Library
Pagkahulog nina Adan at Eva


Adan at Eva

Pag-aaral ng Doktrina

Pagkahulog nina Adan at Eva

Sa Halamanan ng Eden, iniutos ng Diyos kina Adan at Eva na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Dahil nilabag nina Adan at Eva ang utos na ito at kinain ang bunga ng punungkahoy, pinalayas sila mula sa harapan ng Panginoon. Sa madaling salita, dumanas sila ng espirituwal na kamatayan. Naging mortal din sila—na daranas ng pisikal na kamatayan. Ang espirituwal at pisikal na kamatayang ito ay tinatawag na Pagkahulog.

Buod

Sa halamanan ng Eden, iniutos ng Diyos, “Sa lahat ng punungkahoy sa halamanan ay malaya kang makakakain, datapwat sa punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, ay huwag kang kakain nito, gayon pa man, ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagkat ito ay ibinigay sa iyo; subalit, pakatandaan na ito ay aking ipinagbabawal, sapagkat sa araw na kumain ka niyon ikaw ay tiyak na mamamatay” (Moises 3:16–17). Dahil nilabag nina Adan at Eva ang utos na ito at kinain ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, pinalayas sila mula sa harapan ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:40–41). Sa madaling salita, dumanas sila ng espirituwal na kamatayan. Naging mortal din sila—na daranas ng pisikal na kamatayan. Ang espirituwal at pisikal na kamatayang ito ay tinatawag na Pagkahulog.

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Ang Ating Nahulog na Kalagayan

Bilang mga inapo nina Adan at Eva, minana natin ang nahulog na kalagayan sa mortalidad (tingnan sa Alma 42:5–9, 14). Tayo ay nahiwalay mula sa presensya ng Panginoon at daranas ng pisikal na kamatayan. Inilagay rin tayo sa kalagayan na may mga pagsalungat, kung saan susubukin tayo ng mga hirap ng buhay at mga tukso ng kaaway (tingnan sa 2 Nephi 2:11–14; Doktrina at mga Tipan 29:39; Moises 6:48–49).

Sa nahulog na kalagayang ito, may pagtutunggali sa pagitan ng ating espiritu at katawan. Tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, na may potensyal na “maging kabahagi … sa likas ng Diyos” (2 Pedro 1:4). Gayunman, “[tayo] ay di karapat-dapat sa [harapan ng Diyos]; dahil sa pagkahulog ng [ating] katauhan ay naging patuloy na masama” (Eter 3:2). Kailangan nating patuloy na pagsikapang madaig ang masasamang simbuyo ng damdamin at mga hangarin.

Binabanggit na muli ang mga salita ng isang anghel, sinabi ni Haring Benjamin, “Ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at mula pa sa Pagkahulog ni Adan.” Nagbabala si Haring Benjamin na sa ganitong likas, o nahulog, na kalagayan, bawat tao ay magiging kaaway ng Diyos magpakailanman “maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19).

Mga Kapakinabangan ng Pagkahulog

Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 2:15–16; 9:6). Ito ay isang pagkahulog—ngunit nagdulot din ito ng pag-unlad natin. Dagdag pa sa ibinunga nito na pisikal at espirituwal na kamatayan, binigyan tayo nito ng pagkakataong maisilang sa mundo at matuto at umunlad. Sa matwid na paggamit natin ng kalayaang pumili at taos-pusong pagsisisi kapag nagkakasala tayo, makalalapit tayo kay Cristo at, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay makapaghahanda para tanggapin ang kaloob na buhay na walang hanggan. Itinuro ng propetang si Lehi:

“Kung si Adan ay hindi lumabag, hindi sana siya nahulog, manapa siya ay nanatili sa halamanan ng Eden. At lahat ng bagay na nilikha ay tiyak sanang nanatili sa dating kalagayan kung saan sila naroroon matapos na sila ay likhain; at sila sana ay tiyak na nanatili magpakailanman, at walang katapusan.

“At [sina Adan at Eva ay] hindi sana nagkaroon ng mga anak; anupa’t sila sana ay nanatili sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan; hindi gagawa ng mabuti, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kasalanan.

“Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.

“Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.

“At ang Mesiyas ay paparito sa kaganapan ng panahon, upang kanyang matubos ang mga anak ng tao mula sa pagkahulog” (2 Nephi 2:22–26; tingnan din sa 2 Nephi 2:19–21, 27).

Nagpahayag ng pasasalamat sina Adan at Eva para sa mga pagpapalang dumating dahil sa Pagkahulog:

“Pinapurihan ni Adan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.

“At si Eva, na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin” (Moises 5:10–11).

Pagkatubos mula sa Pagkahulog

Dahil sa ating nahulog at mortal na katangian at kani-kanya nating mga kasalanan, ang tanging pag-asa natin ay na kay Jesucristo at sa plano ng pagtubos.

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ay matutubos mula sa mga epekto ng Pagkahulog. Tayo ay mabubuhay na mag-uli, at tayo ay dadalhin sa harapan ng Panginoon para hatulan (tingnan sa 2 Nephi 2:5–10; Alma 11:42–45; Helaman 14:15–17).

Bukod pa sa pagtubos sa atin mula sa mga pangkalahatang epekto ng Pagkahulog, matutubos tayo ng Tagapagligtas mula sa sarili nating mga kasalanan. Sa ating nahulog na kalagayan, tayo ay nagkakasala at lumalayo sa Panginoon, nagdadala ng kamatayang espirituwal sa ating sarili. Sabi nga ni Apostol Pablo, “Ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Kung mananatili tayo sa ating mga kasalanan, hindi tayo makatatahan sa kinaroroonan ng Diyos, sapagkat “walang maruming bagay ang makatatahan … sa kanyang kinaroroonan” (Moises 6:57). Sa kabutihang palad, ang Pagbabayad-sala ay “is[in]asakatuparan ang hinihingi ng pagsisisi” (Helaman 14:18), ginagawang posible para sa atin na mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at mamuhay sa piling ng Diyos magpakailanman. Itinuro ni Alma, “May isang panahong ipinagkaloob sa tao kung kailan siya ay maaaring magsisi; anupa’t ang buhay na ito ay naging isang pagsubok na kalagayan; isang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos; isang panahon upang maghanda para sa walang hanggang kalagayan na sinasabi namin, na pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay” (Alma 12:24).

Pagpapasalamat sa Nagbabayad-salang Sakripisyo ng Tagapagligtas

Tulad ng hindi natin talaga gustong kumain hangga’t hindi tayo nagugutom, hindi natin lubusang nanaisin ang walang-hanggang kaligtasan hangga’t hindi natin kinikilala at nauunawaan na kailangan natin ang Tagapagligtas. Ang pagkilala at pagkaunawa na ito ay dumarating habang lalo nating nauunawaan ang Pagkahulog. Tulad ng itinuro ng propetang si Lehi, “Ang buong sangkatauhan ay nasa ligaw at nahulog na kalagayan, at maliligtas lamang kung sila ay aasa sa Manunubos na ito” (1 Nephi 10:6).

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Karagdagang Mensahe

Resources sa Pag-aaral

Mga Magasin ng Simbahan

Ang Kabuuan ng Ebanghelyo: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva,” Liahona, Hunyo 2006

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Resources sa Pagtuturo

Mga Outline sa Pagtuturo