Library
Mortal na Ministeryo ni Jesucristo


“Mortal na Ministeryo ni Jesucristo,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

si Cristo na nagtuturo sa mga tao

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mortal na Ministeryo ni Jesucristo

“At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos” (Mosias 3:8)

Ang pinakadakila sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit ay ang Kanyang Panganay na Anak na si Jesucristo. Bago ang Kanyang mortal na pagsilang, kilala si Jesus sa maraming titulo, tulad ng Dakilang Jehova at Panginoong Makapangyarihan. Isinugo ng Diyos Ama ang Kanyang Anak upang mabuhay sa lupa at ihandog ang Kanyang sarili bilang walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo upang gawing posible ang pagtubos para sa lahat ng anak ng Diyos. Sa Kanyang mortal na buhay, itinuro ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo, gumawa ng mga makapangyarihang himala, at itinatag ang Kanyang Simbahan. Mula sa mga salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa Kanyang buhay, nalaman natin na Siya ay lubos na masunurin sa Kanyang Ama. Pinagaling ni Jesucristo ang mga maysakit at nahihirapan, nagbigay ng pag-asa sa mga nagdurusa, nagturo ng kahalagahan ng pagsisisi, at ginawang posible ang kapatawaran. Ang Kanyang mortal na buhay ay nagpakita ng perpektong halimbawa na tutularan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Ano ang Mortal na Ministeryo ni Jesucristo?

Isinugo ng Ama ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo sa lupa upang maging Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Sa pamamagitan ng Kanyang mga karanasan sa buhay na ito at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, nalaman at naunawaan Niya nang lubos ang nararanasan ng bawat isa sa atin dito sa lupa. Nagpakita si Jesucristo ng perpektong halimbawa na tutularan natin.

Buod ng paksa: Jesucristo

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Pagsilang ni Jesucristo, Jesucristo, Pagkabuhay na Mag-uli

Bahagi 1

Laging Sumusunod ni Jesucristo ang Kalooban ng Kanyang Ama

si Jesus na nagtuturo sa templo

Ang mahimalang mga pangyayari sa pagsilang ni Jesucristo ay malinaw na nakatala sa mga banal na kasulatan (tingnan, halimbawa, sa Lucas 2:1–19). Hinggil sa Kanyang pagkabata, nakasaad lamang sa mga banal na kasulatan na “lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos” at na “lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:40, 52).

Noong 12 taong gulang si Jesus, naglakbay Siya kasama ang Kanyang pamilya patungong Jerusalem upang ipagdiwang ang Pista ng Paskua. Sa kanilang paglalakbay pauwi sa Nazaret, natanto nina Maria at Jose na hindi kasama si Jesus ng mga miyembro ng pamilya na kasama nilang naglalakbay. Kalaunan ay natagpuan nila Siya sa templo sa Jerusalem, tinuturuan ang mga tao at sinasagot ang kanilang mga tanong (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46). Nang magpahayag si Maria ng pag-aalala tungkol sa Kanyang pagkawala, sinabi ni Jesus, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo nalalaman na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” (Lucas 2:49). Kahit noong bata pa Siya, nakatuon si Jesus sa paggawa ng gawain ng Kanyang Ama.

Sa buong buhay Niya sa mundo, minahal at pinaglingkuran ni Jesus ang Diyos Ama. Sinabi Niya, “Ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). Nais ni Jesucristo na gayon din ang gawin ng bawat isa sa atin. Nangako Siya na “ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” ay ang taong makapapasok sa kaharian ng Diyos (Mateo 7:21).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Juan 8:25–30, kung saan ipinaliwanag ni Jesucristo, “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa [Ama] (talata 29). Ano ang magagawa mo para mas maunawaan at masunod ang kalooban ng Ama sa iyong buhay?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Anyayahan ang iyong mga kagrupo na basahin at pag-isipan ang mga tanong na ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson sa sumusunod na pahayag:

    “Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?”1

    Paano kayo aakayin ng mga sagot ninyo sa mga tanong na ito na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa palaging pagsunod sa kalooban ng Ama?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Perpektong Buhay ni Jesucristo ay Isang Halimbawa para sa Lahat

si Juan na Tagapagbautismo na binibinyagan si Jesucristo

Sa nalalapit na pagsisimula ng Kanyang ministeryo sa mga tao, pumunta si Jesus kay Juan na Tagapagbautismo at nabinyagan sa Ilog Jordan. Bagama’t hindi Siya nagkasala kailanman, ipinaliwanag ni Jesus na kailangan Niyang mabinyagan “upang matupad ang buong katuwiran.” Nang umahon si Jesus mula sa tubig, narinig ang tinig ng Diyos Ama, na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.” Bumaba ang Espiritu Santo kay Jesucristo, na ipinakita sa pamamagitan ng tanda ng kalapati. (Tingnan sa Mateo 3:13–17.)

Si Jesucristo ay namuhay nang walang kasalanan. Kasunod ng Kanyang binyag, nag-ayuno Siya nang 40 araw at 40 gabi upang makipag-ugnayan sa Diyos (tingnan Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:2). Pagkatapos, dumating si Satanas para tuksuhin Siya. Subalit matatag na napaglabanan ni Jesucristo ang mga tukso. Ang Kanyang buhay na walang bahid ng kasalanan ay naghanda kay Jesucristo upang isakripisyo ang Kanyang sarili para sa lahat ng kasalanan ng mga anak ng Diyos. Bilang tanging perpektong nilalang sa mga anak ng Diyos, si Jesucristo ang pinakadakilang halimbawa para sa bawat isa sa atin sa ating mga pagsisikap na sundin ang Diyos (tingnan sa 1 Pedro 2:21–22).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Mateo 4:1–11, pati na ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1, 5–6, 8–9, na naglalarawan ng nangyari nang tangkain ni Satanas na tuksuhin si Jesus. Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Cristo sa pagharap sa tukso? Sa paanong paraan ka maihahanda ng pag-aayuno, panalangin, at kaalaman sa mga banal na kasulatan para mapaglabanan ang tukso?

  • Itinuro ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo sa labindalawang Nephitang disipulo ang tungkol sa kanilang tungkulin bilang mga hukom ng mga tao. Basahin ang 3 Nephi 27:27 para makita ang kautusang ibinigay ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo. Bakit mahalagang maging katulad ni Jesucristo ang Kanyang mga tagasunod?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sabihin sa iyong mga kagrupo na pag-isipan kung bakit kailangang maranasan ni Jesucristo ang tukso. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga sagot sa Mga Hebreo 2:17–18; 4:15–16. Bakit mahalagang maunawaan natin na naranasan din ni Jesucristo ang mga tukso tulad natin sa panahong ito?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Tinuruan Tayo ni Jesus na Mahalin at Paglingkuran ang Isa’t Isa

pinagagaling ni Jesus ang isang lalaking lumpo

Itinuro ni Jesucristo na may dalawang dakilang utos. Ang una sa mga utos na ito ay ibigin ang Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, at pag-iisip. Ang pangalawa ay ibigin ang ating kapwa gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili. (Tingnan sa Mateo 22:36–39.) Madalas ituro ni Jesus ang mga katotohanang ito sa mga sermon at talinghaga (halimbawa, tingnan sa Mateo 25:31–46; Lucas 10:25–37).

Si Jesucristo ay palaging halimbawa kung paano sundin ang Diyos at ibigin ang kapwa. Personal Niyang ipinakita ang Kanyang pagmamahal at habag sa mga tao nang maglingkod Siya nang may dakilang kapangyarihan sa mga anak ng Diyos, pagpapagaling sa maysakit at paggawa ng maraming makapangyarihang himala (tingnan sa Mateo 11:4–5; Mosias 3:5–6).

Isang mahalagang bahagi ng mortal na ministeryo ni Cristo ay itatag ang Kanyang Simbahan. Sa paggawa nito, Siya ay tumawag ng labindalawang disipulo, nagbigay sa kanila ng awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo, at ng kapangyarihang pagalingin ang maysakit (tingnan sa Mateo 10:1–8). Ang mga disipulong ito ay nagpatuloy sa gawain ng Panginoon pagkatapos ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli nang magturo sila ng pagsisisi at inanyayahan ang iba na magpabinyag at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Mga Gawa 2:22–24, 37–47). Gamit ang kapangyarihan ng priesthood na magpagaling, sila ay naglingkod sa iba at nagkaroon ng mga pagkakataong ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 3:1–11).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang pangalawang dakilang utos ay ibigin ang iyong kapwa. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong maging halimbawa kung paano pakitunguhan ang iba—lalo na kapag magkakaiba ang ating opinyon. Isa sa pinakamadadaling paraan para makilala ang isang tunay na tagasunod ni Jesucristo ay kung gaano niya tinatrato nang may pagkahabag ang ibang tao.”1 Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa halimbawa ni Jesucristo kapag mahirap mahalin ang iba?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin nang sama-sama ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:

    “Huwag sumuko kailanman—gaano man kalalim ang mga sugat ng inyong kaluluwa, anuman ang pinagmulan nito, saan man o kailan man ito nangyari, at gaano man kabilis o katagal ito manatili, hindi kayo nakatadhanang mapahamak sa espirituwal. Nakatadhana kayong makaligtas sa espirituwal at lumago sa pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos.

    “Hindi nilikha ng Diyos ang ating mga espiritu para mahiwalay sa Kanya. Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang di-masukat na kaloob na Pagbabayad-sala, ay hindi lamang tayo inililigtas mula sa kamatayan at inaalok tayo, sa pamamagitan ng pagsisisi, ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan, kundi handa rin Siyang iligtas tayo mula sa mga kalungkutan at sakit ng ating sugatang kaluluwa.”2

    Talakayin ang kapangyarihang magagamit natin dahil sa kakayahan ng Tagapagligtas na magpagaling. Anyayahan ang mga kagrupo na isiping magbahagi ng mga karanasan, kung naaangkop, nang madama nila ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo sa kanilang buhay.

Alamin ang iba pa

Bahagi 4

Ibinigay ni Jesucristo ang Kanyang Buhay upang Tubusin ang mga Anak ng Diyos

si Jesus na nakaluhod

Ipinropesiya ng propetang si Abinadi sa Aklat ni Mormon na si Jesucristo ay bababa mula sa langit at kukutyain, pahihirapan, ipagtatabuyan, ipapako sa krus, at papatayin—lahat ay daranasin Niya upang matubos Niya ang Kanyang mga tao (tingnan sa Mosias 15:1–7). Ang pinakamatinding pangangailangan sa mundo ngayon ay matutuhan at maunawaan ng lahat ng tao ang mortal na misyon ng ating Panginoong Jesucristo, kung paano Siya nagdusa at nagbayad para sa ating mga kasalanan upang tayo ay maligtas.

Ilan sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo ay naganap sa mga huling oras ng buhay ng Panginoon. Habang papalapit ang Paskua ng mga Judio, isinama ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa Getsemani, isang halamanan ng mga punong olibo na katabi o malapit sa Bundok ng mga Olibo sa labas lamang ng mga pader ng Jerusalem. Dito nanalangin si Jesucristo at sinimulang taglayin sa Kanyang sarili ang lahat ng hinihingi para sa ating pagtubos. Ipinropesiya ni Haring Benjamin na madarama ni Jesucristo ang “sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, at “pagdurusa dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao” (Mosias 3:7). Hindi natin mauunawaan ang tindi at saklaw ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani, at dahil sa pagdurusa ang mga pawis ni Jesus ay “naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa” (Lucas 22:44; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 19:18).

Pagkatapos ay ipinagkanulo si Jesus ng isa sa Kanyang mga disipulo, dinakip, nilait, at pinaratangan ng mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio. Siya ay kinuha, siniyasat, at binugbog ng mga Romano. (Tingnan sa Mateo 26:47–68; 27:1–31.) Dinala ng mga kawal si Jesucristo at ipinako Siya sa krus, ibig sabihin ipinako ang Kanyang mga kamay at paa sa krus (tingnan sa Lucas 23:33–38). Habang Siya ay itinataas at nakabayubay sa krus, nagpatuloy ang sakit at pagdurusa para sa ating mga kasalanan. Kabilang sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pagbabayad-sala na ginawa Niya sa Getsemani at sa krus upang madaig ang mga epekto ng kasalanan para sa lahat ng nagsisisi ng kanilang mga kasalanan (tingnan sa Alma 5:48; 3 Nephi 9:22; Doktrina at mga Tipan 19:17).

Pagkatapos ng Kanyang kamatayan, ang Kanyang katawan ay inihimlay sa isang libingan (tingnan sa Juan 19:38–42). Sa ikatlong araw matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus, ibinangon muli ni Cristo ang Kanyang katawan at naging unang taong nabuhay na mag-uli (tingnan sa Mateo 28:1–8). Maraming tao ang nakasaksi sa nagbangong Panginoon at nagpatotoo tungkol sa maluwalhating balita. Dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, ang espiritu ng lahat ng anak ng Diyos ay muling makakasama ang kanilang mga katawan at tatanggap ng pagpapala ng kawalang-kamatayan (tingnan sa 1 Corinto 15:21–22; Alma 11:44–45). Lahat ng bagay na tiniis ni Jesucristo sa Kanyang mortal na buhay ay ginawa Niya dahil sa Kanyang pagmamahal sa lahat ng anak ng Ama sa Langit (tingnan sa 1 Nephi 19:9; Doktrina at mga Tipan 34:3).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Bago pumunta sa Getsemani, pinasimulan ni Jesucristo ang ordenansa ng sakramento sa Kanyang mga disipulo. Basahin ang Mateo 26:26–30. Ano ang magagawa mo para mas mapagnilayan pa ang buhay at Pagbabayad-sala ni Jesucristo kapag tumatanggap ka ng sakramento? Paano madaragdagan ng iyong karanasan sa pagtanggap ng sakramento ang iyong pagmamahal kay Jesucristo?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin nang sama-sama ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

    “Nagpakababang pumarito sa lupa bilang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, Siya ay buong lupit na nilait, kinutya, dinuraan, at hinagupit. Sa Halamanan ng Getsemani, inako ng ating Tagapagligtas ang bawat pasakit, bawat sala, at lahat ng sakit at pagdurusang naranasan natin at ng lahat ng nabuhay o mabubuhay pa kailanman. Sa bigat ng napakasakit na pasaning iyan, nilabasan Siya ng dugo sa bawat butas ng balat. Lahat ng pagdurusang ito ay tumindi nang Siya ay malupit na ipinako sa krus ng Kalbaryo.

    “Sa napakasakit na mga karanasang ito at sa Kanyang sumunod na Pagkabuhay na Mag-uli—ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala—pinagkalooban Niya ng imortalidad ang lahat, at tinubos ang bawat isa sa atin mula sa mga epekto ng kasalanan basta’t nagsisi tayo.”3

    Talakayin sa grupo kung bakit mahalagang malaman ang tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo sa Getsemani at sa krus, Kanyang kamatayan, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Paano kayo mas mapapalapit kay Jesucristo kapag mas nauunawaan ninyo ang tungkol sa naranasan Niya?

Alamin ang iba pa