Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang mga Pagpapala ng Ikapu
Binigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan upang pagpalain tayo. Gusto Niya tayong bigyan ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang mga kaloob (tingnan sa D at T 14:7). Para matanggap ang kaloob na makapiling Siya magpakailanman bilang pamilya sa kahariang selestiyal, kailangan nating ipamuhay ang mga batas ng kahariang iyon (tingnan sa D at T 88:22).
Binigyan Niya tayo ng mga kautusan sa buhay na ito upang tulungan tayong makamit iyon. Ang batas ng ikapu ay isa sa mga kautusang iyon na maghahanda sa atin. Ayon sa batas, ibibigay natin sa Panginoon ang ikasampung bahagi ng lahat ng ating kinikita. Simple lang ito kaya’t kahit ang bata ay mauunawaan ito. May nakita na akong mga bata na nag-aabot ng tithing envelope na naglalaman ng ikasampung bahagi ng mga baryang kinita nila.
Ang isa sa mga pagpapala ng pagbabayad ng buong ikapu ay ang pagkakaroon ng pananampalatayang sundin ang mas mataas na batas. Upang makapanahanan sa kahariang selestiyal, kailangan nating sundin ang batas ng lubos na paglalaan. Doon dapat nating madama na ang buo nating pagkatao at lahat ng nasa atin ay pag-aari ng Diyos.
May tatlong paraan ng pagbabayad ng buong ikapu sa paghahanda sa atin na madama ang kailangan nating madama para matanggap ang kaloob na buhay na walang hanggan.
Una, kapag nagbayad tayo ng ating ikapu sa Simbahan, ibinubuhos ng ating Ama sa Langit ang mga pagpapala sa atin. Alam ng sinumang palagiang nagbabayad ng buong ikapu na iyan ay totoo. Kung minsan ang mga pagpapala ay espirituwal at kung minsan ay temporal. Ibinibigay ang mga ito sa panahong itinakda ng Panginoon at ayon sa alam Niyang pinakamabuti sa atin.
Sa pagdating ng mga pagpapalang iyon, nag-iibayo ang ating pananampalataya na sa Diyos nagmumula ang lahat ng mabuti sa ating buhay. Mas madaling makita na ang paglalaan ay pagkilala lamang sa katotohanan na lahat ng likha ng Diyos ay Kanya. Dahil dito nakadarama tayo ng pasasalamat na 10 porsiyento lamang ng mga naibigay Niya sa atin ang hinihingi Niya. Kaya mas handa tayong sundin ang batas ng lubos na paglalaan kapag hiniling ito sa atin.
Ikalawa, lahat tayo na laging nagbabayad ng buong ikapu ay nakadarama ng mas malaking tiwala sa paghiling sa Diyos ng kailangan natin at ng ating pamilya. Nangako Siya ng mga pagpapalang higit pa sa maaari nating matanggap kung tapat tayo sa ating tipan na magbayad ng ating ikapu (tingnan sa Malakias 3:10). Kaya ang isa sa malalaking pagpapala ng ikapu ay ang pagkakaroon ng tiwala sa mangyayari sa hinaharap. Anuman ang ating mga sitwasyon, magiging maayos ang lahat. Kapag tinupad natin ang ating mga pangako, tutuparin Niya ang sa Kanya. Ang damdamin ng kapayapaan ay isa sa malalaking pagpapala ng pagbabayad ng buong ikapu. Mapapatotohanan ng mga nagbabayad ng ikapu na totoo at mahalaga ang biyaya ng kapayapaan.
Ikatlo, yaong mga nagbabayad ng ikapu ay makadarama ng ibayong pagmamahal sa Diyos at sa lahat ng anak ng Diyos. Ang ibayong pagmamahal na iyon ay nagmumula sa pagkaunawa kung paano ginagamit ng Ama ang mga ikapung ibinibigay natin upang pagpalain ang mga tao sa mundong ito at sa kawalang-hanggan.
Sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong lingkod, ginugugol Niya ang mga ikapu nang buong ingat. Tinutulungan ng nagbabayad ng ikapu ang Panginoon na makapagtayo ng mga templo, kung saan mabubuklod ang mga pamilya magpakailanman. Tinutulungan Siya ng nagbabayad ng ikapu sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga tao sa lahat ng dako. Tinutulungan Siya ng nagbabayad ng ikapu na pawiin ang gutom at pagdurusa sa Kanyang sariling paraan sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Masasabi ng sinuman sa mga lingkod na iyon kung paano nag-iibayo ang pagmamahal dahil ginamit ang ikapu upang pagpalain ang mga tao. At masasabi rin iyan ng tapat na nagbabayad ng ikapu.
Ilang buwan pa bago ang tithing settlement. Dalangin ko na simulan na ninyo at ng inyong pamilya ngayon na magplano at maghanda para maging karapat-dapat sa mga pagpapalang ibinubuhos ng Diyos sa lahat ng makapagsasabi sa Kanya na sila ay nagbabayad ng buong ikapu.