Seminaries and Institutes
Lesson 50: Doktrina at mga Tipan 43–44


Lesson 50

Doktrina at mga Tipan 43–44

Pambungad

Noong Pebrero 1831, dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio. Pagdating niya roon, nalaman niya na ang mga Banal sa Kirtland ay nalinlang ng mga maling paghahayag. Halimbawa, isang babae na nagngangalang Gng. Hubble ang nagsabi na isa siyang propeta at nakatatanggap ng mga paghahayag para sa Simbahan. Dahil nabalisa sa mga impluwensyang nakaapekto sa mga Banal sa Kirtland, nagtanong si Joseph sa Panginoon tungkol sa dapat gawin. Bilang kasagutan, natanggap niya ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 43. Sa paghahayag na iyon, tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal ng kailangan nilang gawin upang hindi malinlang. Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 44 ay natanggap din noong Pebrero 1831, na nagtatagubilin sa priesthood na mangaral ng ebanghelyo at tulungan ang mga maralita.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 43:1–7

Ipinahayag ng Panginoon na ang mga paghahayag at mga kautusan ay nagmumula lamang sa Kanyang itinalagang propeta

Pumili ng dalawang himno na kakantahin ng klase. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na mahirap sumunod sa dalawang magkaibang lider sa parehong pagkakataon, sabihin sa dalawang estudyante na tumayo sa harap ng klase at kumpasan ang klase sa pag-awit nang sabay ng dalawang himno. Matapos makanta ang ilang linya ng dalawang himno, patigilin ang pagkanta at itanong ang sumusunod:

  • Bakit mahirap sumunod sa dalawang magkaibang lider at awitin ang dalawang magkaibang kanta nang sabay?

Ipaliwanag na noong Pebrero 1831, isang babaeng nagngangalang Gng. Hubble ang nakisama sa mga Banal sa Kirtland, Ohio. Sinabi niya na siya ay isang propeta, na tumanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan, na alam niya na totoo ang Aklat ni Mormon, at dapat siyang maging guro sa Simbahan. Nalinlang niya ang ilan sa mga Banal. Ikinabalisa ni Joseph Smith at ng iba pa ang kanyang impluwensya at ang iba pang mga maling paghahayag na ipinaparating sa mga Banal. Nagpasiya ang propeta na magtanong sa Panginoon tungkol sa dapat gawin, at nakatanggap siya ng paghahayag. Si John Whitmer, na kararating din lamang sa Kirtland, ay isinulat ito, “Ibinigay ng Panginoon ang Paghahayag na [ito] upang hindi malinlang ang mga Banal” (Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 257).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 43:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang paliwanag ng Panginoon tungkol sa kung sino ang makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.

  • Sino ang itinalaga sa panahong iyon na tumanggap ng mga kautusan at paghahayag para sa buong Simbahan? (Joseph Smith.) Sino ang itinalaga sa tungkuling iyan ngayon? (Ang Pangulo ng Simbahan.)

  • Ano ang nalaman natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na doktrina: Tanging ang Pangulo ng Simbahan lamang ang makatatanggap ng mga paghahayag para sa buong Simbahan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng mga talata 3–4. Upang mabigyang-diin ang kahalagahan ng doktrinang ito, ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:4–6; 28:2–7.)

Ituro na tulad ni Gng. Hubble at ng iba pa noong mga unang araw ng Simbahan, may mga tao sa panahon natin ngayon na kinukumbinsi ang iba na sundin sila at tanggapin ang kanilang mga turo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:6–7. Sabihin sa klase na tukuyin ang huwarang inihayag ng Panginoon para protektahan tayo mula sa panlilinlang ng mga taong hindi awtorisadong pamunuan ang Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 43:8–16

Iniutos sa mga elder na turuan at patibayin ang isa’t isa at mapabanal

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang ilan sa mga miting na dinaluhan nila bilang mga miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at talakayin ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilan sa mga layunin ng mga miting na ito?

Matapos talakayin ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong tawagin ang ilan sa kanila na ibahagi ang kanilang sagot sa buong klase. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:8 at sabihin sa klase na alamin kung ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa mga layunin ng mga miting ng Simbahan.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na dapat gawin ng mga elder ng Simbahan kapag nagtitipon sila? Ano ang ibig sabihin ng patibayin ang isa’t isa? (Hikayatin at palakasin ang isa’t isa.)

  • Ayon sa talata 8, ano ang matututuhan natin kapag tinuruan at pinatibay natin ang isa’t isa? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagtitipon tayo, dapat nating turuan at patibayin ang isa’t isa para malaman natin kung paano kumilos at pamahalaan ang Simbahan.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:9, 11 at alamin ang dapat nating gawin matapos nating malaman kung paano kumilos.

  • Ano ang dapat nating gawin matapos tayong maturuan sa ating mga miting sa Simbahan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kailangan nating ipangako na kikilos tayo ayon sa kaalamang natatanggap natin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa talata 9.)

  • Ayon sa mga talatang ito, paano tayo pinagpapala sa pagtanggap ng kaalaman at pagkilos ayon dito? (Sa pagtalakay ng mga estudyante ng tanong na ito, tiyaking mabigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Napapabanal tayo kapag kumikilos tayo ayon sa mga katotohanang nalaman natin. Maaari mo ring ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mapabanal ay malinis mula sa kasalanan.)

Idrowing ang kalakip na diagram sa pisara.

pagkilos ayon sa kaalaman
  • Sa palagay ninyo ano ang ibig sabihin ng “ipangangako ang [ating] sarili na kumilos”?

  • Paanong ang pagtatamo ng kaalaman sa mga miting ng Simbahan ay nakatutulong na mapabanal tayo?

Sabihin sa klase na isipin ang mga pagpapalang natanggap nila nang kumilos sila ayon sa natutuhan nila mula sa mga miting ng Simbahan. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasang ito at ipaliwanag kung paano sila pinagpala ng pagkilos nang ayon sa natutuhan nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 43:12–14 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga Banal na kung gusto nilang tumanggap ng mga katotohanan ng ebanghelyo, dapat nilang suportahan si Joseph Smith sa kanyang tungkulin.

Ipaliwanag na inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 43:15–16 sa mga Banal sa mga Huling Araw na naghahandang maglingkod sa misyon. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito.

  • Sa palagay ninyo, paano naaangkop ang mga talatang ito sa gawain ng mga full-time missionary?

Doktrina at mga Tipan 43:17–35

Ang mga tagapaglingkod ng Diyos ay kailangang mangaral ng pagsisisi bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at sa Milenyo

Magpasulat sa mga estudyante ng mga aktibidad o kaganapan na kailangan ng masusing paghahanda. Maaari magbahagi ang mga estudyante ng ilang halimbawa, tulad ng full-time mission, isports, musikal na pagtatanghal, pagtuturo sa simbahan, at pagsusulit sa paaralan.

  • Sa palagay ninyo, ano kaya ang mararamdaman ng mga tao kung hindi pa sila handa kapag dumating na ang panahon na dapat na nilang gawin ang gayong mga aktibidad?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang kaganapan na kailangan nating paghandaan. (“Ang dakilang araw ng Panginoon,” o, sa madaling salita, ang Ikalawang Pagparito.)

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Doktrina at mga Tipan 43:17–22 at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga elder para tulungan ang mga tao na maghanda para sa Ikalawang Pagparito. Pagkatapos makapagbasa ng mga grupo, itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na ituro ng mga elder? Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na upang maihanda natin ang ating sarili para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, dapat tayong magsisi. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipaalala sa mga estudyante na nangako ang Panginoon na titipunin ang Kanyang mga tao na tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak ngunit maraming tao ang ayaw magsisi o ihanda ang kanilang sarili para sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa D at T 43:23–24; tingnan din sa D at T 29:1–2 at lesson 35 sa manwal na ito).

Sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Doktrina at mga Tipan 43:25–27 at alamin ang iba’t ibang “tinig” na ginamit ng Panginoon sa pagtawag sa mga tao na lumapit sa Kanya. Matapos magbasa ang mga estudyante, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga “tinig” ang natukoy ninyo? Sa palagay ninyo, bakit kailangan ang iba’t ibang tinig na ito?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga partikular na bagay na kailangan nilang gawin para makapagsisi at makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyate ang Doktrina at mga Tipan 43:28–31 at sabihin sa klase na alamin ang dakilang pangyayari na ipinropesiya sa mga talatang ito.

  • Ano ang dakilang pangyayari na ipinropesiya sa mga talatang ito? (Ang Milenyo.)

  • Ano ang mangyayari sa Milenyo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Sa panahon ng Milenyo, si Satanas ay igagapos at si Jesucristo ay maghahari sa Kanyang mga tao sa mundo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng katotohanang ito sa mga talata 28–31. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano igagapos si Satanas, maaari mong ipabasa sa kanila ang 1 Nephi 22:26.)

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong George Q. Cannon ng Unang Panguluhan na nagpapaliwanag kung paano igagapos si Satanas sa Milenyo:

Pangulong George Q. Cannon

“Tinatalakay natin ang tungkol sa paggapos kay Satanas. Si Satanas ay igagapos ng kapangyarihan ng Diyos; ngunit siya rin ay igagapos ng determinasyon ng mga tao ng Diyos na huwag siyang pakinggan, na hindi magpasakop sa kanya” (Gospel Truth: Discourses and Writings of President George Q. Cannon, comp. Jerreld L. Newquist, 2 tomo [1957–74], 1:86).

  • Paano tayo maghahanda ngayon para mapabilang sa mabubuti kapag pumaritong muli ang Tagapagligtas? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong rebyuhin at patotohanan ang mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.)

Doktrina at mga Tipan 44

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na sama-samang magtipon

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 44:1–6 na ipinapaliwanag sa mga estudyante na iniutos ng Panginoon sa mga elder na magtipon para sa isang kumperensya. Nangako ang Panginoon sa mga elder na kung sila ay magiging matapat at sasampalataya sa Kanya, ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa kanila at pagpapalain sila upang ang kanilang mga kaaway ay hindi magkaroon ng kapangyarihan sa kanila. Iniutos sa kanila ng Panginoon na mangaral ng pagsisisi, tumulong sa mga maralita, at isaayos ang kanilang sarili alinsunod sa mga batas ng lupain.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 43:6–7. “Sa pamamagitan niya na aking itinalaga”

Hinikayat tayo ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol na sundin ang payo ng Pangulo ng Simbahan at huwag magpaimpluwensya sa mga manlilinlang:

Pangulong Boyd K. Packer

“‘At muli sinasabi ko sa inyo, na hindi ibibigay sa sinuman na humayo upang mangaral ng aking ebanghelyo, o magtatag ng aking simbahan, maliban na siya ay inordenan ng isang may karapatan, at alam sa simbahan na siya ay may karapatan at maayos na inordenan ng mga pinuno ng simbahan.’ (D at T 42:11.)

“May ilan sa atin ngayon na hindi maayos na inordenan ng mga pinuno ng Simbahan na nagbababala na magkakaroon ng kaguluhan sa pamahalaan at ekonomiya, ang katapusan ng mundo. …

“Sinasabi ng mga manlilinlang na iyon na hindi alam ng mga Kapatid ang nangyayari sa mundo o sumasang-ayon ang mga Kapatid sa kanilang mga turo ngunit ayaw lamang ihayag ito sa pulpito. Hindi totoo ang isa man sa mga ito. Ang mga Kapatid, dahil sa paglalakbay nila saan mang dako ng mundo, ay nalalaman ang kasalukuyang nangyayari, at dahil sa kanilang kaalaman bilang propeta ay kayang mabatid ang mga tanda ng panahon.

“Huwag kayong magpalinlang sa kanila—sa mga manlilinlang na iyon. Kung mayroon mang anumang pagtitipon, ito ay ipaaalam ng mga taong maayos na naordenan at alam sa Simbahan na may awtoridad.

“Huwag sundin ang iba pa. Sundin ang inyong mga lider na nararapat na inordenan at hayagang sinang-ayunan, at kayo ay hindi malilihis” (“To Be Learned Is Good If … ,” Ensign, Nob. 1992, 73). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 87.)

Doktrina at mga Tipan 43:7. “Makapapasok sa pintuan”

Sinabi ng Panginoon, “Siya na inordenan … ay makapapasok sa pintuan” (D at T 43:7). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang pahayag na ito:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ipaaalam sa atin ng Panginoon na ginagawa niya ang lahat ng bagay nang maayos, at kapag tinawag niya ang isa na mamuno sa Simbahan, ang isang iyan ay makapapasok sa pintuan at oordenan ng mga mayhawak ng awtoridad. Nagaganap na ito mula pa sa simula at magpapatuloy hanggang sa wakas” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:138).

Doktrina at mga Tipan 43:22–31. Ang Ikalawang Pagparito, ang Milenyo, at “sandaling panahon”

Sinabi ng Panginoon na sa bandang katapusan ng milenyo, si Satanas ay “muling pakakawalan” ngunit “maghahari lamang ng sandaling panahon” (D at T 43:31). Ang sumusunod na diagram ay isang visual organizer para makatulong na maunawaan ang “sandaling panahon” sa konteksto.

diagram ng 1000 taon