Lesson 25
Doktrina at mga Tipan 19:23–41
Pambungad
Upang magarantiyahan si E. B. Grandin na mababayaran ito sa paglimbag ng Aklat ni Mormon, pinirmahan ni Martin Harris ang kasunduan ng pagkakasangla ng kanyang bukirin noong Agosto 1829. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19, pinayuhan ng Panginoon si Martin Harris na ibahagi ang kanyang ari-arian para sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 19:26). Kalaunan ibinenta ni Martin ang 151 acres ng kanyang bukirin para ipambayad sa pagpapalimbag.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 19:23–24
Nagpatotoo ang Tagapagligtas na ginagawa Niya ang kalooban ng Ama
Bago magklase, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Kailan nangyari na kailangan ninyong gawin ang isang bagay na alam ninyong tama, pero nag-aalangan o kinakabahan kayo sa magiging resulta nito?
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang tanong na ito. (Paalalahanan sila na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.)
Matapos ang sapat na oras na makapagbahagi ang mga estudyante, itanong sa klase ang mga sumusunod:
-
Kung makaranas kayo ng sitwasyon na kailangan ninyong gawin ang tama, pero hindi kayo sigurado sa magiging resulta nito, ano ang makatutulong sa inyo na magkaroon ng pananampalatayang sumunod kahit na mahirap ito?
-
Magbabago ba ng inyong reaksyon depende sa kung sino ang magpapagawa sa inyo ng mahirap na bagay? Bakit oo o bakit hindi?
Upang maipaalala sa mga estudyante ang historikal na konteksto ng Doktrina at mga Tipan 19, basahin nang malakas ang pambungad ng lesson. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pambungad para sa Doktrina at mga Tipan 19 at Doktrina at mga Tipan 19:26 at alamin kung sino ang nag-utos kay Martin Harris na isangla ang kanyang bukirin.
-
Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Martin, sa palagay ninyo paano makatutulong sa inyo na alam ninyong sa Diyos galing ang utos na ito?
Ipaliwanag na ang desisyong ibahagi ang kanyang ari-arian para pondohan ang pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon ay mahirap para kay Martin Harris (tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 86, 88). Tinugon ng Panginoon ang ikinababalisa ni Martin sa pamamagitan ng paghahayag ng ilang bagay na kailangan niyang gawin at ilang bagay na kailangan niyang malaman. Gumawa ng dalawang column sa pisara at lagyan ng label na Gagawin at Aalamin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:23–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin at alamin ni Martin Harris. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat ang kanilang mga sagot sa angkop na column sa pisara. Ang listahan nila ay dapat katulad ng sumusunod:
Gagawin |
Aalamin |
---|---|
Matuto kay Jesucristo Makinig sa mga salita ni Jesucristo Lumakad sa kaamuan ng Espiritu |
Ang paghahayag na ito ay nagmula kay Jesucristo Sinunod ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa Langit |
Ituro ang mga salitang matuto, makinig, at lumakad sa column na “Gagawin”.
-
Ano ang magagawa natin para matuto kay Cristo, makinig sa Kanyang mga salita, at lumakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu?
-
Sa palagay ninyo, paano maaaring makatulong kay Martin ang paggawa ng mga bagay na ito para magawa ang mahirap na desisyong isanla ang kanyang ari-arian para sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon?
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:23 at alamin ang pangako ng Panginoon kay Martin Harris.
-
Anong katotohanan ang itinuro ng Panginoon kay Martin Harris na maaari rin nating ipamuhay? (Kapag natukoy na ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin, isulat ito sa pisara: Kung matututo tayo kay Cristo, makikinig sa Kanyang mga salita, at lalakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu, mapapayapa tayo.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nagkaroon ba sila o ang isang taong kilala nila ng lakas na gumawa ng mahihirap na desisyon dahil sa kapayapaang ibinigay ng Espiritu. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.
-
Paano maaaring makatulong sa inyo ang kapayapaang nadarama ninyo na piliin ang tama, kahit nag-aalala o kinakabahan kayo sa magiging resulta? (Bago sagutin ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong ipaliwanag na “sa mga banal na kasulatan, ang kapayapaan ay maaaring nangangahulugan ng kalayaan mula sa labanan at kaguluhan o panloob na katahimikan at kaginhawahan na dulot ng Espiritu na ibinibigay ng Diyos sa kanyang matatapat na Banal” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kapayapaan,” scriptures.lds.org).
Doktrina at mga Tipan 19:25–35
Iniutos ng Panginoon kay Martin Harris na ipagbili ang Kanyang ari-arian para sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon
Sabihin sa mga estudyante binigyan ng Panginoon si Martin Harris ng mga karagdagang utos at payo. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 19:25–35 at alamin ang mga utos at payong ibinigay kay Martin. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na hanapin at markahan ang mga pariralang “iniuutos ko” at “huwag kang.”)
-
Anong mga utos at payo ang ibinigay ng Panginoon kay Martin Harris?
Ipaliwanag na nagmamalasakit ang Panginoon kay Martin Harris at binigyan siya ng partikular na mga utos para sa kanyang mga kalagayan. Wala tayong sapat na impormasyon para maunawaan kung bakit binigyan ng Panginoon si Martin Harris ng ilang utos. Gayunman, malinaw na sinabi ng Panginoon ang mangyayari kung babalewalain ni Martin ang mga kautusang iyon.
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 19:33, ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung patuloy na “pawawalang-halaga” ni Martin ang mga utos ng Diyos? (Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang pawawalang-halaga ay balewalain ang isang bagay dahil itinuturing itong walang kabuluhan o walang gaanong halaga.)
Sabihin sa mga estudyante isipin ang ilan sa mga utos na natanggap nila mula sa Panginoon. Hikayatin sila na isama ang mga utos at payo na natanggap ng bawat isa sa kanila mula sa mga basbas ng priesthood at mga lider ng priesthood.
-
Paano nagpapatunay ang mga utos at payo na natatanggap natin na kilala at mahal tayo ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nalungkot sila o ang isang taong kilala nila dahil binale-wala nila ang mga utos ng Diyos.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na payo ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“May makakaharap [kayong] mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pinili nilang labagin. Ang tawag ko dito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos” (“Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 34).
-
Paano naging katibayan na binabale-wala ng isang tao ang mga utos ng Panginoon ang inilarawan ni Elder Nelson na “estilo ng turu-turo sa pagsunod”?
Sabihin sa mga estudyante na tulad ng kilala ng Panginoon si Martin Harris, kilala rin Niya ang bawat isa sa atin. At tulad ng binigyan Niya si Martin ng mga utos at payo para tulungan siya, binibigyan din tayo ng Panginoon ng mga utos at payo para tulungan tayo. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung winalang-halaga, o binale-wala ba nila ang alinman sa mga utos na ibinigay ng Panginoon sa kanila at kung may partikular na utos ba na masusunod nila nang mas tapat.
Doktrina at mga Tipan 19:36–41
Pinayuhan ng Panginoon si Martin Harris tungkol sa kanyang paglilingkod
Ipaliwanag na tulad ni Martin Harris, lahat tayo ay kailangang magpasiya kung susundin natin ang kalooban ng Ama sa halip na ang gusto natin, kahit mahirap ang ipinapagawa Niya sa atin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang bahagi ng sumusunod na salaysay ni Pangulong Thomas S. Monson.
“Isinilang sa kahirapan ngunit pinalaking may pananampalataya, pinaghandaan ni Jose [Garcia] na makapagmisyon. Naroon ako noong araw na matanggap ang kanyang rekomendasyon. Nakasaad doon: ‘Si Brother Garcia ay maglilingkod at ito ay malaking sakripisyo sa kanyang pamilya, dahil siya halos ang nagtataguyod sa pamilya. May iisa lang siyang ari-arian—isang pinakaiingatang koleksyon ng mga stamp—na handa niyang ipagbili, kung kailangan, para matustusan ang kanyang misyon.’
“Nakinig nang mabuti si [Spencer W.] Kimball habang binabasa ito sa kanya, at pagkatapos ay sumagot: ‘Hayaan mong ipagbili niya ang koleksyon niya ng stamp. Pagpapalain siya dahil sa sakripisyong iyan’” (“Profiles of Faith,” Ensign, Nob. 1978, 56).
-
Paano magiging mas madali ang mahihirap na desisyon tulad ng kay Jose kung nadama na natin ang kapanatagan na bunga ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:36–41 at alamin ang mga alituntunin na maaaring nakahikayat kay Martin Harris na sumunod sa mga utos ng Panginoon. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 19:38: Kung gagawin natin ang kalooban ng Panginoon, bibigyan Niya tayo ng mga pagpapala na mas mahalaga kaysa mga kayamanan ng mundo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa margin sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 19:38.
-
Paano nauugnay ang alituntuning ito sa ibang mga katotohanang natutuhan ninyo sa lesson na ito?
Basahin ang katapusan ng kuwento ni Pangulong Monson, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano pinagpala si Jose sa pagbebenta ng kanyang koleksyon ng mga stamp:
“Pagkatapos, may kislap sa kanyang mga mata at ngiti sa kanyang mukha, sinabi ng mapagmahal na propetang ito, ‘Bawat buwan sa headquarters ng Simbahan, tumatanggap tayo ng libu-libong liham mula sa lahat ng dako ng mundo. Iipunin natin ang mga stamp na ito at ibibigay kay Jose pagkatapos ng kanyang misyon. Mapapasakanya, nang libre, ang pinakamagandang koleksyon ng stamp ng sinumang binatilyo sa Mexico’” (“Profiles of Faith,”56).
Sinunod ni Martin Harris ang utos na ibahagi ang kanyang ari-arian para mabayaran ang pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng pagsasangla at kalaunan ay pagbebenta ng 151 acres ng kanyang bukirin. Dahil sa desisyon ni Martin, milyun-milyong buhay ang napagpala at patuloy na pagpapalain.
Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mas masunod ang kalooban ng Ama sa halip na ang kagustuhan nila.