Pag-aaral ng Doktrina
Joseph Smith
Si Joseph Smith ang unang propeta sa mga huling araw. Pinili ng Panginoon si Joseph upang maging propeta Niya at upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang Simbahan sa mundo.
Buod
Bilang isang binatilyo noong 1820, ninais ni Joseph Smith na malaman kung aling simbahan ang totoo. Nang magsaliksik siya sa Biblia para sa tulong, nabasa niya na dapat siyang humingi sa Diyos. Sa pagsunod sa payo na ito, nagtungo si Joseph sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at nanalangin siya. Biglang may nagliwanag sa itaas niya at nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Nang itanong ni Joseph kung aling simbahan ang dapat niyang sapian, sinabi sa kanya ng Tagapagligtas na huwag siyang sumapi sa alinman sa mga simbahang naitatag noong panahong iyon dahil nagtuturo ang mga ito ng mga maling doktrina. Sa pamamagitan ng karanasang ito at ng marami pang ibang sumunod, pinili ng Panginoon si Joseph upang maging propeta Niya at upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang Simbahan sa mundo.
Nang mapatunayan ni Joseph Smith na karapat-dapat siya, binigyan siya ng isang banal na misyon bilang propeta ng Diyos. Sa pamamagitan niya, naisakatuparan ng Panginoon ang isang dakila at kagila-gilalas na gawain na kinabibilangan ng paglabas ng Aklat ni Mormon, pagpapanumbalik ng priesthood, paghahayag ng mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo, pag-oorganisa ng totoong Simbahan ni Jesucristo, at pagpapasimula ng gawain sa templo. Noong Hunyo 27, 1844, napatay si Joseph at ang kanyang kapatid na si Hyrum sa pagsalakay ng mga armadong mandurumog. Tinatakan nila ang kanilang mga patotoo ng kanilang dugo.
Para maging ganap ang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, dapat kasama rito ang patotoo tungkol sa banal na misyon ni Joseph Smith. Ang katotohanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakabatay sa katotohanan ng Unang Pangitain at ng iba pang paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph. Sa Doktrina at mga Tipan, nalaman natin na si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito (Doktrina at mga Tipan 135:3).
Upang malaman ang katotohanan ng patotoo ni Joseph Smith, kailangang pag-aralan ng bawat tapat na naghahangad ng katotohanan ang tala at pagkatapos ay manampalataya nang lubos kay Cristo upang maitanong sa Diyos sa taimtim at mapagpakumbabang panalangin kung totoo ang tala. Kung magtatanong ang naghahangad nang may tunay na layunin na kumilos ayon sa sagot na ihahayag ng Espiritu Santo, ipababatid sa kanya ang katotohanan ng pangitain ni Joseph Smith. Sa paggawa nito, malalaman ng bawat tao na totoo ang sinabi ni Joseph Smith nang ipahayag niya, “Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Smith, Joseph, Jr.”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Video
Mga Video ng Tabernacle Choir
“Joseph Smith’s First Prayer [Unang Panalangin ni Joseph Smith]”