Seminaries and Institutes
Lesson 64: Doktrina at mga Tipan 58:34–65


Lesson 64

Doktrina at mga Tipan 58:34–65

Pambungad

Bilang tugon sa mga katanungan ng mga elder kung paano sisimulan ang pagtatayo ng lunsod ng Sion, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58 noong Agosto 1, 1831. Nakatala sa talata 34–65 ang mga tagubilin tungkol sa pamumuhay sa batas ng paglalaan para sa mga taong lumipat sa Sion. Sa mga talatang ito, itinuro din ng Panginoon ang mga alituntunin ng pagsisisi, iniutos sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo, at tinagubilinan sila kung paano itatayo ang Sion.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sa nakaraang lesson, hinikayat ang mga estudyante na gamitin ang kanilang kalayaan sa paggawa ng kabutihan bago ang klase ngayon. Alamin kung ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang karanasan sa pagpiling maging “sabik sa paggawa” (D at T 58:27) ng mabuti.

Doktrina at mga Tipan 58:34–43

Ang Panginoon ay nagbigay ng mga tagubilin hinggil sa Sion at nagturo ng mga alituntunin ng pagsisisi

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ibig sabihin ng magsisi?

Tawagin ang ilang estudyante para sagutin ang tanong na ito. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong: Paano ko malalaman na lubos na akong nagsisi? Paano ko malalaman kung napatawad na ako ng Panginoon sa aking mga kasalanan?

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga tanong na ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Bigyan sila ng ilang minuto na isulat ang kanilang mga sagot sa bawat tanong. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na magkakaroon sila ng pagkakataon na tingnan muli ang kanilang mga sagot mamaya sa lesson.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:34–37 na ipinapaliwanag na marami sa mga elder na naglakbay patungo sa Missouri at maninirahan dito ang nagnais na malaman ang kailangan nilang gawin para maplano, maorganisa, at maitayo ang lunsod ng Sion. Iniutos ng Panginoon sa mga maninirahan sa Missouri na ibigay ang kanilang pera at ari-arian para sa layuning itayo ang Sion. Tinagubilinan si Martin Harris na maging halimbawa sa pagbibigay ng pera sa bishop. Nagbigay siya ng malaking halaga para matulungan si Bishop Edward Partridge na makabili ng lupain para sa Simbahan.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na pangalan: Martin Harris, William W. Phelps, at Ziba Peterson. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:38–41, 60. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tagubilin ng Panginoon kina Martin Harris, William W. Phelps, at Ziba Peterson sa paghahanda nila na itayo ang Sion.

Sa pagsagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong, isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng angkop na pangalan na nakasulat sa pisara.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na kasalanan ni Martin Harris? Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin niya?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na kasalanan ni William W. Phelps? Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin niya? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang, “hinahangad mangibabaw” [talata 41] ay hindi nangangahulugang ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin o nagsisikap na humusay. Sa halip, ang pariralang ito ay tumutukoy sa hindi matwid at palalong hangarin na maging mas mahusay o mas mahalaga kaysa sa ibang tao.)

  • Ano ang tinatangkang gawin ni Ziba Peterson sa kanyang mga kasalanan?

Bigyang-diin na ang mga kasalanan ng mga lalaking ito ay makahahadlang sa pagtulong nila sa pagtatayo ng Sion.

  • Sa paanong mga paraan nalilimitahan ng ating mga kasalanan ang ating kakayahan na maglingkod sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagsisisi.

  • Ayon sa talatang ito, ano ang ipinangako sa atin ng Panginoon kung tayo ay magsisisi ng ating mga kasalanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung magsisisi tayo ng ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Panginoon at hindi na maaalaala pa ang ating mga kasalanan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng alituntuning ito sa talata 42.)

  • Alin sa ating mga kasalanan naaangkop ang pangakong ito? (Lahat ng kasalanan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga salita o parirala na nauugnay sa alituntunin na nakasulat sa pisara.

Pangulong Boyd K. Packer

“Anuman ang naging mga kasalanan natin, gaano man tayo nakasakit sa iba, ang kasalanang iyan ay mabuburang lahat. Para sa akin, marahil ang pinakamagandang mga kataga sa mga banal na kasulatan ay nang sabihin ng Panginoon, ‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito’ [D at T 58:42].

“Iyan ang [pangako] ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Pagbabayad-sala” (“Ang Pagbabayad-sala,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 77).

Ipabasa sa mga estudyante ang mga tanong na nakasulat sa pisara.

  • Paano nasagot ng pangako ng Panginoon sa talata 42 ang pangatlong tanong: Paano ko malalaman kung napatawad na ako ng Panginoon sa aking mga kasalanan? (Ang pangako ng Panginoon ay tumutulong sa atin na malaman na palagi Siyang nagpapatawad kapag lubos tayong nagsisisi.)

  • Bukod pa sa nalalaman natin na ipinangako ng Panginoon na patatawarin tayo kapag lubos tayong nagsisi, paano pa natin malalaman na napatawad na tayo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano nila malalaman na napatawad na ng Panginoon ang kanilang mga kasalanan.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Kapag tunay tayong nagsisi, aalisin ni Cristo ang bigat ng pag-uusig ng budhi dahil sa ating mga kasalanan. Malalaman natin sa sarili natin na napatawad na tayo at naging malinis. Pagtitibayin ito sa atin ng Espiritu Santo; Siya ang Tagapagdalisay. Wala nang patotoo tungkol sa pagpapatawad ang hihigit pa rito” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 101).

  • Paano napagpala ang inyong buhay nang malaman ninyo na mapapatawad ang lahat ng inyong mga kasalanan?

Ipaliwanag sa mga estudyante na mali ang iniisip ng ilang tao na kung naaalaala pa nila ang kanilang mga kasalanan ay hindi pa sila lubos na nagsisi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit maaaring maalaala natin ang ating mga kasalanan pagkatapos nating magsisi.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Sisikapin ni Satanas na papaniwalain tayo na hindi napatawad ang ating mga kasalanan dahil naaalaala natin ang mga ito. Sinungaling si Satanas; pinalalabo niya ang ating paningin at inaakay tayo palayo sa landas ng pagsisisi at kapatawaran. Hindi nangako ang Diyos na hindi na natin maaalaala ang ating mga kasalanan. Ang pag-alaala ay makatutulong sa atin upang hindi na natin maulit pa ang gayunding pagkakamali. Ngunit kung mananatili tayong totoo at tapat, ang alaala ng ating mga kasalanan ay unti-unting malilimutan sa paglipas ng panahon. Bahagi ito ng kinakailangang proseso ng pagpapagaling at pagpapadalisay” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” 101).

Ipaliwanag na ang pangakong nakasulat sa pisara ay may kundisyon. Matatanggap lamang natin ang pagpapatawad ng Panginoon kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin upang lubos na mapagsisihan ang ating mga kasalanan.

  • Ano ang ibig sabihin ng magsisi? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang mga sagot na isinulat nila para sa mga tanong na nasa pisara.)

Matapos sumagot ng mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga karagdagang bagay na matututuhan nila tungkol sa ibig sabihin ng magsisi.

“Ang pagsisisi ay hindi lamang simpleng pag-amin ng kasalanan. Ito ay pagbabago ng puso’t isipan. Kabilang dito ang pagtalikod sa kasalanan at pagbaling sa Diyos para sa kapatawaran. Nagawa ito dahil sa pagmamahal sa Diyos at tapat na hangaring sundin ang Kanyang mga kautusan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 28).

Ipaliwanag na ang tunay na pagsisisi ay kinapapalooban ng ilang kailangang gawin. Dalawa sa mga kailangang gawin na ito ay binanggit sa Doktrina at mga Tipan 58:43. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dalawang bagay na dapat nating gawin upang lubos na makapagsisi ng ating mga kasalanan.

  • Ayon sa talata 43, ano ang dalawang bagay na dapat nating gawin upang lubos na makapagsisi ng ating mga kasalanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Upang makapagsisi, dapat nating aminin o ipagtapat at talikdan ang ating mga kasalanan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Paano tayo matutulungan ng katotohanang ito na masagot ang tanong na Paano ko malalaman na lubos na akong nagsisi? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pag-amin o pagtatapat at pagtalikod sa ating mga kasalanan ay kinakailangan sa lubos na pagsisisi.)

  • Ano ang ibig sabihin ng ipagtapat ang ating mga kasalanan?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng ipagtapat ang ating mga kasalanan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Ang pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan ay malalalim na konsepto. Higit pa ito sa simpleng pagsasabi ng ‘Inaamin ko; Patawad.’ Ang pagtatapat ay isang taos-puso, kung minsan ay mahirap na pag-amin ng kamalian at pagkakasala sa Diyos at sa tao” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 40).

  • Paano tumutulong sa atin ang pagtatapat ng ating mga kasalanan para matalikuran ang ating mga kasalanan at bumaling sa Diyos para humingi ng kapatawaran?

Bilang bahagi ng talakayang ito, maaaring isipin ng mga estudyante kung anong mga kasalanan ang kailangang ipagtapat at kanino ito dapat ipagtapat. Ipaliwanag na kailangang ipagtapat natin sa Ama sa Langit ang lahat ng ating mga kasalanan. Ang mabibigat na kasalanan, tulad ng kasalanang seksuwal o paggamit ng pornograpiya, ay kailangan ding ipagtapat sa bishop o branch president.

Ipabasa sa mga estudyante ang huling katotohanan na isinulat mo sa pisara.

  • Ano ang ibig sabihin ng talikdan ang ating mga kasalanan? (Lubos na talikuran ang ating mga kasalanan at itigil ang paggawa ng mga ito.)

Patotohanan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang mga alituntunin ng pagsisisi at pagpapatawad na tinalakay ninyo. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung may mga kasalanan sila na dapat pagsisihan at hikayatin sila na magsisi na isinasabuhay ang mga katotohanang natutuhan nila.

Doktrina at mga Tipan 58:44–65

Iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo at tinagubilinan sila kung paano itatayo ang Sion

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:49–62 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga elder kung sino ang mananatili sa Missouri kaya dapat silang bumili ng lupain at maghanda para sa pagtitipon ng mga Banal sa Missouri.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:46–47, 63–65. Sabihin sa klase na alamin ang tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa mga elder na babalik sa Ohio.

  • Ayon sa talata 46–47, ano ang dapat gawin ng mga elder sa pagbabalik nila sa Ohio?

  • Ayon sa talata 64, kanino dapat ipangaral ang ebanghelyo? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat makita sa sagot nila ang sumusunod na katotohanan: Ang ebanghelyo ay dapat ipangaral sa lahat ng tao. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng katotohanang ito sa talata 64.)

Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu na ibahagi ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga taong nasa paligid nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 58:39. “Magsisi”

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagsisisi ay higit pa sa isang listahan ng mga bagay na dapat gawin:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang pagtatala ng mga hakbang sa pagsisisi ay maaaring makatulong sa iba, ngunit maaari ding humantong sa pagsisising walang tunay na hangarin o pagbabago. Ang tunay na pagsisisi ay hindi paimbabaw. Dalawang mahalagang bagay ang hinihingi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon’ (D at T 58:43)” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 40).

Ipinaliwanag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng magsisi:

Elder Russell M. Nelson

“Ang doktrina ng pagsisisi ay mas malawak kaysa sa kahulugan nito sa diksyunaryo. Nang sabihin ni Jesus na ‘magsisi,’ itinala ng Kanyang mga disipulo ang utos na iyon sa wikang Griyego gamit ang pandiwang metanoeo. Malalim ang kahulugan ng makapangyarihang salitang ito. Sa salitang ito, ang ibig sabihin ng unlaping meta ay ‘magbago.’ Ang hulapi ay may kaugnayan sa apat na mahahalagang salitang Griyego: nous, na ibig sabihin ay ‘ang isip’; gnosis, na ibig sabihin ay ‘kaalaman’; pneuma, na ibig sabihin ay ‘espiritu’; at pnoe, na ibig sabihin ay ‘hininga.’

“Kung kaya’t nang sabihin ni Jesus na ‘magsisi,’ hiniling Niyang magbago tayo—baguhin ang ating isip, kaalaman, at espiritu—maging ang ating hininga. Ipinaliwanag ng isang propeta na ang gayong pagbabago sa hininga ng isang tao ay paghinga nang may buong pasasalamat sa Kanya na nagkakaloob ng bawat hininga. Sinabi ni Haring Benjamin, ‘Kung paglilingkuran ninyo siya na lumikha sa inyo … at nangangalaga sa inyo sa araw-araw, sa pamamagitan ng pagpapahiram sa inyo ng hininga … sa bawat sandali—sinasabi ko, kung siya ay paglilingkuran ninyo ng inyong buong kaluluwa, gayunman, kayo ay magiging hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod.’ [Mosias 2:21.]

“Oo, inutusan tayo ng Panginoon na magsisi, na baguhin ang ating mga gawi, na lumapit sa Kanya, at maging lalong katulad Niya. [Tingnan sa 3 Nephi 27:21, 27.] Kailangan dito ang lubusang pagbabago” (“Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 103).

Doktrina at mga Tipan 58:42. “Hindi na naaalaala ang mga ito”

Ibinahagi ni Elder F. Burton Howard ng Pitumpu ang kanyang karanasan kung saan natutuhan niya na matapos magsisi, tunay na hindi na naaalaala ng Panginoon ang ating mga kasalanan:

Elder F. Burton Howard

“Narito ang huling kuwento—ito rin ay noong bishop ako. Isang gabi, habang mahimbing akong natutulog, tumunog ang doorbell. Nagmamadali akong binuksan ang pinto at nakita ko roon ang isang binatilyo na miyembro ng aking priests quorum. Kilalang-kilala ko siya kaya nga kasama ko siya sa mga outing, nagdarasal na kasama siya at ipinagdarasal siya, at tinuturuan siya. Kilala ko siya tulad ng pagkakilala ng isang butihing bishop sa sinumang aktibong priest na labingwalong taong gulang, kaya kampante ko siyang tinanong kung bakit hatinggabi na ay naroon siya.

“Sinabi niya na, ‘Gusto ko po kayong makausap, bishop. Nakagawa po ako ng mabigat na kasalanan, at hindi po ako makakauwi.’

“Tama siya. Mabigat na kasalanan iyon. Pinapasok ko siya at nag-usap kami. Nagsalita siya at nakinig ako, at nagsalita ako at nakinig siya, hanggang madaling-araw. Marami siyang tanong. Nakagawa siya ng mabigat na kasalanan. Gusto niyang malaman kung may pag-asa pa. Gusto niyang malaman kung paano magsisi. Gusto niyang malaman kung kasama sa pagsisisi ang pagtatapat sa kanyang mga magulang. Gusto niyang malaman kung may pag-asa pa siyang makapagmisyon. Gusto niyang malaman ang iba pang mga bagay.

“Hindi ko nasagot ang lahat ng tanong niya, ngunit sinabi ko sa kanya na may pag-asa. Sinabi ko sa kanya na magiging mahirap ang pagbalik, ngunit posible. Ipinaliwanag ko na alam ang tungkol sa proseso ng pagsisisi at tinulungan siyang makita kung ano ang dapat niyang gawin. Sinabi ko sa kanya na kung talagang gusto niyang magmisyon, ang desisyong iyon ay magagawa lamang niya kung siya ay nakapagsisi. Pagkatapos ay sinabi kong umuwi na siya, at sumunod siya.

“Ipinaliwanag niya ang sitwasyon sa kanyang mga magulang. Humingi siya ng tawad sa mga taong nagawan niya ng pagkakamali. Tinalikuran niya ang kasalanan at masamang barkada at ginawa ang lahat ng makakaya niya para magsisi.

“Makalipas ang limang taon o mahigit pa, limang binata mula sa korum na iyon ang nagmisyon. Siya ay isa sa kanila. Malapit ako sa kanilang lahat. Dinaluhan ko ang farewell party ng bawat isa sa kanila. Lahat sila ay naglingkod sa misyon nang marangal. Sa maikling panahon pagkatapos makabalik mula sa misyon, lahat sila ay ikinasal sa templo. Dinaluhan naming mag-asawa ang kasal ng bawat isa sa kanila. Maisusulat ko sa papel, kahit ngayon, ang mga pangalan nila at ang mga pangalan ng kanilang mga asawa at ilan sa kanilang mga anak. Ganyan ko sila kakilala.

“Ngunit may sasabihin ako sa inyo—isang bagay na napakapribado at napakahalaga. Hindi ko na maalaala ang pangalan ng binatilyong pumunta sa aking tahanan noong hatinggabing iyon. Alam ko na isa siya sa limang iyon, ngunit hindi ko na maalaala kung sino sa kanila.

“Dati ay nag-alala ako tungkol doon. Naisip ko na baka naging malilimutin na ako. Sinikap kong maalala kung sino iyon na nagkaroon ng problema, pero hindi ko talaga maalala.

“Kalaunan ay na-release ako bilang bishop, at lubos kong kinalimutan ang insidente sa isipan ko. Isang gabi na naglalakad ako ilang taon na ang nakakalipas, nasumpungan ko ang aking sarili sa ward kung saan minsan ako naging bishop. Ang tahimik na kapaligiran ay nagpagunita sa akin ng maraming alaala. Malalim ang iniisip nang matanto ko na naglalakad ako sa harap ng isang bahay kung saan isa sa aking mga priest ang nakatira dati roon. Biglang sumagi sa isipan ko ang binatilyong ikinuwento ko, at pilit kong muling inaalala kung sino sa limang iyon. Dati ba siyang nakatira sa bahay na iyon? naisip ko. Bakit hindi ko maalala?

“Habang patuloy ako sa paglalakad, may nangyari — isang bagay na mahirap ipaliwanag, ngunit totoong nangyari sa akin. Para akong nakarinig ng isang tinig na nagsasabing, ‘Hindi mo ba nauunawaan, anak ko? Nalimutan ko na iyon. Bakit pilit mo pang inaalala?’

“Nabalisa ako. Walang kasiya-siyang sagot sa tanong. Hindi ko na iyon inisip kailanman. Mas natiyak ko noon na nalulugod ang Panginoon kapag bumabalik ang kanyang mga anak sa kanya.

“Lahat ng mga pastol at lahat ng mga nawawalang tupa ay dapat tandaan ang huling bagay na ito. Talagang gagawin ng Panginoon ang sinabi niya na, ‘Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito. (D at T 58:42)’” (“Come Back to the Lord,” Ensign, Nob. 1986, 77–78).

Doktrina at mga Tipan 58:43. “Aaminin ang mga yaon”

Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga kailangang gawin sa pag-amin o pagtatapat:

Elder Richard G. Scott

“Kailangang lagi ninyong ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa Panginoon. Kung ang mga ito ay mabibigat na kasalanan, gaya ng imoralidad [kasalanang seksuwal], kailangan itong ipagtapat sa bishop o stake president. Mangyaring maunawaan na ang pagtatapat ay hindi pagsisisi. Ito ay kinakailangang gawin ngunit hindi ito sapat. Ang bahagyang pagtatapat na binabanggit lamang ang maliliit na kasalanan ay hindi makatutulong sa inyo na maresolba ang mas mabigat at hindi ipinagtapat na kasalanan. Kinakailangan sa kapatawaran ng kasalanan ang kusa at lubos na pagtatapat sa Panginoon at, kung kailangan, sa Kanyang priesthood leader na hahatol sa lahat ng inyong ginawa” (“Finding Forgiveness,” Ensign, Mayo 1995, 76).

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball ang tungkol sa kahalagahan ng taos-puso at lubusang katapatan kapag nagtatapat tayo ng ating mga kasalanan:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Walang sinuman kailanman ang mapapatawad sa anumang kasalanan hangga’t walang pagsisisi, at ang isang tao ay hindi nagsisi hangga’t hindi niya inilalantad ang kanyang kaluluwa at inaamin ang kanyang mga intensyon at kahinaan nang walang pagdadahilan o pangangatwiran” (Love versus Lust, Brigham Young University Speeches of the Year [Ene. 5, 1965], 10).

Doktrina at mga Tipan 58:43. Bakit may mga kasalanang kailangang ipagtapat sa isang awtorisadong priesthood leader?

Bilang pangulo ng Aaronic Priesthood sa ward, hawak ng isang bishop o branch president ang mga susi ng pagsisisi para sa mga tao ng kanyang ward. Ginagamit ng mga bishop at branch president ang mga susing ito para malaman ang katayuan ng isang tao sa Simbahan at matulungan ang tao sa proseso ng pagsisisi. Nagbigay ng karagdagang kaalaman si Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol sa layunin ng pagtatapat ng mabibigat na kasalanan sa mga awtorisadong priesthood leader:

Elder Richard G. Scott

“Ang mabibigat na kasalanan tulad ng imoralidad ay nangangailangan ng tulong ng isang taong mayhawak ng mga susi, tulad ng bishop o stake president, upang tahimik na makatulong sa proseso ng pagsisisi para matiyak na ito ay lubos at nagawa nang tama” (“The Power of Righteousness,” Ensign, Nob. 1998, 69–70).

Doktrina at mga Tipan 58:43. “Aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon”

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang ibig sabihin ng magsisi ng ating mga kasalanan:

Elder Neil L. Andersen

“Ang pagtalikod sa mga kasalanan ay nagpapahiwatig na huwag na itong balikan pa. Nangangailangan ng panahon ang pagtalikod. Para matulungan tayo, paminsan-minsan ay itinitira ng Panginoon ang ilang pagkakamali natin sa ating alaala. Mahalagang bahagi ito ng ating pagkatuto sa buhay na ito.

“Kapag [taos-puso] nating ipinagtapat ang ating mga kasalanan, ibinalik ang kaya nating ibalik sa taong nasaktan, at tinalikuran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos, nasa proseso tayo ng pagtanggap ng kapatawaran. Sa paglipas ng panahon, madarama nating nababawasan ang hapis ng ating kalumbayan, napapawi ‘ang pagkakasala sa ating mga puso’ [Alma 24:10] at nagkakaroon tayo ng ‘katahimikan ng budhi.’ [Mosias 4:3.]

“Para sa mga tunay na nagsisisi, ngunit tila hindi nakadarama ng kapanatagan: patuloy na sundin ang mga kautusan. Nangangako ako sa inyo, mapapanatag kayo sa takdang panahon ng Panginoon. Nangangailangan din ng panahon ang paghilom” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 42).