“Pagkabuhay na Mag-uli,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pagkabuhay na Muli
Ang pagtatagumpay ni Jesucristo laban sa kamatayan
Kung minsan sa ating buhay, bawat isa sa atin ay mapag-iisip, “Ano ang mangyayari kapag namatay tayo?” “Makikita ko bang muli ang aking mga mahal sa buhay?” “Saan ako makasusumpong ng kapayapaan kapag namatay ang isang taong mahal ko?”
Bagama’t wala sa atin ang lahat ng sagot, ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay makapagdudulot ng kapanatagan sa lahat ng nagdadalamhati. Ang katotohanan na ang lahat ng namatay ay mabubuhay muli balang-araw ay naghahatid ng kapayapaan sa ating kaluluwa at ng pangako na darating ang mas magagandang araw.
Sa pagbangon mula sa kamatayan tungo sa kawalang-kamatayan, si Jesucristo ang naging “unang bunga” ng Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa 1 Corinto 15:20–23) at naglaan ng paraan para sa ating lahat upang balang-araw tayo ay mabuhay na mag-uli tulad Niya.
Bahagi 1
Si Jesucristo ay Nabuhay na Mag-uli
Si Jesucristo ang unang nabuhay na mag-uli. Ang Kanyang tagumpay sa kamatayan ay mahalagang pundasyon ng ating pananampalataya. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit.”1
Ang Panginoon ay nagbigay ng maraming patotoo tungkol sa mahalagang doktrinang ito. Bawat isa sa apat na Ebanghelyo ay kinapapalooban ng mga salaysay tungkol sa mga taong nakasaksi kay Jesus bilang nabuhay na mag-uling nilalang. Pinatototohanan din ng Aklat ni Mormon na libu-libong tao sa lupain ng Amerika ang nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Sa makabagong panahon, ang mga saksi, kabilang si Joseph Smith at iba pang mga propeta at apostol, ay nagpatotoo na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli at nabubuhay ngayon.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kunwari ay isa kang abogado na nangangalap ng katibayan at impormasyon para patunayan na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli. Sino ang tatawagin mo bilang mga saksi? Paano mapalalakas ng mga saksi ang iyong kaso? Paano makaiimpluwensya sa sarili mong patotoo ang mga patotoo ng mga saksi ng nabuhay na mag-uling Panginoon? Para sa mga ideya, tingnan sa Juan 20:1–20; 3 Nephi 11:3–17; at Doktrina at mga Tipan 76:19–24.
-
Basahin ang Juan 20:26–29. Anong mensahe ang ibinibigay ng Tagapagligtas sa talatang ito para sa mga taong hindi nakasaksi sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli? (Tingnan din sa Eter 12:5–6.) Kahit hindi natin nakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon, makatatanggap pa rin tayo ng personal na patotoo na Siya ay nabuhay na mag-uli. Anong katibayan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ang naranasan mo sa iyong buhay? Paano nakaimpluwensya sa iyo ang katibayang ito?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Sa lahat ng mga tagumpay sa kasaysayan ng sangkatauhan, walang pinakadakila, walang pangbuong sansinukob ang epekto, walang pangwalang hanggan ang mga bunga na tulad ng sa tagumpay ng ipinakong Panginoon na Nabuhay na Mag-uli sa unang Pasko ng Pagkabuhay.”2 Talakayin kung bakit mahalagang malaman na si Jesucristo ay buhay ngayon. Isinulat din ni Pangulong Hinckley ang mga titik sa himnong “Ang Manunubos Ko’y Buhay.”3 Magkakasamang basahin o pakinggan ang himnong ito, at pagkatapos ay ibahagi ang mga ideya at damdaming nagbigay-inspirasyon sa inyo.
-
Inilarawan ng maraming inspiradong pintor ang sandaling nakita ng mga indibiduwal ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Tingnan ang mga sumusunod na larawan o iba pang gusto ninyo. Ibahagi kung ano ang ipinauunawa sa inyo ng mga larawang ito tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Paano nito naiimpluwensyahan ang nadarama ninyo tungkol sa Kanya? Ano kaya ang madarama ninyo kung naroon kayo?
Alamin ang iba pa
-
Mateo 27:52–53; Mateo 28; Lucas 24:13–43; 1 Corinto 15:1–8; 2 Nephi 9:3–7, 13–15; Helaman 14:14–17; 3 Nephi 23:6–14
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 111–14
-
“Ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter (2015), 109–120.
-
Robert J. Matthews, “Resurrection,” Liahona, Abr. 1996, ChurchofJesusChrist.org
-
“Jesus Is Resurrected” (video), Gospel Library
-
“Chapter 54: Nagbangon si Jesus,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 139–44
Bahagi 2
Lahat Tayo ay Mabubuhay na Mag-uli
Dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli rin balang-araw. Hindi nagtagal matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, maraming matatapat na tao ang nabuhay na mag-uli rin (tingnan sa Mateo 27:52–53). Bagama’t lahat ay hindi mabubuhay na mag-uli nang sabay-sabay, lahat ay tatanggap kalaunan ng perpekto at imortal na katawan sa pamamagitan ng maluwalhating kaloob na pagkabuhay na mag-uli ng lahat.
Ang ating nabuhay na mag-uling katawan ay katulad ng mga katawan natin ngayon, ang kaibhan lamang ay imortal at perpekto ito—malaya sa karamdaman at sakit. Tayo ay “tatanggap ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:33–34; tingnan din sa Alma 11:43). Ang ating nabuhay na mag-uling katawan ay magtutulot sa atin na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at mahatulan. Ang mga nagsisi sa kanilang mga kasalanan ay magtatamasa ng buhay na walang hanggan at mabubuhay magpakailanman sa piling ng Diyos.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang anak ng Nakababatang Alma na si Corianton ay “nababahala hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay” (Alma 40:1). Kaya itinuro ni Alma kay Corianton—at sa mga mambabasa ng Aklat ni Mormon—ang maraming mahahalagang katotohanan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Basahin ang itinuro niya sa Alma 40–41. Habang nagbabasa ka, pagtuunan ang mga katotohanan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli na mahalaga sa iyo. Paano kaya nakatulong kay Corianton ang mga katotohanang ito para makadama siya ng kapayapaan? Paano maiimpluwensyahan ng mga ito ang mga desisyong ginagawa mo ngayon?
-
Nalaman ni Apostol Pablo na hindi naniniwala ang ilang Banal sa Corinto sa Pagkabuhay na Mag-uli. Basahin ang 1 Corinto 15, at pagtuunan lalo na ang mga turo ni Pablo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Narito ang ilang tanong na pag-iisipan habang nag-aaral ka:
-
Mga talata 12–15: Bakit walang kabuluhan ang pangangaral at pananampalataya kung walang pagkabuhay na mag-uli?
-
Mga talata 16–19: Bakit kaya tayo “[m]ananatili pa rin sa [ating] mga kasalanan” kung walang pagkabuhay na mag-uli? Bakit tayo magiging “pinakakawawa”?
-
Mga talata 55–58: Paano nakatutulong sa iyo ang kaalaman mo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli para maging “matatag” ka at “hindi [natitinag]”?
-
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Itinuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na ang kaloob na pagkabuhay na mag-uli ay ibinibigay nang walang pasubali sa lahat ng tao, subalit marami sa mga anak ng Diyos ang hindi nalalaman ang pagpapalang ito. Talakayin kung paano nakagagawa ng kaibhan sa inyong buhay ang Pagkabuhay na Mag-uli. Maganda ring talakayin ninyo ang mga personal na karanasan ni Sister Reyna I. Aburto sa kanyang mensaheng “Hindi Nagtagumpay ang Libingan”4 at ni Elder S. Mark Palmer sa “Ang Ating Kalungkutan ay Magiging Kagalakan.”5 Paano napagpala sina Sister Aburto at Elder Palmer nang malaman nila ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli? Paano tayo mapagpapala ng kaalamang ito?
Alamin ang iba pa
-
Dallin H. Oaks, “Resurrection,” Ensign, Mayo 2000, 14–16
-
“Death and Resurrection: From Hopeless Dawn to Joyful Morning,” Teachings of Presidents of the Church: Thomas S. Monson (2020), 113–22.
-
“Finding Hope through the Resurrection of Christ” (video), Gospel Library