Seminaries and Institutes
Lesson 29: Doktrina at mga Tipan 21


Lesson 29

Doktrina at mga Tipan 21

Pambungad

Sa ilalim ng pamamahala ni Propetang Joseph Smith, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay opisyal na itinatag noong Abril 6, 1830, sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Halos 60 katao ang dumalo sa pulong, na binubuo ng panalangin, mga pagsang-ayon, ordenasyon, at pangangasiwa ng sakramento, at mga kumpirmasyon. Sa pulong na ito, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala na ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 21. Sa paghahayag na ito inilahad ng Panginoon ang mga tungkulin at responsibilidad ni Joseph Smith at iniutos sa mga miyembro ng Simbahan na sundin ang kanyang mga salita.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 21:1–3

Si Joseph Smith ay itinalaga bilang propeta at tagakita ng Simbahan

Maaari mong sabihin sa klase na awitin ang, “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” (Mga Himno, blg. 15) bilang bahagi ng araw-araw na debosyonal. Sa pagsisimula mo ng lesson, banggitin ang himnong ito at itanong ang sumusunod:

  • Ano ang ilang bagay na ipinagpapasalamat ninyo sa propeta?

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 21, malalaman nila ang mga katotohanang magpapalawak ng kanilang pang-unawa sa tungkulin ng mga propeta. Upang mabigyan ang mga estudyante ng ilang historikal na konteksto ng paghahayag na ito, ibuod ang impormasyong ibinigay sa pambungad ng lesson na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:1. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga titulo kung saan makikilala si Joseph Smith. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ibig sabihin ng tinawag ng Panginoon si Joseph Smith na maging tagakita?

  • Ano ang ibig sabihin ng tinawag ng Panginoon si Joseph Smith na maging propeta?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga titulo at responsibilidad na kaakibat nito, ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang sumusunod na paglalarawan sa tagakita at sa propeta. Sabihin sa kanila na basahin nang dahan-dahan ang bawat pahayag, at huminto sandali pagkatapos ng bawat pangungusap. Sabihin sa iba pa sa klase na pakinggan ang mga pangungusap na mahalaga sa kanila at maging handang ipaliwanag kung bakit.

Elder John A. Widtsoe

“Ang isang tagakita ay isang taong nakikita ang mga bagay-bagay gamit ang espirituwal na mga mata. Nauunawaan niya ang kahulugan ng mga bagay na tila malabo sa iba; samakatwid, siya ay isang tagapagpaliwanag at tagapaglinaw ng walang hanggang katotohanan. Nakikita niya ang hinaharap mula sa nakaraan at kasalukuyan. Nagagawa niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon na tuwirang pumapatnubay sa kanya, o sa tulong ng mga kasangkapang bigay ng Diyos tulad ng Urim at Tummim. Sa madaling salita, siya ay isang taong nakakakita, na namumuhay sa liwanag ng Panginoon gamit ang espirituwal na mga mata” (John A. Widtsoe, Evidences and Reconciliations, arr. G. Homer Durham, 3 tomo sa 1 [1960], 258).

Ang propeta ay “isang tao na tinawag ng Diyos at nangungusap para sa Kanya. Bilang isang sugo ng Diyos, ang isang propeta ay nakatatanggap ng mga kautusan, propesiya at paghahayag mula sa Diyos. Ang kanyang tungkulin ay ipaalam ang kalooban at tunay na katangian ng Diyos sa sangkatauhan at ipamalas ang kahulugan ng kanyang pakikitungo sa kanila. Binabatikos ng isang propeta ang kasalanan at inihahayag niya ang kahihinatnan nito. Isa siyang tagapangaral ng kabutihan. May mga pagkakataon na ang mga propeta ay binibigyang-inspirasyon na maghayag ng mangyayari sa hinaharap para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Ang una niyang tungkulin, gayunman ay magpatotoo kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta,” scriptures.lds.org).

Pagkatapos mabasa ang bawat kahulugan, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga parirala na pinakanapansin nila.

Bago magpatuloy, maaaring makatulong na talakayin nang maikli sa mga estudyante ang sumusunod na kahulugan ng iba pang titulo na ibinigay sa unang talata ng Doktrina at mga Tipan 21:

Tagapagsalin: taong (1) nagsasalin ng mga isinulat o binigkas na salita sa ibang wika (2) nagbibigay ng mas malinaw na kahulugan sa isang kasalukuyang pagsasalin sa pamamagitan ng pagpapabuti o pagwawasto ng mga ito o pagpapanumbalik ng mga materyal na nawawala (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsalin,” scriptures.lds.org).

Apostol: isang natatanging saksi ni Jesucristo sa mundo (tingnan sa Bible Dictionary, “Apostle”).

Elder: “tamang titulong ibinigay sa lahat ng mayhawak ng Melchizedek Priesthood” at sa isang taong tinawag na maging full-time na ministro ni Jesucristo (tingnan sa Bible Dictionary, “Elders”).

  • Paano nakatulong ang mga titulong ibinigay kay Joseph para maunawaan ninyo ang kanyang mahalagang tungkulin sa Panunumbalik?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 21:2–3 at alamin ang hinikayat ng Diyos na gawin ni Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nalaman nila. (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang katotohanan na iniutos ng Diyos kay Joseph Smith na ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman natin na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos para ipanumbalik at pamunuan ang Simbahan ni Jesucristo?

Propetang Joseph Smith

Ipakita sa mga estudyante ang larawan na Brother Joseph (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 87; tingnan din sa LDS.org) at magpatotoo sa katotohanang tinalakay ninyo sa itaas.

Doktrina at mga Tipan 21:4–9

Dapat sundin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga salita ni Joseph Smith

Ipaalala sa mga estudyante na ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito sa araw na itinatag ang Simbahan. Dahil ang paghahayag na ito ay ibinigay sa partikular na araw na ito, mayroong espesyal na kahalagahan ito.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita at parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 21:4–5 (huwag isama ang mga kahulugan na nakapanaklong):

ang simbahan (mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahon ni Joseph Smith at sa ating panahon)

kanyang (tumutukoy lalo na kay Joseph Smith, pero maaari ding tumukoy sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan)

mga salita at kautusan (maaaring tumukoy sa lahat ng mga turo at payo ng isang propeta, kabilang na ang mga partikular na tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta)

nang buong pagtitiis at pananampalataya (maaaring mangahulugan na maaari tayong magtiwala nang lubusan sa mga turo ng propeta, na hindi natin siya dapat pinupulaan, na dapat nating sundin ang payo niya sa kabila ng anumang personal na mga pagkukulang na mayroon siya, at kailangang matiyagang hintayin natin ang mga ipinangakong pagpapala)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:4-5 at pagnilayan ang kahulugan ng mga salita at parirala sa pisara. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante kung paano nila ilalarawan ang mga salita at pariralang ito. Maaari ninyong gamitin ang mga sumusunod na kahulugan na nakapanaklong para maging gabay sa talakayan. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 21:4–5, alin sa mga turo ng propeta ang dapat nating sundin? (Kailangan nating sundin ang “lahat ng kanyang mga salita at kautusan.”)

  • Bakit kailangan kung minsan ng pagtitiis at pananampalataya para masunod ang mga salita ng propeta?

  • Paano nakatutulong sa inyo na tanggapin ang mga salita ng propeta nang “buong pagtitiis at pananampalataya” ang kabatirang tumatanggap siya ng payo at kautusan mula sa Panginoon? (D at T 21:5).

Sabihin sa bawat estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 21:6 at alamin ang tatlong pagpapalang ibinibigay sa mga tumatanggap ng mga salita ng propeta nang may pagtitiis at pananampalataya. (Maaari mong ipaliwanag na ang isang kahulugan ng payayanigin ay alugin o tanggalin ang isang bagay mula sa kinasasandigan o pinaglalagyan nito. Samakatwid, ang isang maaaring interpretasyon ng talatang ito ay sa sandaling payanigin ang kalangitan “para sa [ating] ikabubuti,” ang mga paghahayag at pagpapala ay “pinapakawalan” at ibinubuhos sa mga sumusunod sa mga buhay na propeta.)

  • Paano ninyo ibubuod ang mga pangakong ibinigay sa mga sumusunod sa mga salita ng mga propeta? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking maipapahayag nila ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga salita ng mga propeta, mapoprotektahan tayo laban sa kaaway. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Paano “[naitataboy] ang mga kapangyarihan ng kadiliman” ng pagsunod sa mga salita ng propeta?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning natukoy nila, ipabasa sa isa sa kanila ang sumusunod na tala tungkol sa pakikipagdeyt (o isang tala na ikaw ang pumili) mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa klase na makinig mabuti at tukuyin ang payo ng propeta at ang mga ipinangakong pagpapala. Pagkatapos magbasa ng estudyante, sabihin sa klase na ibahagi ang nahanap nila.

“Ang pakikipagdeyt ay isang nakaplanong aktibidad na nagtutulot sa isang kabataang lalake at kabataang babae na mas makilala ang isa’t isa. Sa mga kulturang tinatanggap ang pakikipagdeyt, matutulungan kayo nito na matutong makihalubilong mabuti, makipagkaibigan, at sa huli ay makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan.

“Huwag makipagdeyt hangga’t wala pa kayong 16 na taong gulang. Kapag nagsimula kayong makipagdeyt, sumama sa isa o mas marami pang magkapareha. Iwasan ang madalas na pakikipagdeyt sa iisang tao. Ang seryosong pakikipagrelasyon nang napakabata pa ay maglilimita sa bilang ng mga taong makikilala ninyo at maaaring humantong sa imoralidad. Anyayahan ang inyong mga magulang na makilala nang lubos ang mga ka-deyt ninyo.

“Makipagdeyt lamang sa may matataas na pamantayan at makatutulong sa inyo na mapanatili ang inyong mga pamantayan. Tandaan na ang isang binatilyo at isang dalagita na nagdedeyt ay may responsibilidad na pangalagaan ang dangal at puri ng isa’t isa” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 4; tingnan din sa LDS.org).

  • Paano kayo napagpala o ang isang kakilala ninyo dahil sa pagsunod sa mga salita at utos ng buhay na propeta?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila para makamit ang mga pagpapalang ipinangako sa Doktrina at mga Tipan 21:6. Tiyakin sa kanila na kapag masigasig nilang sinunod ang mga salita ng propeta, tatanggap sila ng malalaking pagpapala ngayon at sa kawalang-hanggan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mabubuting hangarin at pag-uugali ni Propetang Joseph Smith.

  • Ano ang nalaman natin tungkol kay Propetang Joseph Smith mula sa mga talatang ito?

  • Sa palagay ninyo, sa paanong paraan naaangkop din ang mga talatang ito sa kasalukuyang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

Doktrina at mga Tipan 21:10–12

Si Oliver Cowdery ay kinilala bilang elder at mangangaral

Sabihin sa mga estudyante na sa unang pulong ng Simbahan, si Oliver Cowdery ay inordenang elder ni Propetang Joseph Smith, at ang Propeta ay inordenang elder ni Oliver Cowdery. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 21:10–12.

Maaari mong ipaliwanag na sa talata 10, tinukoy ng Panginoon si Oliver Cowdery bilang “aking apostol” (tingnan din sa D at T 20:2–3). Ipaliwanag na sa Griyego, ang ibig sabihin ng apostol ay “isang sinugo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apostol,” scriptures.lds.org). Si Oliver Cowdery ay isinugo sa pamamagitan ni Jesucristo at inatasang patotohanan ang Tagapagligtas. Bagama’t binigyan si Oliver ng mga tungkulin ng apostol, siya ay hindi miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, tumulong siya sa paghanap ng kalalakihang tatawagin na maging mga miyembro ng korum na iyan nang itatag ito noong 1835.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 21:11, ano ang ipinagawa kay Oliver Cowdery? (Taglayin ang pangalan ng Panginoon.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng taglayin ang pangalan ng Panginoon?

Tapusin ang lesson ngayon sa paghikayat sa mga estudyante na kumilos ayon sa pahiwatig na natatanggap nila tungkol sa mga paraan na maaari nilang taglayin ang pangalan ng Panginoon at maging kinatawan ng Simbahan sa kanilang pamilya, kanilang komunidad, at sa mundo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 21. Ang paglalarawan ni Joseph Smith sa naganap noong Abril 6, 1830

Tungkol sa mga kaganapan noong Abril 6, 1830, nang pormal na itinatag ang Simbahan, sinabi ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Ang Espiritu Santo ay ibinuhos nang lubos-lubos sa amin—ang ilan ay nagpropesiya, habang lahat kami ay pumupuri sa Panginoon, at labis na nagagalak” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 160).

Doktrina at mga Tipan 21. Ang paggunita ni Joseph Knight sa naganap noong Abril 6, 1830

Itinala ni Joseph Knight Sr. ang kagalakang nadama ni Propetang Joseph Smith sa di-malilimutang araw na ito, nang binyagan ang kanyang amang si Joseph Smith Sr:

“May isang bagay akong babanggitin [tungkol noong] gabing binyagan ang matandang si Brother Smith at si Martin Harris. Si Joseph ay napuspos ng Espiritu nang makita niyang bininyagan ang kanyang ama at si Ginoong Harris kung kaya’t … halos [mag-umapaw?] ang kanyang kagalakan na hindi kayang mapigilan. Lumabas siya sa bukid at tila ayaw ipakita kaninuman ang pagtangis at pag-iyak at halos parang sasabog ang dibdib sa kagalakan. … Noon lamang ako nakakita ng tao na ganoon katinding naapektuhan ng Espiritu. Ngunit puspos siya ng kagalakan. Palagay ko ay nakita niya ang dakilang gawaing sinimulan niya at nais na isakatuparan ito” (sinipi mula sa, “Joseph Knight’s Recollection of Early Mormon History,” BYU Studies, tomo 17, blg. 1 [1976], 37; ang pagbaybay at paggamit ng malaking titik ay iniayon sa pamantayan).

Doktrina at mga Tipan 21:5. “Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig”

Binigyang-diin ni Pangulong Ezra Taft Benson ang kahalagahan ng buhay na propeta at ng Pangulo ng Simbahan:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Upang matulungan kayong malagpasan ang mahahalagang pagsubok na darating, bibigyan ko kayo ng ilang aspeto ng isang dakilang susi na magpuputong sa inyo ng kaluwalhatian ng Diyos at tutulungan kayong magtagumpay sa kabila ng pagngangalit ni Satanas kung susundin ninyo ang mga ito.

“… Narito kung gayon ang dakilang susi—sundin ang propeta—at narito ngayon ang labing-apat na pangunahing alituntunin sa pagsunod sa propeta, ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …

“Una: Ang propeta ang tanging tao na nagsasalita para sa Panginoon sa lahat ng bagay.

“Pangalawa: Ang buhay na propeta ay mas mahalaga sa atin kaysa sa mga aklat ng mga banal na kasulatan.

“Pangatlo: Ang buhay na propeta ay mas mahalaga sa atin kaysa sa propetang patay na.

“Pang-apat: Hindi kailanman ililigaw ng propeta ang Simbahan.

“Panlima: Ang propeta ay hindi kailangang magkaroon ng anumang partikular na pagsasanay sa lupa o mga kredensiyal para magsalita tungkol sa anumang paksa o kumilos tungkol sa anumang bagay anumang oras.

“Pang-anim: Hindi kailangang sabihin ng propeta na ‘Gayon ang sabi ng Panginoon’ upang mabigyan tayo ng banal na kasulatan.

“Pangpito: Sinasabi sa atin ng propeta ang kailangan nating malaman, hindi palaging ang nais nating malaman.

“Pangwalo: Ang propeta ay hindi nalilimitahan ng pangangatwiran ng tao.

“Pangsiyam: Ang propeta ay maaaring tumanggap ng paghahayag tungkol sa anumang bagay, temporal o espirituwal.

“Pangsampu: Ang propeta ay maaaring makibahagi sa mga bagay-bagay tungkol sa bayan at mamamayan nito.

“Panglabing-isa: Ang dalawang grupo ng mga tao na mahihirapan nang husto sa pagsunod sa propeta ay ang mga mapagmataas na marurunong at ang mga mapagmataas na mayayaman.

“Panglabindalawa: Ang propeta ay hindi kinakailangang maging popular sa daigdig o sa mga taong makamundo.

“Panglabintatlo: Ang propeta at ang kanyang mga tagapayo ang bumubuo ng Unang Panguluhan—ang pinakamataas na korum sa Simbahan.

“Panglabing-apat: Sundin ang propeta at ang panguluhan—ang buhay na propeta at ang Unang Panguluhan—at pagpapalain kayo; huwag silang tanggapin at magdurusa kayo” (“Fourteen Fundamentals in Following the Prophet” [Brigham Young University fireside address, Peb. 26, 1980], 1, 6, speeches.byu.edu).

Doktrina at mga Tipan 21:5–6. “Nang buong pagtitiis at pananampalataya”

Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee ang kahalagahan ng pagsunod sa payo ng propeta, kahit na magkakaiba ang ating sariling mga pananaw sa payong iyan:

Pangulong Harold B. Lee

“Ang tanging kaligtasan natin ngayon bilang mga miyembro ng simbahang ito ay ang gawin mismo ang sinabi ng Panginoon sa Simbahan noong araw na itatag ang Simbahan. Kailangan tayong matutong makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta, ‘tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko; … na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya’ (D at T 21:4–5). May ilang bagay na mangangailangan ng pagtitiis at pananampalataya. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan’ (D at T 21:6)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 99–100; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 45).

Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Hindi maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng isang propeta ng Diyos sa ating paligid. Dakila at maganda ang mga biyayang dumarating sa ating buhay habang nakikinig tayo sa salita ng Diyos na ibinibigay sa atin sa pamamagitan niya. Kasabay nito, ang pagkaalam na propeta ng Diyos [ang kasalukuyang Pangulo ng Simbahan] ay nagbibigay rin sa atin ng responsibilidad. Kapag naririnig natin ang payo ng Panginoon na ipinahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat na positibo at maagap ang ating tugon. Ipinakita ng kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, kasaganaan at kaligayahan sa pagsunod sa payo ng propeta na gaya ng ginawa ni Nephi ng sinauna: ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon’” (“Ang Kanyang Salita ay Inyong Tatanggapin,” Liahona, Hulyo 2001, 65).