Paglilingkod sa Simbahan
Pinagpala ng mga Council
Mula sa Counseling with Our Councils (1997), 15–17.
Ilang taon na ang nakararaan noong bishop ako, dumanas ng krisis ang isang pamilya sa aming ward nang mawalan ng trabaho ang ama ng tahanan. Nag-alala ako sa kanilang kapakanan, at nagpunta ako sa bahay nila para kausapin sila at mag-alok ng tulong ng Simbahan. Ang nakakapagtaka, atubili silang tumanggap ng pansamantalang tulong, kaya ipinaalam ko ang bagay na ito sa ward council. Maingat at mapagmahal kong ibinahagi sa kanila ang pag-aalala ko sa mabuting pamilyang ito at hiningan ko sila ng mga ideya kung paano namin sila mapagpapala.
Nagboluntaryo ang aming Relief Society president na kausapin ang ina para malaman ang mga temporal nilang pangangailangan at makipagtulungan sa kanila sa pagkuha ng mga kailangan nila—na responsibilidad niya, mangyari pa, ayon sa programa ng Simbahan. Sa loob ng ilang araw, nagawa niya ang hindi ko nagawa, at mapagpakumbaba at mapagpasalamat na tinanggap ng pamilya ang tulong na mga produkto. Kinausap ng elders quorum president ang ama ng pamilya—na karapatan at tungkulin niya,—at tinulungan ito sa paghahanap ng trabaho. Napansin ng Young Men president namin na kailangang-kailangang pinturahan ang bahay ng pamilya, at pinatulong niya ang kanyang mga priest sa grupo ng mga high priest sa pagpipintura ng bahay.
Habang kausap ko ang mga magulang, natuklasan ko na lubog sila sa utang at hindi sila nakakabayad sa sangla ng bahay. Sa pagsunod sa inaprubahang mga tuntunin sa welfare, itinanong ko ang kakayahang tumulong ng kanilang mga kamag-anak pero kakaunti lang ang nakuha kong impormasyon. Gayunman, nalaman ng Relief Society president namin na ang ina ay may kapatid na lalaking mayaman.
“Walang dahilan para kontakin siya,” sabi ng ina. “Matagal na kaming hindi nag-uusap.”
Naunawaan ko ang kanyang sitwasyon, pero nadama ko na mahalagang sundin ang sinasabi ng Simbahan. Kaya kinausap ko siya at kalaunan ay pinayagan niya akong kontakin ang kanyang kapatid, na nasa malayong lungsod. Tinawagan ko ang lalaki at ipinaliwanag ang mahirap na kalagayan ng kanyang nakababatang kapatid. Sa loob ng tatlong araw nakarating siya sa Salt Lake City at inayos ang problema sa pera ng kapatid. Samantala, tinulungan naman ng elders quorum president namin ang ama na makahanap ng permanenteng trabaho na maganda ang suweldo.
Gayunman, ang mas mahalaga ay lalo silang nagkalapit at nagkaisa bilang pamilya. Palagay ko hindi ko malilimutan kailanman ang napakasayang sandali nang magkitang muli ang magkapatid matapos ang maraming taon ng pagkakalayo. Bagaman nalayo sa Simbahan ang kanyang kapatid, agad niyang nadama na magkabuklod ang kanilang espiritu. Dahil dito, ganap na nagbalik sa Simbahan ang kapatid na ito at muling binuo ang kaugnayan nito sa kanyang pamilya.
Nangyari ang lahat ng ito dahil sa inspiradong pagkilos ng matapat na ward council ayon sa programang ipinlano ng Diyos para sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod.