Ang Tunay na Landas Tungo sa Kaligayahan
Mula sa mensaheng ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Abril 10, 2010. Para sa buong teksto sa Ingles, tingnan sa http://devotional.byuh.edu/node/416.
Sa paghahanap natin sa tunay na landas tungo sa kaligayahan sa ating mga pamilya at propesyon, dalangin ko na gamitin natin ang ating kaalaman at impluwensya upang magdulot ng higit pang kabutihan, kapayapaan, pag-unawa, at kalayaan sa mga tao sa buong mundo.
Ang resipe para sa “magandang buhay” ay pinagtatalunan sa loob ng maraming siglo. Nang si Apostol Pablo ay nasa Atenas sa Mars Hill, nakaharap niya ang “mga pilosopong Epicureo, at Estoico” (Ang Mga Gawa 17:18). Ang mga Estoico ay naniniwalang ang pinakamainam sa lahat ay kabanalan, samantalang ang mga Epicureo ay naniniwalang ang pinakamainam ay kasiyahan. Maraming Estoico ang naging mapagmataas at ginamit ang pilosopiya bilang “paraan upang mapagtakpan ang … ambisyon at kasamaan.” Maraming Epicureo ang nahilig sa kasiyahan at layaw ng katawan at ang sawikain nila ay “Magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo’y mangamamatay.”1
Marami sa unibersidad ang nagtuturo na ang adhikain ni Aristotle na “matalinong pag-iisip” ang gabay sa “magandang buhay.” Isinulat ng isang manunuri sa New York Times Book Review na “ipinalagay [ng mga makabagong pilosopo] na walang tamang balanse ng mga elemento na bumubuo ng ‘magandang buhay para sa tao.’”2
Isinaad ng isang artikulo sa New York Times, “Ang kaligayahan sa buhay-mag-asawa ay napakahalaga kaysa anupamang bagay sa pagkakaroon ng pansariling kabutihan.” Hinamon ng awtor ang mga kolehiyo na huwag gaanong pag-ukulan ng oras ang “paghahanda sa mga estudyante sa mga propesyon” at mag-ukol ng mas maraming oras sa “paghahanda sa kanila na makapagdesisyon.”3
Nang mabasa ko ang mga pahayag na ito, pinag-isipan kong mabuti ang itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Kaligayahan ang pakay at layon ng ating pag-iral; at ito ang magiging katapusan nito, kung hahanapin natin ang landas tungo dito; at ang landas na ito ay ang kagandahang-asal, kabutihan, katapatan, kabanalan, at pagsunod sa lahat ng mga kautusan ng Diyos.”4
Sa diwang ipinahayag sa New York Times tungkol sa pag-aasawa at sa optimistikong deklarasyon ng Propeta, tiwala ako na makakamtan natin ang kaligayahang hangad natin at hangad ng Diyos para sa atin. Ano ang dapat nating gawin para matamo ito?
Magpasalamat sa Inyong Pamana
Palaging magpasalamat sa natatanggap ninyong mga pagpapala, lalo na sa inyong pamana. Kapag tayo ay nabiyayaan ng mabubuting magulang, dapat tayong magpasalamat. Ito ang utang-na-loob ng bawat isa sa ating pamana.
Mababasa sa isang lumang kawikaan ng mga Intsik, “Sa pag-inom mo ng tubig, huwag kalimutan ang balon na pinanggalingan nito.” Malinaw sa mga banal na kasulatan na dapat nating igalang ang ating mga magulang. Sabi ng isang kawikaan, “Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina” (Mga Kawikaan 6:20). Ganito ang sabi ng pilosopong Aleman na si Goethe:
Ang pamanang mula sa iyong mga ninuno ay pahiram sa iyo,
Muling magsikap, upang tunay na mapasaiyo ito!5
Malinaw na kailangang pasalamatan natin ang ating mga magulang at gumawa ng mabuti upang makamit ang nais nilang ipagkaloob sa atin.
Ituon ang Inyong Sarili sa Pamilya
Pangalawa, ituon ang inyong sarili sa walang-hanggang institusyon ng pamilya bilang pundasyon ng kaligayahan. Sa mundo sa kabuuan nito, pinipili ng marami ang hindi pag-aasawa o pagpapaliban ng pag-aasawa. Ang pamilya ay walang-hanggang institusyon na inorden ng Diyos bago nilikha ang mundo. Karamihan sa mga tao ay mag-aasawa at mabibiyayaan ng mga anak. Wala nang iba pang mas dakilang biyaya sa buhay na ito kaysa pagkakaroon ng mga anak. Ilan sa pinaka-nakapupukaw na mga talata sa buong banal na kasulatan ay naglalarawan sa lubos na kahalagahan ng mga bata sa plano ng ating Ama sa Langit. Sila ay tunay na “mana na mula sa Panginoon” (Mga Awit 127:3).
Noong ako ay nasa edad 20 pataas, nagbigay si Pangulong David O. McKay (1873–1970) ng mensahe tungkol sa pag-aasawa at mga anak. Siya ay 95 taong gulang na noon at nasa dapit-hapon ng kanyang buhay. Itinuro niya na ang dalisay na pag-ibig sa pagitan ng isang lalaki at babae “ay isa sa pinakadakilang mga bagay sa mundo, at ang pagsilang at pagpapalaki ng mga anak ang pinakamataas na tungkulin ng tao.”6
Pagkatapos ay ibinahagi ni Pangulong McKay ang kanyang pangamba tungkol sa paglaganap ng diborsiyo. Noong 1969 ang California ang unang estado sa Estados Unidos na nagpahintulot sa tinatawag na “diborsiyong walang sinuman na dapat sisihin.” Bago iyon, kailangang may dahilan para mapawalang-bisa ang kasal, tulad ng kataksilan o iba pang mabibigat na dahilan. Malinaw na nangangamba si Pangulong McKay na baka masira ang institusyon ng kasal. Sabi niya, “Ang tumataas na bilang ng diborsiyo sa Estados Unidos ngayon ay banta sa kagitingan ng bansang ito.”7
Kapag binalikan natin ang sinabi ni Pangulong McKay, ito ay talagang propesiya. Inilahad ng kasalukuyang patnugot ng U.S. News and World Report ang kasaysayan at mga ibinunga nito mula noon. Inireport niya na “ang bilang ng diborsiyo ay mas higit pang dumoble mula noong 1960s,” at ang isinilang sa mga di-kasal na ina “ay tumaas mula sa 5 porsiyento noong 1960 at umabot nang hanggang mga 35 porsiyento ngayon.” Ipinaliwanag niya ang mga resulta at ang matinding epekto nito sa mga anak. Nilinaw niya na “ang matatag na pamilya na mga tunay na ama’t ina … ay nagiging magandang institusyon sa paghubog ng pagkatao, sa pag-aalaga, sa pagtuturo ng magagandang asal, at pagpaplano para sa kinabukasan ng anak.”8
Sa huli ay sinabi ng artikulo ng New York Times, “Ang mga makabagong lipunan … ay mahilig sa mga materyal na bagay at takot sa mga bagay na may kinalaman sa moralidad” at, bunga nito, sila ay “bulag sa mga bagay na espirituwal.”9 Hindi ba’t ito ang ipinropesiya ni Pangulong McKay?
Hayaang tiyakin ko sa inyo na marami sa mga pagsasama bilang mag-asawa ng matatapat na miyembro ng Simbahan ang masaya at matagumpay. Sa mga hindi pa nag-aasawa, dapat kayong sumulong nang may pananampalataya at tiwala tungo sa sukdulang mithiin ng pag-aasawa at pagpapamilya. Ang payo ko sa inyo ay maghanap ng mabuting mapapangasawa na mahal ninyo at magiging matalik ninyong kaibigan. Tinitiyak ko sa inyo na ang kagalakan, pagmamahal, at tagumpay na nadarama sa mapagmahal at mabuting pamilya ay nagbubunga ng lubos na kaligayahan na maaari nating matamo. Ang kaligayahang iyan ay pundasyon sa matagumpay na lipunan. Ang mga taong matwid at hindi magawa ang mithiing ito ay makakamtan ang lahat ng pagpapalang inilaan ng ating Ama sa Kanyang mga anak.
Makibahagi sa Positibong Paraan
Pangatlo, makibahagi sa mundo sa positibong paraan at maging mabuting impluwensya. Ang malaking hamon ay manindigan sa utos na nasa banal na kasulatan na mabuhay sa mundo ngunit hindi sa makamundong paraan (tingnan sa Juan 17). Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na bagamat nabubuhay tayo sa mundo, “hindi tayo nabubuhay ayon sa mundo na ibig sabihin ay hindi tayo nakikibahagi sa … masasamang kaugalian, … hilig, … kahangalan, maling mga doktrina at teoriya.”10 Bukod pa rito, ang inyong kontribusyon sa lugar na tinitirhan ninyo ay bahagi ng hamon sa inyo na maging isang halimbawa, ibahagi ang ebanghelyo, at mamuhay ayon sa mga katotohanang itinuro ng inyong mga magulang at mga propeta.
Upang maisagawa ang hamong ito, nanaisin at kakailanganin ninyong makibahagi sa mundo sa positibong paraan. Kailangang masubukan tayo at matagpuang karapat-dapat sa mas dakilang kaharian. Tulad ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Mga pagpapasiya ang nagtatakda ng kapalaran.”11
Hindi madali ang buhay na ito; hindi ito itinakdang maging ganito. Gayunman, alam natin na gagawin ng Panginoon na pagpapala sa atin at para sa ating ikabubuti ang mga pagsubok sa ating buhay. Bibigyan Niya tayo ng lakas na manindigan sa kabila ng oposisyon. Ang kabutihan ay gantimpala na mismo, at ipinangako sa atin sa mga banal na kasulatan na ang gantimpala sa kabutihan ay “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23). Pinapayuhan ko kayo na makibahagi sa mundo sa positibong paraan.
Ipamuhay at Ibahagi ang Inyong mga Pamantayan
Pang-apat, ipamuhay at ibahagi ang inyong mga pamantayan sa mga nakakasalamuha ninyo. Ang mga hamon ay darating sa marami sa inyo sa paghahanap ninyo ng trabaho. Kailangan ninyong maging matalino. Iminumungkahi ko na hayaan ninyong malaman ng boss ninyo na mataas ang inyong mga pamantayang etikal at moral, kabilang ang inyong responsibilidad sa inyong pamilya.
Maaga kong natutuhan ang kahalagahan nito sa aking propesyon. Nang makatapos ako ng pag-aaral sa Stanford Law School, sinikap kong makapasok sa isang law firm. Walang mga miyembro ng Simbahan na nagtatrabaho sa law firm, ngunit ang mga abugado nito ay may kani-kanyang katangian at kakayahan. Matapos ang mga interbyu sa umaga, isinama ako ng pinaka-senior partner at ng dalawang iba pa sa pananghalian. Nagtanong ang senior partner kung gusto ko ng alak bago at pagkatapos mananghalian. Pareho ko itong tinanggihan. Nang alukin niya akong muli, ipinaalam ko sa kanya na aktibo akong Banal sa mga Huling Araw at hindi umiinom ng alak.
Inalok ako ng trabaho sa law firm, at makalipas ang ilang buwan sinabi sa akin ng senior partner na ang pag-alok na uminom ng alak ay isang pagsubok. Napansin niyang malinaw na nakasulat sa aking résumé na nagmisyon ako bilang Banal sa mga Huling Araw. Nagpasiya siyang tatanggapin lamang niya ako sa trabaho kung tapat ako sa mga turo ng simbahan ko. Itinuring niyang mahalaga ito sa pagkatao at integridad.
Sa mga taon ko sa San Francisco, California, USA, may kilala akong ilang miyembro na umiiwas na ipaalam sa kanilang mga katrabaho na sila ay mga Banal sa mga Huling Araw. Walang-salang nalalagay sila sa kompromiso na maiiwasan sana kung kaagad at tuwiran nilang sinabi ang kanilang pinaniniwalaan.
Maging Tanglaw
Ang huli, maging tanglaw sa mga tao sa lugar na tinitirhan ninyo. Noong bago pa lang kaming mag-asawa at nakatira sa San Francisco Bay Area sa kalagitnaan ng1960s, kakaunti pa lang ang mga Banal sa mga Huling Araw. Dagdag pa rito, ang San Francisco Bay Area ay naging pugad ng mga gumagamit ng droga at ng lahat ng uri ng masasamang gawain. Isang nababahalang stake president noon ang nagtanong sa pamunuan ng Simbahan kung dapat hikayatin ng mga lider ang mga miyembro ng Simbahan na manatili sa San Francisco Bay Area.
Si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), na noon ay pinakamatagal na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay naatasang magsalita tungkol sa isyu. Kinausap niya ang isang grupo ng mga lider ng priesthood at sinabi sa kanila na pinahintulutan ng Panginoon ang pagtatayo ng templo sa aming lugar hindi upang iwan lamang ito ng mga miyembro. Ang kanyang payo ay:
-
Lumikha ng Sion sa ating mga puso at tahanan.
-
Maging tanglaw sa mga taong kasa-kasama natin.
-
Ituon ang pansin sa mga ordenansa at alituntuning itinuro sa templo.
Kung susundin natin ngayon ang payo ni Pangulong Lee, maaari tayong magtagumpay na mabuhay sa mundo ngunit hindi sa makamundong paraan. Gayunman, ang bawat isa sa atin ay dapat magpasiya kung titingin tayo sa mundo o magtutuon ng pansin sa templo.
Sa buong buhay natin mahaharap tayo sa maraming hamon sa mundo. Isa sa mga hamong ito ay makikita nating ang Simbahan at mga itinuturo nito ay hindi nauunawaan at kung minsan mali ang pagkakakilala rito. Ilang taon na ang nakalipas si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nanawagan sa mga miyembro ng Simbahan na iparinig ang kanilang mga tinig sa pagtatanggol sa pananampalataya at pagwawasto sa maling impormasyon. Binigyang-diin niya na napakahalaga sa atin na makibahagi sa “‘new media,’ na ginawang posible ng Internet.”12 Sa mundong puno ng iba’t ibang komunikasyon at may mga miyembrong nakatira sa iba’t ibang dako, kailangang harapin ang mga isyu tungkol sa Simbahan at ipagtanggol ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Simbahan laban sa mga iresponsable at maling paglalarawan tungkol dito. Nagpapasalamat kami sa nangyari mula nang ilabas ang artikulo ni Elder Ballard, at inuulit ko ang kanyang hamon.
Tiwala ako na makakamtan natin ang kaligayahang hangad natin at hangad ng Diyos para sa atin. Dalangin ko na sa paghahanap natin sa tunay na landas tungo sa kaligayahan sa ating mga pamilya at propesyon, gagamitin natin ang ating kaalaman at impluwensya upang magkapagdulot ng higit pang kabutihan, kapayapaan, pag-unawa, at kalayaan sa mga tao sa buong mundo.