Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko masasabi kung ang mga pagsubok sa akin ay para tulungan akong maging mas mabuti o kung paraan ito ng pagbibigay-babala ng Ama sa Langit na naliligaw ako ng landas?”
Ang mga pagsubok ay makatutulong sa iyo na maging mas mabuti—anuman ang layunin ng mga ito—kung gagamitin mo ang mga ito upang umunlad sa espirituwal.
Ipaaalam ng iyong konsiyensya kung mali ang tinatahak mong landas. Kung hindi maganda ang pakiramdam mo sa isang bagay na iyong nagawa, manalangin sa Ama sa Langit at humingi ng tawad sa Kanya. Sikaping maayos ang mga problemang idinulot mo. Maaari ka ring humingi ng payo sa iyong mga magulang at lider sa priesthood. Ang mga hakbang na ito ay tutulong sa iyo na mas gumanda ang iyong nadarama at magpatuloy sa tamang direksyon.
Ang mga pagsubok na hindi bunga ng kasalanan ay makatutulong din sa iyo na maging mas mabuti. Ang ganitong mga uri ng pagsubok ay susubok sa iyong pananampalataya o pagtitiis o magtuturo sa iyo tungkol sa iyong sarili. Upang magamit ang mga pagsubok na ito sa iyong pag-unlad, tanungin ang iyong sarili kung ano ang matututuhan mo sa mga ito at ano ang mas maganda mo pang magagawa.
Ang iyong pananampalataya ay mapalalakas sa mga pagsubok kung hihingin mo ang tulong ng Ama sa Langit. Tulad ng ginawa ng Tagapagligtas noong Siya ay nagdurusa, makapagdarasal ka “ng lalong maningas” (tingnan sa Lucas 22:44). Maaaring alisin ng Ama sa Langit ang pagsubok, o palakasin ka Niya upang makayanan itong mabuti (tingnan sa Mosias 24:14–15).
Makatutulong ang mga Kaibigan at Pamilya
Isa sa mga paraan na binabalaan ako ng Ama sa Langit kapag ako ay nalilihis ng landas ay ang Kanyang pagbibigay-inspirasyon sa mga kaibigan o kapamilya na ibahagi ang kanilang patotoo o personal na karanasan sa akin. Kung nakonsiyensya ako o hangad kong magbago habang ibinabahagi nila ang kanilang mga nadarama, alam ko na kailangan kong magsisi at baguhin ang ilang bagay sa buhay ko.
Luis S., edad 17, Florida, USA
Alamin sa Puso Mo
Alamin sa puso mo kung ang ginagawa mo ba ay talagang yaong ipinagagawa sa iyo ng ating Ama sa Langit. Nasa ating buhay ang Espiritu Santo na magtuturo sa ating gawin ang mabuti sa halip na masama. Kung hahanapin mo ang Diyos at magtatanong, ipakikita sa iyo ng Espiritu Santo ang dapat mong gawin. Magturo man o magbabala ang pagsubok, pareho pa rin ang layunin nito: ang tulungan kang umunlad at maging ganap kay Cristo kung kikilos ka nang may pananampalataya at pag-asa sa Panginoon.
Emily B., edad 18, California, USA
Aaliwin Ka ng Panginoon
Nilayon ng Ama sa Langit na lahat ng pagsubok ay maging mga karanasang magpapalakas at huhubog sa iyo na maging mas mabuting tao. Ito ay depende na sa iyo. Alam ko na may ilang mahihirap na pagsubok na parang hindi natin makakayanan, ngunit tutulungan tayo ng mga ito sa tamang panahon kung may pananampalataya tayo. Sinisikap kong maalala sa tuwina ang sinabi sa atin ng Panginoon: “Hindi ko kayo iiwang magisa: ako’y paparito sa inyo” (Juan 14:18). Sa kaalamang ito madadaig mo ang anumang pagsubok na nararanasan mo, at lalakas ka. Kung dama mo na tila binabalaan ka ng Ama sa Langit na mali ang tinatahak mong landas, manampalataya at makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu upang makahawak ka sa gabay na bakal. Mahal ka Niya at hangad Niya palagi na maging pinakamabuti ka sa abot na iyong makakaya habang tinutulungan ka Niya sa pagtahak sa buhay.
Olivia B., edad 18, Minnesota, USA
Pag-isipan Ito
Dama ko na ang pinakamainam na paraan upang malaman ang layunin ng pagsubok ay ang ipag-ayuno at ipagdasal ito nang taimtim. Sikapin ding pag-isipan ito. Kung nadaig mo ang pagsubok, magiging mas mabuti ka bang tao o ganoon ka pa rin? Kung sa palagay mo ay mas magiging mabuti ka at mas magiging maligaya ka kapag nalampasan mo ang pagsubok, ibig sabihin nasa tamang landas ka.
Ammon K., edad 16, Utah, USA
Manatili sa Tamang Landas
Dapat nating basahin ang ating mga banal na kasulatan at manalangin sa araw-araw, at kung ginagawa natin ang mga bagay na ito at nakaayon sa Espiritu Santo, ipaaalam sa atin ng Diyos ang dapat nating piliin at hindi dapat piliin. Kung sa palagay mo ang tinatahak mong landas ay hindi ang pinili ng Ama sa Langit para sa iyo, lisanin mo ito. Laging manatili sa makipot at makitid na landas.
Elizabeth P., edad 15, Pennsylvania, USA
Ipanalangin na Matuto sa mga Pagsubok
Palagi tayong binibigyan ng ating Ama sa Langit ng mga pagsubok habang tayo ay nabubuhay, at ang mga ito ay nagpapalakas sa atin sa Kanyang ebanghelyo at sa ating pananampalataya. Kung tayo ay nasa masamang landas, iyan ang ibinunga ng maling pagpili natin. Palaging manalangin upang mapalakas ka at matulungan ng Diyos na mahiwatigan ang mabuti sa pagsubok na iyan. Matibay ang patotoo ko na ang mga pagsubok na inilalagay ng Ama sa Langit sa ating daraanan ay nagpapalakas sa atin, nagdaragdag sa ating patotoo, tumutulong sa atin na huwag muling madapa at tulungan ang iba sa pamamagitan ng ating karanasan.
Ruddy R., edad 17, Guayas, Ecuador
Ang mga Pagsubok ay Maaaring Magbabala
Sa palagay ko ang lahat ng pagsubok ay nilayon na magpalakas sa atin, kahit na kung minsan tila hindi ito ganito. Noong ako ay 14 na taong gulang, nagkasakit ako at walong buwang hindi nakapasok sa paaralan at nanatili sa bahay. Ang pagsubok na ito ay mas nagpabuti at nagpalakas sa akin. Nakatulong iyon para pahalagahan ko kung ano ang mayroon ako. Kung minsan ang mga pagsubok ay dahilan upang suriin nating muli ang tinatahak ng ating buhay, kaya ang mga ito ay magandang babala sa atin.
Jennifer P., edad 17, North Island, New Zealand
Magtiis
Kung ang paghihirap ay dulot ng paglabag sa utos, ibig sabihin malamang na isang babala ito. Ngunit kung ito ay hindi mo kagagawan, marahil narito ito para tulungan kang umunlad. Manalangin at magtanong sa Ama sa Langit kung may bagay na kailangang baguhin o matutuhan sa karanasang ito, at kung mayroon, hilingin sa Kanya na ipaalam ito sa iyo. Ipanalangin na bigyan ka ng lakas at kapanatagan. At magtiis; baka malapit nang dumating ang sagot.
Michaela P., edad 17, Idaho, USA