Seminaries and Institutes
Lesson 26: Doktrina at mga Tipan 20:1–36


Lesson 26

Doktrina at mga Tipan 20:1–36

Pambungad

Sa paghahayag na ito kay Propetang Joseph Smith, iniutos ng Panginoon na itatag sa araw ng Abril 6, 1830 ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Itinuro rin Niya ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon at nagbigay ng mga tagubilin tungkol sa pamamahala ng Kanyang Simbahan, kabilang na ang mga katungkulan sa priesthood, mga ordenansa, at pamamaraan ng bago pa lang naipapanumbalik na Simbahan. Ang paghahayag na ito, na tinatawag na “Mga Artikulo at mga Tipan” noong kasisimula pa lang ng Simbahan, ay matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 20. Ang paghahayag na ito ay naitala ilang araw mula noong Abril 6, 1830, ngunit maaaring naihayag na ng Panginoon sa Propeta ang ilang bahagi nito noon pang tag-init ng 1829. Dahil sa haba nito, ang Doktrina at mga Tipan 20 ay hinati sa tatlong lesson sa manwal na ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 20:1–4

Iniutos ng Diyos na itatag ang Kanyang Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang huling miting na dinaluhan nila kung saan nagbahagian ng mga patotoo ang mga dumalo. Ipalarawan sa kanila kung ano ang pagkakaiba ng pagpapatotoo sa pagkukwento o pasasalamat.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na depinisyon ng patotoo mula kay Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang patotoo sa ebanghelyo ay pansariling pagsaksi na ipinadarama sa ating mga kaluluwa ng Espiritu Santo na ang mga bagay na may walang hanggang kahalagahan ay totoo at alam nating totoo” (“Patotoo,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 26).

Isulat sa pisara ang sumusunod: Aming nalalaman na …

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Doktrina at mga Tipan 20. Ipaliwanag na binasa nang malakas ng mga lider ng Simbahan ang bahaging ito sa mga idinaos na kumperensya noong Hunyo 9, 1830, at Setyembre 26, 1830, na nakatulong para maipaalala sa mga miyembro ng bagong Simbahan ang maraming mahahalagang katotohanan tungkol sa ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na saliksikin ang mga doktrina at alituntunin sa bahaging ito na maaaring nagsisimula sa pariralang “Aming nalalaman na …”

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 20:1–2 at alamin ang mga kabatiran tungkol Panunumbalik ng ebanghelyo.

  • Anong mga katotohanan tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ang pinapatotohanan ng mga talatang ito? (Ang doktrinang Si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos at inatasang itatag ang Simbahan ni Jesucristo ay isa sa mga doktrina na maaaring matukoy ng mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang doktrinang ito, kasama ang iba pang matutukoy ng mga estudyante, sa ilalim ng pariralang “Aming nalalaman na …” Maaaring gumawa ang mga estudyante ng ganitong listahan sa kanilang notebook o scripture study journal.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng mga katotohanang ito, hikayatin silang pag-isipang mabuti ang kanilang sariling mga patotoo tungkol sa banal na tungkulin ni Joseph Smith at sa katotohanan ng Simbahan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase kung paano nila nalaman na totoo ang mga bagay na ito.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng salitang “pagsikat” sa Doktrina at mga Tipan 20:1 na nauugnay sa pagtatatag ng Simbahan? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang Apostasiya at ang pangangailangan sa Pagpapanumbalik.)

  • Paano natin tutulungan ang Simbahan ng Panginoon na magpatuloy sa “pagsikat” sa ating panahon?

Doktrina at mga Tipan 20:5–16

Maikling ipinahayag ng Panginoon ang ilan sa mga pangyayari sa Panunumbalik

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga bagay na naghanda kay Joseph Smith na itatag na muli ang Simbahan sa mundo.

  • Ano ang naranasan ni Joseph na nakatulong sa kanya na itatag na muli ang totoong Simbahan sa mundo? (Tinagubilinan siya ng Diyos at ng mga anghel at binigyan ng kapangyarihang isalin ang Aklat ni Mormon.)

Ipaliwanag na nang itatag ang Simbahan noong Abril 1830, bago pa lang nailimbag ang Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 20:9–12 at alamin ang mga katotohanang itinuturo ng Aklat ni Mormon. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Matapos ang sapat na oras, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Pinapatunayan ng Aklat ni Mormon sa mundo na …

Papuntahin sa pisara ang ilang estudyante at ipakumpleto ang pangungusap gamit ang mga pariralang nakita nila sa Doktrina at mga Tipan 20:9–12. Maaari mong patingnan ang listahan nila ng mga sagot at itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo?

  • Kung totoo ang Aklat ni Mormon, kung gayon ano ang ipinapahiwatig nito tungkol kay Joseph Smith?

Patotohanan na ang Aklat ni Mormon ay katibayan na ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo sa ating panahon. Ang katotohanang ito ay maaaring isulat sa pisara sa ilalim ng heading na “Aming nalalaman na …”

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:14–15. Sabihin sa klase na alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga tatanggap ng Aklat ni Mormon at ipapamuhay ang mga turo nito.

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga tatanggap ng Aklat ni Mormon nang may pananampalataya?

  • Ano ang mangyayari sa mga taong pinatigas ang kanilang mga puso sa kawalang paniniwala at hindi tinanggap ang Aklat ni Mormon?

  • Ano ang ilang paraan na matatanggap natin ang Aklat ni Mormon nang may pananampalataya?

  • Paano mahihikayat ng Aklat ni Mormon ang isang tao na “[gumawa] ng kabutihan”?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan (1) kung paano nakatulong ang patotoo nila sa Aklat ni Mormon na maging mas masunurin sa mga kautusan ng Diyos at (2) ano ang magagawa nila para mapalakas ang kanilang patotoo rito.

Doktrina at mga Tipan 20:17–36

Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo at nagpapaliwanag ng mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo

Maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Sa ikadalawampung bahagi ng Doktrina at mga Tipan, naglaan ang Panginoon ng ilang talata upang ibuod ang mahahalagang katotohanang itinuturo ng Aklat ni Mormon. (Tingnan sa mga talata 17–36.) Tungkol ito sa Diyos, sa paglikha sa tao, sa Pagkahulog, sa Pagbabayad-Sala, sa pag-akyat ni Cristo sa langit, sa mga propeta, pananampalataya, pagsisisi, binyag, sa Espiritu Santo, pagtitiis, panalangin, pagbibigay ng katwiran at pagpapabanal sa pamamagitan ng biyaya, at pagmamahal at paglilingkod sa Diyos” (“A New Witness for Christ,” Ensign, Nob. 1984, 7).

Ipabasang mabuti sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:17, 29, 30, 31, 35 at alamin ang pariralang inuulit-ulit malapit sa simula ng bawat talata. (Dapat matukoy ng mga estudyante ang pariralang “aming nalalaman na” o ang ibang anyo nito.) Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 20:17–36, makikita natin ang ilang mahahalagang doktrina na ipinahayag ng Simbahan ng Panginoon sa mundo dahil sa Unang Pangitain at sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Kabilang sa mga katotohanang ito ang tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo at ang dapat nating gawin upang maligtas sa kaharian ng Diyos.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Doktrina at mga Tipan 20:17–19; Doktrina at mga Tipan 20:21–25; Doktrina at mga Tipan 20:26–28.

Upang matulungan ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral at maihanda sila na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo, pagpartner-partnerin sila at bigyan ang bawat magkapartner ng tig-iisang scripture passage na nasa pisara. Sabihin sa kanila na magkakasamang pag-aralan ang mga naka-assign na mga talata sa kanila at alamin ang mga katotohanan tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo at ang Kanilang ginawa para sa ating kaligtasan.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isang katotohanan na natukoy nila tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, o sa Espiritu Santo at ipaliwanag kung bakit ito mahalaga sa kanila. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga katotohanan na pinakamahalaga sa kanila.

Sa pagtukoy ng mga estudyante sa mga katotohanang ito, maaari mong idagdag ang mga ito sa listahan sa pisara sa ilalim ng heading na “Aming nalalaman na …” Kabilang sa ilang doktrinang maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang sumusunod:

Ang Diyos ay walang katapusan at walang hanggan, at hindi nagbabago (talata 17).

Tayo ay nilikha sa larawan at sa wangis ng Diyos (talata 18).

Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak upang ipako sa krus at bumangon muli upang ang lahat ng naniniwala, nabinyagan, at nagtitiis nang may pananampalataya ay maliligtas (mga talata 21–25).

Ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa Ama at sa Anak (talata 27).

Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay nagtutulungan upang ihanda tayo sa buhay na walang hanggan (mga talata 17–28).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:29–34. Sabihin sa klase na alamin ang ating mga responsibilidad kung gusto nating magkaroon ng buhay na walang hanggan. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagbibigay ng katwiran (talata 30) ay mapatawad at madeklarang walang-sala. Ang ibig sabihin ng pagpapabanal (talata 31) ay maging malinis, dalisay, banal, at may katangiang katulad ng kay Cristo.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito na dapat nating gawin upang maligtas sa kaharian ng Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:35–36. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang magagawa nila para maipakitang alam nilang totoo ang mga bagay na ito.

  • Paano tayo makapagbibigay ng karangalan at kaluwalhatian sa pangalan ng Panginoon?

Patingnan muli sa mga estudyante ang listahan sa pisara sa ilalim ng pariralang “Aming nalalaman na …” Sabihin sa kanila na tahimik na pag-isipan kung alin sa mga alituntuning iyon ang alam nilang totoo. Kung may naisulat na sila sa kanilang notebook o scripture study journal na kapareho ng nasa listahang iyon, maaari mong sabihin sa kanila na maglagay ng tsek sa tabi ng mga katotohanang iyon.

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga naka-highlight na alituntunin at ibahagi kung paano nila nalaman ang katotohanan nito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 20:5–8. Outline ng mga makasaysayang pangyayari

Naka-outline sa sumusunod na table ang ilang pangyayari sa Panunumbalik na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 20:5–8:

Talata

Makasaysayang Pangyayari

Doktrina at mga Tipan 20:5

“Pagkatapos na tunay na maipahayag sa unang elder na ito [si Joseph Smith] na siya ay nakatanggap ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan”

Tagsibol ng 1820: Natanggap ni Joseph Smith ang Unang Pangitain (tingnan sa JS—K 1:15–20; tingnan din sa Milton V. Backman Jr., “Joseph’s Recitals of the First Vision,” Ensign, Ene. 1985, 13).

Doktrina at mga Tipan 20:5

Si Joseph Smith “ay nasangkot muli sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig”

1820–1823: “Yaong panahong lumipas sa pagitan ng oras na nakakita ako ng pangitain at taong isanlibo walong daan at dalawampu’t tatlo … [naranasan ko ang] lahat ng uri ng tukso; at, nakikisalamuha sa lahat ng uri ng lipunan, madalas akong makagawa ng maraming kamalian, at naipakita ang kahinaan ng kabataan, at ang mga kalokohan na likas sa tao” (JS—K 1:28).

Doktrina at mga Tipan 20:6

“Ang Diyos ay naglingkod sa kanya sa pamamagitan ng isang banal na anghel”

Setyembre 1823: Si anghel Moroni ay nagministeryo kay Joseph (tingnan sa JS—K 1:30–33).

Doktrina at mga Tipan 20:7

“At nagbigay sa kanya ng mga kautusan na pumukaw sa kanya”

Setyembre 1823: Si anghel Moroni ay nagbigay ng mga tagubilin kay Joseph (tingnan sa JS—K 1:34–42).

Doktrina at mga Tipan 20:8

“At nagbigay sa kanya ng kapangyarihan mula sa kaitaasan, sa pamamagitan ng mga pamamaraan na inihanda noong una, upang maisalin ang Aklat ni Mormon”

Setyembre 22, 1827–Tag-init 1829: Nakuha ni Joseph ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim at isinalin ang Aklat ni Mormon (tingnan sa JS—K 1:59–75).

Doktrina at mga Tipan 20:30–31. Pagbibigay-katwiran at pagpapabanal

Ang sumusunod na pahayag ay nagmula sa artikulo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang bahaging binanggit sa ibaba ay nagpapaliwanag lang nang maikli sa mga doktrina ng pagbibigay ng katwiran at pagpapabanal. Maaari ninyong basahin ang buong artikulo para mas maunawaan nang lubos ang mga doktrinang ito.

Elder D. Todd Christofferson

“Dahil sa ‘walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo,’ papawiin o ‘[tu]tugunin [ni Jesucristo] ang layunin ng batas’ para sa ating kapakanan. Ang pagpapatawad ay darating sa pamamagitan ng biyaya Niya na tinugon ang mga hinihingi ng katarungan sa pamamagitan ng Kanyang sariling pagdurusa, ‘ang matuwid dahil sa mga di matuwid, upang tayo’y madala niya sa Dios’ (I Ni Ped. 3:18). Inaalis Niya ang hatol sa atin nang hindi binabalewala ang batas. Tayo ay napatawad at nalagay sa isang kalagayan ng kabutihan kasama Siya. Tayo ay nagiging tulad Niya, na walang kasalanan. Sinusuportahan at pinoprotektahan tayo ng batas, ng katarungan. Tayo, samakatwid, ay nabigyang-katwiran.

“Kaya, angkop na sabihin natin na ang isang taong nabigyang-katwiran ay napatawad, walang kasalanan, o walang pananagutan. Halimbawa, ‘Sinuman ang magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan ay mapupuspos; at kung siya ay magtitiis hanggang wakas, masdan, siya ay pawawalan ko ng sala sa harapan ng aking Ama sa araw na yaon kung kailan ako tatayo upang hatulan ang sanlibutan’ (3 Ne. 27:16; idinagdag ang pagbibigay-diin). Maluwalhati man ang pagpapatawad ng mga kasalanan, ang Pagbabayad-sala ay higit pa ang nagawa kaysa rito. Ang ‘higit’ na iyan ay ipinaliwanag ni Moroni:

“‘At muli, kung sa biyaya ng Diyos kayo ay ganap kay Cristo, at hindi itatatwa ang kanyang kapangyarihan, kung magkagayon kayo ay pinabanal kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo, na siyang nasa tipan ng Ama tungo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, upang kayo ay maging banal, na walang bahid-dungis’ (Moro. 10:33; idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Ang mapabanal sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ay ang maging malinis, dalisay at banal. Kung inaalis ng pagbibigay-katwiran ang kaparusahan para sa nakaraang mga kasalanan, samakatwid, inaalis ng pagpapabanal ang dumi o epekto ng kasalanan. Pinatotohanan ni Propetang Joseph Smith:

“‘At ito ang ebanghelyo, ang mabubuting balita, na siyang pinatototohanan ng tinig mula sa langit sa amin—

“‘Na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin [bigyang-katwiran] ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan’ (D at T 76:40–41)” (“Justification and Sanctification,” Ensign, Hunyo 2001, 20–22).