Lesson 60
Doktrina at mga Tipan 56
Pambungad
Si Ezra Thayre ay inatasang manirahan at magtrabaho, kasama si Joseph Smith Sr., sa bukirin ni Frederick G. Williams sa Kirtland, Ohio. Tumulong din si Brother Thayre sa pagbabayad sa ilang pagkakautang sa lupain. Noong Hunyo 1831, sila ni Thomas B Marsh ay tinawag na magmisyon sa Missouri (tingnan sa D at T 52:22). Dahil sa kapalaluan at kasakiman, hindi handang umalis si Brother Thayre kasama ni Brother Marsh. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 56, na natanggap noong Hunyo 15, pinawalang-saysay ng Panginoon ang pagtawag kay Brother Thayre at nagtalaga ng bagong kompanyon para kay Brother Marsh. Nagbabala ang Panginoon laban sa kapalaluan at itinuro sa mga Banal na mas marami Siyang ilalaan para sa kanila na higit pa sa lupain at salapi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 56:1–13
Pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag sa misyon ni Ezra Thayre at sinabihan siyang magsisi
Itanong sa mga estudyante kung may kakilala silang tao na isinakripisyo ang isang mahalagang bagay upang masunod ang isa sa mga kautusan ng Panginoon. (Maaaring kasama sa mga halimbawa ang isang taong nagsakripisyo para sumapi sa Simbahan, magmisyon, o masunod ang mga pamantayan ng Simbahan.) Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga halimbawa.
Ipaliwanag na noong Hunyo 1831, tinawag ng Panginoon si Ezra Thayre na magmisyon sa Missouri kasama ni Thomas B. Marsh. Ang mga problema ni Brother Thayre sa mga ari-arian at salapi ang dahilan kung bakit hindi siya handang umalis samantalang handa nang umalis si Brother Marsh, kaya pumunta si Brother Marsh kay Joseph Smith para itanong kung ano ang dapat gawin. Nang magtanong ang propeta sa Panginoon, sinagot siya ng Panginoon sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 56.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 56:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon sa mga hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga taong hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan?
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Upang maligtas, dapat tayong …
Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag ayon sa talata 2. Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Upang maligtas, dapat tayong magpasan ng ating krus, sundin ang Tagapagligtas, at sumunod sa Kanyang mga kautusan. (Kumpletuhin ang alituntunin sa pisara.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magpapasan ng [ating] krus”? (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 16:24, na matatagpuan sa Mateo 16:25–26, ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan)
-
Anong mga kautusan ang ibinigay ng Panginoon na kakailanganin ninyong magpasan ng inyong krus at magsakripisyo para maging masunurin? (Matatagpuan ang ilang halimbawa sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.)
-
Anong mga pagpapala ang natanggap o matatanggap ninyo dahil pinili ninyong maging masunurin?
Itanong kung paano magagawa ng mga tao sa mga sumusunod na halimbawa na pasanin ang kanilang mga krus at sumunod sa mga kautusan ng Panginoon:
-
Isang binatilyo ang malapit nang sumapit sa edad na maaari na siyang magmisyon. Nag-aalala siya sa lahat ng maiiwan niya kapag siya ay nasa misyon na.
-
Alam ng isang dalagita na ang mga kabataan sa kanyang ward ay bibisita sa templo ilang buwan na lang, pero wala siyang temple recommend. Mayroong isang bagay sa buhay niya ngayon na humahadlang sa kanya para tumanggap nito.
Ipaliwanag na kung pipiliin nating huwag magpasan ng ating krus, maaaring mawala sa atin ang pagkakataong pagpalain ang iba at tumanggap ng mga pagpapala para sa ating sarili. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 56:3–5. Sabihin sa klase na alamin ang nangyari dahil hindi pa handa si Ezra Thayre na pumunta sa Missouri. Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pinawawalang-bisa ay binabawi o kinakansela.
-
Ano ang nawala kay Ezra Thayre dahil hindi pa siya handang umalis? (Nawalan siya ng pagkakataong maglingkod sa misyon gayundin ang matanggap ang mga pagpapala na maaaring maging bunga niyon.)
-
Ayon sa talata 4, ano ang magagawa ng Panginoon sa mga kautusang ibinibigay Niya? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang Panginoon ay maaaring magbigay o magpawalang-bisa ng kautusan kung nakikita Niya na makabubuti iyon.)
Tanungin ang mga estudyante kung may maiisip sila na mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o sa kasaysayan ng Simbahan na nagbigay ng utos ang Panginoon at pagkatapos ay pinawalang-bisa iyon. Ang sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Matapos bigyan ng Panginoon ng mas mataas na batas si Moises at ang kanyang mga tao, ang mga anak ni Isarel ay naghimagsik at nagsimulang sambahin ang isang ginintuang guya. Dahil dito, ibinigay sa kanila ng Panginoon ang mas mababang batas. (Tingnan sa Exodo 32–34; Pagsasalin ni Joseph Smith, Exodo 34:1–2; D at T 84:23–27.)
-
Sa panahon ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, isinugo lamang Niya ang mga Apostol sa mga kabilang sa sambahayan ni Israel (tingnan sa Mateo 10:5). Hindi nagtagal matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, sinabi niya sa mga Apostol na ipangaral ang ebanghelyo sa mga tao sa lahat ng mga bansa (tingnan sa Mateo 28:19).
-
Sa dispensasyong ito iniutos ng Panginoon sa ilan sa mga naunang Banal na mag-asawa nang higit sa isa. Mahirap para kay Propetang Joseph Smith at sa maraming iba pang mga lider ng Simbahan ang kautusang ito, ngunit sinunod nila ito. Matapos makatanggap ng paghahayag, inilabas ni Pangulong Wilford Woodruff ang Manipesto, na tinanggap ng Simbahan na may kapangyarihan at may bisa noong Oktubre 6, 1890. Ito ang tumapos sa ginagawang maramihang pagpapakasal sa Simbahan (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1).
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 56:6–7 na ipinapaliwanag na binago rin ng Panginoon ang mga tawag sa misyon nina Selah J. Griffin at Newel Knight. Ipaalala sa mga estudyante na dahil sa mga suliraning idinulot ni Leman Copley sa Thompson, Ohio, iniutos sa mga Banal mula sa Colesville na lumipat sa Missouri. Itinanong nila kay Propetang Joseph Smith kung maaari bang si Newel Knight ang mamuno sa kanila sa pag-alis, tulad noong mamuno siya sa kanila nang lisanin nila ang Colesville. Bago ang mga suliraning ito, si Newel Knight ay tinawag na maglingkod kasama ni Selah J. Griffin (tingnan sa D at T 52:32), kaya iniutos ng Panginoon kay Selah J. Griffin na pumalit kay Ezra Thayre bilang kompanyon ni Thomas B. Marsh at si Newel Knight naman ang makakasama ng mga Banal mula sa Colesville.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 56:8–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Ezra Thayre matapos mapawalang-bisa ang kanyang tawag sa misyon.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung magsisisi si Ezra Thayre? Ano ang mangyayari kung hindi siya magsisisi?
Ipaliwanag na pinili ni Ezra na magsisi, at pagkaraan ng pitong buwan muli siyang tinawag na maglingkod bilang missionary kasama si Thomas B. Marsh (tingnan sa D at T 75:31).
Doktrina at mga Tipan 56:14–20
Binalaan ng Panginoon ang mga Banal laban sa kasakiman at kapalaluan ng puso
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila na nagkasala at nababalisa. Lumapit sa kanila ang kaibigang ito at nagtanong, “Ano ang kailangan kong gawin para makapagsisi?” Bigyan ang mga estudyante ng oras na makapag-isip na mabuti at sumagot. Matapos silang sumagot, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 56:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pag-uugali at pagkilos na hadlang para mapatawad ang ating mga kasalanan.
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 56:14–15, anong mga pag-uugali at pagkilos ang hadlang para mapatawad ang ating mga kasalanan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “naghangad ng payo sa sarili ninyong pamamaraan”? Ano ang ibig sabihin ng pariralang “ang inyong mga puso ay hindi nasisiyahan”? (Ibig sabihin nito ay hindi nakukuntento sa kung ano ang mayroon ka.)
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talata 14 at 15 tungkol sa kailangang gawin para makapagsisi at makatanggap ng kapatawaran? (Maaaring iba-ibang alituntunin ang matukoy ng mga estudyante, ngunit tiyaking mabigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Kasama sa pagsisisi ang pagsunod sa payo ng Panginoon at pagwaksi ng masasamang hangarin. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 56:14–15.)
-
Bakit kailangan ang pagsunod at pagwaksi ng masasamang pag-uugali para tunay na makapagsisi?
Ipaliwanag na ang pagsisisi ay hindi lang tungkol sa pagsunod sa mga hakbang na gagawin kundi kailangan dito ng lubos na pagbabago ng puso—isang tapat na pangakong susundin ang Panginoon at iwawaksi ang lahat ng masama. Nang matanggap ang paghahayag na ito, makikita na ang pagkamakasarili at kapalaluan ang humahadlang kay Ezra Thayre sa pagsunod sa payo ng Panginoon.
-
Paano nakakaapekto ang kapalaluan ng isang tao sa kanyang kakayahang magkaroon ng nagsisising puso?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 56:16–17 kasama ang isang kapartner. Sabihin sa isang kapartner na alamin kung paano makikita ang hindi nagsisising puso sa isang taong mayaman. Sabihin sa isa pang kapartner na alamin kung paano makikita ang hindi nagsisising puso sa isang taong maralita. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang kanilang nalaman. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang natuklasan nila sa kanilang mga kapartner at pagkatapos ay pag-usapan nila ang mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga ito):
-
Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo sa mga hindi nagsisising puso ng mayayaman at mga maralita?
-
Bakit parehong may kasakimang taglay ang mayayaman at mga maralita?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung kailan nila nakita ang ganitong pag-uugali sa sariling buhay nila o sa buhay ng kanilang mga kakilala.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 56:18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salitang naglalarawan sa mga puso ng mga taong pagpapalain.
-
Ayon sa talata 18, ano ang dapat na katangian ng ating mga puso? Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso? Ano naman ang nagsisising espiritu? (Ang mga katagang ito ay nagsasaad ng kapakumbabaan at pagpapasakop sa Panginoon.)
-
Kung ang ating mga puso ay sakim o palalo, paano tayo mababago?
Patuloy na ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 56:19–20 kasama ang kanilang mga kapartner. Sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga taong may mapagkumbabang puso. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Ang mga taong may mapagkumbabang puso ay …
-
Ayon sa mga talata 18–20, anong pagpapala ang kukumpleto sa pangangusap na nasa pisara? (Habang tinutukoy ng mga estudyante ang mga pagpapalang binanggit sa mga talatang ito, isulat ang mga ito sa pisara. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang panggantimpala ay tumutukoy sa pagbibigay ng gantimpala sa mabubuting gawa at parusa sa masasamang gawa.)
Ipaliwanag na sa ilalim ng batas ng paglalaan, ang bahaging ibinigay sa isang tao o pamilya ayon sa kanilang mga kalagayan ay tinawag na “mana” (D at T 57:7). Malamang na sa naunang pagsasagawa ng batas na ito, ilan sa mga Banal, tulad ni Ezra Thayre, ay labis na naghangad na matanggap ang kanilang “mana.”
Isulat sa pisara ang mga salitang Aking Mana sa tabi ng mga pagpapalang nakalista sa pisara.
-
Mula sa isinulat natin, paano ninyo ibubuod ang mga pagpapalang inilalaan ng Panginoon para sa mga mapagkumbabang puso? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang mga taong may mapagkumbabang puso ay mamanahin ang lupa.)
-
Paano maikukumpara ang mga pagpapalang inilarawan sa talata 18–20 sa mga ari-arian at salapi na labis na hinahangad ni Ezra Thayre at ng iba pang mga naunang Banal?
Patotohanan ang mga pagpapala, o “mana” na inilaan ng Panginoon para sa atin kapag tinalikuran natin ang kasamaan at matapat na sumusunod sa Kanyang mga kautusan.