Turuan ang Tao na Mangisda
Kapag kailangan niya ng tulong, si Ezra, isang 16-na-taong-gulang na Samoan, ay bumabaling sa itinuro sa kanya ng kanyang ama: sa kanyang Ama sa Langit.
Huminto si Ezra sa pagsagwan sa kanyang maliit na bangka at pinanood ang paglubog ng araw sa Pacific sa kabilang panig ng dagat. Maraming taon na siyang nangingisda sa dagat na ito kasama ang kanyang ama, ngunit ngayon hindi niya gaanong mamasdan ang pamilyar na tanawin dahil sa kanyang pagluha.
Nag-iisa siya ngayon.
Habang marahang iniuugoy ang bangka sa tubig, naririnig niya ang mga salitang madalas sabihin ng kanyang ama: “Mag-ingat ka, Ezra. Balang-araw kapag wala na ako kailangang malaman mo kung paano itaguyod ang pamilya.”
Ngayon ang araw na iyon na sinabi ng kanyang ama at sinikap niyang makapaghanda para dito. Ngunit kaagad itong dumating. Siya ay 16 anyos lamang. Hindi pa siya handa.
Ang Responsibilidad
Hinahangaan ni Ezra ang kanyang ama. Nainip siya sa paghihintay sa loob ng ilang taon hanggang sabihin ng kanyang ama na sa edad na pito, malaki na si Ezra para tulungan siyang ihanda at tingnan kung maayos ang mga lambat.
Hindi gaanong malaki ang kita sa pangingisda, ngunit sapat na ito upang may makain si Ezra, ang kanyang limang kapatid na babae, at kanilang ina; masuportahan ang ate ni Ezra sa kanyang misyon sa Estados Unidos; at matulungan ang kanilang mga kapitbahay. Nakapagsimula na ngang mag-ipon si Ezra para sa kanyang sariling misyon dahil dito.
Ngunit ngayon wala na ang kanyang ama. Bigla ang kanyang pagkamatay, at ikinalungkot ito nang labis ni Ezra. Ang pagpanaw ng kanyang ama ay nangangahulugang pagkawala ng kanyang idolo, kanyang bishop, at kanyang guro.
Ngunit dagdag pa sa kalungkutan ang mabigat na katotohanan: ang responsibilidad na sinikap ng kanyang ama na mapaghandaan niya ay bigla-biglang napasakanya. Kailangang itaguyod ngayon ni Ezra ang pamilya.
Ang Panalangin
Ni hindi niya inisip mangisda sa unang linggo mula nang mamatay ang kanyang ama. Nagdadalamhati pa siya. Ang isiping sakyan ang bangka ng kanyang ama, gamitin ang mga lambat nito, at gawin ang gawain ng kanyang ama nang wala ito ay parang hindi niya makakayanan.
Nang sumunod na linggo alam niya na kailangan na niyang pumalaot para sa kanyang pamilya, ngunit napakabigat ng pasanin. Bagama’t gusto ni Ezra na maging katulad ng kanyang ama, lalo niyang natanto na malayo pa niyang makamit ang mithiing ito.
“Parang wala na akong pag-asa,” sabi niya. “Nalaman kong mahirap sa unang pagkakataon na sundan ko ang mga yapak ni Itay. Nang ipalaot ko ang bangka sa dagat, dama ko ang pagkawala niya. Naaalala ko ang mga salitang sinabi ni Itay, at dama ko ang bigat ng responsibilidad ko sa aking pamilya.”
Nakatigil sa mababaw na bahagi ng Pacific, bumaling siya sa nag-iisang Katauhan na makatutulong sa kanya—ang Katauhang itinuro ng kanyang ama na pagkatiwalaan niya.
“Ipakita po Ninyo sa akin kung saang dako nangisda si Itay,” dasal ni Ezra. “Tulungan po Ninyo ako na matupad ang nais ni Itay para sa akin.”
Ang Sagot
Sa katahimikan ng gabi matapos ang panalanging iyon, dama ni Ezra na may nabago. Para siyang inakay sa dakong pinangingisdaan ng kanyang ama, at ang mga bagay na itinuro sa kanya ng tatay niya ay pumapasok sa kanyang isipan kapag kailangan.
“Pagkatapos kong magdasal, parang mas lumakas ako,” sabi niya. “Alam ko na tutulungan ako ng Ama sa Langit.”
Tulad ng mga Apostol noon na tinuruan ng Tagapagligtas kung saan ihahagis ang kanilang lambat, si Ezra ay nakatanggap din ng tulong. “Nakahuli ako ng maraming isda sa araw na iyon,” sabi niya.
Kung Ano ang Ama, Ganoon Din ang Anak
Bagama’t nag-alinlangan siya na magagawa niya ang ginawa ng kanyang ama, nalaman ni Ezra na mas marami pa siyang magagawa kaysa inaakala niya.
“Ito ay isang malaking pagbabago sa buhay ko—kung paano ko isipin, tingnan at gawin ang mga bagay-bagay,” sabi ni Ezra. “Natanto ko na magagawa ko ang ginawa ni Itay.”
Si Ezra ay lalong naging katulad ng kanyang ama kaysa inakala niya. Sinundan niya ang mga yapak ng kanyang ama bilang isang mangingisda—at bilang isang guro.
Sa pangalawang linggo ng pangingisda ni Ezra, itinanong ng kanyang kaibigang si Fetu kung puwede siyang sumama at matuto. Tinuruan ni Ezra si Fetu kung paano mangisda, at tinulungan ni Fetu si Ezra sa kanyang gawain at sinamahan ito.
“Nagpapasalamat ako sa oportunidad na turuan ang iba tulad ng pagtuturo ni Itay sa akin,” sabi ni Ezra. “Masaya ako na hindi lamang ako isang mangingisdang tulad ni Itay ngunit isang guro din.”
Turuan ang Tao na Mangisda
Sinasabi sa salawikain na kung binigyan mo ng isda ang tao, may kakainin siya sa loob ng isang araw, ngunit kung tuturuan mo siyang mangisda, may kakainin siya habambuhay. Ginawa ng ama ni Ezra ang pangalawa.
Gayunman, marami pang natutuhan si Ezra sa kanyang ama bukod sa pangingisda. Nalaman niya na makaaasa siya sa kanyang Ama sa Langit. Ang kaalamang ito ay mas makatutulong sa buong buhay niya kaysa sa kakayahan niyang mangisda.
Dahil nalalaman niya kung gaano niya kailangan ang tulong ng kanyang Ama sa Langit, tinitiyak niya na nagagampanan niyang mabuti ang kanyang tungkulin bilang priest, at ang ama niya ang nag-ordena sa kanya sa katungkulang ito isang linggo bago ito pumanaw. May iskedyul rin ang pangingisda para may oras siya sa kanyang pag-aaral at sa seminary.
Ang isa pa, nagtatabi siya mula sa kita niya sa pangingisda nang sa gayon balang-araw maaari siyang maging mamamalakaya ng mga tao (tingnan sa Mateo 4:19).
“Sa isang family home evening namin, binanggit ni Itay ang kanyang hangaring makapagmisyon kaming lahat,” sabi ni Ezra. “Iyan ang pinakamithiin ko.”
Naaalala ni Ezra na sinagot siya ng Panginoon nang manalangin siya. “Gusto kong makasagot sa Kanya kapag tinawag Niya ako.”