Pag-aaral ng Doktrina
Mga Council ng Simbahan
Buod
Ang mga council ay makatutulong sa atin na hangarin ang kalooban ng Panginoon nang may pagkakaisa at pananampalataya. Mayroong mga council sa lahat ng level ng Simbahan, kabilang ang general, area, stake, ward, quorum, at iba pang mga council sa pamumuno.
Ang layunin ng mga council ng Simbahan ay humingi at magtamo ng paghahayag mula sa Diyos. Sa mga council ng Simbahan ay makatatanggap tayo ng inspirasyon para makapagpasiya, makapaglingkod nang mas mabuti sa mga indibiduwal at pamilya, at makapagplano at mai-coordinate ang gawain ng Simbahan.
Iba ang paraan ng mga council ng Simbahan sa iba pang mga lupon na gumagawa ng desisyon. Ang mga council ng Simbahan ay hindi pinamamahalaan ng desisyon ng nakararami o ng pinakamahusay na paraan, at hindi mag-isang nagpapasiya ang lider. Kapag ang isang isyu o pangangailangan ay tinalakay sa council, “hinihikayat ang mga miyembro ng [council] na magsalita nang tapat, mula sa sarili nilang karanasan at mga katungkulan bilang mga lider ng organisasyon” (Hanbuk 2: Pangangasiwa sa Simbahan [ChurchofJesusChrist.org], 4.6.1). Matapos matukoy at pag-usapang mabuti ang isyu o pangangailangan, isasaalang-alang ng mga naroon sa council ang tagubilin ng mga lider ng Simbahan at ang mga turo ng Panginoon sa banal na kasulatan. Isinasaalang-alang din nila ang resources na maaaring pinakamainam na sagot sa isyu o makatutugon sa pangangailangan.
Nagbibigay ang mga council ng pagkakataon na maibahagi ng mga miyembro nito ang magkakaiba nilang mga karanasan at pananaw. Pinalalakas ng mga pagkakaibang ito ang council, at dapat malayang maipahayag ng lahat ang kanilang opinyon nang may pagmamahal at kabaitan. Ang gayong pagpapahayag ay mahalaga sa layunin ng mga council, kaya dapat mapanatili ng mga lider na naririnig at napapahalagahan ang opinyon ng lahat ng miyembro ng council. Kapag ang mga miyembro ng council ay nakikinig, mapagkumbabang isinasaalang-alang ang damdamin ng iba, at hinihiling na malaman ang kalooban ng Ama sa Langit, mananaig ang diwa ng inspirasyon at pagkakaisa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:27–31).
Sa paglalarawan sa mga council, sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang bawat tao ay dapat “maghalinhinan sa pagsasalita, at sa kanyang lugar, … upang magkaroon ng ganap na kaayusan sa lahat ng bagay, at na ang bawat tao, bago siya tumutol sa anumang isyu na [inilapit] sa kanila, para sa kanilang pagsasaalang-alang, ay dapat tiyaking makapagbigay sila ng liwanag sa paksa sa halip na magpalaganap ng kadiliman, at na ang kanyang pagtutol ay dapat nakasalig sa kabutihan, na magagawa sa pamamagitan ng masusing pag-aaral natin ng tungkol sa isip at kalooban ng Panginoon, kung kaninong Espiritu ay laging nagpapadama at nagpapamalas ng katotohanan upang maunawaan ng lahat ng yaong napasakanila ang kanyang Espiritu” (Manuscript History of the Church, vol. B-1, pp. 688–89, josephsmithpapers.org).
Lubos na nagtatagumpay ang mga council ng Simbahan kapag isinasaisantabi ng mga miyembro nito ang kanilang personal na kagustuhan at hinahangad na malaman ang kalooban ng Panginoon—kapag sinusunod nila ang payo ni Alma: “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan” (Alma 37:37).
Hindi nagpapasiya ang lider ng council kung paano lulutasin ang isang isyu o problema hanggang hindi natatalakay o napag-uusapan ito. “Naghihikayat [ang lider] ng talakayan nang hindi ito pinangingibabawan” at “nagtatanong siya at maaaring humingi ng mga mungkahi sa mga partikular na miyembro ng [council].” Ang lider ay “nakikinig nang mabuti bago magdesisyon. Ang mga talakayang ito ay dapat na nanghihikayat ng diwa ng inspirasyon” (Hanbuk 2, 4.6.1). Matapos makausap ang grupo, ang lider, na sinusunod ang inspirasyon ng Espiritu, ay maaaring magdesisyon o magmungkahi ng gagawin para pag-isipan ng council.
Kapag tinatalakay ang mga sensitibong pangangailangan o isyu, dapat maging maingat ang mga miyembro ng council na hindi mapag-usapan ang mga personal na detalye. May mga bagay na pinakamabuting talakayin nang kumpidensiyal sa mga lider.
Sinisikap ng mga council na magkaisa sa kanilang mga desisyon (tingnan sa Mateo 18:19; Doktrina at mga Tipan 42:3; 107:27). “Kung hindi talaga komportable ang mga miyembro ng [council] sa isang mahalagang desisyon, maaaring maghintay pa ang bishop ng isa pang pulong ng [council] upang isaalang-alang ang usapin at humingi ng espirituwal na pagpapatibay at pagkakaisa.” Pagkatapos magdesisyon ang lider, “dapat itong suportahan ng mga miyembro ng [council] nang may diwa ng pagkakaisa at pagkakasundo” (Hanbuk 2, 4.6.1).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
-
Mga Disciplinary Council ng Simbahan
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Payo, Papayuhan”
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kapulungan sa Langit”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
“Mga Namumunong Konseho,” Hanbuk 2, 2.4.4
“Bumuo ng Pagkakaisa at Pagkakasundo,” Hanbuk 2, 3.3.2
“Mga Konseho sa Simbahan,” Hanbuk 2, 4.1
“Mga Teacher Council Meeting,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Mga Magasin ng Simbahan
“Pagkilos ng mga Ward Council,” Liahona, Abril 2012
Sa mga Balita
“Binigyang-diin sa Pagsasanay ang Kahalagahan ng mga Council,” Liahona, Pebrero 2011