihin sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila. Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan, isulat ang mga ito sa pisara:

Ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao.

Ang mga opisyal ng pamahalaan ay may pananagutan sa Diyos na kumilos para sa kabutihan at kaligtasan ng lipunan.

  • Sa anong mga paraan kumikilos ang pamahalaan para sa kabutihan at kaligtasan ng lipunan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 134:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tatlong karapatan na dapat pangalagaan ng mga pamahalaan para sa bawat tao. Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang mga salitang hindi malalabag ay nangangahulugang ligtas, o hindi maaaring suwayin.

  • Ayon sa talata 2, ano ang mga karapatang dapat tiyaking maibigay ng pamahalaan sa mga mamamayan nito? (“Ang malayang paggamit ng budhi, ang karapatan at pamamahala ng ari-arian, at ang pangangalaga ng buhay.” Maaari mong sabihin sa iyong mga estudyante na sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson na ang “buhay, kalayaan, [at] ari-arian [ay] ang tatlong pinakamahahalagang karapatan ng sangkatauhan” [“Our Divine Constitution,” Ensign, Nob. 1987, 4].)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng paggamit ng budhi? Bakit mahalagang maging malaya na gamitin ang inyong budhi?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 134:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isa pang karapatan na dapat pangalagaan ng mga pamahalaan. (Bago magbasa ang estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang masunurin ay pagkakaroon ng pananagutan at ang pambayang hukom ay opisyal ng pamahalaan na nangangasiwa ng batas.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa mga tao na managot sa Diyos, hindi sa mga pamahalaan, sa pamumuhay nila ng kanilang relihiyon?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sugpuin ang krimen at parusahan ang mga nagkasala nang hindi kinokontrol o sinasawata ang kalayaan ng kaluluwa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 134:3. Sabihin sa klase na alamin ang isang bagay na magagawa ng mga mamamayan ng ilang bansa upang matiyak na susuportahan ng mga lider ng pamahalaan ang batas. (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talata, maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang republika ay isang pamahalaan kung saan bumoboto ang mga tao ng gusto nilang maging mga lider na kakatawan sa kanila at ang pinakamataas na pinuno ay ang pinakamataas na lider, tulad ng isang hari o reyna.)

  • Paano pinipili at sinusuportahan ng “tinig ng mga tao” ang mabubuting lider? (Kung kinakailangan, ipaliwanag mo na ang pariralang “tinig ng mga tao” ay tumutukoy sa pagboto sa mga gustong maging lider.)

Balikan ang estudyante na itinalaga mong maging lider ng bagong bansa sa simula ng klase. Sabihin sa klase na magmungkahi pa ng mga estudyante na tutulong sa lider na ito. Pagkatapos ay magdaos ng botohan para makapili ang klase ng dalawa sa mga estudyanteng iminungkahi. Sabihin sa mga bagong lider na ito na dalhin ang kanilang mga banal na kasulatan at samahan ang unang lider (ang itinalaga mo kanina) sa harapan ng klase. Sabihin sa tatlong lider na ito na ipaliwanag kung ano na ang natutuhan nila tungkol sa kanilang responsibilidad bilang mga lider ng pamahalaan.

Doktrina at mga Tipan 134:5–6, 8

Ang mga responsibilidad ng mga mamamayan ay inilahad

Sabihin sa tatlong estudyanteng lider na ilista ang ilang responsibilidad na dapat mayroon ang mga mamamayan sa kanilang bagong bansa. Ipalista sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ano ang masasabi ninyo sa listahang ito ng mga responsibilidad? Paano ninyo babaguhin ang listahang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 134:5–6. Sabihin sa klase na alamin ang mga responsibilidad ng mga mamamayan. (Habang nagbabasa ang estudyante, maaari mo siyang pahintuin paminsan-minsan para maipaliwanag mo ang kahulugan ng mga sumusunod na salita: ang hindi maikakait ay tumutukoy sa isang bagay na hindi makukuha; ang panunulsol ay tumutukoy sa paghihimagsik laban sa mga lider ng pamahalaan; ang ibig sabihin ng magpitagan ay sumunod o magpasakop; ang kahulugan ng mahahalinhan ay mapalitan; ang ibig sabihin ng kaguluhang pambansa ay kawalan ng batas na sinusunod—kawalan ng mga patakaran at pamahalaan o rebelyon laban sa mga patakaran at pamahalaan.)

  • Ayon sa mga talata 5–6, ano ang responsibilidad natin sa ating pamahalaan? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang katulad ng sumusunod na katotohanan: Kailangan nating sang-ayunan at suportahan ang pamahalaan kung saan tayo naninirahan. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa pisara. Ipaliwanag na ipinapalagay sa alituntuning ito na pinapanatili ng ating pamahalaan ang mga batas na nangangalaga sa ating “likas at hindi maikakait na mga karapatan.”)

  • Anong saligan ng pananampalataya ang nagpapaalala sa inyo ng alituntuning ito? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin o bigkasin ang panlabindalawang saligan ng pananampalataya.)

  • Bilang mamamayan, paano natin masusuportahan at masusunod ang pamahalaan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumunod sa mga batas, hikayatin ang iba na sumunod, maglingkod sa komunidad, magpakita ng paggalang sa mga opisyal ng pamahalaan, at bumoto.)

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isa pang katotohanan tungkol sa pagsunod sa mga pamahalaan at mga batas, itanong ang sumusunod:

  • Ayon sa talata 6, ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa ating pagsunod sa mga batas ng Diyos at ng tao? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Nais ng Diyos na igalang at sundin natin ang mga batas ng Diyos at ng tao.)

Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang naunang tanong, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano natin dapat ituring ang batas ng lupain kapag salungat ito sa ating mga paniniwala:

Elder James E. Talmage

“Kung may pagkakaiba sa mga kailangang gawin batay sa ipinahayag na salita ng Diyos, at ang mga ipinapatupad ng batas ng lupain, alin sa mga awtoridad na ito ang dapat sundin ng mga miyembro ng Simbahan? …

“Patungkol sa ipinapahayag ng [Diyos] na pagpabor sa kalayaan sa relihiyon, tungkulin ng mga banal na sumunod sa mga batas ng kanilang bansa. Gayunpaman, dapat nilang gamitin ang lahat ng angkop na pamamaraan, bilang mga mamamayan o nasasakupan ng kanilang mga pamahalaan, na tiyaking sila at ang lahat ng tao ay malayang nagagawa ang aktibidad na pangrelihiyon. Hindi hinihingi sa kanila na tiisin nang hindi nagpoprotesta ang ipinapatupad ng mga mang-uusig na walang kinikilalang batas, o nagpapatupad ng hindi makatarungang mga batas; ngunit ang kanilang mga protesta ay dapat gawin sa legal at angkop na paraan. Naipakita na ng mga banal ang pagtanggap sa doktrina na mas makabubuti pang tiisin na lamang ang kasamaan kaysa gumawa ng masama laban sa hindi makatarungang awtoridad” (The Articles of Faith, 12th ed. [1924], 422, 423]).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga taong kilala nila na sumusunod sa mga alituntuning ito na pagsuporta at pagsunod sa kanilang pamahalaan at sa batas. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano sinusunod ng mga mamamayang ito ang kanilang pamahalaan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na gagawin nila mismo para masuportahan at masunod ang pamahalaan at ang batas.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 134:8 na ipinapaliwanag na responsibilidad ng mga pamahalaan na parusahan ang mga gumagawa ng krimen at ang mga mamamayan ay may responsibilidad na tumulong “sa pagdadala ng mga nagkakasala laban sa mabubuting batas sa kaparusahan.”

Doktrina at mga Tipan 134:7, 9–10, 12

Ang pagkakaugnay ng relihiyon at pamahalaan ay inilarawan

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 134:7, 9–10, 12 na ipinapaliwanag na isinulat ni Oliver Cowdery na dapat gumawa ang mga pamahalaan ng mga batas na poprotekta sa mga gawaing pangrelihiyon nang walang pinapaborang relihiyon. Bukod riyan, isinulat niya na may karapatan ang mga relihiyon na parusahan ang kanilang mga lumalabag na miyembro sa pamamagitan ng pagtiwalag sa kanila o pag-disfellowship sa kanila ngunit ang mga lipunang iyon ay walang karapatan na husgahan o kuhanan ang mga miyembrong iyon ng kanilang mga ari-arian o saktan sila.

Doktrina at mga Tipan 134:11

Ang karapatang umapela sa pamahalaan ay ipinaliwanag

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 134:11 na ipinapaliwanag na ayon sa talatang ito, ang mga mamamayan ay dapat tulutang hingin sa kanilang pamahalaan ang “[pagwa]wasto” kung ginawan sila ng mali. Kabilang din sa talatang ito ang paghahayag na ang mga mamamayan ay mabibigyang-katwiran sa pagtatanggol ng kanilang mga sarili at ng iba pa kapag may matinding pangangailangan at walang maitutulong ang pamahalaan.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ipinagpapasalamat nila sa kanilang bansa o komunidad. Patotohanan ang kahalagahan ng pagsuporta at pagsunod sa mga pamahalaan at batas.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 134:5. Pagsuporta at pagsunod sa pamahalaan

Ipinahayag ni Pangulong Howard W. Hunter ang sumusunod:

Pangulong Howard W. Hunter

“Iniutos sa atin na tungkulin nating suportahan at sundin ang mga batas ng lupain. Kawalan ng katapatan ang sadyang paglabag sa batas. Walang anumang kaibhan kung personal mang ipalagay ng isang tao na hindi makatarungan ang mga patakaran na itinatag ng lipunan, tungkulin niya na igalang at suportahan ang batas” (sa The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams [1997], 164).

Pangulong Howard W. Hunter

“Ang mga umiiral na batas ng estado ay dapat suportahan, at ang mga taong sakop ng mga batas na iyon ay dapat sundin ang mga ito para sa kabutihan ng lahat. Patungkol dito ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lubos itong sinasang-ayunan. Isa sa mga pangunahing alituntunin ng relihiyong ito ay malinaw na naipahayag sa mga salitang ito: ‘Naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod ng batas’ [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12]” (The Teachings of Howard W. Hunter, 165).