2011
Gusto Mo Ba ng Basbas?
Hunyo 2011


Gusto Mo Ba ng Basbas?

Lia McClanahan, Utah, USA

Isang umaga naglalakad ako paakyat sa matarik na burol sa katimugang bahagi ng Brigham Young University campus nang marinig kong may lumagapak sa likuran ko. Lumingon ako at nakita ko ang isang lalaking nakadapa sa kalsada, wasak ang kanyang bisikleta na ilang yarda ang layo sa kanya. Natulala ako hanggang sa nanghihinang sinikap niyang iangat ang kanyang ulo. Nagmadali akong lumapit sa kanya, kasama ang apat pang iba na paakyat din ng burol.

Ang estudyanteng unang nakarating sa lalaking nakabisikleta ay maingat itong itinihaya, na naglantad sa malalalim na sugat nito sa mga labi, ilong, baba at kilay. Tumawag ng tulong ang isa pang estudyante gamit ang kanyang cell phone. Isang bata pang inang katabi ko ang nagbigay ng kapirasong tela, at itinapal ito ng unang estudyante sa nagdurugong labi ng lalaki. Nag-aalalang inabangan namin ng isa pang babae ang pagdating ng paramedics.

Pakurap-kurap na nagmulat ng mga mata ang sugatang lalaki, at litong tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya.

“Nasaan ako?” sabi niya. “Ano’ng nangyari?”

Sumagot ang estudyanteng nagtapal ng tela sa labi ng lalaki, “Nasa bandang timog ka ng kampus. Naibangga mo ang bisikleta mo.”

Umungol ang lalaki. “Ang sakit,” sabi niya. “Tulungan ninyo ako.”

Sinabi ng estudyante na parating na ang tulong at itinanong ang pangalan ng lalaki.

“David,” sabi nito, habang mahinang humihikbi. “Nasaan ako?” tanong niyang muli.

Isang may edad nang lalaki na naka-amerikana—malamang ay isang propesor—ang lumapit at tinanong si David kung gusto niyang magpabasbas. Nagpapasalamat siyang tumango.

Natigilan sandali ang propesor. “Kaya lang wala akong langis,” sabi nito, habang palingon-lingon sa paligid. Napailing ang mga taong naroon. Umungol ang sugatang binata at nanghihinang itinuro ang kanyang bulsa. Kinapa ng estudyanteng katabi niya ang bulsa ng lalaki at dinukot ang isang malaking key ring na may nakakabit na maliit na bote ng inilaang langis.

“May langis siya!” bulalas ng estudyante.

Napanatag ang lalaki nang ipatong ng propesor at ng mga lalaking estudyante ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo at binasbasan siya. Napanatag din ako nang ipangako ng propesor sa binata na gagaling ito, mapapanatag, at mas mapapalapit sa Tagapagligtas dahil sa karanasang ito.

Hindi nagtagal dumating na ang paramedics at dinala ang lalaki. Habang naglalakad ako papunta sa klase, napag-isip ko na nagdala siya ng inilaang langis upang magamit niya ang priesthood para basbasan ang sinumang nangangailangan. Gayunman, sa araw na ito, siya mismo ang binasbasan. Umalis ako na may matinding pagmamahal sa matatapat na kalalakihang namumuhay na handang basbasan ang iba at para sa Panginoon, na nagbabasbas din sa kanila.