Lesson 160
Ang Buhay na Propeta
Pambungad
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinagpalang mapamunuan ng isang buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Noong sinaunang panahon, ang mga propeta ay pinipili ng Panginoon at binibigyan ng awtoridad na magsalita para sa Kanya. Gayundin, sa ating panahon ang mga salita ng buhay na propeta ay kumakatawan sa tinig ng Panginoon sa atin at sa mundo (tingnan sa D at T 1:37–38). Sa lesson na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang ipinayo kamakailan ng Pangulo ng Simbahan, ang hinirang na propeta ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Patuloy na paghahayag sa pamamagitan ng buhay na propeta
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sino ang pinakamahalagang propeta para sa inyo?
Sabihin sa klase na pag-isipang mabuti ang tanong na ito at pakinggan ang sagot dito habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson.
“Ang pinakamahalagang propeta, para sa atin, ay yaong nabubuhay sa kasalukuyan” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” New Era, Mayo 1975, 17).
-
Sa palagay ninyo, bakit ang buhay na propeta ang pinakamahalagang propeta para sa atin?
Matapos sumagot ang mga estudyante, patuloy na basahin ang pahayag ni Pangulong Benson:
“Ito ang propetang may mga tagubilin ng Diyos ngayon para sa atin. … Bawat henerasyon ay nangangailangan ng sinaunang banal na kasulatan, pati na ng kasalukuyang banal na kasulatan mula sa buhay na propeta. Dahil dito, ang pinakamahalagang dapat ninyong basahin at pagbulayan ay ang pinakahuling mga inspiradong salita mula sa tagapagsalita ng Panginoon. Kaya nga mahalaga na makuha at mabasa ninyong mabuti ang kanyang mga salita sa mga lathalain ng Simbahan” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” 17).
Ipaliwanag na sinasang-ayunan natin ang lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Gayunman, ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao sa lupa na binigyang-karapatan na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood sa lupa at ang tanging tao na may karapatan na tumanggap at maghayag ng mga paghahayag para sa buong Simbahan.
-
Ayon sa natutuhan ninyo sa mga nakaraang lesson, kailan naghayag ang Pangulo ng Simbahan ng mga paghahayag para sa buong Simbahan o nagbalita ng mahahalagang pagbabago sa paraan ng pamamahala sa Simbahan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang panahong naglabas ng Manipesto si Pangulong Wilford Woodruff tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa [tingnan sa Opisyal Na Pahayag 1], nang ipahayag noon ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga katotohanang hindi pa naipapaalam tungkol sa daigdig ng mga espiritu sa kabilang buhay [tingnan sa D at T 138], at nang ipahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang mga pagpapala ng priesthood ay ipagkakaloob na sa lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan [tingnan sa Opisyal Na Pahayag 2].)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F Uchtdorf. Sabihin sa klase na pakinggan ang katotohanan hinggil sa paghahayag sa ating panahon.
“Ang isa sa maluluwalhating mensahe ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo ay ang Diyos ay patuloy na nangungusap sa Kanyang mga anak! Hindi Siya nagtatago sa kalangitan kundi nangungusap ngayon katulad ng ginawa Niya noong unang panahon. …
“Ang walang-katumbas na mga tagubilin ng Diyos sa sangkatauhan ay matatagpuan sa Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Bukod pa rito, nangungusap sa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, tulad ng gagawin Niyang muli sa … pangkalahatang kumperensya” (“Bakit Natin Kailangan ng mga Propeta?” Liahona, Marso 2012, 4).
-
Anong doktrina tungkol sa paghahayag ang itinuro ni Pangulong Uchtdorf? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang isang bagay na kahalintulad ng sumusunod na doktrina: Ang Panginoon ay patuloy na nangungusap sa atin ngayon sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta. Maaari mong isulat sa pisara ang doktrinang ito.)
-
Saan natin matatagpuan ang mga salita ng buhay na propeta? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pangkalahatang kumperensya, mga magasin ng Simbahan, LDS.org, at mormonchannel.org.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng patuloy na paghahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong John Taylor. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit mahalaga ang patuloy na paghahayag sa pamamagitan ng mga propeta.
“Nangangailangan tayo ng buhay na puno—buhay na bukal—buhay na katalinuhan, na nagmumula sa buhay na priesthood sa langit, mula sa buhay na priesthood sa mundo. … At mula sa panahong natanggap ni Adan ang mga tagubilin mula sa Diyos, … palaging kinailangan ang mga bagong paghahayag, na angkop sa mga partikular na kalagayan ng simbahan o ng indibiduwal. Ang paghahayag kay Adan ay hindi nagturo kay Noe kung paano itayo ang arka; ni hindi sinabi ng paghahayag kay Noe na iwan ni Lot ang Sodoma; ni hindi binanggit ng alinman dito ang pag-alis ng mga anak ni Israel mula sa Egipto” (sa The Gospel Kingdom, sel. G. Homer Durham [1987], 34).
-
Ayon kay Pangulong Taylor, bakit kailangan natin ng buhay na propeta? (Sa pamamagitan ng buhay na propeta, nagbibigay ang Diyos ng mga tagubilin na partikular sa mga pangangailangan at kalagayan ng panahong iyon.)
-
Paano nakakaapekto sa paraan ng inyong pakikinig o pagbabasa ng mga salita ng buhay na propeta ang pag-unawa ninyo na kailangan ang patuloy na paghahayag?
Pagsunod sa mga payo ng buhay na propeta
Upang matulungan ang mga estudyante sa pagtalakay ng mga payo ng buhay na propeta, pumili ng isa o mahigit pang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na ibinigay ng mga Pangulo ng Simbahan noong isang taon. Magbigay ng kopya ng mensahe para sa bawat estudyante sa klase. Bigyan ang mga estudyante ng oras na alamin ang mga doktrina at mga alituntunin na kasalukuyang itinuturo ng buhay na propeta.
Kapag natapos na ang sapat na oras ng pagbabasa ng mga estudyante, sabihin sa kanila na ilista ang mga doktrina at mga alituntunin na itinuturo ng Pangulo ng Simbahan. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga doktrina at mga alituntunin na natukoy nila, itanong ang ilan o ang lahat ng mga sumusunod:
-
Alin sa mga alituntunin o doktrina ang nadarama ninyong pinakamahalaga sa inyo? Bakit?
-
Sa paanong mga paraan ninyo sinusunod ng inyong pamilya ang payo ng propeta?
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang pag-aralan at ipamuhay natin ang kasalukuyang itinuturo ng Pangulo ng Simbahan?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal:
Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang isinulat nila. Magpatotoo na kapag ginawa nila ito, makakaasa sila na pagpapalain sila ng Ama sa Langit. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na pag-aralan at sundin ang mga turo ng mga buhay na propeta.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol sa mga buhay na propeta.
Sa pagtatapos ng seminary sa taong ito, hikayatin ang mga estudyante na patuloy na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw. Kung mag-e-enroll sila sa susunod na kurso sa seminary, maaari mong imungkahi na simulan na nilang pag-aralan ang Lumang Tipan. Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na magpatotoo sa mga pagpapalang natanggap niya sa patuloy na pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw kahit wala pang klase sa seminary.