Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Pagtatayo sa Matibay na Pundasyon
Ang patotoo ay maaaring maging matatag.
Hindi kalayuan mula sa kalakhan ng Ohio River makikita ang isang maliit na bayan sa hangganan ng Louisville, Kentucky, na tinatawag na Anchorage. Dating isang sakahan kung saan huling idinadaong ng kapitan ang barko, ito ay naging tirahan ng mga pamilya na iba’t iba ang pananampalataya.
Natutuhan ko sa simbahan doon, sa tahanan, at habang sinisiyasat ang kamangha-manghang likha sa ilalim ng mga kahoy ng puno ng sycamore, oak, maple, chestnut, at willow, ang isa sa mga pangunahing paniniwala ng Kristiyanismo: na si Jesus ay dumating bilang dalubhasang guro, binibilinan tayo na mamuhay sa kabutihan at katapatan.
Ang mga magulang ko ay mabubuting tao at tapat sa kanilang simbahan. Tinuruan nila ako kung paano maging isang mabuting tao at na may ilang mga bagay na tama, tulad ng pagiging mabait sa kapwa, at may ilang mga bagay na mali, tulad ng pagnanakaw. Sa kabilang banda, itinuro din nila na ang pinaniniwalaan ng isang tao na totoo ay kasing totoo rin ng pinaniniwalaan ng isa pang tao, kahit na ang mga paniniwalang iyon ay magkaiba ng batayan. Sa pilosopiyang ito, sa pagkakaunawa ko, walang alituntunin na walang hanggan na akmang-akma para sa lahat, mga personal na pananaw lamang na karapatan at obligasyon ng matatalinong tao na alamin ang totoo para sa kanilang sarili.
Dahil sa kinasasaligang mga turong iyon na may kinalaman sa asal ng tao, nahirapan akong paniwalaan ang turo sa akin ng mga misyonero tungkol sa pangangailangan sa Pagbabayad-sala, karapatan ng priesthood, at mga propeta. Katunayan, bago ako lubusang naniwala umabot sa anim na taon ng pagtatanong kung sino ako, ano ang paniniwala ko, at kung talagang may Diyos na nagtatag ng mga walang hanggang alituntunin ng katotohanan at kamalian, kasalanan at ibubunga nito.
Kamangha-manghang nakatanggap ako ng espirituwal na patunay, ngunit hindi ito dumating sa akin hangga’t hindi sapat ang pagpapakumbaba ko para matanggap ito. Unang dumating ang patotoo tungkol sa binyag, pagkatapos sa Aklat ni Mormon, pagkatapos kay Joseph Smith bilang totoong propeta. Sumunod ang karagdagang mga patotoo, nang taludtod sa taludtod, hinggil sa mga propeta at apostol ngayon.
Sa huli, dumating ang sandali sa buhay ko na hindi lang ako basta naniwalang totoo ang ebanghelyo—alam kong totoo ito. Ang maraming maliliit na patotoo ay lumikha ng isang pundasyon na nagpatibay sa aking pananampalataya, isang proteksyon laban sa paghina ng patotoo.
Karapatan natin na humingi ng mga sagot sa Panginoon. At dapat patuloy nating pangalagaan ang ating espirituwalidad sa araw-araw upang manatiling malakas ang ating patotoo. Ngunit alam ko rin na sa programa ng Panginoon, hindi makatutulong ang palaging pagtatanong tungkol sa mga alituntuning napatotohanan sa atin. Katunayan, maaari itong humantong sa apostasiya.
Hindi na ako nalilito pa ng mga turo noong aking kabataan. Alam ko na kapag nagsalita ang propeta, ang kanyang mga salita ay mula sa Diyos. Kapag may mga pangyayaring sumusubok sa aking patotoo, nagtitiwala ako sa patotoong natanggap ko na, at pagkatapos ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko upang ipamuhay ito. Iyan ang daan tungo sa kapayapaan; iyan ang daan tungo sa kaligayahan.